top of page
Search

ni Mylene Alfonso @News | Jan. 21, 2025



File Photo: Pangulong Bongbong Marcos at dating Pangulong Rodrigo Duterte - FB


Nagsisinungaling umano si dating Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa alegasyon niya na may pinirmahang blangko sa 2025 national budget.


Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., alam ni Duterte bilang dating presidente na hindi maaaring magpasa ng General Appropriations Act (GAA) nang may blangkong items.


Ani Marcos, batid din ni Duterte na hindi pa nangyari ang ganitong insidente sa kasaysayan ng Pilipinas.


Malinaw aniya na nakasaad sa GAA ang bawat programa at proyekto at kung magkano ang alokasyon sa mga ito.


“He’s lying. He’s a President. He knows that you cannot pass a GAA with a blank. He’s lying. And he’s lying because he knows perfectly well that that doesn’t ever happen. Sa buong, sa kasaysayan ng buong Pilipinas, hindi pinapayagan na magkaroon ng item ang GAA na hindi nakalagay kung ano 'yung project, at saka ano 'yung, 'yung gastos, ano 'yung pondo. So, it’s a lie," paliwanag ni Marcos sa ambush interview sa Taguig City.


"We, ah, I was watching the news earlier today and people were saying, it’s 4,000 pages. Papaano namin bubusisiin 'yan. Para titingnan namin iisa-isa. Hindi na lang. Meron namang kopya, that’s available on the website of the DBM. Tingnan n'yo, huwag na ninyo busisiin isa-isa."


Sinabi ni Marcos na available rin ang nasabing dokumento para suriin ng publiko sa website ng Department of Budget and Management (DBM).


"Hanapin niyo 'yung sinasabi nila na blank check. Tingnan n'yo kung meron kahit isa. Para mapatunayan na tama ang sinasabi kong kasinungalingan 'yan, That’s my reaction,” hamon pa ni Marcos.


Matatandaang pinuna ni Duterte at Davao City 3rd District Rep. Isidro Ungab ang 2005 national budget dahil wala umano itong bisa at hindi dapat ipatupad dahil sa mga blangko sa Bicameral Report.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | Jan. 10, 2025



File Photo: Traslacion 2025 / Quiapo Church


Sa kabila na bawal at binagong disenyo ng andas o karwahe sa Traslacion, marami pa ring mga deboto ni Jesus Nazareno ang pinilit na umakyat para hawakan ang dulo ng krus nito at ang salamin na tumatakip sa imahe.


"Hindi po maiiwasan na sumampa, pagpapakita 'yun ng pananampalataya. Hindi kumpleto ang Traslacion kung hindi sasampa," wika ni Gabriel Gutierrez, batang deboto.


Kaugnay nito, nasaktan ang isang pulis-Maynila nang magkagirian ang grupo ng mga debotong nagkapit-bisig para makadaan sa Ayala Bridge sa kasagsagan ng Traslacion.


Nagkapasa-pasa ang mukha ni PCpl. Pocholo Pamintuan nang mauwi sa sakitan ang pagpupumilit ng mga deboto na makadaan sa Ayala Bridge, bandang alas-12 ng tanghali.


Isang lalaki naman ang inaresto makaraang magrambulan ang dalawang grupo ng kalalakihan na nagnanais na makahawak ng lubid ng andas.

Nagsimula umano ang rambulan makaraang manuntok ang isang lalaki na dinala ng mga pulis sa Barbosa Police Community Precinct.


Samantala, ayon sa Philippine Red Cross(PRC) nasa 420 katao ang binigyan ng lunas dahil nahilo, nahirapan huminga, nahimatay at nasugatan.


Alas-5:57 ng hapon nang maganap ang tradisyunal na "Dungaw" sa Plaza del Carmen matapos na ilabas sa San Sebastian Church ang Mahal na Birhen Maria na tumagal ng 15 minuto bago muling itinuloy ang Traslacion.


Pasado alas-4:41 ng madaling-araw nang magsimula ang prusisyon.


Sa pagtaya ng lokal na pamahalaan ng Maynila, umabot sa 2.2 milyon ang lumahok sa Traslacion.

 
 

ni Mylene Alfonso @News | Jan. 8, 2025



File Photo: ABS CBN Bldg



Pinamamadali ng isang lider sa Kamara de Representantes ang pag-apruba sa kanyang inihaing panukalang batas upang muling bigyan ng prangkisa ang ABS-CBN Corporation upang magkaroon muli ng television at radio broadcasting stations sa bansa.


Si House Ways and Means committee chairperson Joey Salceda (Albay), ang naghain ng House Bill 11252 para pagkalooban muli ng prangkisa ang ABS-CBN.


"I filed House Bill No. 11252 renewing the ABS-CBN franchise for another 25 years because I believe that the free market of ideas requires competition. A virtual monopoly will not do as far as disseminating ideas and keeping the public informed is concerned," pahayag ni Salceda.


Matatandaang noong Hunyo 2020 nang alisan at hindi na i-renew ng House Committee on Legislative Franchises ng prangkisa ang ABS-CBN dahil umano sa mga nagawang paglabag.


Nang talakayin noong taong 2020 ang pag-renew sa prangkisa ng ABS-CBN, inihayag ni Salceda, na batay sa testimonya ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Bureau of Internal Revenue (BIR), walang nilabag na ownership restrictions at walang utang sa buwis ang naturang network company.


“Given the merits of renewing the franchise, as well as the clarifications made by government agencies over certain allegations against the grantee, this representation urges Congress to reconsider the non-renewal of the franchise by the previous Congress,” punto ni Salceda sa kanyang explanatory note.


“In view of the foregoing, the approval of this bill is urgently sought,” hirit ni Salceda.

Noong 2020, iniulat ng Technical Working Group, na nilabag umano ng ABS-CBN ang dati nitong prangkisa dahil sa mga sumusunod na dahilan: ang dating chairman umano nito na si Eugenio Lopez III ay parehong Filipino at American citizen, ang pagbibigay ng Philippine Depositary Receipts na pumapabor umano sa mga dayuhan, hindi kaaya-ayang mga programa, pakikialam sa pulitika, pagtakas sa pagbabayad ng buwis; usapin ng labor practices, at iba pa.


Inihayag din noon ng TWG na hindi maaaring gamitin ng ABS-CBN ang freedom of the press bilang dahilan para humingi ng prangkisa.


“It is what it is — a denial of a privilege granted by the State because the applicant was seen as undeserving of the grant of a legislative franchise. By no means can this franchise application be related to press freedom. If it were so, then all applicants for legislative franchises covering mass media could simply claim such freedom and force the hand of this Committee each time,” nakasaad sa Committee Resolution.


Itinanggi naman noon ng ABS-CBN ang mga alegasyon. At noong Mayo 5, 2020, nawala na ang ABS-CBN sa telebisyon at radyo, sa utos na rin ng National Telecommunications Commission dahil sa kawalan na nito ng prangkisa.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page