top of page
Search

ni Migz Zubiri - @Solve 'Yan! | January 19, 2022



Noong Lunes ay naghain tayo ng panukalang batas – ang Senate Bill No. 2487 or the Paglaum Fund of 2022, na naglalaan ng P20 bilyon para sa rehabilitasyon ng mga lalawigang naapektuhan ng Bagyong Odette.


Ang “paglaum” ay salitang Hiligaynon na ang ibig sabihin ay “pag-asa.” Hindi kakayanin ng lokal na pamahalaan sa Kabisayaan at Mindanao na ibangon ang mga nalugmok na lalawigan dahil sa Bagyong Odette. Kinakailangan ng tulong ng national government upang muli silang makatayo sa sarili nilang mga paa.


Dalawang beses tayong bumisita sa mga lugar na sinalanta ng bagyo – noong bago mag-Pasko, ilang araw bago tumama si ‘Odette’ at nitong makalipas ang Bagong Taon.


At nakita natin ang laki ng pinsalang idinulot ng bagyo sa mga lalawigan ng Bohol, Cebu, Dinagat Islands at Siargao – para silang binagsakan ng bomba-atomika.


Nakita na rin ang ganitong tanawin noong tumama ang Bagyong Yolanda sa Leyte.


Subalit, hindi katulad ng mga lugar sa Leyte, ang mga lugar na tinamaan ni ‘Odette’ ay mga mataong lugar at may ilang industriya na sinira rin ng bagyo. Sa Cebu, ang poultry and livestock industries ay winasak ng bagyo, kasama na ang pananim ng ating mga magsasaka.


Kaya kailangan talaga natin ng malaking budget para matulungan ang mga apektadong probinsiya na muling makabangon at makaahon sa pinsala ng bagyo.


Noong makausap natin ang ilang lokal na opisyal sa mga lalawigang ito, napagtanto nating kakailanganin ang P20 bilyon upang makapagsimula sila na muling maitayo ang mga sinira ng bagyo sa Visayas at Mindanao. Malaking halaga ito, na sana ay makita ng ehekutibo na ito ay wastong pagtaya sa malawakang pinsala na dulot ng bagyo.


As of January 14, 2022, iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na mahigit 2.2 milyong pamilya ang naapektuhan ng Bagyong Odette. Aabutin naman sa P17.7 bilyon ang pinsala sa imprastruktura at P11.5 bilyon naman sa agrikultura.


Sa ilalim ng Paglaum Fund bill, magbabalangkas ang NDRRMC ng Rehabilitation Plan na isusumite sa Department of Budget and Management, na magtutukoy ng mga partikular na proyekto sa imprastruktura para sa rehabilitasyon o reconstruction. Tutukuyin din ang kinakailangang intervention sa mga apektadong pamilya sa tulong ng Department of Social Welfare and Development at ng mga lokal na pamahalaan.


Ang Paglaum Fund bill ay supplemental budget na kailangang magmula sa House of Representatives. At sa natitirang session days, alam natin na kulang ang panahon para maipasa ang panukalang ito bago magsara ang 18th Congress. Gayunman, inihain pa rin natin ang panukalang ito as an advocacy measure at kung tayo ay makabalik sa Senado ay muli natin itong ihahain.


Ang Paglaum Fund bill ay munting paraan upang bigyang pag-asa ang ating mga kapatid na sinalanta ng Bagyong Odette. ‘Wag nating patayin ang pag-asang ito.


 
 

ni Migz Zubiri - @Solve 'Yan! | January 12, 2022



Nakakalula ang pagdaluyong ng mga kaso ng COVID-19 sa ating bansa.


Noong Lunes, nakapagtala ang Kagawaran ng Kalusugan ng 33,169 bagong COVID-19 infections, pinakamataas na mula nang makapasok ang COVID-19 sa ating bansa noong Marso, 2020.


Ito na ang ikatlong sunod na araw na nakapagtala ang DOH ng record-high na mga bagong kaso ng hawaan. Noong Sabado ay nakapagtala ang DOH ng 26,458 na mga kaso at nilagpasan ang bilang na ito noong Linggo nang makapagtala ang kagawaran ng 28,707 bagong hawaan.


Maaaring tumaas pa ang mga bilang na ito habang tumatakbo sa palimbagan ang edisyong ito ng BULGAR.


