top of page
FRANKLY - NADINE, TUMAKBO NA RAW SA SIARGAO, SINUNDAN PA RIN NG WORK NILA NI ALDEN-IG _ na
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 16, 2023



SUPALPAL ANG INABOT KAY SEN. IMEE NG TAGA-KAMARANG NAG-AAMBISYONG MAGING PRIME MINISTER -- Sinupalpal ni presidential sister Sen. Imee Marcos ang Kamara sa isinusulong nitong Charter-Change (Cha-cha) dahil ayon sa senadora ay hindi raw ito lulusot sa Senado, at pagkaraan ay nagpasaring pa si Sen. Imee na mayroon lang daw atat na atat na maging prime minister kaya nais ng House of Representatives na baguhin ang Saligang Batas ng ‘Pinas.


Dahil sa statament na ‘yan ni Sen. Imee ay dapat huwag nang mag-aksaya ng oras ang Kamara sa isinusulong nilang Cha-cha, kasi nga ate na ng presidente ang nagsabi, hindi ito lulusot sa Senado, period!


◘◘◘


PANG-BAGONG TAON NG MARCOS ADMIN SA MAMAMAYAN, DAGDAG-PAHIRAP NA TAAS-SINGIL SA TUBIG -- Inaprub na ng Manila Water Sewerage System (MWSS) ang dagdag-singil sa tubig ng Maynilad at Manila Water na ipaiiral pagpasok ng January 1, 2024.


Kung tuloy na talaga ‘yan at wala nang atrasan ang taas-singil sa konsumo, masasabing ‘yan ang masaklap na pa-Bagong Taon ng Marcos admin sa mamamayan, boom!


◘◘◘


IBASURA SA 2025 ELECTION ANG MGA PULITIKONG WALANG PAKI SA PANGHA-HARASS NG CHINA SA MGA PINOY SA WEST PH SEA -- Kapuna-puna na iilang senador lang ang nagsasalita at nagpapakita ng galit sa China kaugnay sa isyung pambobomba ng tubig ng China Coast Guard (CCG) sa mga barko ng Pilipinas na nagdala ng supply sa mga Pinoy soldier na nagbabantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.


Ilan sa mga senador na “nganga” lang sa isyung ito ay re-electionist for senator at ang iba naman na tapos na ang term ay sa local position kakandidato sa 2025 election.


Kaya panawagan natin sa ating mga kababayan, ibasura sa halalan ang mga pulitikong “walang paki” sa pangha-harass ng China sa mga Pinoy sa West Philippine Sea (WPS), period!

◘◘◘


NGAYONG PANAHON NG KAPASKUHAN, PARANG KABUTENG NAGSULPUTAN ANG MGA MANRARAKET NA GAMBLING LORDS SA LAGUNA -- Ngayong panahon ng Kapaskuhan ay mistulang mga kabuteng nagsulputan ang mga raket ng mga manraraket na gambling lords sa Laguna.


Kung dati ay sina alyas "Toce," "Alvarez," "Ariza" at "Ibora" lang ang may raket na STL-con jueteng, lotteng, Ez2 at Suertes sa Laguna, ngayon ay sandamakmak na ilegalista pa ang nadagdag sa katauhan nina "Tita," "Osel," "Amante," "Timmy," "Orlan" "Jayson," "Pinky," "Nico," "Robert," "Mayang," "Vener" at “Bong”.


May impormasyon na isang alyas “Anibal” daw ang nagbigay permiso sa mga ilegalistang ito na mag-operate ng kanilang mga pasugalan sa Laguna.


Dapat ipa-raid na agad ni Laguna PNP Director, Col. Harold Depositar ang mga raket na ito ng mga gambling lords sa kanyang nasasakupan, kasi kung wala siyang gagawing aksyon ay baka bago mag-Pasko, sibakin siya ni PNP-Region 4-A Director B/Gen. Paul Kenneth Lucas sa puwesto, boom!


 
 

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | December 15, 2023


Naisama na sa United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) Representative List of the Intangible Cultural Heritage of Humanity ang piña handloom weaving ng Aklan.

