top of page
Search

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 12, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Matagal nang nasasambit sa mga bansang gaya ng sa atin na gumagamit ng Ingles ang pabirong pahayag na “Are you kidney me?” o kaya’y “You’re kidneying me!” Bukod-tangi’t kakaiba kasi ang naturang “K” na salita kaya’t marami nang naging paandar o pun ang naisip gamitin iyon.


Sa bandang huli nga lang, hindi biro ang halaga ng ating mga bato sa ating pangangatawan. Kung kaya’t may espesyal na araw para sa pandaigdigang pagtalakay sa paksang ito, ang World Kidney Day. Tuwing ikalawang Huwebes ng Marso ang pagdiriwang nito mula nang mailunsad ng World Health Organization at ng International Association for the Study of Kidney Diseases noong 2006. Nilalayon nito na lalong mapalaganap ang kahalagahan at kalusugan ng ating organong hugis patani na nakapirmi sa ilalim ng ating tadyang at sa magkabilang gilid ng ating gulugod.


Ang tema ng naturang araw ngayong 2025 ay “Are Your Kidneys OK: Detect early, protect kidney health.” Maganda nga namang kumustahin ang kalagayan ng ating mga bato para ating masabi, imbes na maitanong lang na, “OK kayo, kidneys ko!”


Hindi matatawaran ang mga tungkulin ng ating mga bato. Kabilang diyan ang pagiging tagagawa ng hormones na nakapapanatili ng tamang presyon ng ating dugo at pagtakda ng sapat na bilang ng ating pulang selula ng dugo o red blood cells. Ang ating mga bato ang nagsisilbing tagasala’t tagalinis ng ating dugo upang matanggal ang sobrang tubig, asin at potasyo bago natin tuluyang mailabas ang mga iyon sa pag-ihi. 


Gaya ng pagiging napakalaking perhuwisyo kung hindi natin maiaalis sa ating bahay ang ating naipong basura, paano pa kung hindi natin matatanggal ang anumang makapagpapabulok mula sa ating katawan? Kung hindi dahil sa ating mga bato ay mauuwi ang ating pansariling sistema sa pamamanas, pagtaas ng presyon ng dugo, pagkakaroon ng anemya o nakamamatay na pagkalason.   


Nararapat ding magpasuri ng ating mga bato kung tayo ay nasa edad 60 pataas, nasa lahi ang sakit sa puso, sakit sa bato o mataas na presyon ng dugo, may kabigatan ang timbang o may mga sintomas gaya ng labis na pag-ihi, madalas na pakiramdam na masusuka, pamumulikat ng kalamnan, pamamaga ng mga paa at bukong-bukong, o kahirapan sa pagtulog. Marami pa man din ang maaaring maging mabigat na mga karamdaman kung hindi maaalagaan ang ating mga bato, gaya ng urinary tract infection o UTI, napakasakit na kristalisadong mga bato o kidney stones, o ang chronic kidney disease kung saan ang pasyente ay mangangailangan ng pahirap at magastos na dialysis. 


Kung sakaling may sakit na sa bato, ang masusi’t masigasig na pagsunod sa payo ng doktor ay kinakailangan upang makapagpatuloy sa pakikipagsapalaran sa buhay. Kung tuluyang humina ang ating mga bato at mangangailangan ng kidney donor, huwag panghinaan ng loob. Patuloy na kumilos at manalig habang umaasang makakamit ang karagdagang buhay. 


Kung ika’y maaaring makapag-alay ng isa sa iyong dalawang malulusog na bato para sa mangangailangan ng kidney transplant, magpatingin kung papasa at magnilay-nilay ng magiging pamumuhay pagkatapos ng operasyon. Kung ikaw nga’y makakapag-alay ng sariling bato upang maisalba at mapahaba ang buhay ng nangangailangang kapwa, mabuhay ka!