Sa kabila ng pagsasailalim sa Alert Level 3 ang maraming bahagi ng bansa kabilang na ang National Capital Region nitong pagpasok ng taong ito, marami pa rin ang mga pasaway.


Kamakailan, may dalawang naulat na kababayan natin na dumating mula sa Estados Unidos ang hindi sumunod sa quarantine protocol. Ang isa, si “Poblacion Girl” ay tumakas sa kanyang hotel sa Makati City at dumalo sa mga pagtitipon kasama ang mga kaibigan. Ito ay nagresulta ng pagkahawa ng 15-katao na kanyang nakasalamuha pagkatapos na siya ay magpositibo sa COVID-19.


Ang isa naman ay hindi tumuloy sa kanyang hotel bagkus ay dumiretso sa kanyang condominium unit.


Marami talagang pasaway na mga kababayan nating hindi alintana ang maaaring kahihinatnan nito.


Noong Disyembre habang papalapit ang Kapaskuhan, nakapagtala ang kapulisan ng mahigit 800,000 katao na lumabag sa quarantine protocols at curfew sa buong Pilipinas.


Mula Nobyembre 5 hanggang Disyembre 11, 130,596 na lumabag sa minimum public health standards sa Metro Manila ang binigyan ng babala, at 53,099 naman ang pinagmulta.


Noon namang isinailalim ang Metro Manila sa dalawang linggong strict lockdown noong Agosto, 149,963 ang naiulat na lumabag sa quarantine protocols. Sa apat na lalawigan malapit sa NCR – Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal – 437,598 ang hinuli ng kapulisan dahil sa paglabag sa quarantine protocols.


Kaya tayo ay nagpanukala na taasan ang parusa sa mga lumalabag sa quarantine protocols.


Sa ilalim ng Senate Bill No. 2470, magbabayad ang mga lumalabag sa quarantine protocols ng multang hindi bababa sa P500,000 at hindi hihigit sa P1 milyon o kaparusahang kulong na isa hanggang anim na taon. At kung ang lumabag ay nakahawa ng indibidwal at ang nahawa ay nagkaroon ng permanent incapacity o namatay, ang lumabag ay magmumulta ng P1 milyon, magbabayad ng civil damages, o pagkakulong ng anim hanggang 12-taon.


Hindi na tayo natuto sa loob ng halos dalawang taong pandemya. Marami pa rin ang pasaway.


Walang pakialam kung naka-facemask o hindi. Ang malupit, may ilang indibidwal na walang pakialam sa mga health protocols at ipinagmamalaki pa na mayroon silang binayaran para labagin ang batas.


Sana ay masampulan na ang matitigas ang ulo. Kailangan ang mas mabigat na parusa sa mga pasaway.


Maawa tayo sa ating health workers. Pagod na pagod na sila sa loob ng dalawang taong pag-aalaga sa ating kalusugan. Maawa tayo sa ating mga mahal sa buhay na walang kinalaman sa ating kapabayaan.


Maawa tayo sa mga batang maaaring mahawaan at maaaring hindi na masilayan ang kinabukasan.


Huwag tayong pasaway.


 
 

ni Migz Zubiri - @Solve 'Yan! | January 5, 2022



Ang P5.024 trilyong 2 DC022 national budget na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte bago ang 2021 ay nagpaalam na tumutugon sa pagsisikap ng gobyerno na labanan ang COVID-19 at tiyakin ang pagbangon ng ekonomiya.


Subalit sa pagpasok ng 2022 ay bumulaga ang nakababahalang balita: ang exponential increase ng kaso ng COVID-19 at ang lumalaking bilang ng dinarapuan ng Omicron variant sa ating bansa.


Noong Lunes lamang (Enero 3, 2022), nakapagtala ang Kagawaran ng Kalusugan ng karagdagang 4,084 COVID-19 infections, 4,057 na mga kaso nito ay naitala mula Disyembre 21 hanggang Enero 3. Metro Manila ang nagtala ng pinakamalaking bilang na 2,831.


Ang bilang ng mga nahahawaan ng virus ay napakalaki mula nang unti-unting bumababa ang mga kaso ng COVID-19 infections pagpasok ng Disyembre. Ayon sa datos ng DOH, pinakamababa na ang 168 bagong kaso na naitala noong Disyembre 21.


