top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 3, 2024



ree


Hindi lilipas ang isang buwan at bubulagain muli tayo ng anunsiyo ng mga kumpanya ng langis na tataas ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene. 


Ang madalas na pagtaas ng presyo ng petrolyo ay nagkakaroon ng tinatawag na domino effect, ibig sabihin, ang presyo ng mga pangunahing bilihin at pang-araw-araw na pangangailangan ay tumataas din.  


Tanong tuloy ng ating mga kababayan, bakit tila hindi na akma ang nagiging pagtaas ng presyo ng langis na nagpapahirap ng labis? Tanong naman ng sektor ng transportasyon, bakit kung tumaas ang presyo ng gasolina at diesel ay pahirapan naman sa pagkamit ng hiling nilang taas-pasahe?


Magbalik-tanaw tayo sa istorya ng presyo ng petrolyo. Pagkatapos ng World War II habang unti-unting bumabangon ang ekonomiya ng Pilipinas, dumami na rin ang mga sasakyang gumagamit ng gasolina at diesel. Noong panahong iyon, mayroon lamang tatlong kumpanyang nagbebenta ng gasolina at diesel, na malayang nagtatakda ng presyo nito.


Noong 1969, napansin ng ating gobyerno na ang kalayaan ng mga kumpanya ng langis na magtakda ng presyo ng kanilang mga produkto ay nakadaragdag sa pasanin ng ating mga kababayan. Kaya noong Abril 1971, inaprubahan ang Republic Act 6173 na lumikha ng Oil Industry Commission. Ang mandato nito ay i-regulate ang industriya ng petrolyo at tiyaking may sapat na suplay ng produkto sa kainamang presyo.


Sa ilalim ng nasabing batas, bago makapagtaas ng presyo ng petrolyo, dapat munang magkaroon ng public hearing kung saan ang mga kumpanyang gustong magtaas ng presyo at ang mga tutol dito ay pakikinggan at papaghainin ng kanilang posisyon sa isyu at batayan nito. Matapos ang public hearing, pag-aaralan ng OIC kung dapat o hinding ibigay ang kahilingang magtaas ng presyo. Kung ano ang pinakamataas na presyong ipagkakaloob ng OIC, dapat itong sundin ng mga kumpanyang nagbebenta ng langis.


Ang OIC ay nabuwag at ang mga kapangyarihan nito ay nalipat sa Board of Energy sa ilalim ng Ministry of Energy. Ang Board of Energy naman ay pinalitan ng Energy Regulatory Commission. Nagkaroon ng tinatawag na oil crisis noong 1973 nang magpasya ang mga bumubuo ng Organization of the Petroleum Exporting Countries na itaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado sa mga masalimuot na kadahilanan.


Ang Pilipinas noon ay nasa ilalim na ng Martial Law kaya para matugunan ang epekto sa ating ekonomiya ng oil crisis, nagpalabas si Pangulong Ferdinand Marcos ng Presidential Decree 334 na lumikha sa Philippine National Oil Company na inatasang tiyaking may sapat at tuluyang suplay ng mga produktong petrolyo para sa pangangailangan ng Pilipinas.


Bilang tugon naman sa hinaing ng mga kumpanya ng langis na nabibigatan sa pagkontrol ng gobyerno sa presyo ng kanilang produkto na hindi nila basta maitaas kahit tumaas ang presyo nito sa pandaigdigang merkado, inisyu ni Pangulong Marcos ang Presidential Decree 1956 na lumikha ng Oil Price Stabilization Fund. Ito ay isang pondong pinaglaanan ng gobyerno ng milyong piso bilang subsidiya sa mga kumpanya ng langis. Kung nalugi sila dahil sa pagtaas ng presyo ng gasolina sa pandaigdigang merkado, puwede silang bayaran ng nalugi sa kanila mula sa nasabing pondo. Kung kumita naman sila, dapat mag-ambag sila sa nasabing pondo.


