top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Melba R. Llanera - @Insider | November 22, 2020




Naiintindihan namin kung hindi na napigilan ni Derek Ramsay ang sagutin ang ilang bashers na grabe kung makapagkomento sa breakup nila ng girlfriend na si Andrea Torres.


Below the belt na rin kasi kung makapagsalita ang iba na akala mo ay kilalang-kilala sina Derek at Andrea. Nariyan na paratangan ang Kapuso actor na 'di kasi ito ang tipo na magpapatali sa kasal, na babaero ito at pinaglalaruan lang ang mga nakakarelasyon, at pati si Andrea ay binabastos na rin ng iba dahil sa mayamang dibdib ng aktres.


Umalma si Derek sa isang netizen na nagsabi na maaaring nasa Kapuso actress ang problema dahil anim na taon ang itinagal ng relasyon ni Derek sa last GF bago kay Andrea na si Joanne Villablanca at mahigit isang taon lamang sa sexy Kapuso actress.


Depensa ng aktor ay mabuting babae ang ex-girlfriend, mahal niya at ipagtatanggol niya sa mga magsasalita laban kay Andrea.

Aminado si Derek na isang "fast breakup" ang nangyari sa kanila ni Andrea at mukhang imbes na ayusin ang isang problema ay nauwi na agad ito sa hiwalayan.


Masakit kay Derek ang paghihiwalay nila ni Andrea dahil minahal niya talaga ang aktres lalo't alam naming kahit ang Kapuso actor ay inisip nang sa kasal at sa pagbuo ng sarili nilang pamilya na nga sila hahantong.


Pero tulad ng sinabi ng aktor na maaaring hindi lang talaga sila laan ni Andrea sa isa't isa, panahon ang kailangan para maghilom ang sugat ng kanilang paghihiwalay.

 
 

ni Melba R. Llanera - @Insider | November 16, 2020




Sa mediacon ng Ang Daigdig Ko'y Ikaw nu'ng November 10 sa INC Museum, nakausap namin si Ynna Asistio na siyang bida sa kauna-unahang drama-romantic series ng Net 25.


Napag-usapan namin ang tungkol sa depresyong pinagdaanan niya kung saan pinag-usapan ang inilabas niyang video na iyak siya nang iyak at inamin na marami siyang sikretong kasalanan at pagod na siyang maging sinungaling.


Ayon kay Ynna, may anxiety attacks na talaga siyang nararanasan nu'ng mga panahon na 'yun, pero lalong pinalala ng pandemya. Nakaramdam siya noon ng takot na sa pagiging sobrang relihiyoso ng pamilya ay maliligtas ang mga ito at maiiwan siya, bukod pa sa sumabog na rin siya dahil sa pagtatago ng totoong nararamdaman para hindi mag-alala sa kanya ang kanilang pamilya.


Paglalarawan nga sa amin ni Ynna, ito ang panahon na pakiramdam niya ay namatay ang kanyang kaluluwa at ang paglapit lang niya muli sa Panginoong Diyos ang nagpalinaw sa kanyang isip at kinapitan niya.


Dito rin niya naramdaman na gusto niya uling umarte at nabigyan naman ito ng katuparan dahil dumating sa kanya ang seryeng Ang Daigdig Ko'y Ikaw pagkatapos ng napakatagal na panahon na paghihintay.


Labis ang pasasalamat ni Ynna sa kaparehang si Geoff Eigenmann at sa buong staff ng show dahil naging madali para sa kanya ang lahat sa kabila ng 'di biru-biro ang umarte at umiyak. Papuri nga ni Ynna, mapalad siya na si Geoff ang nakapareha dahil sa kabila ng effort nito para maging komportable silang lahat sa set ay naging napakabait nito sa kanya.


Sa ngayon ay dumaraan muli ang pamilya nina Ynna sa pagsubok matapos lumubog ang kanilang bahay sa baha dahil sa Bagyong Ulysses. Pero sa kabila ng matinding pagsubok na pinagdaraanan, mas matibay at mas matapang na ngayon ang aktres na humarap sa mga pagsubok gaano man ito kabigat.

 
 

ni Melba R. Llanera - @Insider | November 11, 2020




Pagkatapos maging trending ang pagbibiro ni Kim Chiu sa It's Showtime tungkol sa matagal nang nababalitang relasyon nina Gerald Anderson at Julia Barretto, lalong tumibay ang tungkol sa kontrobersiyal na relasyon ng dalawa dahil sa ipinost na larawan ng Kapamilya actress sa kanyang Instagram account, kung saan nasa isa siyang hardin ng mga bulaklak.


May caption itong: "My flowers growing beautifully," at may background ito ng isang bahay-kubo na kaparehung-kapareho ng mga nipa huts sa Hayati Private Resort na pag-aari ni Gerald sa Zambales.

Ipinost din ng isang netizen na nagngangalang Marlon Castro Notob ang mga larawang kuha ni Julia at iniugnay ito sa mga kuha naman ni Gerald sa nasabing private resort.


May mensahe rin ito na isa siyang tagahanga ni Julia at 'di siya naniniwala sa mga balita sa dalawa, pero naguguluhan daw siya kung paano nakapagtanim ang aktres ng naggagandahang bulaklak sa resort diumano ni Gerald.


Iba-iba naman ang reaksiyon ng mga netizens tungkol dito. May ilang nagtanggol at nagsabing hayaan na lang ang dalawa na maging masaya sa kung ano ang meron sila, pero may ilan ding nagsabi na kinumpirma lang nito ang matagal nang nababalitang relasyon nila.


May nagbiro rin na kasalanan ito ni Kim dahil inilabas nito ang katotohanan.

Sa eksklusibong interview din ni Julia sa Mega ay inamin ng aktres na masaya siya ngayon at ang rason ay dahil in love siya.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page