- BULGAR
- Oct 31
ni Marinelle D. Casbadillo (OJT) @Lifestyle | October 31, 2025

“Happy Halloween!” Ito ang madalas nating sabihin tuwing nalalapit na ang Araw ng mga Patay.
Dahil dito ay naging tanyag ang tinatawag na “Trick-or-Treat” kung saan nagsusuot ang mga bata ng mga costume with matching scary makeup o mga nakakatakot na itsura, habang nagbabahay-bahay para humingi ng iba’t ibang klase ng candy.
Kasunod nito ay naglilipana ang mga inoorganisang mga Halloween party sa mga barangay, school, opisina at sa marami pang lugar, na bumubuhay sa mga kalsada at komunidad mula hatinggabi hanggang madaling-araw.
Isa sa mga sikat na puntahan ng mga Gen Z ay ang Poblacion, Makati dahil sa mga ginaganap na malakihang Halloween invasion party na halos libu-libo ang nagsisidalo at nagkakatipon para sa isang outdoor costume festival na puno ng musika, pagkain, at mga nakakaaliw na spooky costumes.
Kinagigiliwan din ng mga kabataan ang “spirit of the glass” na isang supernatural game na katulad ng Ouija board. Sa larong ito, gumagamit ng isang baso at board na may mga letra para i-spell out ang mga sagot sa mga tanong, na pinaniniwalaang ginagabayan ng espiritu, at nilalaro ito sa iba’t ibang konteksto, mula sa mga sleepover hanggang sa mga spiritual sessions.
Usong-uso rin, ang pagpunta sa mga horror house na nasa loob ng mga carnival at amusement park. Malalakas na hiyawan ang maririnig mula sa pagpasok pa lamang hanggang sa paglabas na ang iba’y umiiyak pa sa sobrang takot.
Hindi rin pahuhuli ang mga malls na nagsasagawa ng mga “Trick-or-Treat” event at nagpapalabas ng mga horror films para sa mga pamilyang gustong mag-bonding.
Sa mga hindi na makadalaw sa mga sementeryo dahil sa napalayo na sila sa kanilang pamilya sa probinsya, nakaugalian na lamang nila ang pagtitirik ng mga kandila sa labas ng kanilang bahay bilang pagbati at paggabay sa mga espiritu.
Ang Halloween ay hindi lamang maituturing na pagdiriwang na may katatakutan, kundi ito rin ay pagsasama-sama at bonding moment ng mga magkakaibigan, magkakaopisina, magkakaeskwela, na ang kasunod nito ay ang paggunita ng buong pamilya sa mga pumanaw na mahalaga sa kanilang buhay.






