top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 17, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Hindi ko kailanman nagustuhan o ikinatuwa ang tipo ng pagpapatawa ni Vice Ganda na madalas sinasaling ang ibang tao. Ngunit sa kanyang inilabas na video bilang pagsali sa


“Piliin Mo ang Pilipinas” trend na pinakabagong hamon sa TikTok ay nakamit niya ang aking pagsang-ayon. 


Buong husay niyang ginamit ang pagkakataong ito para isalarawan ang kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas na hindi maipagkakaila: ang malalang problema sa transportasyon at usad-pagong na trapiko, at ang panirang mga istrukturang katabi ng mga sikat na tourist sites katulad ng Chocolate Hills sa Bohol at Rizal Park sa Maynila. 


Ang pinakahuli rito ay ang pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard (CCG) sa barko ng Philippine Navy na sumasalamin sa paulit-ulit na lantarang pagyurak ng China sa karapatang teritoryal at ganap na soberanya ng Pilipinas. 


Sa kanyang pagkakasadlak sa buhanginan sa nasabing video matapos ang panggigipit ng China sa karagatan ay pilit na inabot ng komedyante ang pambansang watawat hanggang sa ito ay kanyang maitaas, kasabay ang paglutang ng mga katagang, “Kahit mahirap kang ipaglaban, pinipili pa rin kita, Pilipinas.”


Maraming Pilipinong tunay na nagmamahal sa bayan ang napukaw, nangilid ang luha o nag-alab ng higit ang pagnanasang makita ang Pilipinas na umahon sa deka-dekada nang pagtitiis sa kasalaulaang magpahanggang ngayon ay walang pagbabago o mabagal ito at nagmistulang napag-iwanan na sa pag-unlad ng ibang karatig-bansa. 


Ayan, mga kababayan, masdan ninyo ang nangyari at kasalukuyang nangyayari sa Pilipinas, at ang sinasapit ng mga ordinaryong Pilipinong pinipili pa ring manatili sa ating bayan.


Ayan, administrasyong Marcos Jr. at inyong mga opisyales sa bawat ahensya ng gobyerno, malinaw ang kabiguan ng pamahalaan na pagaanin ang pasanin ng taumbayan sa usapin ng transportasyon pa lamang, problemang oras-oras sa araw-araw na pumipiga sa pagtitimpi ng mga mamamayan at sumisikil sa kanilang kakayanang mabuhay nang may dignidad sa sariling bayan. 


Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na aking nakasama sa pagbisita sa ilang probinsya sa bansa noong 2009 bilang pinagkakatiwalaan ng iyong noo’y kinasasalihang pulitikal na partido, bigyan mo nawa ng buong lakas ng iyong mandato ang pagtugon sa mga problemang ito sa paraang tila wala nang bukas. 


Secretary Jaime Bautista ng Department of Transportation (DOTr), pakitang-gilas mo nawang tapatan ng ibayong kasigasigan ang bawat kaparaanan tungo sa pag-usad ng bawat solusyon sa sala-salabid na problema ng transportasyon na sobra nang tinitiis ng ordinaryong mga Pilipino. 


Tapatan nawa natin ang sakripisyo ng mga Pinoy na araw-araw ay lumalaban sa buhay, hanggang sa puntong gumapang na para lamang maiangat ang katayuan ng pamilya at ang pag-asa at dangal ng ating bayan. Kaya ipaglaban natin sila, piliin natin ang kapakanan ng Pilipinas!

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 10, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Ang karahasan, pagmamalupit at pananakit sa mga babae at bata ay noon pa nagaganap hanggang ngayong makabagong panahon. 


May mga babae pa ring pinipiling manahimik at magtiis dahil nag-aatubili silang maghain ng reklamo laban sa kanilang karelasyon. 


Matagal na panahong walang batas na tuwirang tutugon sa iba’t ibang uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at kanilang mga anak. Ngunit matapos magising sa katotohanang ito, ipinasa ng Kongreso ng Pilipinas noong 2004 ang lehislasyong pantugon sa laganap ng pang-aabuso laban sa mga babae at bata. Isa tayo sa nakibahagi at saksi sa deliberasyon nito sa Senado. Nilagdaan ito ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at naging Republic Act (RA) 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act na kilala bilang Anti-VAWC law. 


Idineklara nitong patakaran ng Estado na pahalagahan ang dignidad ng mga babae at bata, at garantiyahan ang lubusang pagkilala at paggalang sa kanilang mga karapatang pantao.  


Ngunit kahit mayroon nang Anti-VAWC, patuloy pa rin ang karahasan laban sa mga babae at kanilang mga anak. Ayon sa 2022 National Demographic and Health Survey na ginawa ng Philippine Statistics Authority, 17.5% ng mga Pilipina, edad 15-49 ang nakaranas ng iba’t ibang uri ng karahasang pisikal, sexual at emosyonal mula sa kanilang intimate partners. 


