top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 26, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta

Dear Chief Acosta,


Pinilit akong sumali sa larong may kasamang inuman sa despedida ng ka-opisina ko. Isang basong alak lamang ang nainom ko kung kaya’t nakapagmaneho pa ako pauwi. Sa kasamaang palad, nasangkot ako sa aksidente at may nasaktang mga tao. Pinilit ako ng pulis na nag-iimbestiga sa aksidente na sumailalim sa sobriety test at drug testing. May karapatan bang tumanggi sa sobriety test at drug testing?  — Luis



Dear Luis, 


Kinikilala ng ating Saligang Batas ang kahalagahan ng proteksyon sa buhay at ari-arian, at ang pagtataguyod ng pangkalahatang kapakanan kung kaya’t isinabatas ang Republic Act (R.A.) No. 10586 o mas kilala bilang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013” upang tiyakin ang kaligtasan sa kalsada sa pamamagitan ng pagtalima ng mamamayan sa responsable at etikal na mga pamantayan sa pagmamaneho. Ang batas na ito ay may layunin na maparusahan ang pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alcohol, mapanganib na droga at iba pang katulad na sangkap. 


Kung kaya’t binigyan ang mga law enforcer at mga deputized local enforcement officer ng tungkulin na ipatupad ang batas na ito ayon sa Section 6 nito na nagsasaad na:


“Section 6. Conduct of Field Sobriety, Chemical and Confirmatory Tests. – A law enforcement officer who has probable cause to believe that a person is driving under the influence of alcohol, dangerous drugs and/or other similar substances by apparent indications and manifestations, including overspeeding, weaving, lane straddling, sudden stops, swerving, poor coordination or the evident smell of alcohol in a person’s breath or signs of use of dangerous drugs and other similar substances, shall conduct field sobriety tests.


If the driver fails in the sobriety tests, it shall be the duty of the law enforcement officer to implement the mandatory determination of the driver’s blood alcohol concentration level through the use of a breath analyzer or similar measuring instrument.


If the law enforcement officer has probable cause to believe that a person is driving under the influence of dangerous drugs and/or other similar substances, it shall be the duty of the law enforcement officer to bring the driver to the nearest police station to be subjected to a drug screening test and, if necessary, a drug confirmatory test as mandated under Republic Act No. 9165.


Law enforcement officers and deputized local traffic enforcement officers shall be responsible in implementing this section.”


Ayon sa nasabing probisyon ng batas, ang isang law enforcement officer ay magsasagawa ng field sobriety test kung siya ay may probable cause o posibleng dahilan upang maniwala na ang isang tao ay nagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alcohol, mga mapanganib na droga at/o iba pang katulad na mga sangkap sa pamamagitan ng maliwanag na mga indikasyon at manipestasyon. Kabilang sa mga indikasyon o manipestasyong ito ang overspeeding, weaving, lane straddling, sudden stops, swerving, mahinang koordinasyon o ang malinaw na amoy ng alak sa hininga ng isang tao o mga palatandaan ng paggamit ng mga mapanganib na droga, at iba pang katulad na sangkap. 


Kung nabigo ang nagmamaneho sa mga sobriety test, tungkulin ng law enforcement officer na ipag-utos ang pagtukoy ng antas ng konsentrasyon ng alkohol sa dugo ng nagmamaneho sa pamamagitan ng paggamit ng breath analyzer o katulad na instrumento nito. At kung ang law enforcement officer ay may probable cause para maniwala na ang isang nagmamaneho ay nasa ilalim ng impluwensya ng mga mapanganib na droga at/o iba pang katulad na sangkap, siya ay may tungkulin na dalhin siya sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya upang isailalim sa isang drug screening test at, kung kinakailangan, isang drug confirmatory test alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) 


Sa iyong sitwasyon, dahil ikaw ay nasangkot sa aksidente, ang Sections 7 at 8 ng nasabing batas ang gagabay sa iyong katanungan. Nakasaad sa Sections 7 at 8 nito na: 


“Section 7. Mandatory Alcohol and Chemical Testing of Drivers Involved in Motor Vehicular Accidents. – A driver of a motor vehicle involved in a vehicular accident resulting in the loss of human life or physical injuries shall be subjected to chemical tests, including a drug screening test and, if necessary, a drug confirmatory test as mandated under Republic Act No. 9165, to determine the presence and/or concentration of alcohol, dangerous drugs and/or similar substances in the bloodstream or body.


Section 8. Refusal to Subject Oneself to Mandatory Tests. – A driver of a motor vehicle who refuses to undergo the mandatory field sobriety and drug tests under Sections 6, 7 and 15 of this Act shall be penalized by the confiscation and automatic revocation of his or her driver’s license, in addition to other penalties provided herein and/or other pertinent laws.”