Noong 1992, naupo si Fidel Ramos bilang pangulo ng Pilipinas. Malaki ang paniniwala niya sa globalisasyon at pagsasapribado ng mga kumpanyang pag-aari ng gobyerno at pag-alis ng mga regulasyong nakakaapekto sa operasyon ng mga pribadong kumpanya. Isa na rito ay ang kapangyarihan ng gobyerno sa presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo.


Noong 1996, pinagtibay ang unang Oil Deregulation Law. Pero pinawalang-bisa ito ng Korte Suprema sa ilang kadahilanan. Kaya noong 1998, inaprubahan ang bagong Oil Industry Deregulation Law. May probisyon ang bagong batas laban sa kartelisasyon at predatory pricing. Ang kartelisasyon ay ang pagsasabwatan ng mga kumpanya ng langis na pataasin ang presyo ng kanilang produkto. Ang predatory pricing naman ay ang pagtataas o pagpapababa ng presyo ng kanilang produkto upang ipitin ang maliliit na kumpanya, mapilitan ang mga itong magsara dahilan sa pagkalugi at sa ganoon ay mawalan ng kumpetisyon ang malalaking kumpanya.


Ang orihinal na intensyon ng Oil Deregulation Law ay alisin ang kontrol ng gobyerno sa presyo ng petrolyo at magkaroon ng malusog na kumpetisyon ang mga kumpanya ng langis. Kaso, kabaligtaran ang nangyari. Dahilan sa ang mga kumpanya ng langis ay malaya nang makakapagtakda ng presyo ng kanilang mga produkto, sila-sila na lamang ang nagtatakda ng presyo na diumano’y batay sa galaw ng mga nasabing produkto sa pandaigdigang merkado. 


Ang pangunahing apektado ng walang patumanggang pagtaas ng halaga ng petrolyo ay ang sektor ng transportasyon. Lumiliit nang lumiliit ang kita ng mga drayber dahil ang malaking bahagi ng kanilang kinikita ay napupunta sa pagbili ng langis.


Malakas ngayon ang panawagan na repasuhin o amyendahan ang Oil Deregulation Law sa pamamagitan ng paglalagay ng kontrol sa tubo ng mga kumpanya ng langis sa pagbebenta ng kanilang produkto, at babaan din ang buwis sa mga produktong kinukonsumo ng mga mahihirap tulad ng kerosene, diesel at LPG.


Pero sa ngayon ay may mga magagawa pa rin ang gobyerno sa ilalim ng ating mga batas. Una, subaybayan ang galaw ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado at isapubliko ito para sa kaalaman ng mga mamamayang Pilipino.


Ikalawa, utusan ang mga kumpanya ng langis na magsumite ng buwanang report sa Department of Energy tungkol sa kanilang aktuwal o binabalak na importasyon at pagluluwas ng kanilang mga produkto, pati na ang imbentaryo ng stock ng gasolina at iba pang produkto at hanggang saan at kailan sasapat ito sa pangangailangan ng mga Pilipino.


Ikatlo, gumawa ng biglaang inspeksyon ng mga librong pinansyal ng mga kumpanya ng langis upang matiyak na wala silang itinatago sa gobyerno at sa publiko. Ito ay saklaw ng visitorial powers of the State.


Sa ilalim ng ating Saligang Batas, sa panahon ng pambansang kagipitan o national emergency, may kapangyarihan din ang pamahalaang i-take over ang mga kumpanya ng langis at patakbuhin ang mga ito sa buong panahon ng national emergency. 


Sa gitna ng nararanasang hirap ng ating mga kababayan, panahon na para gumising ang mga kumpanyang itong malaki na ang kinita at kailangang magsukli sa taumbayan.


Panahon na para gamitin ng administrasyong Marcos Jr. lahat ng kapangyarihan nito para hindi patuloy na mapagsamantalahan ang mamamayan. Panahon na para asintaduhin ang kapakanan ng mga Pilipinong gipit na gipit na sa lupit ng pagdarahop na sinasapit.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 1, 2024



ree

Maging sinuman tayo o anuman ang ating kinalalagyan o estado sa buhay, tiyak na lahat tayo ay may nararanasang kakulangan. 


