top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | March 14, 2021





Sa 2022 pa ang eleksiyon, pakiusap lang sana sa mga pulitiko na itigil na muna ang pamumulitika at asikasuhin muna ang pagpapabilis na mabakunahan ang sambayanang Pilipino laban sa COVID-19! Nangangamoy na naman ang pulitiko na ito, pero nasaan na ba ang mga bakuna? Namamayagpag na ang kanilang mga bibig sa katatalak at sumisimple ng pagpapahiwatig para mangampanya.


Magkagayunman, sige, harapin na natin ang kasalukuyang lipunan na kailangan nang pumili ng mga bagong uupo sa ating mga lokal at pambansang lider. Huwag nating sayangin ang ating mga boto, dito mo na rin kailangang malaman kung paano gumamit ng automated counting machine. Lumahok ka para maramdaman mo kung paanong maging bahagi ng nagiging modernong paraan ng pagboto at hindi lang balota ang alam mong kagamitan sa eleksiyon.


Kaya bilang mamamayang Filipino ganito na lang ang ating gawin para hindi tayo malito sa pagpili ng mga kandidato sa eleksiyon. Alamin natin ang kanilang background. Agahan na natin ang pagbibigay ng tips na ito.


Oo, ating mga kaibigan, pamilya at media ay determinadong sabihin ang lahat kung sino ang dapat nating iboto, paano tayo gagawa ng matalinong pagpili?


1. Sikaping huwag kang padadala masyado sa silakbo ng iyong damdamin. Ang mga makapangyarihang istorya at imahe ay nasa mga internet na, ang ilan ay totoo, ang iba ay mali. Kung minsan may advertisement pa sila na magpapa-react sa iyo. Wala sa mga ito ang siyento porsiyentong tama.


2. Tandaan na ang ikaw at bawat pulitiko sa mundo ay tao pa rin. Ibig sabihin kahit sino sa atin ay nakagagawa ng mali at maaaring magbago pa ang ating isipan. Sila rin ang mga taong puwedeng makagawa ng kamalian para marungisan ang iba at sirain ang kapwa niya. Kaya ang payo natin, kapag may kilala kang kandidato na minsan nang nakagawa ng pagkakamali o pabagu-bago ang isipan at madalas itong mangyari sa kanya, hindi na magandang senyales iyan. Ang ilang pagkakamali at pagbabago ay aktuwal na repleksiyon ng proseso ng pagkatuto at magandang senyales na ang naturang kandidato ay walang katiyakan sa kanyang mga kapasyahan kahit na napatunayan nang mali ang kanyang gagawin. Pakaisiping mabuti ang bawat bagay na iyan at maging alerto ka.


3. Ang mga tao, kahit ang ating pinakamabuting kaibigan ay puwede kang himukin sa isang kandidato na napipili nila. Mainam na rin ang makinig para mas makasagap pa ng tamang impormasyon. Pero tiyaking hindi lang iilang tao ang pakikinggan kundi mas marami kaysa ang sundin ang isang tao na porke gusto mo lang siya at nirerespeto mo.


4. Magsaliksik pa at magbasa pa nang dagdag na iba pang mga impormasyon hinggil sa kasaysayan at public records ng mga nagawa nang makabuluhang proyekto ng kandidato sa nakaraan. Ito na rin ang magpapalinaw sa iyo hinggil sa katotohanan, anuman ang sinasabi ng iba tungkol sa kandidato.


5. Pinaniniwalaan na ang pinakamainam na paraan para malaman ang katotohanan ay iyong ayon na rin sa iyong kakayahan. Unang-una, pagpasyahan kung saan ka nakapanig sa naturang isyu. Hindi mo kailangan na ibatay sa iba ang iyong paniniwala. Gawin ang sariling pagsasaliksik. Huwag dedepende sa ibang tao (kahit pa sobra nila itong hinahangaan), ang media (lalo na ang pinakamalaki pang balita o banner sa mga diyaryo na kadalasang palasak na talaga sa panahon ng pamumulitika) o kaya naman ay campaign ads (na may INTENSIYON na magmanipula).

Tandaan na halos lahat ng panggagalingan ng impormasyon na ito ay ayon na rin sa kanilang haka-haka, bagamat hindi dapat sabihin ay sasabihin, maabot lang ang antas ng kanilang gusto, makahimok lang ng boto.


Ang pinakamainam na magagawa bilang mamamayang Pinoy ay pag-aralan ang iba’t ibang impormasyon. Kabilang na ang tumututol na ideya sa iyong mga pananaw. At kapag dama mo na nakakuha ka ng sapat na impormasyon para sa iyong matalinong pagpili ayon sa abot ng iyong makakaya, congratulations dahil nariyan ka na sa tamang katotohanan na ayon na rin sa iyong pianiniwalaang nakuha mo.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | March 13, 2021





Alam mo na rin siguro kung ano ang kahihinatnan ng iyong pakikipagtalo sa isang tao na maraming kakampi, pero dahil ikaw lang ang taong pagod na sa ugali niya, heto ang mga dapat mong gawin kung paano mo malalampasan ang problemang dumarami ngayon ang kontra sa’yo o bashers mo dahil sa nagawa mo.


1. MANATILING KAMPANTE. Kung iniintriga ka ka, maging kampante. Naguguluhan ka man sa ganitong sitwasyon, manatiling kampante at tanungin sila, “Bakit mo sinasabi sa akin ang mga pinagsasabi niya tungkol sa akin, pero magkagayuman, salamat at pinaalam mo sa akin, pero wala akong paki kung marinig ko man.”


