top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Dec. 6, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Isang liham ang ating natanggap sa pamamagitan ng email noong ika-30 ng Nobyembre bilang reaksyon sa ating isinulat noong Nobyembre 22 tungkol sa mga itinalagang benepisyo at pribilehiyo ng senior citizens sa ilalim ng ating mga batas. 


Ang liham ay galing kay Ginoong Rudy Ruiz ng Las Piñas City. Nabanggit kasi natin sa nasabing kolum na ang sinumang Pilipino na naninirahan sa Pilipinas o sa ibayong dagat na tumuntong sa edad na 80, 85, 90 at 95 ay makakatanggap ng P10,000 mula sa gobyerno.


Anang ating tagatangkilik, may kababayan siyang nagdiwang ng ika-81 na kaarawan ngunit walang nakuhang P10,000 dahil wala raw pondo ang gobyerno. 


Ginoong Rudy, sa iyong tanong na kung anong batas ito nasasaad, ito ay isang importanteng probisyon ng Republic Act (RA) 11982 o ang Act Granting Benefits to Filipino Octogenarians and Nonagenarians o ang Expanded Centenarians Act na ipinasa noong unang bahagi ng taong ito. 


Sa ilalim ng amyendang ito, ang makakatanggap lamang ay iyong mga Pilipinong narating ang tinatawag na “milestone” na edad na 80, 85, 90 at 95. Hindi nito saklaw ang mga may edad na 81, 82, 83, 84 at 91, 92, 93 at 94. Kaya’t kung ang iyong kababayan ay 81, makukuha niya ang benepisyong ito pagtuntong niya ng 85. 


Ayon sa RA 11982, may isang taon ang mga senior citizen na umedad na ng 80, 85, 90 o 95 para kunin ang nasabing P10,000 na benepisyo mula sa gobyerno. 

Nabanggit ni Ginoong Rudy na siya ay 78-taong gulang. Pagtuntong ni Ginoong Rudy ng edad na 80, siya rin ay karapat-dapat na makatanggap ng benepisyong ito mula sa gobyerno. 


Kaya’t nananawagan tayo sa Kongreso na tiyakin ang pagpondo ayon sa itinatalaga ng batas na ito para sa kapakanan ng senior citizens na tulad ng ating mambabasang si Ginoong Rudy. Na hindi matulad ang nakaaantig sanang batas na Expanded Centenarians Act sa ilan pang mga batas na nawalan ng saysay sapagkat wala namang katapat na alokasyon o pondo. 


Nauna nang inamin ng mga opisyal ng gobyerno na hindi maipatupad nang lubusan ang Centenarians Act at Expanded Centenarians Act dahil sa kakapusan o walang pondo para rito. Umaasa naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na sa 2025 ay mabibigyan ito ng kaukulang pondo para sa pagpapatupad ng batas na ito.


Sa magkahiwalay na pahayag naman kamakailan ng DSWD at ng Department of Budget and Management (DBM) ay sinabing para sa 2025, ang budget ng DSWD ay P229 bilyon at ang P3 bilyon dito ay para sa Centenarian Act at Expanded Centenarian Act.


Tulad ng bulalas ng kasabihan, “Ilagay ninyo ang salapi sa kabig ng inyong bibig.”  Sapagkat ang bawat araw ng paghihintay ng isang senior citizen sa inaasahang biyaya mula sa pamahalaan sa kanilang pagtanda ay matagal nang labis. 


Hindi na dapat magpatumpik-tumpik pa ang gobyerno sa pagbibigay sa ating mga nakatatanda ng benepisyong hindi naman kalakihan at kulang na kulang nga para sa mga nasa takipsilim na ng kanilang buhay. Asintaduhin naman ang kanilang kapakanan bilang pagkilala sa kanilang mahalagang naiambag sa pag-angat ng ating bayan noong sila ay malalakas pa.  


Salamat, Ginoong Rudy, sa inyong pagliham na sumasalamin sa inyong masugid na pagtangkilik sa pahayagang ito at sa inyong lingkod.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Dec. 4, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Para saan nga ba ang pagdiriwang ng kaarawan? 


Ito ba ay para mapagmuning 12 buwan na ang lumipas sabay ang pangangatwirang may espesyal na karapatan ang nagdiriwang na magpakasasa sa pagpapak ng keyk at sorbetes na tila wala nang darating na bukas? O simpleng palusot rin ba ito upang magpakalasing kahit delikado sa atay o magbabad sa mikropono sa nakaririnding kantahang walang pakialam sa gusto nang matulog na mga kapitbahay? 


