top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 7, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Hindi nagtagal ang pagsasama naming mag-asawa. Nang maghiwalay kami, nanghihingi siya ng danyos dahil sa sakit na naidulot sa kanya ng pagpapakasal sa akin, gayong hindi pa pala naipapawalang-bisa ang kasal ko sa naunang asawa. Hindi ko ito sinasadya dahil umasa at naniwala lang din ako sa dati kong asawa na naipawalang-bisa na ang kasal namin kasunod ng divorce decree sa ibang bansa. May habol ba talaga siya? – Maryo



Dear Maryo,


Una sa lahat, nagtatakda ang ating New Civil Code of the Philippines ng mga pamantayan para sa pagpapatupad ng mga karapatan at pagganap ng mga tungkulin ng isang tao:


ARTICLE 19. Every person must, in the exercise of his rights and in the performance of his duties, act with justice, give everyone his due, and observe honesty and good faith.”


Kaugnay nito, kinikilala ng probisyong ito na kahit ang paggamit ng isang karapatan ay maaaring pagmulan ng ilang ilegal na gawain, kapag ginawa sa paraang labag sa mga itinakdang pamantayan at nagreresulta sa pinsala sa iba. Samantala, nagtatakda ang mga sumusunod na probisyon ng legal na remedyo para sa paglabag sa itaas na probisyon:


ARTICLE 20. Every person who, contrary to law, willfully or negligently causes damage to another, shall indemnify the latter for the same.


ARTICLE 21. Any person who willfully causes loss or injury to another in a manner that is contrary to morals, good customs or public policy shall compensate the latter for the damage.”


Ang mga legal na probisyong ito ay higit na tinalakay sa kasong Mary Elizabeth Mercado vs. Rene V. Ongpin, G.R. No. 207324, 30 Setyembre 2020. Tinalakay rito ng ating Korte Suprema, sa pamamagitan ni Honorable Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen, na kinakailangang mapatunayan ang malisya o bad faith upang mapanatili ang isang aksyon para sa pinsala o danyos batay sa Artikulo 19 ng nabanggit na batas:


For there to be a finding of an abuse of rights under Article 19, the following elements must concur: (1) there is a legal right or duty; (2) the right is exercised or the duty is performed in bad faith; and (3) the sole intent of the exercise or performance is to prejudice or injure another. It must be shown that the exercise of the right or performance of the duty was done with bad faith. In Dart Philippines, Inc. v. Spouses Calogcog:


Malice or bad faith is at the core of Article 19 of the Civil Code. Good faith refers to the state of mind which is manifested by the acts of the individual concerned. It consists of the intention to abstain from taking an unconscionable and unscrupulous advantage of another. It is presumed. Thus, he who alleges bad faith has the duty to prove the same. Bad faith does not simply connote bad judgment or simple negligence; it involves a dishonest purpose or some moral obloquy and conscious doing of a wrong, a breach of known duty due to some motives or interest or ill will that partakes of the nature of fraud. Malice connotes ill will or spite and speaks not in response to duty. It implies an intention to do ulterior and unjustifiable harm. Malice is bad faith or bad motive. xxx


Thus, the Regional Trial Court was in error when it held that the mere contracting of a second marriage despite the existence of a first marriage is, by itself, a ground for damages under Article 19 in relation to Article 20 or Article 21.”


Sa nasabing kaso, pinasyahan ng Korte Suprema na ang simpleng pagkontrata ng pangalawang kasal sa kabila ng pagkakaroon ng naunang kasal ay hindi sapat na batayan para sa mga pinsala sa ilalim ng Artikulo 19, kaugnay sa Artikulo 20 o 21 ng New Civil Code of the Philippines. Gaya ng nabanggit sa itaas, kinakailangang maipakita ng pangalawang asawa na may malisya o masamang motibo (bad faith) nang siya ay pakasalan, kahit kasal pa sa naunang asawa. 