Sa mga buwan ng Enero hanggang Pebrero ng taong ito, mayroong 646 kaso ng karahasan laban sa mga bata. Sa bilang na ito, 462 o 71.52% ay abusong sexual. May 216 naman ang kaso ng karahasan laban sa mga babae, ayon sa datos ng Child Protection Network Foundation.


Apat ang itinuturing na karahasan sa ilalim ng Anti-VAWC:

Physical violence o pisikal na karahasan na nagdudulot ng pisikal na pinsala sa katawan tulad ng panggugulpi, paninipa, pambubugbog, panunutok ng baril o anumang bagay na nakakasakit;


Sexual violence o sekswal na karahasan tulad ng panggagahasa, pamimilit na manood ng malalaswang pelikula, at pambubugaw ng asawa o anak;

Psychological violence o karahasang sikolohikal na tumutukoy sa mga pagkilos na nagdudulot o maaaring magdulot ng emosyonal na pagdurusa ng biktima tulad ng pampublikong panghihiya at pagkakait sa mga anak; at

Economic abuse tulad ng pagkakait ng sustento at pagbabawal sa biktima na lehitimong maghanapbuhay o makinabang sa conjugal properties.  


Ang maaaring maging biktima ng karahasan na posibleng aktuwal na ginawa o ibinanta sa loob man o labas ng tahanan sa ilalim ng batas ay mga babae lamang at ang kanilang mga anak at iba pang kapamilya. 


Sa ilalim ng RA 9262, ang mga karahasang nabanggit ay krimeng pampubliko kaya hindi lamang ang biktima kundi maging ang kanyang kapamilya, opisyal ng barangay, social worker o concerned citizen ang maaaring magsampa ng kaso laban sa mapang-abusong indibidwal. Sapagkat ang krimeng ito ay pampubliko, hindi ito maaaring iresolba sa pamamagitan ng areglo o pamimiling magkasundo na lamang ang biktima at ang nang-abuso.


Ang parusa kung mapatunayang nagkasala nang walang kaduda-duda ang inihabla ay pagkabilanggo depende sa bigat ng krimeng ginawa at pagbabayad ng danyos na hindi bababa sa P100,000 ngunit hindi naman lalampas sa P300,000.


Ang anumang habla sa paglabag ng Anti-VAWC ay maaaring isampa sa loob ng 20 taon matapos maganap o gawin ang karahasan.


Kaugnay nito, mayroong tinatawag na battered woman syndrome. Kung dahil sa paulit-ulit at matagalang pang-aabuso sa isang babae na matagal niyang tiniis at kinimkim sa dibdib, ay nawalan siya ng pagtitimpi at napatay ang mapang-abusong karelasyon, maaari niyang gamitin bilang depensa sa anumang kasong ihaharap sa kanya ang battered woman syndrome. Kung mapatunayan sa tulong at pagsusuri ng mga psychologist at psychiatrist ang pagkakaroon ng battered woman syndrome ng nasasakdal, maaari siyang mapawalang-sala.


Ano ang maaaring gawin ng isang biktima ng karahasan mula sa kanyang karelasyon?

Una, dumulog sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya at humingi ng tulong sa Women and Children Protection Desk na pinamamahalaan ng mga babaeng pulis, para maghain ng reklamo. Ang mga nasabing babaeng pulis ay sinanay at tinuruan ng mga dapat gawin kung may idudulog sa kanilang mga kaso ng VAWC.


Pangalawa, magpunta sa barangay hall at humingi ng Temporary Protection Order (TPO) sa kapitan ng barangay o sinumang barangay kagawad. Ang TPO ay isang kautusan sa mapang-abusong lalaki na itigil ang lahat ng uri ng karahasan laban sa babae at mga anak niya. Kalimitan, inuutusan ang lalaki na huwag magpakita sa biktima at mga anak niya o lumayo sa kanilang tahanan. Ang TPO ay may bisang 15 araw mula sa pag-isyu ito.


Pangatlo, bago dumating ang ika-15 araw matapos ilabas ang TPO, lumapit sa abogado o kung walang pambayad sa Public Attorney’s Office (PAO) at humingi ng tulong na magsampa ng Permanent Protection Order sa Family Court o kung walang Family Court, sa kinauukulang Regional Trial Court. Bukod sa PAO, ang mga chapter ng Integrated Bar of the Philippines sa buong Pilipinas at Legal Aid Clinics ng mga Kolehiyo sa Batas ng mga unibersidad ay may mga abogadong handang tumulong sa mga biktima ng karahasan sa ilalim ng RA 9262. 


