top of page
Search

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 19, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Isa sa mga pangunahing patakaran ng Estado ay ang pagbibigay ng proteksyon sa interes ng mga mamimili, pagtataguyod ng pangkalahatang kapakanan, at pagtatakda ng mga pamantayan ng pag-uugali para sa negosyo at industriya. Kaya naman ipinasa ang Republic Act (R. A.) No. 10962 na may titulong Gift Check Act of 2017.


Alinsunod dito, ang Estado ay marapat na isulong at hikayatin ang patas at tapat na ugnayan sa pagitan ng mga partido sa transaksyon ng mga mamimili at protektahan ang mga ito laban sa mapanlinlang, hindi patas, at walang konsensyang mga gawain at gawi sa pagbebenta. Titiyakin din nito na ang pinakamahusay na interes ng mamimili ay isinasaalang-alang sa interpretasyon at pagpapatupad ng mga probisyon dito, kasama ang mga tuntunin at regulasyon sa pagpapatupad nito. 


Sa pagpapatupad ng layuning ito, kinikilala ng Estado, sa pamamagitan ng Department of Trade and Industry (DTI), na ang isang gift check ay kumakatawan sa halagang hawak ng pinagbigyan nito at na ang mga mamimili ay hindi dapat labis na pagkaitan ng halaga ng kanilang pera. Ang gift check, na tinutukoy din bilang gift certificate o gift card, ay anumang instrumento na ibinibigay sa sinumang tao, natural o juridical, na mayroong monetary consideration o halaga bilang pambayad para sa mga consumer goods o services.


Ito ay maaaring nasa anyo ng papel, card, code, o iba pang device, at mananatiling may bisa hanggang sa pagtigil ng negosyo ng nagbigay nito. Samantala ang coupon o voucher ay anumang instrumento na ibinibigay sa sinumang tao, natural o juridical, na mayroong monetary consideration at kung hindi man, ay nagbibigay ng karapatan sa may-ari nito ng diskwento sa isang partikular na produkto o serbisyo, o maaaring ipagpalit para sa isang paunang natukoy na produkto o serbisyong tinukoy sa nabanggit na coupon o voucher. 


Subalit hindi lahat ng gift check ay sinasakop ng batas na ito. Ang mga gift checks na ibinibigay para sa loyalty, rewards o promotional programs ay hindi sakop ng batas na ito. Hindi rin kasama ang mga coupons at vouchers sa probisyon ng batas. 


Ang mga promotional activities sa pagbebenta, loyalty programs at mga warranty, mga return policies para sa cash purchases, at maging ang mga diskwento na ibinibigay para sa mga senior citizen at persons with disability (PWD) alinsunod sa kaugnay na batas, mga tuntunin at regulasyon, ay dapat ding ibigay sa mga pagbili ng mga pangangailangan at serbisyo na ang ginamit na pambayad ay gift check.


Sang-ayon sa Gift Check Act, itinuturing na labag sa batas ang mga sumusunod na gawain:

(a) Pag-isyu ng gift check na may expiration date;

(b) Pagpapataw ng petsa ng pag-expire sa natitirang halaga, kredito, o balanse ng gift check; o

(c) Pagtanggi na igalang ang hindi nagamit na halaga, kredito, o balanseng natitira sa nasabing gift check.


Ang sinumang tao na mapatutunayang lumabag sa probisyon ng batas na ito ay mapapatawan ng kaparusahan sa ilalim ng batas na ito kung saan nakasaad sa Seksyon 11 nito na: 

“Any person, natural or juridical, who violates the provisions of this Act shall be obligated to return the unused balance of the gift check within ninety (90) days from the declaration of the violation by the DTI and shall be subject to a fine to be imposed by the Secretary of Trade and Industry, which shall in no case be less than five hundred thousand pesos (P500,000.00) nor more than one million pesos (P1,000,000.00): Provided, that for the second offense, in addition to the fine, the issuance of gift check by the offending issuer shall be suspended for three (3) months: Provided, further, that for the third offense, in addition to the fine, the issuance of gift check by the offending issuer shall be cancelled.”