Sa mas magandang banda, kaugalian rin ng karamihan ang salubungin ang kanilang kaarawan ng pagdarasal o pagsimba o pagsamba sa tahanan ng kabanalan o simbahan kasama ang mga mahal sa buhay bilang pasasalamat sa Dakilang Maylikha sa hudyat ng panibagong taon ng kanilang buhay. 


Magsimba man o hindi, mauuwi’t mauuwi pa rin sa pagpapasalamat ang nagdiriwang ng kaarawan. Dala ito ng ulan ng kung hindi man regalo ay mga pagbati ng mga kapamilya, kaibigan, kaulayaw, at katrabaho sa maraming paraan, gaya ng tawag o text, komento o mensahe sa social media o pagkatok mismo sa tahanan. Kung sadyang mapalad, baka ma-shout out ka pa sa malawakang media. 


Hindi maikakailang ang kaarawan ay okasyon ng kasiyahan. Sa araw na ito ay maaaring gamitin ang birthday leave na pribilehiyo sa opisina o kaya ay magpapansit para sa mapangantiyaw na mga kasalamuha sa trabaho o paaralan o tahanan. Nakasanayan na ngang ang may kaarawan ay inaawitan hindi lamang ng pagbati kundi ng blowout, habang siya mismo ay binubusog ng mga ngiti at yakap ng mga kasamahang may kanya-kanyang sorpresa sa may kaarawan. Mainam din na kumuha ng maraming larawan ng naturang selebrasyon upang magsilbing mahuhugot na baon ng alaala sa hinaharap, lalo na sa panahon ng pagsubok kung kailan ang masasayang sandali ay sandalan ng katatagan at pananagumpay sa hamon ng kasalukuyan. 


Ngunit ang pinakamatimbang na halaga ng kaarawan ay ang okasyong ito ng malalim na pasasalamat — makapagpasalamat sa Dios, sa biyayang buhay at lahat ng tinamasa sa nagdaang mga taon, sa kasalukuyang dinadaluyan ng panibagong pangako, at sa bagong basbas ng hinaharap.  


Makapagpasalamat para sa patuloy na paghinga at kalakasan sa gitna ng pag-edad at iba’t ibang naranasang yugto ng buhay.  


Makapagpasalamat sa mga nakamit na kaginhawahan o tagumpay gaano man kaliit o kalaki lalo na kung hindi inaasahang dumating nang mas maaga o mas mabilis sa mga kagila-gilalas na paraan. 


Higit sa lahat, ang kaarawan ay pagkakataon upang maging mapagpasalamat hindi lamang sa mga natanggap na biyaya kundi lalo na sa pagiging daan upang mabiyayaan ang kapwa, pati ang mga natanggap na pagkakataong maging biyaya sa iba. 


Lumalabas tuloy na ang pagpreno — nang kahit mabilisan lamang — sa samu’t saring asikasuhin upang masulit ang kaarawan ay may kaloob na kahit ilang sandali upang mapagmasdan ang sariling kalagayan, masilayan ang inaasam na paroroonan at magnilay-nilay kung paano pa mapapalakas ang ating pagiging makabuluhan sa mundo at sa mga katuwang at kaagapay sa buhay. 


Naisasapuso’t diwa natin ang lahat ng ito, giliw na mambabasa, dahil kaarawan nitong Lunes ng ating paboritong pahayagan, ang BULGAR. Tatlong dekada’t tatlong taon nang patuloy sa walang patid na pagbabalita, pagbibigay impormasyon at pagbabahagi ng pananaw ang ating lubos na tinatangkilik na diyaryo. 


Marami mang pagbabago ang naranasan na’t mararanasan pa ng ating lipunan, marami mang nagbabadyang hamon sa industriya ng pamamahayag, hindi man laging maaliwalas ang panahon, walang humpay ang ating batikan at butihing peryodiko sa pagiging asintado sa paglalayong maging bukod-tanging boses ng masa at mata ng bayan. 


Biyayaan nawa ang ating pahayagan at ang kapita-pitagang pamilya Sison sa pangunguna ng ating minamahal na Ginang Leonida Bonifacio Sison, at lahat ng masisigasig na tauhan sa likod nito ng patuloy na lakas, talino, malasakit at kakayanang maging biyaya para sa taumbayan. 


Gayundin, patuloy nawang pukawin ang isip at puso ng ating mga mambabasa upang walang pag-aatubiling maging hulog ng langit para sa kapakanan ng mas nangangailangan o mga pinanlulumo ng panahon para sila'y makabangon. 

Maligayang ika-33 na taong anibersaryo, BULGAR! Mabuhay!



