top of page
GMMTV vs Showbiz All-Star - Star Magic.jpg
Search

ni Melba Llanera - @ Insider | July 6, 2023



BLIND ITEM:


Gaano kaya katotoo ang balitang nakarating sa amin na laman daw ng casino ang isang sikat na male TV host?


Heto nga raw ang dahilan kung bakit balitang nabaon siya sa utang at naging dahilan kaya nagkaroon sila ng tampuhan ng kaibigan niya na isa ring sikat na TV host.


Nakakalungkot lang kung iisipin dahil ‘di matatawaran ang galing nito, hindi lang sa pagho-host, kundi pati sa pagkanta at pagsasayaw.


Mabait, approachable at magaling ding makisama ang naturang male TV host sa lahat, lalo na sa press.


Iniisip namin na baka ito ang naging outlet niya dahil may mabigat siyang pinagdaanan kamakailan, pero sana ay makontrol nito ang sarili na iwasan na ang pagsusugal, na baka hindi lang niya ikasira kundi maging ng kanyang pamilya.


Naalala namin ang isang yumaong kapwa manunulat na nakasama ng isa ring yumaong manager-columnist sa casino at namamalagi sila rito sa loob nang ilang araw dahil may libre kang hotel accommodation ‘pag regular ka nang nagsusugal sa kanila.


Ayon sa kapwa namin manunulat, ‘pag nasa loob ka raw kasi ng casino ay malilimutan mo ang paglipas ng oras at ‘di mo namamalayan na ilang araw ka na palang ‘di umuuwi at nakababad ka na rito.


Pagkukumpara pa nga sa amin ng manunulat na ito ay para kang nasa isang fantasy world na limot mo na may buhay kang dapat harapin at mga responsibilidad sa buhay na dapat isipin.


Hiling namin, hangga’t kaya pa ay matauhan na sana ang naturang male TV host na walang kapupuntahan ang lahat ng pagsisikap niya sa mga proyektong ipinagkakatiwala sa kanya kung ‘di niya maiiwasan ang pagsusugal.


At kung lumala pa ito ay maaaring mauwi na nga sa addiction tulad ng droga at alak.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | July 6, 2023




Tiyak na ikatutuwa ng mga JoshNella fans ang pagbabalik-tambalan nina Joshua Garcia at Janella Salvador sa isang serye ng ABS-CBN.


Nu’ng una ay ayaw pang magsalita ni Joshua tungkol sa balita, pero sa huli ay kinumpirma ng aktor na balik-tambalan nga sila ni Janella, kung saan bukod sa mas matured na ito kumpara sa ibang proyekto na nagawa nila ay kukunan din ito sa ibang bansa.


Ayon nga sa Kapamilya actor ay excited siya sa bagong proyektong kakaharapin pagkatapos ng Unbreak My Heart.


Dagdag pang pahayag sa amin ni Joshua ay isa rin itong collaboration pero ‘di niya ini-reveal kung sino ang makaka-collaborate sa naturang serye ng ABS-CBN.


Isa sa mga naging takaw-eksena sa Unbreak My Heart ay ang mga kissing at love scenes ni Joshua kina Jodi Sta. Maria at Gabbi Garcia, kung saan ay may pa-topless ang aktor.


Biniro tuloy si Joshua kung may mga ganito rin kayang eksena na aabangan sa upcoming serye nila ni Janella.


Ayon sa kanya ay ready siya at walang problema as long as kailangan ito sa eksena at istorya.


Ang Unbreak My Heart ay ang kauna-unahang collaboration ng ABS-CBN at GMA-7 at ito ang masasabing unang tumibag sa pader sa pagitan ng dalawang magkaribal na giant networks. Para naman kay Joshua, maaaring sila ang nagsimula pero nakasalalay pa rin ito sa dalawang networks kung ipagpapatuloy nila ang mga collaborations. At nangyari naman ito sa It’s Showtime na napapanood na sa GTV ng Kapuso Network.


