- BULGAR
- Jun 26, 2024
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | June 26, 2024

Sa panahong ito na makakapanood nang “libre” sa naglipanang mga video streaming site, bihirang dumugin ang isang pelikula sa ating mga sinehan at bihirang tumagal ito ng dalawa o tatlong linggo bago mawala.
Ngunit heto ang Thai na pelikulang “Lang Mah, o How to Make Millions Before Grandma Dies” sa Ingles, na mahigit isang buwan nang mapapanood sa sinehan ng mga SM mall at tinatangkilik pa rin ng maraming mga manonood.
Ito ay kahit halos walang maingay o maugong na promosyon para sa “Grandma”, ’di gaya ng halos bawat produksyon ng Hollywood. Pruweba ito na, sa kabila ng matuling pag-usad ng makabagong teknolohiya na tila sabay na pinagbubuklod at pinaghihiwalay ang sangkatauhan, buhay na buhay ang tradisyon ng pagbali-balita o word of mouth. Patunay din ito na kung maganda at may saysay ang isang pelikula, paglalaanan ito ng oras at pondo ng mga mahilig mag-sine, kahit pa hindi mabilang ang mga alternatibong libangang maaari nilang tunghayan na lang sa Internet.
Simple ang kuwento, tema at maging ang produksyon ng “Grandma”. Ang kathang kuwento nito ay ukol sa isang walang hanapbuhay na binata na minarapat na alagaan ang kanyang maysakit na lola upang makatiyak na mapamamanahan siya nito ng kayamanan pagkapanaw. Ang bukod tangi sa pelikulang ito ay magigisnan sa ibang aspeto, gaya ng ‘di karaniwang pangunahing “tambalan” na maglola imbes na magdyowa, ng paglalarawan ng nakakapagod at nakakainip na karanasan ng marami na nag-aalaga’t sumusubaybay sa kanilang nakatatandang kapamilya, at ng pagsasalamin sa mga karanasan ng mga mamamayan na katiting o halos walang laman ang mga pitaka’t bulsa.
Ang pinakabentahe ng “Grandma” ay ang pagpapaluha ng mga nakapanood na nito lalo na sa bandang huli, na mananamnam lamang kung hahayaan itong umusbong sa loob ng dalawang oras — para bang gaya ng matagal na pagtubo ng isang puno upang magkabunga ng matamis na prutas na kay sarap mapitas. Dagdag pa rito, sa gitna ng pagpapakita ng ilang mga detalye ng buhay ng mga halong Thai at Tsino, ay ang pagpapatotoo ng “Grandma” sa sariling paraan at istorya nito ng kasabihan na mas mabuti ang maging tagapagbigay kaysa maging tagatanggap -- na kahit abutin ng siyam-siyam ang pagtitiyaga, pagtitiis at pagsasakripisyo sa isang bagay ay mayroon at mayroon itong idudulot na nilaga.
Nakakapaisip din ang “Grandma” at ang paksa nito ng pagiging hindi makasarili, sa gitna ng manaka-nakang asal ng ilang pasaway na nakakaistorbo sa panonood sa sinehan. Nariyan ang mga paulit-ulit na tumitingin sa kanilang cellphone na walang pakialam kung makakasilaw ng katabi, ang pagbubulungan o pag-uusap na sumasapaw sa palitang-usap ng mga tauhan sa pinanonood, at ang maingay na pagdukot ng tsitsirya mula sa nalulukot na supot nito. Isipin naman natin na hindi lang tayo ang nasa sinehan na nagnanais maaliw ng nakatambad sa ating harapan.
Sa bandang huli, may isa pang marikit na mensahe ang “Grandma”, sa kuwento man o sa pagkagawa nito, na huwag husgahan ang isang tao o bagay base sa kanyang anyo.
Maging ito man ay pelikulang payak at mahinahon lang ngunit may emosyonal palang pasabog, katuwang na akala mo’y hindi narinig ang iyong sinabi ngunit matalas pala ang mga tainga’t diwa, o masama’t masalimuot na panahon na may hinahatak palang maaliwalas na bukas.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.