Kaya naman, sa iyong sitwasyon, kailangan patunayan ng iyong pangalawang asawa na mayroong bad faith sa iyong parte bago siya makahingi ng danyos. Sa iyong parte naman, maaari mong maging depensa ang kawalan ng malisya o masamang motibo. Bagkus, umasa at naniwala ka lamang sa dati mong asawa na naipawalang-bisa na iyong kasal kasunod ng divorce decree na kinuha niya sa ibang bansa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 6, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nagtatrabaho ako sa isang accounting firm. Nakasaad sa aming kontrata na kami ay bawal magtrabaho sa ibang mga accounting firm sa loob ng isang taon pagkatapos ng aming pagbibitiw sa aming kumpanya. Kung lalabag sa nasabing probisyon ng kontratang ito, kinakailangan naming magbayad ng penalty na hindi bababa sa P100,000.00. Ang pagbabawal ba na ito ay naaayon sa batas? -- Kate



Dear Kate,


Ang probisyon na iyong binabanggit sa kontrata ay ang tinatawag na non-compete clause. Ito ay isang uri ng post-employment restrictions. Sa ganitong uri ng sugnay, ang isang dating empleyado ay ipinagbabawal na direktang makipagkumpitensya sa dating kumpanya sa sandaling umalis na ito sa trabaho, sa pamamagitan ng pagkuha ng trabaho mula sa isang katunggali o pagtatayo ng sariling negosyo na nasa parehong linya ng negosyo ng kanyang dating kumpanya. 


Tulad ng anumang iba pang kasunduan, dapat sundin ang Artikulo 1306 ng New Civil Code of the Philippines, na nagtatakda na bagama’t ang mga partido ay maaaring malayang magtakda ng mga sugnay, hindi dapat ito sumasalungat sa batas, moralidad, mabuting kaugalian, kaayusan ng publiko, o patakarang pampubliko. Sa kaso na Rolando C. Rivera vs. Solidbank Corporation (G.R. No. 163269, April 19, 2006, sa panulat ni Honorable Associate Justice Romeo J. Callejo, Sr.) ay ipinaliwanag ng Korte Suprema ang mga salik na isasaalang-alang kung ang non-compete clause ay makatwiran:


  1. whether the covenant protects a legitimate business interest of the employer; 

  2. whether the covenant creates an undue burden on the employee;

  3. whether the covenant is injurious to the public welfare; 

  4. whether the time and territorial limitations contained in the covenant are reasonable; and 

  5. whether the restraint is reasonable from the standpoint of public policy.”


Sa parehong kaso, pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang non-compete clause dahil hindi ito makatwiran dala ng kawalan ng limitasyon sa heograpiya. Sa kabilang banda, sa kaso naman ng Century Properties, Inc. vs. Edwin J. Babiano and Emma B. Concepcion (G.R. No. 220978, July 05, 2016, sa panulat ni Honorable Associate Justice Estela Perlas - Bernabe) kinatigan ng hukuman ang bisa ng isang non-compete clause sa kabila ng kawalan ng isang partikular na limitasyon sa heograpiya at sinabi na ito ay para makapagbigay ng patas at makatwirang proteksyon sa employer. Sa kasong ito, ang sangkot na empleyado ay humahawak ng “highly sensitive and confidential managerial position.”


Samakatuwid, dapat bigyang-diin ang naunang pahayag ng korte na ang mga partikular na mga pangyayari ng bawat kaso ay dapat suriin upang matukoy ang bisa at pagiging makatwiran ng isang post-employment clause. Tulad sa iyong sitwasyon, kung ang non-compete clause ay hindi makatwiran o mapang-api, maaaring hindi rin maipatupad ito dahil salungat sa patakarang pampubliko. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 6, 2025



ISSUE #368


Noong gabi ng Hunyo 26, 2008, isang karumal-dumal na trahedya ang naganap sa Brgy. Linan, Tupi, South Cotabato. Si Nanay Lorna, 72-taong-gulang, ay walang kalaban-laban na inatake, sinaktan, at binato hanggang sa mawalan ito ng buhay. Ang akusado ay ang kapitbahay na si alyas “Tata.”