At kasabay nito ang mga dumaragdag na bilang ng nahahawaan ng Omicron variant, variant na bagama’t ‘less deadly’ ay higit na nakahahawa.


Iniulat ng DOH noong Disyembre 31 na nakapagtala ito ng 10 karagdagang kaso ng Omicron, nakapagtala ng 14 kaso. Napakaliit ng bilang na ito, subalit maaaring magdulot muli ito ng biglaang pagtaas ng bilang ng maaaring mahawaan ng virus.


Sa ibang bansa, ang Omicron variant ang nagdulot ng fourth surge ng pandemic. Sa Estados Unidos, nakapagtala ito ng 580,000 bagong kaso noong Huwebes, Disyembre 30, 2021. Ito ay ayon sa ulat ng New York Times. Ang Israel naman ay nagpasya nang aprubahan ang ikaapat na dose ng anti-virus vaccine upang makontrol ang pagkalat ng infections.


Sinabi naman ni Health Secretary Francisco Duque III kamakailan na ang Omicron variant, na unang naitala sa South Africa ay maaaring responsable sa biglaang paglobo ng bilang ng COVID-19 cases sa bansa.


Nang talakayin natin ang panukalang badyet para sa taong ito ay wala pa sa eksena ang Omicron variant. Bagama’t naglaan tayo ng badyet upang harapin ang pandemya at makasulong ang ating ekonomiya, maaaring kapusin pa rin ang ating badyet kung hindi natin mapipigilan ang pagkalat ng Omicron variant. Maaaring baguhin nito ang spending plan ng ating pamahalaan.


Nakikiisa tayo sa pangamba ni Pangulong Duterte na kainin ng Omicron variant ang resources ng ating pamahalaan. Kaya galit na galit tayo sa ating mga kababayang pasaway.


Kamakailan, isang kababayan natin na nanggaling sa Los Angeles, California ang lumabag sa quarantine protocol, lumabas sa kanyang hotel sa Makati at dumalo sa mga pagtitipon ng kanyang mga kaibigan. Ang resulta: humigit kumulang sa 15 katao ang kanyang nahawaan.


Binansagan nga sa social media ang babaeng lumabas sa quarantine hotel sa Makati na “Poblacion Girl” dahil sa Poblacion, Makati siya nakipag-party sa mga kaibigan, lugar na kilala sa mga restaurants at bars nito.


Bukod dito, may isa pang Pinay na galing sa United States na dumating sa Pilipinas ang lumusot umano sa mandatory quarantine ng pamahalaan. Ito ay ayon kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat.


Ayon kay Sec. Puyat, dumiretso umano ang babae sa kanyang condominium nang dumating sa bansa sa halip na magtungo sa hotel quarantine facility.


Nakababahala ito, dahil puwedeng positive sila, at maging dahilan ng community transmission.

Ito ay iresponsable, ilegal at walang kapatawaran. Dapat itong patawan ng naaayong kaparusahan. Nananawagan tayo sa awtoridad na agaran itong imbestigahan at ilapat sa lalong madaling panahon ang parusa sa mga ilegal at maling gawain ng ating mga kababayan. Kaya tayo ay naghain ng panukalang batas upang paigtingin ang kaparusahan sa mga lalabag sa quarantine protocols. Sa kasalukuyan, sa ilalim ng RA 11332 or Mandatory Reporting of Notifiable Diseases Act, “Twenty thousand pesos (₱20,000) but not more than Fifty thousand pesos (₱50,000) or imprisonment of not less than one (1) month but not more than six (6) months, or both such fine and imprisonment, at the discretion of the proper court” ang kaparusahan.


Sa ilalim ng ating panukala, itinataas natin ang multa mula sa P500-K hanggang P1-M o pagkabilanggo ng (1) na taon hanggang anim (6) na taon o parehong multa at pagkakakulong. Kasama na ring parurusahan ang mga may-ari, opisyal o empleyado ng mga quarantine facilities o opisyal at empleyado na makikipagsabwatan sa kanila sa paglabag or di pagkumpleto ng Quarantine period.


Kaya’t panawagan natin sa ating mga kababayan na maging responsible tayo. Maging maingat at manatiling sumusunod sa mimimum health protocols upang tayo’y maging ligtas, gayundin ang ating mga mahal sa buhay.


Nawa’y malampasan natin ang pandemyang ito!





 
 
RECOMMENDED
bottom of page