ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 2, 2024
Dear Chief Acosta,
Ang tiyahin ko ay nag-iwan sa akin ng isang Special Power of Attorney (SPA) upang ibenta ang kanyang lupa rito sa Pilipinas. Mayroon nang interesado sa pagbili ng lupa at kami ay nag-usap na ukol dito. Sa susunod na Lunes ay magbabayaran na kami at magpipirmahan ng deed of absolute sale. Akin itong ipinaalam sa aking tiyahin at siya ay pumayag naman sa presyo ng bentahan. Subalit, noong Sabado bago ang aming nakatakdang usapan ng bentahan ay namatay ang aking tiyahin dahil sa aksidente. Ipinaalam ko ito sa bibili ng lupa at ayaw na niyang ituloy ang pagbili ng lupa sapagkat hindi na diumano balido ang hawak kong SPA. Totoo ba ito? Wala na bang bisa ang SPA na hawak ko at hindi ko na maaaring ibenta ang lupa ng aking tiyahin? — Thyra
Dear Thyra,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Artikulo 1919 ng New Civil Code of the Philippines. Ayon sa mga nasabing probisyon:
“Art. 1919. Agency is extinguished:
By its revocation;
By the withdrawal of the agent;
By the death, civil interdiction, insanity or insolvency of the principal or of the agent;
By the dissolution of the firm or corporation which entrusted or accepted the agency;
By the accomplishment of the object or purpose of the agency;
By the expiration of the period for which the agency was constituted.”
Sang-ayon sa mga nasabing probisyon, ang isang agency, gaya ng SPA, ay nawawalan ng bisa dahil sa pagkamatay ng prinsipal o ng ahente. Gaya sa iyong sitwasyon, ang kamatayan ng iyong tiyahin, na siyang nagbigay ng karapatan o awtoridad sa iyo na ibenta ang kanyang lupa, ay nagresulta sa awtomatikong pagkawalang-bisa ng inyong ugnayan bilang prinsipal at ahente. Ibig sabihin, wala nang bisa ang iyong hawak na SPA at hindi mo na rin maaaring ibenta ang nasabing lupa.
Ang isang agency, gaya ng SPA, ay nakabase sa kapangyarihan na iginagawad ng prinsipal sa kanyang piniling ahente. Kinikilala at pinangangalagaan din ng batas ang tiwala na iginagawad ng prinsipal sa kanyang ahente at ang nasabing tiwala ay hindi na maaaring magpatuloy kung patay na ang nasabing prinsipal. Kaya awtomatikong nawawalan ng bisa ang nasabing SPA sa punto ng kamatayan ng prinsipal.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.