Sa kasong People v. Lanaja (Crim. Case No. 2491-xx, RTC Br. 39, Polomolok, South Cotabato, 28 Marso 2019, sa panulat ni Honorable Presiding Judge Eddie Rojas), ating balikan ang mga pangyayaring humantong sa pagkamatay ni Nanay Lorna, hindi nito tunay na pangalan, at kung paano ang kapwa daing ng ating kliyente na itago na lamang natin sa pangalang alyas “Tata”, ay pinal na natuldukan nang siya’y napawalang-sala mula sa kasong Murder, kaugnay sa nabanggit na sinapit ni Nanay Lorna.


Sinuri ng nasabing hukuman ang lahat ng salaysay at ebidensya upang sagutin ang mahalagang katanungan: Sapat ba ang ipinakitang ebidensya ng panig ng prosekusyon upang idiin si Tata bilang salarin sa pagpatay kay Nanay Lorna?


Bilang pagbabahagi ng mga kaganapan, narito ang buod ng mga salaysay na inilahad ng hukuman.  Ayon sa information na isinampa, bandang alas-9:00 ng gabi, noong ika-26 ng Hunyo 2008, sa Brgy. Linan, Tupi, South Cotabato, may intensyong pumatay, umatake, bumugbog, at bumato ang akusado na si Alyas “Tata” kay Nanay Lorna, na isang 72-taong-gulang, habang ito ay walang kalaban-laban, walang armas, at walang kakayahang lumaban. Tinamaan ng mga malulupit na hampas at bato ang ulo at katawan ng biktima, dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.

Dalawang saksi ang iniharap ng tagausig na sina Girly at Kapitan Tonton. 


Ayon kay Girly, narinig niya si Nanay Lorna na humihingi ng saklolo noong gabing iyon. Diumano ay nakita niya ang anino ni Tata na humarang sa kanyang daan. Gayunpaman, nang sumailalim sa cross-examination, nagbagu-bago ang kanyang salaysay, minsan buo ang kumpiyansa, minsan naman umaamin na madilim ang paligid at tanging anino lamang ang kanyang nakita.


Iginiit ni Girly na tulad kay Nanay Lorna, pamilyar din umano siya sa boses ni Tata na nagsabi na huwag makialam. Ayon kay Girly, dahil diumano sa narinig niyang banta mula kay Tata, siya ay kumabig pabalik hanggang sa mabalitaan na lamang niya kinabukasan ang pagkamatay ni Nanay Lorna. Si Kapitan Tonton naman ay nagsabi na umamin umano si Tata sa kanya, na siya ang may gawa ng pagpaslang. Ngunit ang umano’y pahayag na ito ay hindi naisulat, hindi pirmado, at hindi mismo nasabi ng akusado sa hukuman noong panahon ng paglilitis. Sa kabilang banda, matapos maikonsidera ang kabuuang ebidensya ng tagausig, napagdesisyunan ng depensa na hindi magharap ng ebidensya.


Matapos ang paglilitis at sa tulong ng Public Attorney’s Office, sa pamamagitan ni Manananggol Pambayan Atty. Rex Malcampo ng PAO-Polomolok, South Cotabato District Office, sinuri ng hukuman ang lahat ng ebidensya. Sa huli, pinawalang-sala si Tata.


Sa kasong kriminal, ang pangunahing elemento ng krimen ay ang wastong pagkakakilanlan ng akusado. Dito, nabigo ang tagausig na patunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa na si Tata ang salarin. Ang testimonya ni Girly ay hindi matibay, lalo’t umaasa lamang siya sa anino at kanyang aniya ay narinig na boses at hindi sa tiyak na pagkakakilanlan. Tulad ng itinuro sa People v. Avillano (269 SCRA 553), bagaman ang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng boses ay katanggap-tanggap kung personal na kilala ng saksi ang akusado – ito ay dapat na categorical and certain. Sa kasong ito, hindi naging tiyak ang salaysay ni Girly.


