top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | March 7, 2021





Nakalulungkot man at nagkakahiwalay ang mag-asawa kung saan napag-uusapan isa rito ang kani-kanyang katwiran kung sino ang masusunod sa bawat isa para sa kustodiya ng kanilang mga anak. Ang mga bata ngayon ang siyang napagbabalingan ng tensiyon. Dito na nagsisimulang magtalo ang magulang kung sino ang mangangalaga sa kanilang mga naapektuhang anak. Kung alam mo sa iyong sarili na higit mong mapangangalagaan ang mga anak pero nagmamatigas ang ex, mas mainam na maging handa sa ganitong punto ng pakikipaglaban.


Pero bago pa maitakda ang usapin sa korte at kumuha ng abogado, heto ang ilang hakbang na magagawa para maproteksiyunan ang sarili sa anumang pagtatalo.


1.Bago gumawa ng anupaman, sikapin na maisaayos nang husto ang custody arrangement sa ex. Iwasang mauna ang galit sa bawat isa. Maging kampante ka lamang, tiyaking hindi masasangkot sa anumang argumento ang mga bata at huwag magmumurahan sa harap ng mga anak. Walang rason para kabahan at mataranta ang mga bata lalo na kapag mag-uusap kayo hinggil sa naturang isyu.


2. Kung hindi pa rin kayo magkaintindihan na dalawa sa isang kasunduan pagdating sa pangangalaga sa mga bata at alam mong ang legal na pamamaraan na lamang ang mga abogado na ang siyang makatutulong sa inyong dalawa upang malutas ang isyu, magpatuloy sa pagbabasa ng tips dito.


3. Irekord ang lahat. Maghanda ng isang magandang digital recorder. Kung sasabihin mo sa iyong abogado na binabantaan ka ng iyong ex, hindi ito paniniwalaan sa korte maliban lang kung wala kang matibay na ebidensiya. Wala nang pinakasolidong ebidensiya kung wala kang voice recording ng iyong ex na nagsasaad ng eksaktong gusto nilang marinig. Itago ang recorder sa lugar na ligtas at ihanda ito bago pa siya kumatok. I-on na ito agad kapag nagsimula na kayong mag-usap hinggil sa isyu. O kaya naman ay ilagay sa speaker ang phone kung mag-uusap at i-record ang mga pinagsasabi niya.


4. Matapos ang recording, isulat na agad ang mga narinig sa isang digital file. Sa paraan na iyan, ang lahat ay handa para ilatag sa korte. Isa pa, mas mainam na itong record na marerebisa kapag makakausap na ang abogado hinggil sa naturang isyu.


5. Itala sa isang journal ang lahat ng oras na nailaan ng iyong anak sa piling mo, at ang dami ng oras at panahon na inilaan ng bata sa iba niyang magulang. Magdagdag din mga bagay na mahalaga. Halimbawa, kung ang inyong pangunahing argumento kung saan ang iba pang magulang ay hindi ibinibigay para sa inyong anak, gumawa ng note sa file kung saan ang ex ay minumura ang 3-anyos ninyong anak. Ilista rin ang oras (anuman ang edad at maging tapat) sa anumang komento hinggil sa kondisyon ng bata sa piling ng iba niyang magulang o iba pang bagay na naisumbong ng bata. Ang ebidensiya na ito ay mahalaga sa anumang kaso.


6. Magkaroon ng aktibong bahagi sa buhay ng anak kung dati ay hindi. Dumalo sa PTA meeting kahit sa online lamang sa regular na basehan at kilalanin ang iba pang mga magulang na makikilala upang matulungan ka na masuportahan sa anumang balakin at layunin sa buhay alang-alang sa iyong anak.


7. Maging aktibo sa pag-aaral ng anak araw-araw at kausapin ang guro at maging pamilyar sa kanilang listahan, magpakilala rin sa ibang magulang. Kung magagawa mo, tumulong ka rin sa klase para maalala ka rin ng ibang bata at malaman nila kung anong uri ka ng magulang.


