top of page
Search

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 09, 2021




Sa espesyal na araw ng mga Ina, bigyang pansin ang kanyang sipag at pagmamahal bilang nanay, parangalan ang espesyal na ina sa buhay, ang iyong kapatid na isang ina, lola, asawa, kaibigan o biyenang babae sa pamamagitan ng unique at creative ways na magpapasaya sa kanya.

1.Alukin si nanay na magkaroon ng tsansa na tumuklas ng bagong pagkakaabalahan niya. Kung may gusto siyang gawin na dati na niyang gustong gawin, tulad ng sining ng pagtugtog ng piano, gitara o iba pang instrumento, pagbe-bake, pagkanta o pagtse-chess, i-enroll siya para sa naturang pag-aaral online.Kumontak sa mga social media community centers, mga guro o organisasyon para magtanong. Kung gustung-gusto niyang laging naggigitara o nagpi-piano, umarkila ng isang set nito at puwede siyang maturuan sa isang online class.

2.Bumili ng isang flat ng halaman o bulaklak para sa kanyang hardin at itanim ito sa puwestong kanyang pinili sa hardin o kaya ay ilagay sa kanyang vegetable garden.

3. Hayaan siyang makapag-relaks puwede siyang masahihin tulad ng ginagawa sa mga spa o massage parlor. Bigyan siya ng link online o magasin o aklat na magtuturo para manatili ang kanyang beauty treatment.

4.Bigyan siya ng computer tablet para maka-hook up siya sa Internet o bilhan siya ng bagong cellphone lalo na kung lagi niyang sinasabi na, “Hindi ka man lang tumatawag, hindi ka man lang sumusulat!”

5. Maglaan ng isang maliit na container at itanim ang mini herb garden para may inaamuy-amoy siya habang nagluluto.

6. Ipa-matt ang ilang paboritong larawan ng pamilya at ipa-frame ito para masiyahan siya.

7. Bigyan siya ng link sa social media o youtube para sa mga aerobic class at pakitaan siya ng ilang sesyon ng yoga, tai chi o kaya isang training sessions, mas mainam kung sasabayan mo siya habang sinasabayan ninyo ang video.

8. Ipagawa ang kayang makinang panahi kung hindi na ito umaandar.

9. Tipunin ang pamilya sa loob ng bahay at magsuot ng pinakamagaganda nilang damit at ihanda ang tripod para kunan ng portrait ang buong pamilya. Swak na palakihan ang litrato at saka ito ipa-picture frame. Pumili ka ng shots na palalakihan, nang sumunod na malaki hanggang sa pinakamaliit.

10. Kung may gift check ka, bigyan siya nito mula sa paboritong tindahan na karaniwang marami siyang gusto na puwede niyang magamit 'yan para makabili.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | May 07, 2021


Bago pa man pumutok ang pandemic ay nagsisimula ka nang maghanap ng trabaho, ngayong hindi pa tapos ang krisis ay may lakas ng loob ka bang ituloy ang job searching? O kaya naman ay ibang trabaho ang gusto mong subukan dahil sa pagtamlay ng dating kita bunga ng pandemya. Unang-una sa tips ng siliconrepublic:


1. PALAKASIN ANG TIWALA SA SARILI. Tseking mabuti ang mga accomplishments at tagumpay mula sa pagsubok na pinagdaanan at nalampasan ito nang mahusay. Diyan makukuha ang kumpiyansa kung uulit-ulitin ang positibong pag-iisip sa tuwing gigising sa umaga at bago matulog, minumuni ang mga naisakatuparan sa araw at konsentrahin ang sariling landas sa pag-asenso at paglago ng propesyon sa halip na ikumpara ang sarili sa iba.


2. LAWAKAN ANG PAG-IISIP. Sa halip na isipin ang susunod na dati nang kinaugalian, konsiderahin ang kabilang yugto ng career move na malay mo mas okey sa'yo. Isipin ding mabuti ang industriyang papasukin sa job searching. Ang ilang sektor, tulad ng teknolohiya, life sciences o may kinalaman sa kalusugan, pagnenegosyo online o e-commerce, food industry, agriculture ay available na maging trabaho ngayon, kaya dito ka magkonsentra.


