top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | February 13, 2026



Bongbong Marcos

Photo: Bongbong Marcos / FB



Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maagang ilabas ang pondo sa mga probinsya bago pa tumama ang kalamidad.


Ito ang naging direktiba ng Pangulo kasunod ng isinagawang pulong kasama ang mga gobernador ng mga probinsyang matinding naapektuhan ng Bagyong Basyang upang tiyakin ang mabilis at maayos na pagpapatupad ng relief at recovery efforts.


Sa naganap na pulong sa Palasyo na dinaluhan din ng mga miyembro ng Gabinete, iniutos ng Pangulo ang maagang paglalabas ng pondo bago pa man tumama ang kalamidad, ang pagpapasimple ng mga proseso upang mapabilis ang pamamahagi ng tulong, at ang mabilis na distribusyon ng binhi upang agad makapagsimulang muli ang mga magsasaka.


Kabilang din sa mga direktiba ng Pangulo ang paghahanda ng financial assistance at ang pagpapalakas ng river clearing operations upang mabawasan ang panganib ng muling pagbaha.


Pinulong ng Pangulo ang mga gobernador at miyembro ng Gabinete matapos ang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education at panlalawigang local government units (LGUs) para sa classroom building program sa buong bansa.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | February 13, 2026



International Criminal Court Rodrigo Duterte

Photo: International Criminal Court (ICC)



Pinagbigyan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan ng legal team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ng prosekusyon na magdagdag ng mga bagong ebidensiya na gagamitin sa mga pagdinig.


Batay sa apat na pahinang desisyon na may petsang Pebrero 10, inatasan ng ICC Pre-Trial Chamber I ang depensa at ang prosekusyon na magsumite ng update na listahan ng mga ebidensiya bago o sa Pebrero 13, 2026.


Ito ay makaraang hilingin ng legal team ni Duterte sa ICC na magdagdag ng 78 na item sa kanilang listahan ng ebidensiya na gagamitin sa pagdinig para sa confirmation of charges.


Sa pinakahuling kautusan nito, sinabi ng ICC na ipinahiwatig ng prosekusyon na wala itong pagtutol sa pagtanggap ng 78 item ng ebidensiya.


Sinabi ng Common Legal Representatives of Victims (CLRV) na wala rin silang pagtutol sa mga kahilingan ng depensa at ng prosekusyon na magdagdag pa ng karagdagang ebidensiya.


Inilabas ng ICC ang kautusan bago ang pagdinig para sa confirmation of charges laban kay Duterte kaugnay ng umano’y crimes against humanity sa war on drugs nito.

Matatandaang sa iskedyul ng Pre-Trial Chamber I, magsisimula ang pagdinig para sa confirmation of charges sa Pebrero 23 at tatagal hanggang Pebrero 27.


 
 

ni Mylene Alfonso @News | February 13, 2026



Usec. Claire Castro - PCO

Photo: Presidential Communications Office



Pangatlo sa pinakakorup na bansa sa Southeast Asia ang Pilipinas, ayon sa Corruption Perceptions Index in 2025.


Inilapat ang index ng global anti-corruption monitor na Transparency International. 

Sinusukat umano ito kung gaano katiwali ang public sector ng isang bansa base sa pananaw ng ilang eksperto at negosyante.


“Expected po iyan dahil binuksan po ng Pangulo ang isyu tungkol sa korupsiyon. So, kung binuksan ng Pangulo ang korupsiyon, magkakaroon ng pag-iimbestiga, at ito po ang ninais ng Pangulo – maimbestigahan,” wika naman ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro sa briefing. 


“So, noong nagkaroon ng imbestigasyon, na-open ang mga natatago noon kaya nililinis po ng Pangulo ang nangyari noong nakaraan. Lahat ng dumi ng nakaraan, nililinis ngayon,” diin ni Castro.


Gayunman, hindi partikular na tinukoy ni Castro kung ano ang tinutukoy na “dumi ng nakaraan.”



Ang iskor ng Pilipinas na 32 ay mas mababa sa global average na 42 at inilalagay ang bansa sa ika-120 puwesto.


Mas mababa ito ng isang punto kumpara sa iskor nitong 33 noong 2024, na naglagay sa Pilipinas sa ika-114 na puwesto mula sa 180 bansang sinukat.


Sa iba pang mga kasaping bansa ng ASEAN, mas mababa ang ranggo ng Pilipinas kumpara sa Singapore (ika-3), Malaysia (ika-54), Brunei (ika-63), Timor-Leste (ika-73), Vietnam (ika-81), Laos (ika-109), Indonesia (ika-109), at Thailand (ika-116). Tanging ang Cambodia (ika-163) at ang Myanmar na pinamumunuan ng military junta (ika-169) ang may mas mababang puwesto sa corruption perception index.


Ang index, na binuo ng global anti-corruption monitor Transparency International, ay sumusukat kung gaano itinuturing na korup ang pampublikong sektor ng isang bansa batay sa pananaw ng mga eksperto at mga negosyante.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page