top of page
Search
  • BULGAR
  • Apr 11, 2024

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 12, 2024



Sa ikaapat na Lunes nitong Abril ang ika-54 pagdiriwang ng Earth Day, ang araw para sa malawakang pagpapahalaga sa planetang ating tahanan. 


Bagama’t sa Amerika naitatag ang kauna-unahang Earth Day, hindi maikakailang kahit alin mang bansa sa mundo at sinumang tao ay nasasaklawan ng mga hangarin ng taun-taong makabuluhang araw na ito.


At kung napakalaki ng ating mundo, gayundin ang lawak at dami ng suliraning kinakaharap ng sangkatauhan upang mapanatiling busilak at buhay ang ating nag-iisang tirahan sa buong sanlibutan. 


Sa gitna ng sandamakmak na iba’t ibang uri ng kapinsalaang patuloy na nagaganap saan mang sulok ng mundo simula pa noon, minarapat ng grupong Earthday.org ang pagkakaroon ng natatanging paksa sa bawat taong pagdiriwang ng kahalagahan ng ating planeta. 


Ang itinalagang tema sa kasalukuyang taon ay Planet vs. Plastics, sa gitna ng patuloy na paglaganap ng gabundok na sakit ng ulo, ng pangangatawan, lalo na ng kalupaan at karagatan, dulot ng walang puknat na paggamit ng plastik sa napakaraming paraan sa araw-araw. 


Maging napakalaki man ng pagsubok na pangkalikasan, mayroon pa rin tayong maaaring magawa, anuman ang ating katayuan sa lipunan. Gaya ng naipamalas noon pa ni Madre Teresa, huwag tayong panghinaan ng loob dahil sa laki ng mga suliranin. Sa halip, unahin natin ang pagtulong sa pinakasimpleng paraan at huwag magsawang magpatuloy lamang. 


Sa usaping plastik pa lang, maraming maliliit na aksyon ang maaari nating gawing kaugalian na malaki ang maitutulong sa kalaunan. Bansagan natin ang mga ito bilang “imbes-ments.” 


Imbes na ipalagay sa plastik na supot ang ating mga pinamili sa anumang maliit o malaking tindahan, magbaon ng mga eco bag at doon ilagay ang mga binili.


Imbes na uminom ng tubig mula sa isang plastik na bote na minsan lang gagamitin (at ayon sa mga siyentipiko ay mayroong microplastics na makakapasok sa mismong daluyan ng ating dugo), magbaon ng tubig sa sariling hindi plastik na botelya na magagamit natin muli. Imbes na ipasupot ang pandesal mula sa panaderya o maging ang gulay o karne mula sa palengke, piliing magdala ng sariling baunan na maaaring mahugasan at magamit nang paulit-ulit. 


Imbes na itapon sa basurahan ang anumang plastik, ipunin ang mga ito at ipasa sa dumarami nang mga waste-preneur na kumpanya. Maaaring i-upcycle ang mga plastik na ito sa paggawa ng materyales na siya namang panggawa ng pader, lakaran at iba pa.


Imbes na basta na lamang itapon ang gamit na plastik, maaari ring makabuo ng tinatawag na ecobricks o plastik na bote na pinuno nang todo ng daan-daang retaso o ginupit-gupit na plastik para maging kasing tibay ng mga ladrilyo o bricks at maaaring gamiting materyal na pang-konstruksyon. Naituro nga ito sa mga estudyante ng University of the East noon pang 2019 at nagkaroon pa sila ng ecobricks formation na binuo ng daan-daang nagawang ecobricks ng kanila mismong mga mag-aaral.


Usaping plastik pa lang ito, at ilan lamang iyan sa mga munting paraang puwede nating magawa tungo sa paglutas ng nakapipinsalang kaplastikan! Mga solusyong nawa’y pumukaw sa ating mga lingkod bayan para gamitin nila ang kanilang kapangyarihan sa ikabubuti ng ating Inang Kalikasan. Asintaduhin natin ang tunay na pagmamalasakit sa ating nag-iisang daigdig.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 10, 2024



Ginunita natin kahapon, Abril 9, ang Araw ng Kagitingan. 


Eksaktong 82 taon na ang lumipas nang magpamalas ng pambihirang katapangan ang mga ordinaryong Pilipinong sandaling sinanay upang makipaglaban para sa bayan ang hindi basta sumuko sa mga manlulupig noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig o World War 2. Habang ang iba nating karatig na bansa ay nasakop na, nanatiling nanindigan ang ating mga kababayan nang ubos-lakas at buwis-buhay hanggang sa puntong isuko na natin ang Bataan na moog ng ating depensa noong panahong iyon. 


Sa kasalukuyan, pangkaraniwan ding mga Pilipino ang nagsisilbing makabagong simbolo ng kagitingan ⎯ sila na hindi bumibigay, hindi nanlulupaypay at hindi sumusuko sa pagpupunyagi para maitaguyod ang pamilya sa gitna ng hirap ng buhay. Tunay na karapat-dapat silang parangalan at bigyan ng pagkilala at paggalang. 


Sa aking araw-araw na pagtungo sa iba’t ibang lugar, naaantig ang aking puso na mamalas ang kasipagan ng ordinaryong manggagawang binubuno ang kanilang trabaho nang may tunay na malasakit ⎯ kahit ang kanilang sinusuweldo ay batid kong kapos na kapos sa kanilang pangangailangan. Tila hindi alintana ang hirap na ginagawa nila ang lahat ng makakaya para sa kanilang pamilya at mga anak. Dakilang mga ordinaryong Pilipino ang sama-samang nag-aangat at bumubuhay ng ating pag-asa para sa kinabukasan ng bayan. 


