ni Julie Bonifacio @Winner | September 7, 2024
Lumantad na ang dating aktres na si Azenith Briones pagkatapos mabalitang dinukot siya sa mismong bahay niya na ikinaalarma ng kanyang mga kaibigan sa showbiz.
Detalyadong ikinuwento ni Azenith ang pangyayari ng kanyang “pagkawala” sa interbyu sa kanya ni Julius Babao sa YouTube (YT) channel ng news anchor na ginanap sa farm ng ex-girlfriend ni Sen. Lito Lapid sa San Pablo, Laguna.
Kuwento niya, may pumasok daw na mga lalaki sa loob ng bahay niya at kumatok sa kanyang kuwarto.
“Nu’ng may kumatok sa kuwarto ko, ako naman na ‘di rin nag-isip, bigla rin akong nagbukas. Pero nagulat ako, sabi ko, ‘Sino kayo? Hindi ko kayo kilala.’ Tapos, nakita ko ‘yung anak ko.
“Natakot ako kasi caught unaware ako, eh. Hindi ko kilala ‘yung mga tao. Sabi ko, ‘Saan n’yo ako dadalhin?’” kuwento ni Azenith.
Dinala si Azenith sa isang rehabilitation center sa Los Baños, Laguna, isang linggo raw siyang walang kausap doon. Pagkatapos, inilipat na siya sa Bridges of Hope Rehabilitation Center sa may BF, Parañaque hanggang sa loob ng anim na buwan.
“Ang reason ng mga anak ko is because they thought all the while na I’m addicted to gambling. But then, sabi ko nga, kilala ko naman ang sarili ko. At talagang hindi ako adik sa casino,” diin ni Azenith.
Napapadalas lang daw ang punta niya sa casino dahil maraming kaibigan doon at mayroon din daw siyang negosyo doon na pag-aalahas. Akala ng mga anak niya, adik na siya sa sugal, kaya ipina-ban siya ng panganay niyang anak na pumasok sa casino.
Pero kahit ipina-ban na si Azenith, nagpupunta pa rin siya.
Hindi raw kasi sila nagkakausap ng mga anak niya kaya hindi niya alam na ipina-ban na siya sa casino ng kanyang panganay.
“Ang nangyari kasi, parang hindi na kami magkaintindihan, eh. Palagi kaming nagsisigawan. Ang feeling ko, nawala na ‘yung respeto sa ‘kin,” lahad pa ni Azenith.
Dahil doon, isa sa naging libangan niya ang pagpunta sa casino. Kaya nga lang, may oras na wala siyang dalang cash dahil minsan, biglaan ang pagpunta niya, nagagamit niya ang credit card ng family business nila.
Naalarma na ang kanyang mga anak at naisip na adik na talaga siya sa pagsusugal dahil sa walang awat nitong pagpunta sa casino. May tsika rin kasi noon na milyun-milyon na raw ang naipapatalo sa casino ni Azenith. This is not verified, though.
Sa ngayon, happy together na si Azenith Briones at ang kanyang tatlong anak na lalaki.
NAGSIMULA na ang 2024 Sinag Maynila International Film Festival (2024 SMIFF). At isa sa mga una naming napanood noong Huwebes mula sa pitong opisyal na entries sa Sinag Maynila ay ang Talahib na pinagbibidahan nina Gillian Vicencio at Kristof Garcia, sa direksiyon ni Alvin Yapan.
Ito ay isang slasher movie na parang lokal na kapantay ng sikat na franchise movie na Nightmare on Elm Street (NOES), kung saan sumikat ang killer na si Freddie Krueger.
“I am so scared. Ako pa talaga ang scared,” sabay tawa ni Direk Alvin nang makatsikahan namin bago ang screening ng Talahib.
“Scared ako kasi this is the first time my actors are going to see the film. Talagang ang pelikulang ito, ang nakakita pa lang nito ay ako at ang producers, at mga artista sa pelikula, kaya mas kabado ako ru’n. Sana magustuhan nila at siyempre, sana magustuhan ng mga makakapanood ngayon.
“Para at least, ma-encourage namin sila na mag-share sa social media, makagawa ng word of mouth na promotion. Para ‘pag ipinalabas ‘to, hopefully, sa Halloween, sa Oktubre, ay mas maingay na at mas kilala ng mga tao ngayon,” dagdag ni Direk Alvin.
Pagkatapos ng Sinag Maynila, may plano na ipalabas ang Talahib sa huling linggo ng Oktubre kasabay ng Halloween. Target nila ang movie audience mula 13 taon pataas. Depende na lang sa MTRCB na medyo kontrobersiyal these days dahil sa mga pelikulang binigyan nila ng X-ratings.
Sey pa ni Direk, “Uh, hindi naman ako nag-worry na ma-X. Kasi ina-attempt talaga namin na mag-13. Kung hindi man, may PG-13 ba? Basta 13 talaga ‘yung threshold na ine-aim talaga namin. Nakuha naman namin ang aim na ‘yun. So, uh, maganda ‘yun, ‘di ba?”
Pramis naman ni Direk Alvin na ilalaban niya si Gillian Vicencio na manalo bilang Best Actress sa Sinag Maynila Filmfest.
“May isa siyang mahabang eksena sa Talahib na grabe! Ang command talaga ng eksena ay nandu’n,” paliwanag ni Direk Alvin.
At paano naman si Kristof Garcia?
Tugon ni Direk Alvin, “Isa ring revelation para sa ‘kin si Kristof dito. Mahusay s’ya na parehas sila ni Gillian na may moment sa Talahib.
“Bilang direktor kasi, binibigyan talaga ng importansiya ang pagganap ng bawat sektor, lalo na’t ensemble ‘yung piece gaya ng Talahib. May kani-kanyang moment sa movie at nagustuhan ko ‘yung ginawa ni Kristof sa ibinigay kong oras para mag-shine s’ya bilang aktor.”
Kasama rin sa Talahib sina Joem Bascon, Jess Mendoza, Kate Alejandrino, Dax Alejandro, Sue Prado, at marami pang iba na ipinrodyus ng Feast Foundation.