Sang-ayon sa nasabing mga probisyon ng batas, bilang nagmamaneho na nasangkot sa isang aksidente na nagreresulta sa mga pisikal na pinsala sa ibang tao, ikaw ay sasailalim sa mga chemical test, kabilang ang drug screening test at, kung kinakailangan, isang drug confirmatory test alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 9165, upang matukoy ang presensya at/o konsentrasyon ng alkohol, mga mapanganib na droga at/o mga katulad na sangkap sa daloy ng dugo o sa katawan.


Kung tatanggi kang sumailalim sa nabanggit na mandatory field sobriety at drug test, ikaw ay maaaring maparusahan ng pagkumpiska at awtomatikong pagbawi ng iyong lisensya sa pagmamaneho, bilang karagdagan sa iba pang mga parusang maaaring igawa sa nasabing batas at/o iba pang nauugnay na mga batas.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.

 

Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 25, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May katanungan ako tungkol sa naiwang ari-arian ng aming ama na namatay noong nakaraang taon. Tatlo kaming magkakapatid na naiwan. Noong ika-13 ng Enero 2025, habang nasa pagtitipon kami para idaos ang kaarawan ng isa naming kamag-anak, sinabi ng panganay naming kapatid na tinatanggihan niya ang mana mula sa mga ari-arian na naiwan ng aming ama. Noong ika-10 ng Hunyo 2025, namatay ang aming panganay na kapatid dahil inatake siya sa puso. Hinahabol ng aking pamangkin, anak ng panganay naming kapatid, ang hati ng kanyang namatay na ama sa naiwan na ari-arian ng kanyang lolo. Sinabi ko na wala na siyang karapatan dito sapagkat tinanggihan na ng kanyang ama ang pamana. Tanong ko lang kung maaari pa bang makakuha ng bahagi ang aking pamangkin kahit mismong ang namatay niyang ama ang tumanggi sa mana mula sa mga ari-arian na naiwan ng aming ama. — Nash



Dear Nash,


Ang pagtanggi sa mana ay isang legal na hakbang upang talikuran ng isang tagapagmana ang kanyang karapatang magmana mula sa isang taong namatay. Ito ay kabaligtaran ng pagtanggap ng mana. May iba’t ibang dahilan ang bawat tao sa pagtanggi sa kanilang mana. Isa sa madalas na dahilan ay mayroon silang masamang ugnayan sa namatay at mas pinipiling hindi maiugnay sa kanyang ari-arian.

Ang pagwawaksi ng mana ay hindi basta-basta na lang puwedeng gawin. Ito ay kailangang ipahayag sa isang malinaw na paraan. Ang mga epekto ng pagtanggi sa mana ay laging babalik sa oras ng pagkamatay. 

Ang mga kinakailangan para sa pagtanggi sa mana ay matatagpuan sa Artikulo 1043 ng New Civil Code, gaya ng: (1) katiyakan sa pagkamatay ng yumao, at (2) katiyakan sa karapatan na magmana. Nakasaad dito na:


“Article 1043. No person may accept or repudiate an inheritance unless he is certain of the death of the person from whom he is to inherit, and of his right to the inheritance.”


Ang iba’t ibang paraan ng pagtanggi sa mana ay nakalahad sa Artikulo 1051 ng nasabing batas. Ayon dito:


“Article 1051. The repudiation of an inheritance shall be made in a public or authentic instrument, or by a petition duly presented to the court having jurisdiction over the testamentary or intestate proceedings.”


Dagdag pa rito, kung ang tagapagmana ay namatay nang hindi pa natatanggap o tinatanggihan ang mana, ang kanyang karapatan ay lilipat sa kanyang mga tagapagmana alinsunod sa Artikulo 1053 ng New Civil Code. Ang pagtanggap o pagtanggi sa mana, kapag nagawa na, ay hindi na maaaring bawiin at hindi na maaaring kuwestiyunin. Gayunpaman, may mga eksepsyon na nakasaad sa Artikulo 1056 ng nabanggit na batas: 


“Article 1056. The acceptance or repudiation of an inheritance, once made, is irrevocable, and cannot be impugned, except when it was made through any of the causes that vitiate consent, or when an unknown will appears.”


Sa iyong sitwasyon, maaari pa ring makuha ng iyong pamangkin ang parte sa mana ng kanyang ama kahit mismong ama na niya ang tumanggi sa mana mula sa mga ari-arian na naiwan ng inyong ama. Ang pagtanggi sa mana na diumano’y ginawa ng iyong kapatid ay hindi epektibo at walang bisa sapagkat hindi ito ginawa alinsunod sa ating New Civil Code. 