Nariyan ang kakulangan ng oras para maharap at maasikaso ang lahat ng gawain. May kakulangan sa ating pagtulog, dala marahil ng pagpupumilit na mapagkasya ang mga kailangang asikasuhin o pagkalibangan habang hindi pa sumusuko ang ating mga mata. 


Andiyan din ang kakulangan sa maaasahang transportasyon para makarating sa ating nais puntahan. Gayundin, may kakulangan sa panahong ating nailalaan sa ating mga mahal sa buhay, dala ng pangangailangang kumayod para sa kanila, lalo na kung milya-milyang kontinente’t karagatan ang nakapagitan. 


Bukod sa kakulangan ng kahit kaunting natural na lamig sa kasalukuyan, may kakulangan sa panggastos sa araw-araw: pambili man ng maihahain sa mesa, pantugon sa samu’t saring bayaring nalalapit na ang due date, pantustos sa edukasyon ng mga anak, pangkumpuni ng bahay o kasangkapan, pambili ng regalo sa kapamilyang magdiriwang ng kaarawan, at kung anu-ano pa.


Sa gitna ng iba’t ibang uri ng kakulangang bumabagabag sa ating kaisipan, may isang kakulangang hinding-hindi dapat kaligtaan, maralita man tayo o marangya: ang kakulangan ng tubig sa katawan. 


Maaalala ng marami sa atin na nitong nakalipas na pandemya, naging masayang pangkalimot ng perhuwisyong dulot ng COVID-19 ang panonood sa kalog na Pinoy vlogger na si Mimiyuuuh, na ang madalas na biglang isinasambit sa gitna ng kanyang mga video ay, “Drink your water, b*tch!”


Bagama’t may halong komedya ang pagpapaalala niyang iyon, mas matimbang ang linyang ‘yun sa kasalukuyang panahong napakainit ng ating klima. Sa madaling salita, lalong mahalaga ang palagiang pag-inom ng tubig ngayong tila nagbabaga ang panahon. 


Ang tubig nga naman ay mahalagang bahagi ng ating pagkatao. Bukod sa may 60 porsyento ng katawan ninuman ay tubig, ito ang naghahatid ng nutrients sa ating kabuuan mula ulo hanggang talampakan. Mahalaga rin ito sa pagdaloy ng ating dugo at pagpapanatili ng ating personal na temperatura, sa pagtanggal ng basura mula sa ating sistema, at iba pang mga nakamamanghang pinagkakaabalahan ng ating katawan. 


Dahil mainit ang nakalipas na mga linggo at susunod pang mga linggo, mas madali tayong nauubusan ng tubig sa katawan. Ang inaabangan nating ulan na sana’y makapagpapaginhawa sa ating sitwasyon ay hinahalinhan muna ng tagaktak ng pawis sa gitna ng tag-init. 


Kung kaya’t napakaimportante ng pag-inom ng tubig. Hangga’t maaari pa nga, halos tatlong litro ang dapat naiinom ng mga kababaihan, samantalang halos apat na litro naman para sa mga kalalakihan. May pangsenyas ang ating katawan kung may kakulangan: kung hindi klaro at bagkus may kulay ang ating ihi, malamang na tayo ay dehydrated at kailangang lumagok ng tubig. Hindi lang mismong tubig ang nakakapagbigay ng tubig sa ating katawan, kundi maging ang mga matutubig na prutas at gulay na mainam kainin.


Ang pag-inom ng tubig ay nakapagbibigay rin sa atin ng kahit panandaliang pagwaksi sa anumang bumabagabag sa ating isipan at kalooban. Kung mainit ang ating dugo at nais magalit, ang pag-inom ng tubig, kasabay na ang paghuhunos-dili, ay makatutulong na palamigin ang ating ulo at pagaanin ang ating pakiramdam at pakikitungo sa kapwa. 


At dahil napakahalaga ng tubig sa ating buhay, mainam na pahalagahan din natin ito sa pamamagitan ng hindi pag-aksaya nito. Bukod sa pagpapaayos ng mga butas sa mga tubo o anumang sirang gripo sa loob o labas ng bahay, nariyan din ang paggamit ng nagamit nang tubig sa ibang paraan. 