 

Natutuwa tayo sa pagkakabilang ng tradisyon na ito sa intangible cultural heritage list. Nakikilala na ang Aklan piña handloom weaving hindi lang sa bansa, kundi sa buong mundo dahil sa mga obrang produkto na naitatampok sa iba’t ibang lugar.

 

Malaki ang maitutulong ng pagkilalang ito sa mga kababayan nating manghahabi sa Aklan, at nawa’y buhat dito ay lalo pang umusbong ang piña handloom weaving.

 

☻☻☻

 

Naniniwala tayong kaya rin ng iba pa nating tradisyonal na paghahabi, at maging ibang salik ng kultura gaya ng oral tradition, traditional craft, at indigenous arts na mapabilang sa UNESCO list.

 

Ngunit, kailangan ng karampatang suporta mula sa pamahalaan upang maging praktikal din para sa mga kababayan natin ang pagpreserba rito.

 

Sa harap ng banta ng pagkalimot sa mga magagandang tradisyong ito, kailangan ding mahikayat natin ang mga kabataan upang magka-interes sila na panatilihin ang mga tradisyong kinagisnan nila. 

 

☻☻☻

 

Patuloy tayong umaasa na kikilos ang pamahalaan para sa ating kultura.

 

Makakaasa rin ang ating mga kababayan na patuloy nating ipaglalaban ang pagpreserba at pagpapayabong ng ating kultura at ang mga pamana ng ating mga ninuno.

☻☻☻

 

Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.

 

Malalagpasan din natin ito.

 

Be Safe. Be Well. Be Nice! 

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

 
 

ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | December 9, 2023


Binabantayan ng Department of Health (DOH) ang pagtaas ng bilang ng mga may sakit na pneumonia.

Ito ay kasunod ng ulat mula sa Philippine General Hospital na dumarami ang tinatanggap nito na maysakit na pneumonia makalipas ang mahigit apat na buwan mula nang alisin ng pamahalaan ang public health emergency ng COVID-19 sa Pilipinas.


Dagdag pa ng PGH, pawang mga sanggol at senior citizens ang karamihan sa mga indibidwal na tinatamaan ng sakit na pneumonia at kasalukuyang naka-admit ngayon sa PGH.


☻☻☻


Dahil nga tumataas ang bilang ng mga pneumonia patients sa PGH, nanawagan ang pamunuan ng nasabing ospital sa iba pang mga local government unit hospitals na kung maaari ay ito na lamang ang umako sa iba pang mga pasyenteng tinamaan ng pneumonia.


Ito ay upang mas mabigyan ng kaukulang atensyong medikal ng PGH ang ibang mga pasyenteng mayroong severe condition.


Ayon kay PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, ang pagdami ng pneumonia patients ang isa sa mga dahilan kung bakit nagkakaubusan na ng mga kama sa kanilang pagamutan, na para sana sa iba pang mga pasyente nitong dumaranas ng ibang sakit tulad ng cancer, stroke, at inatake sa puso.


☻☻☻


Ayon naman kay DOH Undersecretary Enrique Tayag, hinihintay nila ang report ng PGH kung ang pagdami ng pneumonia cases ay dahil sa mycoplasma pneumoniae.


Dagdag pa niya, tinatawag na “walking pneumonia” ang mga ganitong kaso ng sakit dahil hindi umano aakalain ng isang tao na tinamaan nito na mayroon pala siyang pneumonia.


Dahil na rin walang kaalam-alam na nagkaroon na pala ng naturang sakit, patuloy pa ring nakikisalamuha sa iba at pumapasok sa trabaho ang isang indibidwal na maaaring infected na nito.


Kaya naman hinihimok natin ang lahat ngayong paparating na Pasko at mga pagtitipon mag-ingat lalo na ang mga vulnerable at mga bata.


☻☻☻


Patuloy pa rin tayong mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask kung kinakailangan, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Be Safe.


Be Well. Be Nice!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

 
 
RECOMMENDED
bottom of page