top of page
Search

ni Leonida Sison @Boses | October 29, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakabahala pero totoo na marami sa mga tirahan sa ating bansa ang hindi kayang tumindig kapag yumanig na ang lupa. 


Kaya naman sa gitna ng madalas na lindol sa Pilipinas, nanawagan si Department of Science and Technology (DOST) Secretary Renato Solidum Jr. sa mga local government units (LGUs) na tulungan ang mga residente, lalo na ang mga walang kakayahang kumuha ng civil engineer, upang maipatayo o mapaayos ang kanilang mga tahanan nang naaayon sa earthquake-resilient design. 


Sa isang press conference kamakailan sa Visayas, binigyang-diin ni Solidum na ang pangunahing sanhi ng pagkamatay tuwing lindol ay ang pagguho ng mga bahay at gusali, mga istrukturang itinayo nang walang tamang plano o mga gawa sa mga substandard na materyales.


Sa mga nangyaring lindol sa Cebu at Davao Oriental, nabatid ng ahensya na karamihan umano sa mga nag-collapse na gusali ay sa lower level at top heavy o kulang sa structural balance, isang malinaw na senyales ng mahinang disenyo. Minsan pa, ang istruktura ay substandard materials. 


Batay sa datos, 79 na ang nasawi sa Cebu earthquake habang 10 naman sa Davao Oriental, na pawang resulta ng pagkawasak ng mga tirahan. 


Nakakaalarma rin na sa pagtataya ni Solidum, 40 porsyento ng mga bahay ay “non-engineered”, ibig sabihin ay itinayo nang walang gabay at serbisyo ng isang lisensyadong inhinyero o civil engineers. 


Kaya hinikayat ng kalihim ang mga LGU na magbigay ng tulong teknikal lalo’t pinansyal, para sa mga kababayang gustong gawing mas matibay sa lindol ang kanilang mga tirahan. Dapat tiyakin ng mga pamahalaang lokal na ang mga bahay ay sumusunod sa National Building Code, upang maiwasan ang mga sakuna na dulot ng kahinaan sa disenyo at konstruksyon. 


Bilang tugon, pinaigting na rin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology ng DOST ang kanilang “How Safe is My House? app” na inilunsad noong 2021. Sa tulong ng app, maaaring magsagawa ng self-assessment ang mga may-ari ng bahay upang malaman kung ligtas at maayos ang pagkakagawa ng kanilang tirahan. 


Ayon sa kagawaran, ang resulta ay magsisilbing paunang pagsusuri, kasunod nito ang paghingi ng tulong at rekomendasyon sa mga eksperto para matukoy kung kailangan ng pagpapatibay o retrofit ng bahay. 


Ang pagiging matatag ay hindi lang sa drills at posters nakikita, kundi sa mismong pundasyon ng mga tahanan. Hindi natin maiiwasan ang lindol pero ang pagkasawi at epekto nito ay maaaring mabawasan o mapigilan kung ang bawat tirahan ay itinayo nang maayos, may tamang materyales at hindi tinipid, habang magdudulot naman sa atin ng kapahamakan kung ipapagsawalang-bahala lamang. 


Kung tutuusin, hindi lang materyales ang kailangan sa pagbuo ng bahay, kailangan din nito ng siyensya, pagmamalasakit at tamang gabay ng gobyerno. Tungkulin ng kinauukulan na protektahan at pangalagaan ang kanilang mga nasasakupan anumang unos at sakuna ang dumating.

  

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 28, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakadismaya na sa bansang paulit-ulit na bukambibig ang salitang “inclusivity,” kailangan pang ipaglaban ng mga persons with disability (PWD) ang isang bagay na dapat ay matagal nang ibinigay, ang habambuhay na bisa ng kanilang ID. 


Sa halip na makatulong, tila pahirap pa ang paulit-ulit na proseso ng pagpila, pag-asikaso ng papeles, at paggastos ng pamasahe sa pag-renew ng nasabing identification card.


Ito ang nais tapusin ni Senador Erwin Tulfo, head ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, sa kanyang inihaing Senate Bill No. 1405. Layunin ng panukala na baguhin ang Republic Act No. 7277 o ang Magna Carta for Persons with Disability upang gawing libre at lifetime valid ang mga PWD Identification Cards. 


Ayon kay Tulfo, tila hindi makatao ang kasalukuyang sistema. Tuwing nag-e-expire ang kanilang ID, kailangan pa nilang pumila, magdala ng mga requirements, at gumastos ng pamasahe para lang sa dokumentong dati na nilang hawak. 


Dagdag pa niya, ang paglalagay ng expiration date ay tila paraan ng pagtanggi sa kanilang karapatang makamit ang mga benepisyong garantisado ng batas. 

Sa ilalim ng kasalukuyang Magna Carta for PWDs, may karapatan ang mga may kapansanan sa 20% discount sa mga bilihin at serbisyo, gayundin ang pantay na oportunidad sa trabaho at edukasyon. 


Tiniyak ni Tulfo na ang layunin ng panukala ay hindi lamang teknikal na pagbabago, kundi pag-alis sa dagdag na pasanin ng mga PWD na tahimik lamang na lumalaban sa araw-araw. Hindi dapat kalbaryo ang pagkuha ng ID. 