Masaya si Joshua dahil pare-pareho lang naman ang kanilang layunin na makapagbigay ng saya sa mga manonood at ang mga collabs na tulad nito ay magdaragdag ng higit na trabaho sa mas maraming tao sa industriya.


Anyway, isa si Joshua sa mga part-owners ng Academy of Rock at nu’ng July 1 ay nagdaos sila ng Rock The World, Charity Concert na ginanap sa Music Museum. Ipinakita ng mga estudyante ng AOR ang kanilang mga talent sa pagkanta at paggamit ng mga musical instruments.


Proud na proud ang Kapamilya actor at sa speech nga niya sa opening ng concert ay binanggit niya na parang mga anak ang kanyang turing sa kanilang mga estudyante sa AOR.


Para sa Kapamilya aktor ay ‘di siya nagkamali na ang AOR ang kanyang napili na pag-invest-an ng kinikita niya sa showbiz.


Bukod doon, nakikita rin niya na sa mga susunod na araw ay ito ang pagtutuunan ng oras at atensiyon ng mga tao.


Sa tanong namin kung bukas ba sila na magbigay ng mga scholarships sa ibang kabataan na may potensiyal at talento pero kulang sa pinansiyal na aspeto para mag-enroll, sagot sa amin ng aktor ay pag-uusapan nila ang tungkol dito.


Naisip lang ito ni Joshua nang mapanood niya ang mga talento ng kanilang mga estudyante sa Academy of Rock.


 
 

ni Melba R. Llanera @Insider | July 4, 2023




Ayaw pa ring lagyan ng label ni Jake Cuenca ang kung anumang espesyal na relasyon na namamagitan sa kanila ni Chie Filomeno.


Nabalitang ilang buwan na ang nakakalipas na nagde-date ang dalawa hanggang maging open sina Jake at Chie sa pag-amin na masaya sila sa company ng bawat isa.


Sa interview namin kay Jake sa nakaraang presscon para sa pagbubukas ng Book 2 ng action series na Iron Heart kamakailan, nilarawan ng Kapamilya actor na very happy at very good ang samahan nila ni Chie.


At tulad ng mga natutunan niya sa kanyang mga nakaraang relasyon, ayaw niyang gumawa ng mga bagay na maaaring ikaudlot nito.


Sa tanong namin kung exclusively dating ba ang estado ng relasyon nila ng aktres, sinagot kami ni Jake na pinapasaya siya ni Chie.


Tinanong din namin ang Kapamilya actor kung anu-ano ang mga katangian na nagustuhan niya rito, ayon kay Jake ang puso at kabaitan ni Chie ang nagustuhan niya sa aktres. Bilib din siya sa mga sakripisyo at pinagdaanan nito sa showbizness bago unti-unting nakagawa ng pangalan.


Masayang-masaya naman si Jake sa pagsisimula ng Book 2 ng Iron Heart kung saan ginagampanan ng Kapamilya actor ang role bilang si Eros.


Pagkatapos ng taping sa Rome ay sa Iloilo naman ang locked-in taping ng grupo.


Nagkuwento si Jake na masaya at kontento sila sa itinakbo ng taping nila abroad para sa naturang action series dahil maraming materyal na kinakailangan ang nakunan ng kanilang direktor.


Sa pagbubukas din ng Book 2 ng Iron Heart ay maraming bagong karakter ang papasok at isa na nga sa mga ito ay si JM de Guzman na para kay Jake ay matagal na niyang gustong makatrabaho.


Isa si Jake sa mga artistang hinahangaan dahil sa kanyang versatility bilang isang aktor, pero ayon sa Kapamilya aktor, kinokonsidera niya ang sarili bilang isang full time actor at kapag gumaganap siya ng isang role ay sinisiguro niya na ‘di pa ito nakikita o napapanood ng mga tao.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page