8. Maging alisto sa anumang isyung medikal. Kung may nagmalasakit na nagsumbong na ibang magulang na inabuso ang iyong anak, dalhin siya sa doktor at ipakita ang bawat marka ng galos o pananakit na iyong makikita. Sa paraan na ito, at least dokumentado ka sa gagawing reference para na rin sa kanilang kalusugan at kaligtasan, sapat na ito para ito ay masuri ng abogado.


9. Magkaroon ng suporta. Kailangang malaman ng pamilya at mga kaibigan ang mga bagay na ito at gamitin ito para sa dagdag na mga ideya. Sa mas marami pang suporta at least magkakaroon ka ng dagdag na tapang at kumpiyansa upang makapagpatuloy sa buhay sa mas mainam na iyong gagawing desisyon na mapangalagaan ang mga anak.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | March 6, 2021





Maliban sa loro, hindi pa kahit kailan mapigura ng mga siyentipiko kung paano makapagsasalita ang iba pang hayop upang maipahiwatig ang kanilang kagustuhan o niloloob. Pero natuklasan ng mga mananaliksik ang iba pang mga kilos o galaw hinggil sa ating mga alagang hayop kung may nais silang ipahiwatig.


At ang tunay na pag-unawa sa kanila ay isang tiyak na susi upang mas masaya ang relasyon nito sa kanyang amo, anang veterinarian na si Laura Pasten, D.V.M. Handa ka na bang malaman kung anu-anong mga kilos nila ang puwede mong malaman ang pahiwatig? Heto ang mga nakasosorpresang bagay.

  1. NGUMINGITI SILA - Tulad din ng tao, ang iyong tuta at kuting ay mayroon ding facial muscles na kanila ring ginagamit kapag feeling friendly sila o masaya, pansinin mo iyan na parang nakangiti ang aso mo, oo, totoong nakangiti nga siya at masaya, ani Warren Eckstein, may-akda ng How to Get Your Dog To Do What You Want. Tama ka, kapag nakalabas ang kanyang dila at ngipin, masaya sila. “Akala ng mga tao, nang-iinis lang ang aso, pero ang totoo, nakangiti siya,” aniya. Ang pinakamadalas ngumiti? Dobermans at Samoyeds, ang totoo, ang Samoyeds na klase ng aso ay minsang tinatawag na “the smiling dogs of the North!”

  2. NAMI-MISS KA NILA KAPAG WALA KA! - Sa isang hidden-camera na videotape ay naipakita na nakahiga ang isang aso na mag-isa sa kama ng kanyang amo at mas nakapuwesto pa siya sa lugar kung saan naroon ang pinakamalakas na amoy ng kanyang amo. Kaya bago ka umalis ng bahay, ikalat mo ang iyong mga damit na hindi pa nalabhan sa ibang sulok ng bahay at buksan ang radyo para makakarinig ang aso mo ng sound ng boses ng tao at hindi siya masyadong mangulila.

  3. NANANAGINIP DIN SILA. Napansin mo ba kung minsan ang iyong alagang pusa habang natutulog ay kumikislot ang kanyang ilong at ang kanyang mga paa ay ginagalaw-galaw din niya? Nananaginip kasi siyang may hinuhuli siyang daga! Lahat ng hayop ay nananaginip at kung minsan ang iba ay binabangungot, ani Eckstein. Para hindi siya madalas na ganito, kailangang pagkagising niya ay ialo siya na parang bata.

  4. ANG IBA AY PARANG SINGTALINO NG TAO. “Ang loro ay may talino na katulad ng isang 5-taong gulang na bata,” ani pet intelligence researcher Irene Pepperberg, Ph.D., Ipinakita sa pag-aaral na kaya nilang maglarawan ng isang bagay sa pamamagitan ng vocal label at natututunan nila ang tungkol sa kulay, hugis at bilang ng hanggang anim. Kaya kung may alaga kang loro, ang payo niya, tiyakin na lagi siyang tinuturuan, mula sa mapaglarong mga bagay hanggang sa mga puzzle toys.

  5. DOBLENG TALAS ANG KANILANG PANDINIG. Ang pandinig ng pusa at aso ay dobleng talas kaysa sa tao ay mabilis silang mag-react sa tunog at maging sa frequency spectrum lalo na kung aalertuhin, kaya naman nai-stress sila kapag nakaririnig ng kulog at sirena. Pero ang mga pet music researchers ay nag-develop ng CD na nababawasan ang high at low-end frequencies para hindi siya nerbiyusin.