Ang PWD ID ay simbolo ng pagkilala, hindi paalala ng paghihirap. Marami nang kahalintulad na panukala ang inihain noon sa Senado at Kamara, ngunit madalas itong hindi natutuloy. 


Gayunman, umaasa ang mambabatas na mabibigyan na ito ng sapat na pansin, hindi lang bilang batas kundi bilang patunay ng malasakit ng gobyerno sa mga mamamayang may espesyal na pangangailangan. Dahil kung tutuusin, ang pagkakaroon ng kapansanan ay habambuhay, kaya dapat ay habambuhay din ang pagkalinga. 

Hindi lang ito simpleng ID, ito ay pagkilala na may lugar at halaga ang bawat Pinoy, anuman ang kanyang kakulangan o limitasyon. 


Isipin sana natin na ang tunay na “inclusivity” ay nangangailangan ng mga konkretong aksyon. Gayundin, ang panukalang ito na sumasalamin ng malasakit ay wala dapat expiration at kailangang panghabambuhay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 

ni Leonida Sison @Boses | October 27, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa panahong abala ang lahat sa paghahanda ng mga kandila at bulaklak, abala rin ang mga otoridad sa pagtiyak na ligtas ang bawat Pinoy na magtutungo sa mga sementeryo at simbahan ngayong Undas.


Sa halip na mangamba sa posibleng dagsa ng tao, siksikan o anumang krimen, nais ng Philippine National Police (PNP) na maging tahimik at mapayapa ang paggunita ng All Saints’ at All Souls’ Days sa Nobyembre 1 at 2, sa pamamagitan ng pinaigting na seguridad at matinding pagbabantay sa buong bansa. 


Sa direktiba ni acting PNP chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., mas maigting ang mga patrol operation ng pulisya sa mga sementeryo, establisimyento, simbahan at mga komunidad, lalo na’t nasa mga ganitong lugar ang mga pamilya. 


Aabot sa 31,200 pulis ang ide-deploy sa 5,065 cemeteries, memorial parks, columbarium, at pangunahing lansangan mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 bilang bahagi ng kanilang operasyon para sa “Undas 2025”.


Hindi lamang ang PNP ang magbabantay, kasama nila ang 11,700 uniformed personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG), pati na ang 29,900 force multipliers tulad ng barangay tanod, radio groups, at NGO volunteers. 


Mahigit 5,169 Police Assistance Desks din ang itinayo upang gabayan ang publiko, tumugon sa emergency, at mapanatili ang kaayusan sa mga matataong lugar. 


Ayon kay Nartatez, mahalagang maging maingat ang publiko bago umalis ng bahay, siguraduhing nakasara ang pinto’t bintana, naka-unplug ang appliances, at ipaalam din ito sa kanilang barangay. Kung may kahina-hinalang kilos, agad umano itong i-report sa pinakamalapit na istasyon o sa mga hotline ng pulisya. 


Sa Metro Manila, iniutos na rin ni NCRPO chief Maj. Gen. Anthony Aberin ang full alert status simula Oktubre 31, kung saan 8,575 pulis mula sa limang distrito at support units ang itatalaga sa sementeryo, transport hubs, simbahan, at pangunahing lansangan. Magkakaroon din ng inspection teams, mobile patrols, at assistance desks para tumulong sa trapiko at security. 


Kasabay nito, tiniyak ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamumuno ni Edison "Bong" Nebrija ang pag-deploy ng 2,400 traffic enforcers mula Oktubre 25 hanggang Nobyembre 30, na may direktibang ‘no absent, no leave, no day off policy’ dahil sa Undas week. Sinimulan na rin nila ang clearing operations sa limang pangunahing sementeryo sa Metro Manila at nakipag-ugnayan sa mga expressway operators upang masiguro ang maayos na daloy ng trapiko. 


Ang pinagsanib-puwersa ng PNP, MMDA, AFP, BFP, PCG at iba pa, ay patunay na kapag nagtulungan ang pamahalaan at mamamayan, maaaring maging maayos at ligtas ang selebrasyon ng mahalagang tradisyon natin sa halip na mauwi sa kaguluhan. 


Sa panahon kung saan karaniwang masikip ang trapik, dagsa ng tao, at lubhang maingay tuwing Undas, ang pagkakaroon natin ng disiplina, kooperasyon, at malasakit ay pinakamagandang paraan ng pag-alaala natin sa mga yumaong mahal sa buhay.


Ang Undas ay hindi lang panahon ng paggunita, ito rin ay pagsubok sa ating disiplina bilang mga Pinoy. Sa bawat pulis o uniformed personnel na nagbabantay, bawat enforcer na nagpapasunod, at mamamayang marunong sumunod sa alituntunin, nagiging mas safe, maayos at marangal ang ating mga tradisyon. 


Alalahanin din sana natin na kasiyahan ang naidudulot sa mga namayapang mahal sa buhay kung namamasdan nila ang pagkakaisa at kaayusan ng mga naiwang pamilya.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page