Tandaan natin na ang pagpapahalaga sa agua ay pagpapahalaga sa sarili. Ang pasasalamat sa Maykapal sa ating bawat pag-inom ng tubig ay pagbibigay ng kagaanan sa ating katawan at isipan. 


Hindi man mapapawi ang lahat ng kakulangan sa ating buhay, hindi tayo mawawalan ng pag-asang maaabot ang ating pangarap at maging mahinahon o cool sa pagharap sa mga suliranin basta’t mapapawi ang ating tuwinang pagkauhaw.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | April 26, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Delikado at sobrang init ng panahon na ang ating kasalukuyang nararanasan sa bansa na nakapaglalagay sa balag ng alanganin sa kalusugan ng taumbayan at nananawagan ng dobleng atensyon ng pamahalaan. 


Maging ang iba’t ibang sektor ng lipunan ay nagsasagawa ng kani-kanilang mga hakbang para maibsan ang epekto ng nakapapasong init, kabilang na rito ang mga paaralang minabuting magklase na muna online. 


Ang pinakakawawa na naman dito ay ang mga pinakamahihirap na pamilyang masikip ang tinitirhan, walang bentilador o aircon sa tahanan at nagpapaypay na lamang hanggang sa makatulog sa pagod. 


Lahat tayo ay may maaaring maiambag para sa ikabubuti ng taumbayan kahit sa maliit na paraan. 


Isa na sa ating hinangaan ang pinag-usapan sa social media tungkol sa isang jeepney driver sa Tarlac na naglagay ng water jug na may kasamang cups para makatulong ibsan ang uhaw ng kanyang mga pasahero sa gitna ng init sa pagbibiyahe. 


Sa ibinahaging larawan ni Michaella Nelmida sa social media na ipinost naman ng Tarlac Forum, makikita ang water jug na may nakalagay na label, “Mineral, libreng inumin” sa likurang bahagi ng jeep malapit sa driver. Sa kanyang mensahe, sinabi ni Michaella, “To Kuyang driver, I salute you po for showing care to your passengers. Nawa’y maging isang ehemplo po kayo... May God bless you even more, Kuya...”


Ang ordinaryong puso na may pagmamalasakit sa iba ay higit pa nga naman ang kayang magawa kaysa isip na puno ng katalinuhan ngunit kulang sa paglalaan ng panahon para sa kapakanan ng kanyang kapwa nilalang. 


Ang pangkaraniwang Pilipino na kadalasan ay kapos pa ang kinikita sa kanyang pangangailangan ngunit hindi maramot ay higit pa ang kayang magawa kaysa sa nakararangyang negosyanteng ang laging iniisip ay ang higit na pagkita at pagtubo samantalang isinasantabi ang pagtulong kahit may kakayanan. 


***


Samantala, isang malalim na pasasalamat sa isang itinuring kong anak na hindi ko kailanmang inasahang balang araw pala ay babalikan niya ako at aking pamilya ng kanyang pagtanaw ng utang na loob at pagmamahal. 


Noong bata pa lamang siya hanggang sa magbinata ay nagkasama kami sa gitna ng kanyang pagiging isang atleta. Hindi mabilang ang masasayang panahong aming pinagsamahan, kasama na ang kanyang mga pinagdaanan sa pag-ibig bilang isang kabataan, na hindi naging lingid sa akin bilang kanyang nanay-nanayan. 


Ilang taon din kaming hindi nagkita, hanggang sa dinalaw niya ako noong Miyerkules at muling pinasaya, gaya noong araw. Hindi ko akalaing maaalala niya pa ako, dala ang lahat ng makukulay na kuwento ng kanyang buhay, na pinaningning ng kanyang anim na buwang pagsisikap para malagpasan ang mahirap na training ng kanyang propesyon.


Salamat, anak-anakan kong Leo Jeff Prince Orsolino ng Philippine Coast Guard. Masaya ako sa‘yong narating at marami pang mararating sa buhay. Asahan mong lagi akong naririto para sa‘yo tulad ng isang tunay na inang laging nakaalalay sa kanyang anak. 


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page