2. MAGKAROON NG ILANG SUPORTA. Tiyakin na mayroon ka pang iba pang dalawang mapagsuportang kaibigan o kahit na kapamilya para matulungan ka sa gitna ng mga problema. Ipaalam sa kanila kung ano ang tunay mong nararamdaman.


3. IPAHAYAG ANG IYONG DAMDAMIN. Magkaroon ng notebook at isulat ang lahat ng iyong iniisip at mga sama ng loob pero kung kaya mong ipahayag o ilabas ang iyong damdamin sa ibang paraan ay magsulat ng awitin, mag-ehersisyo at asikasuhin ang sarili, magpaganda o magpapogi.


4. MANATILING KUMPIYANSA AT LAGING NGINGITI. Manatiling magpatuloy sa buhay sa normal na estado at huwag nang pansinin ang lahat ng negatibong komento ng ibang tao.


5. HUWAG TATAKBO. Huwag tatakbuhan ang sitwasyon, ang pagtalikod sa problema ay hindi nakalulutas ng kahit ano.


6. MAKINIG, MAGBASA O OBSERBAHAN ANG ISANG BAGAY NA MAY KAUGNAYAN SA INYONG SITWASYON. Makinig sa awitin, magbasa ng aklat o manood ng movies na may kaugnayan sa iyong sitwasyon. Ito’y para malaman mo na hindi ka nag-iisa at mabigyan ka ng lakas ng loob na mapanghawakan ang problema.


7. KAUSAPIN ANG MGA KAIBIGAN NA KUMOKONTRA SA’YO. Para mas maging maayos kayo ng naturang tao, tawagan sila o mag-video call at kausapin sila. Komprontahin sila sa isang karespe-respetong paraan at kapwa kayo makinig sa bawat isa. Pero kung ayaw niyang makipag-usap nang matino, talikuran at hayaan na siya.


8. MAGING MAPAGPASENSIYA AT MAGKAROON NG KUMPIYANSA. Subukang kausapin sila kalaunan. Kung mabuti naman silang tao at nauunawaan nila, mapag-isip-isip din nila iyan at magiging kaibigan ka nila.


9. Manatiling magtiwala sa sarili sa lahat ng oras, anuman ang mangyari.


10. Kailangang maayos ka sa iyong hitsura, para wala silang maipintas sa iyo ng kahit ano. Palagiang ngumiti, iwasang maging masungit.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | March 11, 2021





Tingnan mo lang daw ang isang tao sa kanyang ilong ay malalaman mo na kung gaano kahaba ang kanyang buhay o itatagal niya sa mundong ito.


Bagong diskubre ito ng mga Japanese geneticists, ang hugis at laki umano ng isang ilong ng tao ay puwedeng maging sukatan ng kanyang ilalagi sa mundong ito.


Ang breakthrough na ito ay tinuklas ni Dr. Takeo Suzuki kasama ang iba pa sa Institute for Genetic Research sa University of Tokyo. Nadiskubre nila na ang gene na tinatawag na T56m4, sa chrosomose 12, ay magkaugnay ang ilong at haba ng buhay.


Ang multi-purpose gene na tinatawag ay may iba pang pakinabang at ang iba pang research ay isinasakatuparan para madetermina kung ano ba ang mga iyon. “Ang medisina kasi ay tumutuklas kung paano nga ba mas hahaba pa ang buhay ng tao hanggang 100 taon o higit pa,” ani Dr. Suzuki. “Maaaring depende ito sa diyeta at ehersisyo, pero sa simpleng hugis lang daw umano ng ilong malalaman ang lahat ng ito.”


Naglabas ng konklusyon sina Suzuki matapos na maingat na sukatin ang mga ilong ng higit sa 40,000 mga bangkay mula sa 22 mga bansa at ikumpara na ang datos sa edad kung kailan namatay ang mga naturang subjects.


Ang link ay kaugnay na rin sa lahat ng lahi at nasyonalidad. “Sa ibang salita, ito ang universal predictor ng longevity,” ani Suzuki. “May epekto ito sa Swedes at mga Aprikano sa gubat.”


Sa pangkalahatang termino, habang mas malaki umano ang ilong, mas mahaba umano ang buhay. Ang laki ay kabilang na ang haba at lapad na may kaugnayan sa laki ng mukha. “Ang mathematical formula ay medyo komplikado, pero sa malawakang termino kung sadyang may mahaba, malapad kang ilong, mas hahaba pa ang iyong buhay, malayo sa anumang aksidente,” ani Suzuki.


“Kung si Pinocchio ay naging isang tunay na tao, maaari niyang napahaba pa ang kanyang buhay sa tuwing magsasabi siya ng kasinungalingan.”


“Ang pinakamalaking ilong na aming nasukat ay ang sa Italyano. Ito ay 6 na pulgada ang haba at 3 ½ inches ang lapad. Nabuhay siya ng 125 na taon at malusog siya hanggang sa siya ay mamatay.”


Inamin ni Suzuki na ang kanyang diskubre ay kontrobersiyal pero nag-aalala siya hinggil sa negatibong sikolohikal na reaksiyon na maaaring mayroon sa isang tao na maliit, cute, sapad o pango ang ilong na gaya ng manunulat na ito hehehe.


Ang mahalaga may ilong ka nang ipinanganak,” aniya. Hindi naman sagot ang plastic surgery para patangusin at palakihin ang ilong at pahabain pa ang iyong buhay. Hindi naman hinihikayat dito na magpa-noselift ka.”


Aminado naman si Suzuki na siya ay pango rin naman. “At least ngayon alam na namin ang totoo. Mapaghahandaan naman namin ang sarili kung mawala man sa mundong ito.”

 
 
RECOMMENDED
bottom of page