Sa paggunita sa wagas na araw na ito, dinarakila rin natin ang isang 21 taong gulang na Batangueñang ating napanood sa KBYN Kaagapay ng Bayan Special sa TV Patrol na ibinahagi ni Kabayan Noli de Castro ⎯ si Janna Aira “Hannah” Magadia. Nakamamangha na sa gitna ng kanyang pagiging second year college student ay inaako niya ang mga trabahong karaniwang mga lalaki ang gumagawa tulad ng pamamasada ng jeepney, pagwe-welding, pagkukumpuni ng tricycle, pagsasaayos ng bumbilya, at iba pa. 


Dahil ang ama ni Hannah ay nakikipagsapalaran sa ibang bansa bilang isang overseas Filipino worker, ang dalaga ang pumupuno sa kawalan ng lalaki sa kanilang tahanan upang gumawa ng mga nasabing trabaho na talaga namang masinsin niyang pinagbubuti sa araw-araw. Mayroon din siyang mga sertipikasyon mula sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.


“Gusto ko po na makatulong sa pamilya,” saad ni Hannah. “Bawat galaw, kailangang magbayad ng pera,” dagdag niya. Kaya para makatipid ay inaaral niyang gawin kahit ang mga bagay na tila mahirap para sa mga babaeng tulad niya. YouTube ang kanyang nagiging kaagapay na tagapagturo. 


Maging halimbawa natin si Hannah, na maraming sinisikap gawin sa gitna ng kanyang murang gulang; na walang inuurungan basta’t kayang matutunan; na hindi sumusuko sa pag-aaral habang naghahanapbuhay; na inspirasyon ang pamilya sa pagpapakatatag; na sa halip mangulila sa amang nasa ibang bayan ay pinupunuan ng pagmamahal at pagsisilbi ang kanyang tahanan.


Dumami pa sana ang mga tulad ni Hannah. Dumami pa ang mga nagmamahal sa pamilya, mamamayan at bayan. Dumami pa ang mga may taglay na kagitingang hindi matitinag kailanman. 



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Abril 5, 2024



Sa lahat ng mga gumagawa ng pakulo sa social media para lamang mapansin, aba’y pakaisipin ang mga ordinaryong Pilipino na hindi dapat kailanman maagrabyado, madehado at maloko. 


Kung hindi pa sumambulat ang galit at panlalait ng netizens ay baka hindi pa natauhan itong Taragis Takoyaki, na gumawa ng ingay sa social media noong April Fools Day na siya namang inosenteng sinakyan ng isang nakabasang tatay na nangangailangan ng pantustos para sa kanyang mga anak. 


Nagpa-tattoo ng logo ng Taragis sa noo ang nasabing tatay para makamit ang P100,000 na gantimpala diumano ng kumpanya sa mauunang magpapa-tattoo nito. Ngunit ito ay isang prank lamang pala para sa April Fools’ Day. 


Put**gis ang sagot ng Taragis na maging paalala raw sa lahat ang nangyari kung gaano kahalaga ang “reading comprehension”! Na wala raw silang pananagutan sa mga naganap kung saan may sumeryoso sa gimmick nila! Terible sa kawalan ng awa at malasakit. 


Pero matapos ang tinamong sandamakmak na birada, sukdulang galit at bantang boycott sa kumpanya, biglang nag-iba ang ihip ng hangin at binigyan na rin ng Taragis ng inaasam na P100,000 ang tatay na nagpa-tattoo ng Taragis logo sa noo. 


Marami ring nahabag sa tatay na ang isa palang anak ay may Down Syndrome at nagbigay rin sila ng kani-kanilang donasyon sa pamilya. Bumuhos ang suporta ng netizens na nagpamalas ng malawakan at sinserong pagdamay sa kaawa-awang tatay. 


Kinokondena natin ang hindi na dapat maulit na ganitong mga delikado at walang malasakit na pagpapapansin sa social media. Alam naman natin na maraming bulnerableng Pilipino ang maaaring mahulog sa bitag nito nang walang kamalay-malay, lalo na ang mga kinakapos at kulang sa panggastos para sa pang-araw-araw na pangangailangan. 


Batid naman natin na hindi na madalas nagagawang basahin nang buo ng mga pangkaraniwan nating mga kababayan ang posts sa social media kahit pa may mga nakalagay doon na paalala, dala na rin ng kawalan ng kasanayan o kabihasaan sa mga ganoong bagay. 


Hindi kailanman dapat gawing laro ang pagpapagawa ng mga bagay na may permanenteng masamang epekto sa ating mga kababayan, na tila pantutuhog sa kanila sa ngalan ng kasikatan na kalaunan ay kasiraan sa gitna ng kamalian. 


Alam rin nating hindi naman lahat ng legal ay moral, na kahit pa sabihing walang batas na nalabag, kapag may nagmistulang nauto at nakawawa sa gitna ng isang promosyon o gimmick gaya ng tatay na nagpa-tattoo sa noo, ay konsensya at pagka-makatao ang dapat umiral. 


Mag-isip-isip muna bago magpabida. Lalo nang huwag maghugas-kamay kapag may nadamay sa kalokohang ginawa sa ngalan ng katuwaan. Totoo ang hirap at pasakit na sinasapit ng ordinaryong Pilipino at kailanman ay huwag itong isakripisyo. Asintaduhin ang pagmamalasakit sa taumbayan!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page