  6. MALAKAS DIN ANG KANILANG MEMORYA. Ayon sa pagsasaliksik, ang isda ay kayang makaalala ng hanggang tatlong taon, tulad ng dolphins. Habang walang sinuman ang makapagsasabi kung gaano karaming detalye ang naalala ng isang isda, sinang-ayunan ng mga siyentipiko ang pagtuklas nang minsang matipon nila ang ganitong impormasyon, ani Eckstein.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | March 5, 2021





Ika nga nila kapag ang isang college graduate ay may pangarap na uri ng trabaho at kailangan na niyang magsimulang magkaroon ng training para sa kursong kanyang tinapos dapat niya muna itong maging perpektong maisaayos at maipasa upang tuluyan siyang ma-hire bilang empleyado.


Tatlo o dalawang buwan pa lamang bago sumapit ang graduation kailangan na niyang magsimulang mag-training sa kanyang napipiling trabaho na bubunuin habang kailangan niyang magamit ang kanyang tatapusing kurso. Mas mainam na maisingit na niya sa kanyang oras araw-araw maski habang pumapasok pa siya sa eskuwela at may tinatapos na ilang unit sa kanyang subject ay isabak ang sarili sa tinatawag na on-the -job training.


Dito kasi mahuhusgahan ng kanyang trainor o employer ang kanyang gilas, pagka-alisto, husay, talino sa trabaho, maging ang laki ng kanyang magiging pakinabang kung sakali o kung karapat-dapat na ba siyang i-hire at kuning empleyado. Bagay na binibigyang atensiyon at itinuturo sa mga trainees ay ang pagsasalin ng skills, mula sa isang nagtatrabaho o empleyado para sa tuluy-tuloy na proseso ng trabaho.


Ang pangangailangan ng bagong empleyado para agad na masanay at maging mabilis na matuto sa lahat ng trabahong ituturo ay batay na rin sa gabay ng umaaktong supervisor niya. Ang pinakamahalagang parte sa lahat ng pagtuturo sa trainee ay ang tamang paggalang, pakikisalamuha, pakikitungo at kagandahang-asal at maging mapagkumbaba sa kanyang estado bilang baguhang magiging empleyado kung sakali. Dahil pumasa ka man bilang trainee ay papasok ka pa rin sa anim na buwan na pagsubok kung saan ay magsisilbi ka muna sa probationary period at doon ka bibigyan ng matinding evaluation o assessment kung talagang karapat-dapat ka pa ring maging isang ganap na empleyado. Para ganap na maunawaan ng isang trainee kung bakit kailangan niyang mag-training muna at pasukin ang on-the-job training.


1. Mapataas pa ang kalidad ng trabaho tungo sa mas mapag-ibayong unawa sa proseso ng kanyang mga gagawin sa susunod na pagkakataon.


2. Mapataas din ang quantity o kantidad ng trabaho sa paraan kung paano niya lulutasin ang isang problema sa kanyang mga gagawin.


3. Ito’y para mabawasan na ang masusing pagbabantay dahil sa umaangat ang tiwala sa sarili ng trainee habang kabisado na niya ang kanyang ginagawa.


4. Ang kumpiyansa, pleksibilidad o mahusay sa lahat ng bagay na staff dahil sa pakiramdam niya’y bahagi na siya ng organisasyon na tumutulong at nakikiisa.


5. Pataasin ang standard ng target na trabaho at mapatatag ang pagtutulungan ng team tungo sa tamang gampanin at tagumpay ng organisasyon o ng isang kumpanya.


6. Ang makuntento nang husto ang kumpanya sa husay ng trabaho na makatutulong ng husto sa pag-angat ng kalidad ng isang produkto, mabilis magtrabaho at magkaroon ng tamang oras na matapos ang isang produkto, mas gumanda ang kalidad ng ginagawa, mas masikap, mapagkompetensiya at makikiisa sa katrabaho para mas maabot pa ang tamang kalidad ng gawain tungo sa ikauunlad ng sinisilbihang kumpanya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page