Kaya mga kababaihan, ‘wag tayong magpaapi!

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 8, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Mula sa paggising hanggang sa pag-idlip matapos ang pakikipagsapalaran sa hanapbuhay o anumang responsibilidad, tayo ay pare-parehong pinuputakte ng napakaraming bagay na kailangang pagdesisyunan. 


Mula sa ating isusuot na damit, hanggang sa uunahing asikasuhin sa gitna ng tambak na mga gawain, marahil higit pa sa dalawa o tatlo ang madalas nating pagpipilian.


Ngunit ilang taon na rin ang nakalilipas hanggang sa kasalukuyan ay wala nang mas titindi pa sa rami ng ating posibleng pagdesisyunan tungkol sa mapapanood na pelikula o programang pantelebisyon.


Dahil sa patuloy na pagsulong ng teknolohiya, labis ang pamamayagpag ng iba’t ibang pandaigdigan o lokal mang streaming sites, kung saan naglipana ang daan-daang mga palabas na bago’t sariwa o unang naipakita sa publiko noong mga taong hindi pa naipapanganak ang social media. 


Maaalala pa ng mga may-edad sa atin ang kapanahunang ang mga sine ay sasadyain sa sinehan at marami na kung sampu ang pagpipiliang pelikula. Ang layo na rin ng panahong ang mapapanood na mga programang pantelebisyon ay iilan lamang, at puro gawa sa Pilipinas o sa Amerika lamang. Dahil sa kasikatan ng maraming online site na naglalaman ng napakaraming maaaring panoorin sa anumang araw o oras, waksing-waksi na ang panahong kakarampot lang ang mapapanood na pang-aliw. 


Sa sobrang dami nga lamang ng mapagpipilian, marami sa mga mahilig mag-Netflix and chill ang napaparalisa sa nakalululang bilang ng maaaring mapanood, gawa man dito sa atin o sa iba pang mga bansang hindi natin napapanood nang malawakan ang mga obra noon, gaya ng Korea, Thailand o Japan, pati na ang France at Germany. Sa sobrang dami ng pagpipilian, ilang beses na bang nangyari sa atin na halos kasinghaba na ng isang pelikula ang pagtingin natin sa menu ng kahit isa lamang sa mga streaming site na iyon.


Sa isang banda, nakakatuwa nga naman na hindi limitado ang bilang ng ating mapagkakalibangan, at siguradong sa rami ng opsyon ay tiyak na mayroon tayong kagigiliwan. Pero sa kabilang banda, maaaring sa rami ng pagpipilian ay wala rin tayong mapili, na isa rin mismong matimbang na desisyon, lalo pa’t kung ang kahihinatnan ay paglalaan ng oras sa mahal sa buhay, karagdagang pag-aaral, pag-eehersisyo, pagdarasal, o pagbawi ng kinakailangang tulog.


Nakatutulong din ang pagbabasa o pakikinig sa opinyon ng mga nakapanood na ng mga maaaring mapanood, maging kamag-anak, kaibigan o kritiko na nagpapaskil ng kanilang palagay sa internasyonal na mga site gaya ng Facebook o Letterboxd.


Mismong ang mga Top 10 na listahan ng streaming sites ay maaari ring makatulong sa pagpili, hindi lamang sa pagkilala sa mga sikat na palabas sa anumang araw o linggo kundi pati sa pagpapakaunti ng daan-daang maiibigan. 


Maaari ring makatulong sa pagpapasya ang pagtakda ng bilang ng hindi lamang ng oras ng panonood kundi pati kung ilang minuto ang ilalaan para sa pagpili. Pero marahil ang pinakamagandang paraan para maagapan ang pagbaha ng mapagpipiliang mga palabas ay ang paglayo muna ng ating mga mata sa computer, cellphone, tablet o TV.


Sa paglayong ito, mainam na maglakad-lakad o kahit man lang tumingin sa malayo para maipahinga ang paningin at diwa. 


Sa huling banda, nakatutulong din ang dami ng pagpipilian, sa anumang aspeto ng buhay, sa larangan ng pagiging asintado sa pagpili nang tama — hindi lamang ng panonoorin, kundi lalo na ng ipaglalabang prinsipyo, pagpapakapagurang adhikain, boss o institusyong paglilingkuran, kabiyak o katuwang sa buhay na mamahalin, kaibigang hindi iiwan kailanman, taong ihahalal, at anuman o sinumang paglalaanan ng panahon at oras sa bawat araw. 


Nawa ay lagi tayong makapagdesisyon nang naaayon, patas, kapita-pitagan, may pagsasaalang-alang sa iba, at pinakamabuti sa bawat sitwasyon. Maging marunong at maingat sa gitna ng mga nakatambad na pagpipilian. Huwag tayong magpawindang.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page