Sang-ayon sa desisyon ng Korte Suprema, ang testimonya ng isang saksi ay dapat matatag at walang pag-aalinlangan. Ngunit dito, ilang ulit na nagpalit-palit ang bersyon ni Girly hinggil sa pagkakakilanlan kay Tata. Bagama’t pinapayagan ang voice identification kapag personal na kilala ang akusado, ito ay dapat malinaw at walang pasubali. Sa halip, gaya ng binigyang-diin ng korte, ang pagbabagu-bago ni Girly ng kanyang testimonya ay nagbunga ng kawalan ng katiyakan. Kaya’t isang “seed of doubt” ang nabuo laban sa tagausig.

 

Kaugnay sa People v. Manambit (271 SCRA 344), kapag ang isang saksi ay bigong maging consistent o kaya naman ay may pag-aalinlangan ang sagot sa mga mahahalagang detalye, gaya ng pagkakakilanlan ng akusado ay awtomatikong nagkakaroon ng pagdududa na pumapabor sa depensa.


Sa kabilang banda, ayon naman kay Kapitan Tonton, umamin umano si Tata na siya ang may-akda ng pamamaslang. Gayunpaman, kapansin-pansin na hindi ito naisulat, napirmahan, at hindi rin sumailalim sa cross-examination. Alinsunod sa jurisprudence, ang extrajudicial confession ay kailangan ng malinaw na boluntaryo, may abogado, at nasusulat. Subalit, wala kahit isa sa mga rekisitong ito ang napatunayan.


Hinggil sa nabanggit, ang sinasabing oral confession ni Tata ay hindi sapat. Ayon sa People v. Feliciano (58 SCRA 383), bagama’t hindi kailangang nakasulat ang lahat ng pag-amin, kailangang may katiyakan na ito ay kusa at walang pamimilit. Ang kawalan ng sworn statement sa kasong ito ay lalong nagpapahina sa ebidensya ng tagausig. Bukod pa rito, ang sinabi ni Kapitan Tonton tungkol sa umano ay pag-amin ni Tata ay maituturing na hearsay, sapagkat hindi mismo ang akusado ang nagpatotoo sa korte.


Panghuli, ang bawat akusado ay ipinagpapalagay na inosente hanggang mapatunayang maysala nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Ang bigat ng pagpapatunay ay nasa tagausig. Tulad ng pinagtibay sa Daayata v. People (807 Phil. 102), kung may makatuwirang pagdududa, ang hatol ay dapat tungo sa pagpapalaya o acquittal.


Samakatuwid, matapos timbangin ang lahat, malinaw na nabigo ang tagausig na patunayan na si Tata ang pumatay kay Nanay Lorna. Ang hindi consistent o pabagu-bagong testimonya ni Girly, ang kahinaan ng umano ay pag-amin o confession, at ang kawalan ng tiyak na pagkakakilanlan ay nagdulot ng makatuwirang pagdududa.


Ang kasong ito ay nagpapaalala na sa batas kriminal, hindi sapat ang anino, narinig, o sabi-sabi upang ituring na maysala ang isang akusado. Kailangang malinaw, tiyak, at lampas sa makatuwirang pagdududa ang ebidensya. Sa madaling salita, pinairal ng hukuman ang prinsipyo ng due process at presumption of innocence.


Habang idinadalangin natin ang kaluluwa ni Nanay Lorna at ang muling paghilom ng sugat ng kanyang pamilya, patuloy nating pinanghahawakan ang pag-asa na sa takdang panahon, ang tunay na salarin ay mananagot at ang ganap na hustisya ay lubos na makakamtan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page