top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | September 19, 2023



ree

Nagtakda ng bagong price cap ang National Food Authority (NFA) Council na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., para sa pagbili ng palay bilang tugon sa pagbabago ng produksyon at kondisyon ng merkado upang mapabuti ang kita ng mga magsasaka at tiyakin ang sapat na suplay nito.


“Nagtawag ako ng meeting ng NFA Council para tingnan ang paanong puwedeng gawin para ang presyo ng pambili ng NFA sa palay, ‘yung wet at saka ‘yung dry, ay kailangan nating tingnan dahil nagbago na ang sitwasyon,” pahayag ni Marcos matapos ang pulong.


“At ganoon nga ang pinag-meeting-an namin at nag-decide kami na ngayon ang buying price ng NFA mula ngayon ay sa dry ay 19 to 23, ang wet ay magiging 16 to 19. Iyon ang naging desisyon ng mga NFA Council,” sabi ng Pangulo.


Ayon sa Punong Ehekutibo, bumuo ng bagong price range ang council sa pagbili ng palay upang bigyan ang mga magsasaka ng mas magandang kita at makatwirang gastos sa produksyon ng palay sa kasalukuyan.


“So, mayroon na silang pagkikitaan. At bukod pa roon, nand'yan na ‘yung price cap para maikalma natin itong nangyayari sa rice prices,” diin pa niya.


Binanggit ng NFA na ang orihinal na inirekomendang P20 at P25 na presyo ng pagbili ng palay ay masyadong mataas kung saan tataas ang presyo naman ng tingi.


Habang ang bagong napagdesisyunan na price cap ay binabalanse nito ang tubo ng mga magsasaka at hindi gaanong makaaapekto sa presyo ng tingi.


Kung ang bagong presyo ng pagbili ng dry palay ay nasa P23, ang procurement fund na kailangan ay P15 bilyon sa maximum, habang kung ito ay pumalo sa P25 ay P16 bilyon naman ang kakailanganin para sa palay procurement.


Kaugnay nito, sinigurado ng NFA na hindi papasok sa merkado ang inangkat na bigas na magsisilbing buffer stock kung saan batay sa naunang pagtalakay nito, ang buffer ay para lamang sa mahihirap.


Kasabay nito, inihayag ng NFA na tinitingnan din nito ang pagbibigay ng physical rice stock sa halip na cash assistance.


Sa panig ng Department of Agriculture (DA) susuportahan nito ang panukala ng NFA ngunit nasa P23 ang kada kilo kung saan kuntento na umano ang mga magsasaka sa P22 o P23 dahil binabayaran na sila ngayon ng P16-P19 at ipinunto na ang presyo na P25 ay masyadong mataas.


Nang tanungin ng Pangulo ang magiging epekto sa nasabing presyo na pagbili ng NFA gayundin ang reaksyon ng publiko, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) chief Secretary Arsenio Balisacan na sa farm gate level, itutuon ang NFA procurement sa mga lugar kung saan mayroong labis na suplay hinggil sa local demand.


“In that case it can help elevate farm gate price,” dagdag pa ni Balisacan.



 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 19, 2023



ree

Tinukoy ng dalawang senador na isang malaking hakbang sa seguridad ng suplay ng tubig sa Pilipinas ang seawater desalination project sa Cordova, Mactan.


Sa kanyang talumpati sa ceremonial equipment installation ng seawater desalination plant ng Vivant group sa Cebu, sinabi ni Senate President Juan Miguel Zubiri na sa pagsiguro sa suplay ng malinis na tubig ay magiging instrumental ang planta sa pag-unlad ng Mactan, habang napupunan nito ang hindi sapat na suplay sa maiinom na tubig.


Umaasa rin si Sen. Risa Hontiveros, na sa pagbubukas ng seawater desalination plant ay mababawasan ang mga banta sa kalusugan ng mga Cebuano.


Ito ang kauna-unahang utility-scale seawater desalination project sa bansa, na naglalayong magbukas sa Disyembre.


Ang plantang ito, na may kakayahang gumawa ng 20 million liters ng malinis at maiinom na tubig kada araw sa kanyang first phase, ay pangangasiwaan ng Isla Mactan-Cordova Corporation (IMCC), isang subsidiary ng Vivant Hydrocore Holdings Inc. na may hawak na 25-taong kontrata para magsuplay ng desalinated na tubig sa Metropolitan Cebu

Water District (MCWD).


Ayon pa kay IMCC President at CEO Jess Anthony Garcia, ang generation capacity ng planta ay kaya pang tumaas sa 50 milyong litro kada araw.


Inilarawan naman ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia ang proyekto na isang himala na sumasagot sa isang mahalagang pangangailangan.


Ang pagpapatayo ng planta sa project site na may pahintulot ng Pamahalaang Bayan ng Cordova ay pinangungunahan ng Watermatic Philippines (WMP), isang joint venture company na binubuo ng Vivant Corporation at WaterMatic International ng Israel. Ang Israel ay isa sa mga nangungunang bansa sa produksyon, conservation, at teknolohiya ukol sa tubig.




 
 

ni Mylene Alfonso @News | September 17, 2023



ree

Bumaba ang insidente ng krimen sa Pilipinas sa unang siyam na buwan ng 2023, ayon sa Philippine National Police (PNP).


"Overall crime rate has a significant decrease this year. From January 1 to September 15, 2023, we recorded 11,975 fewer incidents compared to the same period last year. This represents a 7.84% drop in the crime rate," pahayag ni PNP Chief Police General Benjamin

Acorda sa Saturday News Forum sa Quezon City.


Nabatid na bumaba sa 140,778 mula sa 152,753 ang bilang ng krimen sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. “The Philippine National Police has been tirelessly working to ensure the safety and security of our beloved nation,” wika ng PNP Chief.


"Furthermore, our campaign against illegal drugs has shown remarkable progress,” saad pa ng opisyal.


Nasamsam din ng PNP ang P7.2 bilyong halaga ng ilegal na droga mula noong simula ng taong ito sa pamamagitan ng 34,496 na mga isinagawang operasyon.


"In our relentless pursuit of justice, we have made significant strides in apprehending wanted persons… we have arrested a total of 54,653 individuals, including 56 wanted persons with rewards," banggit pa ni Acorda.


Bukod dito, ang kampanya ng PNP laban sa mga loose o unlicensed firearms ay nagresulta sa pagbawi at pagsuko ng 34,404 na armas.


"To ensure the safety and security of the public, we have intensified police presence and visibility in crime-prone areas and other public convergence points," pagtatapos ni Acorda.



 
 
RECOMMENDED
bottom of page