 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 18, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Gusto kong makipaghiwalay sa asawa ko. Nalaman ko kasi na nagkaroon siya ng relasyon noon sa aking matalik na kaibigan bago kami ikasal. Napakabigat ng aking kalooban dahil sa idinulot nito sa akin na sama ng loob. Sana hindi na lang natuloy ang aming kasal. Maaari ko bang gamiting dahilan ito upang kami ay tuluyan nang legal na makapaghiwalay? Sana ay magabayan ninyo ako. Maraming salamat at mabuhay kayo.


-- Luisa



Dear Luisa, 


Bagama’t pakiwari mo ay niloko ka ng asawa mo sa hindi niya pag-amin sa kanyang naging relasyon sa iyong matalik na kaibigan bago kayo ikinasal, mabuting linawin natin sa simula pa lamang na hindi lahat ng panloloko ay maaaring maging basehan para mapawalang-bisa ang isang kasal. Para sa iyong kaalaman, ipinagtibay ng Family Code of the Philippines ang mga uri ng panloloko na maaaring maging dahilan ng annulment: 


“Art. 46. Any of the following circumstances shall constitute fraud referred to in Number 3 of the preceding Article:


  1. Non-disclosure of a previous conviction by final judgment of the other party of a crime involving moral turpitude;

  2. Concealment by the wife of the fact that at the time of the marriage, she was pregnant by a man other than her husband;

  3. Concealment of sexually transmissible disease, regardless of its nature, existing at the time of the marriage;

  4. Concealment of drug addiction, habitual alcoholism or homosexuality or lesbianism existing at the time of the marriage. 


No other misrepresentation or deceit as to character, health, rank, fortune or chastity shall constitute such fraud as will give grounds for action for the annulment of marriage.”


Inilalahad ng nabanggit na batas kung ano lang ang mga uri ng panloloko na maaaring gamitin para sa annulment ng kasal. Ang paglilihim ng isang asawa sa kanyang naunang relasyon bago siya ikasal ay hindi kabilang sa mga nabanggit na dahilan para mapawalang-bisa ang kasal. Mismong ang Kataas-tasang Hukuman na ang nagbigay-linaw nito sa kasong Anaya vs. Palaroan (G.R. No. L-27930, 26 November 1970, Ponente: Kagalang-galang na Mahistrado Jose Benedicto Luis L. Reyes) kung saan sinasabi na:


“Non-disclosure of a husband’s pre-marital relationship with another woman is not one of the enumerated circumstances that would constitute a ground for annulment; and it is further excluded by the last paragraph of the article, providing that "no other misrepresentation or deceit as to ... chastity" shall give ground for an action to annul a marriage. While a woman may detest such non-disclosure of premarital lewdness or feel having been thereby cheated into giving her consent to the marriage, nevertheless the law does not assuage her grief after her consent was solemnly given, for upon marriage she entered into an institution in which society, and not herself alone, is interested.”


Bagama’t ang nasabing desisyon ng korte ay base sa mga probisyon ng New Civil Code of the Philippines, ang parehong prinsipyo ay totoo pa rin sa ilalim ng ating Family Code of the Philippines. Gaya ng nabanggit sa itaas, wala pa rin ang pagtatago ng dating relasyon sa mga uri ng panloloko na inilalahad ng Family Code of the Philippines bilang grounds para ipawalang-bisa ang isang kasal.


Malinaw sa batas at sa nabanggit na desisyon ng Korte Suprema na sa kabila ng labis na sama ng loob na naidulot sa iyo ng iyong asawa dahil sa paglilihim niya sa nauna niyang relasyon sa iyong matalik na kaibigan bago kayo ikasal, hindi pa rin ito maituturing na panloloko na magbibigay ng basehan upang ipawalang-bisa ang inyong kasal. Dahil dito, makabubuti na subukan muli ninyong mag-asawa na mag-usap, at pagtuunan ng pansin ang inyong relasyon para sa ikabubuti na rin ng inyong kinabukasan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.