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Nov. 30, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Laganap kamakailan sa marami-raming banyagang social media influencers ang bagu-bago pang ‘October theory’. Naipakilala ito sa TikTok noong Oktubre ng 2023 at nagmula sa ideya na ang huling 90 na araw ng taon ay pagkakataong maisakatuparan ang hindi pa naisagawang pansariling New Year’s resolution bago sumalubong muli ng bagong taon. 


Nauso ang naturang teorya lalo na sa Amerika dala ng panahon ng autumn sa pagkagat ng Oktubre, kung kailan nalalagas ang mga dahon mula sa mga puno, na hudyat din ng simula ng taglamig. Kumbaga, ang pagbabago ng kanilang klima at natural na tanawin ay nakapagbibigay ng inspirasyong magbago rin sa personal na mga kaugalian o gawain.


Bagama’t ngayon pa lang sumikat ang October theory, masasabing ilang taon na rin itong nasa kamalayan ng ilan. Nariyan, halimbawa, ang mga kuwardernong planner na, bukod sa karaniwang mga edisyon na ang mga pahina ay para sa 12 buwan ng bawat taon, may mga bersyon na ang espasyo ay para sa 16 hanggang 18 na buwan simula sa

Setyembre o Hulyo ng kasalukuyang taon.


Kasangkapan ang ganitong talaan upang makapagplano hindi lamang sa paparating na bagong taon kundi sa huling mga buwan bago pa man mag-Enero.Naaayon din ang konseptong ito sa likas na hilig ng tao na mag-procrastinate o ipagpaliban ang mabibigat na gawain o pangako, para sa sarili man o sa iba, hanggang sa magkulang na sa oras at maging masikip na ang mga araw.


Marahil ay matatagalan bago mauso rito sa atin ang nabanggit na teorya, sapagkat ang kadalasang pinagkakaabalahan natin tuwing Oktubre pati Nobyembre ay ang pagharap sa mga bagyo at pag-iwas sa pananalantang dulot ng mga ito. 


Ngunit may kabuluhan pa rin ang nasabing teorya dahil sa iminumungkahi nitong aral — na hindi kailangang hintayin ang pagsapit ng bagong taon upang magbagong buhay.


At hindi kailangang bongga o engrande ang aasikasuhing pagbabago bagkus ay kahit dahan-dahan lamang ang pag-usad habang inaasinta ang inaasam na pagpapabuti. 


Ngayon pa lang, halimbawa, unti-unti nang sanayin ang sarili na kumain lamang nang sapat upang sa pagdiriwang ng kahit ilan pang salu-salo o Noche Buena ay hindi madidismaya sa sariling timbang pagkalipas ng Pasko. 


Kung nais magpapawis nang masinsinan at mag-ehersisyo nang madalas, magsimula na ngayon imbes na hintayin pa ang unang linggo ng taon. Kung nais matuto ng matagal nang ninanais na libangan o uri ng palakasan, puwede namang bumangon at atupagin na. Kung nais maging kalma’t malumanay imbes na nagmumurang palaaway, unti-unti nang matutuhang magpigil imbes na magwala. Kung nais magbago ng hanapbuhay ngunit nag-aalangan dahil sa pag-aalala, pagnilay-nilayan at kumilos nang nararapat upang mapalagay imbes na patuloy na mabahala o maging balisa. Kung may natitipuhang tao na nais maging katuwang pero nahihiya, isiping wala namang mawawala kung sa wakas ay kausapin na ito at simulan man lang na makipagkaibigan.  


Sa gitna nito at sa pagmumuni-muni ukol sa mga nais matupad, hindi lamang mapapagaan ang diwa dahil hindi na ikukulong sa isipan ang ating mga balak, mauunawaan pa natin ang leksyon ng tanyag na dasal ng kahinahunan o serenity prayer: na matanggap nawa natin ang mga bagay na hindi na natin mababago, magkaroon tayo ng lakas na baguhin ang mga bagay na maaari pa nating baguhin, at dumaloy sa atin ang karunungan para mahimay at mapagbukod ang kaya pa nating mabago sa hindi na maaaring baguhin.


Ang bunga ng lahat ng ito: Lalo nating mauunawaan na kahit anong buwan, araw o saglit ay may dalang pagkakataon para magbago tungo sa ikabubuti. Hindi naman kailangang biglaan, mabilisan o sa isang magdamag lamang. Humugot tayo ng tapang at tiwala na tayo ay nananatiling may magagawa. 


Kung ngayon pa lang ay unti-unti nating mapaghandaan ang darating na taon o ang minimithing mas maaliwalas na bukas, mas magiging karapat-dapat tayong maipatotoo ang pagkamit nito.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page