Upang maging epektibo at may bisa ang pagtanggi sa mana, kailangang ito ay nasa isang kasulatang pampubliko o authentic na dokumento o sa pamamagitan ng isang petisyon na iniharap sa hukuman na may hurisdiksyon o kapangyarihang dinggin ang mga usaping may kinalaman sa pamana (Artikulo 1051, New Civil Code). Sa kaso ng iyong yumaong panganay na kapatid, ang pagtanggi niya sa kanyang mana ay sa pamamagitan lamang ng salita. Hindi ito maaaring maituring na pagtanggi na naaayon sa ating batas. 

Ayon naman sa Artikulo 1053 ng New Civil Code, kapag ang tagapagmana ay namatay nang hindi pa natatanggap o tinatanggihan ang pamana, ang kanyang karapatan ay lilipat sa kanyang mga tagapagmana. Kaya naman, ang bahagi ng iyong yumaong panganay na kapatid sa kanyang mana sa ari-arian na naiwan ng inyong ama ay maisasalin o lilipat sa kanyang mga tagapagmana, na kinabibilangan ng iyong pamangkin na nabanggit sa iyong katanungan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 24, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


May pamantayan ba tayo patungkol sa mga inaangkat na karne rito sa ating bansa bago ito maibenta o mailabas sa merkado? Maraming salamat sa iyong magiging tugon. — Jao



Dear Jao,


Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Chapter VI ng Republic Act (R.A.) No. 9296, “An Act Strengthening the Meat Inspection System in the Country, Ordaining for this Purpose a “Meat Inspection Code of the Philippines”, and for Other Purposes, o mas kilala bilang, “The Meat Inspection Code of the Philippines,” na nagsaad nito:


“CHAPTER VIINSPECTION OF IMPORTED MEAT AND MEAT FOOD PRODUCT


Section 32. Examination and Laboratory Analysis. - The NMIS shall conduct examination and when necessary, laboratory analysis of imported meat and meat products after the products are approved for release by the National Veterinary Quarantine Service at the ports of entry.


Section 33. Confiscation of Meat and Meat Products. - The inspectors shall seize, recall, confiscate, condemn or dispose by destruction or re-export at the expense of the importer, any imported carcass, meat or meat products of food animals that has been prepared, sold, transported or otherwise distributed or offered or received for distribution in commerce, and found to be filthy, contaminated, adulterated or misbranded during inspection and laboratory analysis.


Section 34. Accreditation of Foreign Meat Establishments. - Meat exporters to the Philippines shall secure accreditation of foreign meat establishment at source from the Department of Agriculture before being allowed to ship meat and meat products into the country. An audit or inspection shall be done of exporters of meat and meat products in terms of their compliance with Philippine and internationally recognized standards.


Section 35. Compliance Prior to Shipment. - Meat exporters to the Philippines must comply with all other Philippine import requirements prior to the shipment of meat and meat products into the country.


Section 36. Import Requirements. - Imported meat and meat products shall be refused entry if they do not meet Philippine import requirements. The refused entry items shall be re-exported to the country of origin or destroyed at the expense of the importer or owner in order to protect public health and the local animal population.”


Ayon sa nasabing mga probisyon na batas, may mga pamantayan na kailangang sundin hinggil sa mga inangkat na karne sa ating bansa. Nakasaad sa Seksyon 32 ng Kabanata VI na may pamagat na, “Inspection of Imported Meat and Meat Food Product” na ang National Meat Inspection Service (NMIS) ay kinakailangang magsagawa ng pagsusuri at kung kinakailangan, pagsusuri sa laboratoryo ng mga inangkat na karne at mga produktong karne pagkatapos maaprubahan ng National Veterinary Quarantine Service (NVQS) ang mga produkto para ilabas sa mga daungan ng pagpasok sa bansa. Maliban dito, ang mga foreign meat establishments ay nararapat na makakuha muna ng accreditation mula sa Department of Agriculture bago payagang magpadala ng karne at mga produktong karne sa bansa. Ang pag-inspeksyon ay dapat gawin ng mga nagluluwas ng karne at mga produktong karne sa mga tuntunin ng kanilang pagsunod sa mga pamantayang kinikilala ng Pilipinas at ibang mga bansa. Dapat na masunod muna ang lahat ng iba pang import requirements ng bansa bago ipadala ang mga inangkat na produkto ng karne sa Pilipinas dahil kung hindi, maaaring hindi pahintulutan ang pagpasok ng mga ito sa ating bansa at maaaring ibalik sa bansa kung saan ito nanggaling.


Kung kaya, bilang kasagutan sa inyong katanungan, may nakatalang proseso sa nabanggit na batas patungkol sa angkop at akmang pagtanggap ng mga inangkat na produkto ng karne sa ating bansa. Ito ay akma sa isa sa mga polisiya ng ating pamahalaan na tiyakin ang seguridad sa pagkain at magbigay ng mga pamantayan sa kaligtasan at kalidad para sa mga produktong pangkonsumo na may kaugnayan sa agrikultura upang matiyak ang proteksyon ng publiko laban sa hindi makatuwirang mga panganib sa kalusugan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page