3. TANGGAPING LILIKO KA NG CAREER ROAD. Hindi pag-angat ang susunod mong gagawin. Kundi liliko ka sa bagong industriya o kaya ay piliin mong bumalik sa pag-aaral. O kung may offer ang isang organisasyon na ramdam mong interesado ka at rewarding ito sa pagbabago ng career, go ahead.


4. PAG-ISIPAN AT I-EVALUATE ANG GUSTO MO. Ito na panahon para sa isang career na magiging pangmatagalan. Ang pagbabagong ginawa ng pandemya ang nagpatibay sa oportunidad para harapin ang talagang gusto mo sa buhay at sa trabaho.


5. IPAKILALA ANG SOFT SKILLS. Sa survey ng mga unemployed jobseekers, 57pc ng respondents ay hindi nila mailarawan ang babaguhin nilang skills kung kumpiyansa ba siya habang may 58 pc ang hindi tiyak kung ilalagay pa sa CV ang binagong skills. Ngayon ang panahon na maging pamilyar sa kakayahang gawin para maging handa sa posibleng future changes at palakasin ang competitive advantage laban sa ibang aplikante.


6. IBIDA ANG BAGONG UPSKILL. Kung alam na sa sarili ang babaguhing skills para maka-move ng career, good idea na patatagin at gawing aktibo ang paghasa sa kakayahan. Gamitin ang tamang resources tulad ng online. Ang pagbibida sa bagong skills ang tutulong para makahanap ka ng bagong trabaho at maipakita sa employer na kaya mong matutunan ang lahat sa industriya.


7. BAGUHIN ANG CV. Pumapasok ka sa bagong era ng trabaho, mahalagang mailako ang iyong sarili sa employers. Baguhin ang CV ayon a tema ng algorithms o iyong may mga keywords para mas madaling makita ang personal ID mo online o sa social media.


8. MAGKAROON NG SARILING TATAK. Ngayon na kailangan magkaroon ng sariling personal brand, tulad ng unique na paggamit ng social media kung saan ipinakikita ang mga expertise sa kung anong larangan ka malakas. Regular mong ia-update at magdagdag ng bagong skills na natutunan. Puwede ring mag-share ng mahahalagang balita sa iyong network hinggil sa papasuking trabaho o kaya ay magsulat ng blogs para mai-share ang personal na opinyon sa bagong nangyayari sa mga tao, bagong trends o iba pang nababalitaan sa lipunan. Ito'y para lagi kang visible at aktibo sa larangan.


9. MAGHANDA SA VIRTUAL INTERVIEWS. Ito na ang uso ngayon. Dapat ma-perfect ang galing sa virtual interview. Presentable ang suot, buhok at malinis o maliwanag ang mukha habang iniinterbyu sa laptop, tablet o cellphone.

10. INGATAN ANG KALUSUGAN. Nasa health crisis tayo ngayon, kaya iba-iba ang emosyon ng tao. Dagdag pressure ito sa job searching. Wala kang dapat iisipin sa lahat kundi ang magdasal at maging positibo, maging mapagpasensiya at matiyaga. Habang iniingatan ang kalusugan, ang sarili ang priority list ngayon. Habang nasa proseso ka ng job search, ituring mo na bagong oportunidad ito na matuto at mahasa sa bagong industriyang papasukin.

 
 

ni Nympha Miano-Ang - @Sports | May 05, 2021




Noon, isang istrikto at madisiplinang ama ang Tatang Francisco ni Asia's Fastest Woman na si Lydia De Vega. Iyan ang tumatak sa lahat ng humanga at sumunod sa yapak ng batang si 'Diay' na hinubog nang husto sa mala-kidlat na pagtakbo nang unang masungkit ng 14-anyos na dalagitang Bulakenya ang silver medal sa 200m Track & Field meets sa bilis na 27.5 segundo sa Philippine National Junior Championship noong 1978. Nasundan agad ng back-to-back gold medal noong 1981 SEA Games sa 200 at 400 meter run na bumura sa Asian Games record.


