top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | Mar. 13, 2025



Photo File: Si dating Pangulong Rodrigo Duterte - Sen. Bong Go


Walang inilabas na temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema laban sa pakikipagtulungan ng gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC). 


Sa halip, inasatan ng Korte Suprema ang mga respondent na magkomento kaugnay sa inihaing petisyon kahapon nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senator Bato Dela Rosa. 


Respondents sa petisyon sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Justice Secretary Boying Remulla, DILG Secretary Jonvic Remulla, PNP Chief Rommel Marbil, CIDG Chief Nicolas Torre Ill, Solicitor General Menardo Guevarra, DFA Secretary Enrique Manalo, AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner, Jr. at dating Immigration Commissioner Norman Tansingco. 


Ayon sa SC, matapos talakayin ang 94 na pahinang petisyon ay hindi naipaliwanag nang maayos ng petitioners kung bakit kailangang magpalabas ng TRO. 


Sa kabila n'yan binigyan ng Mataas na Hukuman ang mga respondent ng sampung araw upang magkomento sa petisyon. 


Samantala, kinumpirma naman ng SC na natanggap na nila ang magkahiwalay na inihaing petition for habeas corpus na humihiling na pauwiin na agad ang dating Pangulo. 


Inihain ang magkahiwalay na petisyon ng magkapatid na sina Davao City Mayor Baste Duterte at dating presidential daughter na si Kitty. 


Ipinag-utos na ni Chief Justice Alexander Gesmundo na isagawa agad ang raffle sa dalawang petisyon para sa nararapat na aksyon.

 
 

ni Madel Moratillo @News | Mar. 5, 2025



Photo File: Neri Naig Miranda - IG


Ibinasura na ng Pasay City Regional Trial Court ang syndicated estafa na isinampa kay Neri Naig-Miranda, ayon sa abogado nitong si Atty. Aureli Sinsuat.


Samantala, ipinost naman ng Parokya ni Edgar vocalist at mister ni Neri na si Chito, sa kanyang Instagram (IG) ang larawan ng isang sulat na nagsasaad ng desisyon ng korte.



Nakasaad naman sa caption ng IG post ni Chito na, “Thank You, Lord. Mabuti na lang talaga na alam ni Lord ang buong katotohanan kaya never niya pinabayaan si Neri. Sobrang blessed din kami dahil the people who matter knew the truth as well, and did everything they could to help and support her.”


Matatandaang Nobyembre 2024 nang kumpirmahin ng Southern Police District na isang aktres-negosyante na alyas Erin ang inaresto nila dahil umano sa paglabag sa securities regulation code.

 
 

ni Madel Moratillo @News | Mar. 4, 2025



Photo File: Comelec Chairman George Erwin Garcia


Inimbitahan ng Commission on Elections (Comelec) ang TV contestant sa isang beauty pageant ng isang noontime show. 


Una rito, nag-viral ang video ng nasabing contestant matapos sabihing wala siyang masyadong alam sa Comelec nang tanungin ng host sa mensahe niya sa komisyon. 


Ang 20-anyos na contestant ay hindi pa rin daw umano nakakaboto. 

Wala rin aniya silang telebisyon at hindi rin umano masyadong lumalabas sa social media account niya ang tungkol sa Comelec. 


Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nais nilang ipaalam at ibigay ang mga impormasyon sa dalaga hinggil sa mandato at mga gawain ng ahensya. 


Batid ni Garcia na may ibang kabataan pa ang hindi lubos na nalalaman ang Comelec kaya't importante talaga ang pagpapaigting ng voters education.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page