top of page
Search

ni Madel Moratillo @News | September 21, 2023




Exempted na sa election ban ng social services ang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga nasa pampublikong transportasyon.


Ito ay matapos aprubahan ng Commission on Elections ang hiling ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board para ma-exempt sa ban ang pamamahagi ng fuel subsidy.


Mahigpit na bilin ng Comelec na sa implementasyon ng programa ay dapat matiyak na hindi ito makakaimpluwensya sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.


Kabilang sa sakop ng exemption sa election ban ay para sa fuel subsidy program, PUV service contracting program, at PUV modernization program sa kahilingan na rin ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board.


Ang fuel subsidy ay para matulungan ang mga tsuper at operator ng public transport na apektado ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng oil products.




 
 

ni Madel Moratillo @News | September 18, 2023




Sa Setyembre 25 magsisimula ang pilot implementation ng recalibrated Kindergarten to Grade 10 o K-10 curriculum sa ilang piling paaralan sa bansa.


Sa anunsyo ng Department of Education (DepEd), may 35 eskwelahan ang lalahok sa pilot run ng bagong MATATAG K-10 curriculum na una nang inilunsad noong Agosto 10.


Batay sa listahan ng DepEd, ang 5 eskwelahan ay nasa National Capital Region (NCR), tig-5 rin sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Visayas, Soccsksargen, at Caraga.


Una rito, sinabi ni DepEd deputy spokesperson Assistant Secretary Francis Bringas na iko-consolidate ng DepEd lahat ng findings at resulta ng pilot run bilang paghahanda sa implementasyon nito sa mga susunod na taon.


By phase umano ang implementasyon ng bagong K-10 curriculum sa Kinder, Grade 1, Grade 4, at Grade 7 na magsisimula sa School Year 2024-2025.


Ang Grades 2, 5, at 8 naman ay sa SY 2025-2026; Grades 3, 6 at 9 naman sa SY 2026-2027, at Grade 10 naman sa SY 2027-2028.




 
 

ni Madel Moratillo @News | September 15, 2023




Matatanggap na ng 920,073 guro sa pampublikong paaralan ang kanilang performance-based bonus para sa fiscal year 2021.


Ito ay matapos ilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang P11.6 bilyong pondo para rito.


Sa isang pahayag sinabi ng DBM na hanggang nitong September 1, 2023, lahat ng kanilang 16 regional offices ay ini-release na ang Special Allotment Release Orders (SAROs) at Notice of Cash Allocations (NCAs) para rito.


Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, kinikilala ng DBM ang extraordinary na trabaho ng mga guro.


Pero para sa non-teaching personnels na nasa ilalim ng Schools Division Offices sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Calabarzon, Eastern Visayas, Davao Region, Soccsksargen, at Caraga ibinalik ito sa DepEd para sa revalidation o revision. Ito ay dahil sa ilang concern gaya ng duplicate entries, maling impormasyon, at iba pa.




 
 
RECOMMENDED
bottom of page