Pagdako ng 1982 ay naka-gold sa 100-m dash sa Asiad sa India. Naduplika rin niya ang 11.53 segundong oras noong 1986 Seoul Asian Games at doon na siya itinanghal na 'Asia's Sprint Queen.' Dagdag pa ang mga prestihiyosong pagtuntong ni 'Diay' sa torneo ang pagkasungkit ng gold sa 100 meters sa SEAG (1987, 1991 at 1993). Nagreyna rin sa 200 meter event noong 1981, 1983, 1987 at 1993. Dalawang beses din siyang naka-gold sa 100 at 200 meter dash sa Asian Athletics Championships - 1983 at 1987. Hawak niya noon ang natatanging Philippine at Southeast Asian records sa personal best na 11.28 segundo.


Two-time Olympian din si 'Diay noong 1984 at 1988. Bumanat pa ng silver sa 200-m noong 1986 Seoul Asiad at sumubok pa sa long jump na replacement lang siya sa kaibigan niya, pero na-break pa niya ang record nito.


Pagsapit ng 1989 hanggang 1991, nagpahinga muna si Diay sa athletics, nagtapos ng pag-aaral dahil mahigpit ang bilin ng Tatang niya sa kanya na, "Pag-aaral muna, ikalawa ang Sports at ikatlo lang ang pag-aartista!" Dahil may mga alok na sa kanya sa paggawa ng patalastas sa TV at pelikula. Matapos makakuha ng college degree ay nagpakasal siya. Pero sumubok muli noong 1991 sa Asian Athletics at nag-7th place.


Ganap nang nagretiro ang sprinter mula sa track and field event matapos magwagi sa 100m event noong 1994-Manila-Fujian Games.


Sa hindi mabilang na talaan ng tagumpay ng legendary track queen, hindi siya binibitiwan ng kanyang coach Tatang sa paggabay sa kanya.


Ang matapang na salita ng Tatang niya ang gumuguhit sa kanyang isip at puso habang ineensayo siya ang hindi niya malimut-limutan sa tuwing marami nang sakit sa katawan ang dinaranas niya kahit gusto na niyang sumuko sa training.


Hanggang noong PANAHON ng 1993 ay itinampok siya sa isang patalastas ng MILO na may slogan na Get Your Child into Sports sa telebisyon kung saan ang inspirasyon pa rin niya na ikinuwento sa commercial ay ang mga pangaral ng kanyang ama tulad ng, "Alam n'yo maliit pa lang ako nang iminulat na ako ng Tatang ko sa Sports. Ang turo po niyang lagi sa akin ang maagang naghanda, malayo ang nararating. Iyon ang naging inspirasyon ko sa track at maging sa buhay napatunayan ko po ang batang maagang nagsimula sa sports, matibay ang dibdib, may inspirasyon ang takbo ng buhay!"


Dahil sa paglago ng sports sa bansa, muling nasundan ang patalastas niya noong 2004, kasama na ang mga sports heroes na sina gymnast Bea Lucero, basketball star Mon Fernandez, tanker Christine Jacob at taekwondo star Monsour del Rosario.


Nang yumao ang kanyang ama sa edad 84, pakiramdam ni Diay, tuloy ang legacy nito at namana pa niya ang pagiging mentor nito dahil mula 2005 ay nagsilbi na siyang coach sa track and field sa Singapore. "Kahit lugaw lang kinakain ko bago ang kompetisyon noon dahil nagbitiw na sa trabaho ang Tatang ko at ako na lang ang tinututukan niyang i-train,naintindihan ko iyon. Wala kasi akong ibang hinahanap pagdating sa finish line, kundi ang aking Tatang."


Mula noon hanggang ngayon, anuman ang panahon, tuloy ang pagiging champion sa puso at isipan ni Diay ang kanyang Tatang na unang nagpatibay ng kanyang paniniwala na may gintong nakaabang sa finish line.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page