 
 

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 17, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nasunog ang tindahan ng tiyuhin ko at dalawa sa kanyang mga anak ay isinugod sa ospital dahil sa matinding pagkasunog na umabot sa third-degree burns. Matapos ang isang buwang gamutan, ang isa sa kanila ay namatay habang ang isa naman ay nagpahayag ng pagnanais na umuwi. Subalit, hindi pinayagan ng ospital na makaalis ang pasyente, at hindi rin pinahintulutan ang tiyuhin ko na kunin ang bangkay ng namatay niyang anak dahil sa hindi pa nababayarang hospital bills. Kahit na nagbigay ang tiyuhin ko ng isang promissory note, hindi pa rin sila pinagbigyan. Ayon ba ito sa batas? -- Debora



Dear Debora,


Ang Republic Act No. 9439 (R.A. No. 9349), o ang batas na nagbabawal sa pagpigil ng mga pasyente sa mga ospital at medical clinics dahil sa hindi pagbabayad ng mga hospital bills o medical expenses, ay nagbabawal sa gawain ng pagpigil sa isang pasyente na umalis sa ospital o medical clinic dahil sa usaping pinansyal.


Ayon sa Seksyon 1 ng nasabing batas, itinuturing na ilegal para sa alinmang ospital o medical clinic sa bansa na pigilan, sa direkta man o anumang ibang paraan, ang pag-alis ng mga pasyenteng ganap o bahagyang nakarekober na, nabigyan na ng sapat na atensyon, o maging ang paglabas ng labi ng mga namatay na pasyente, dahil lamang sa hindi kumpletong pagbayad ng mga hospital bills o medical expenses. Samakatuwid, nangyayari ang "detention" (pagpigil) kapag ang isang tao ay hinahadlangan na umalis sa ospital o medical clinic dahil sa hindi pagbabayad ng mga hospital bills.


Ang batas na ito ay sumasaklaw sa parehong buhay na pasyente at sa mga pumanaw na pasyente. Sa ilalim ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng R.A. No. 9349, ang pagpigil sa isang buhay na pasyente ay tinutukoy kung ang lahat ng sumusunod ay naroroon: (a) Ang pasyente na bahagya o ganap nang gumaling ay nagpahayag ng kanyang intensyon na umalis sa ospital o medical clinic, o ang doktor na nag-aasikaso sa kanya ay nag-isyu na ng discharge order (utos na umuwi); (b) Ang pasyente ay hindi naka-confine sa isang pribadong kuwarto at wala siyang kakayahang pinansyal na bayaran ang kaukulang hospital bills o gastos sa pagpapagamot; (c) Ang pasyente ay nakagawa na ng isang promissory note na sumasaklaw sa hindi nabayarang hospital bills o gastos sa pagpapagamot; at (d) Ang opisyal o empleyado ng ospital o medical clinic na responsable sa pagpapalabas ng pasyente ay pinigilan siya sa pag-alis sa nasabing establisyemento.


Tungkol naman sa isang pumanaw na pasyente, itinuturing na may "detention" (pagpigil) kapag naroroon ang lahat ng mga sumusunod: (a) Ang doktor ay nagdeklara na ng kamatayan ng pasyente; (b) Ang sinuman sa mga naiwang kamag-anak ay walang kakayahang magbayad ng kaukulang hospital bills o gastos sa pagpapagamot; (c) Ang sinuman sa mga naiwang kamag-anak ay nakagawa na ng isang promissory note na sumasaklaw sa hindi nabayarang hospital bills o gastos sa pagpapagamot; at (d) Ang opisyal o empleyado ng ospital o medical clinic na responsable sa pagpapalabas ng labi ng pasyente ay tumangging ibigay ang bangkay at/o ang mga kaugnay na dokumento.


Upang masugpo ang ilegal na gawaing ito, itinakda ng batas ang kaukulang pananagutang kriminal sa sinumang lalabag dito. Ayon sa batas, ang sinumang opisyal o empleyado ng ospital o medical clinic na responsable sa pagpapalabas ng mga pasyente na mapatunayang lumabag sa R.A. No. 9439 at sa mga alituntunin nito ay parurusahan ng multa na hindi bababa sa P20,000 ngunit hindi lalampas sa P50,000, o pagkakakulong nang hindi bababa sa isang buwan ngunit hindi lalampas sa anim na buwan, o parehong multa at pagkakakulong, depende sa desisyon ng korte.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





 
 
RECOMMENDED
bottom of page