Para sa mga patuloy na binibiyayaan ng matiwasay na pangangatawan, mainam ang pagiging aktibo sa pagpapalakas ng katawan at pagkain nang wasto upang mapanatili ang kalusugan ng ating mga bato. Isama na natin ang palagiang pag-eehersisyo, pag-inom ng hanggang dalawang litro ng tubig araw-araw, pagbabawas sa matatamis upang hindi magka-diabetes, pag-iwas sa mga de-lata at iba pang maaalat na pagkain, hindi paninigarilyo at hindi pagmamalabis sa pag-inom ng mga gamot laban sa pananakit ng katawan.


Sa madaling salita, kung babalewalain ang ating mga kidney, para na rin tayong nagbuhat ng mabigat na bato at ipinukpok ito nang paulit-ulit sa ating ulo.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 7, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Marami-rami ang espesyal na mga araw at pagdiriwang ngayong Marso ukol sa samu’t saring mga bagay. Ngunit ang ginugunita ngayong ika-7 ng Marso ay bukod-tangi sa pagiging makabuluhan para kanino man ngayong halos lahat ng tao ay labis ang kawilihan sa teknolohiya. 


Itong unang Biyernes ng buwang kasalukuyan — mula takip-silim ngayon hanggang sa dapit-hapon bukas — ay Global Day of Unplugging. 


Unang naitatag bandang 2012 ng grupong Reboot, isang Hudyong komunidad sa Amerika, bilang National Unplugging Day, at hindi naglaong ito’y naging pandaigdigang pagpapatotoo ng isang simple ngunit matimbang na hangarin: na kumalas muna ang sangkatauhan sa makamandag na galamay ng teknolohiya. Na mula sa kahit dalawa o tatlong oras o kaya’y sa loob ng 24 oras ay lubayan muna ang pagse-cellphone, pagkokompyuter, pag-i-internet, pagso-social media, pagba-vlog, pagse-selfie at iba pang nakahumalingan sa modernong panahon.


Katanggap-tanggap na sa takbo ng buhay ngayon ay hindi ito madaling magawa. Ilang taon na rin kasing naituring ang ating langkag o portable na telepono bilang karugtong ng ating braso at tila ba’y karagdagang kamay. Marahil pa nga’y bago pa man pumutok, halimbawa, ang X na dating Twitter ay naranasan natin nang hindi lamang minsan ang pinangalanang phantom vibration/ringing syndrome o ang pakiramdam na may tumatawag sa ating cellphone na nakabulsa ngunit wala naman pala.  


Posibleng para sa mga nakatatanda sa atin na lumaki’t namuhay noong wala pang Facebook o kahit ang nalaos nang Friendster ay may kadalian kahit papaano ang panandaliang pagkalas sa paggamit ng kagamitang elektroniko. Mas mahirap ito para sa mga kabataang naisilang ngayong ika-21 siglo at naturingang digital natives, sila na lumaki sa tinatawag na information age at nakagisnan ang mga gadget at social media mula pagkabata. Isa pa ngang nakalulungkot na tanawin sa panahong ito ay ang mga sanggol o tsikiting na ang awtomatikong yaya o pampakalma ay ang YouTube o kaya’y nakalululong na mga video game.  


Dala rin ng karaniwan at pantaong pagnanasa na sumabay sa uso o hindi magpahuli sa maiinit na usapin ay ang pakiramdam na binansagang FOMO o “fear of missing out,” kung kaya’t nahahayaan natin ang pang-aabala ng timbre o bagting ng app na siyang hudyat ng maaaring kapana-panabik na mensahe o tsika.


‘Di maikakaila na kamangha-mangha ang makikita at mararanasan sa pamamagitan ng teknolohiya. ‘Di matatawaran ang mga kabutihang naidudulot nito, lalo na pagdating sa liksi ng daloy ng balita’t impormasyong dati’y aabutin ng ilang araw o linggo bago pa man maipalaganap o maipabatid sa nakararami, pati na ang pagbuklod ng mga makatutulong sa mga pagkakataong may kagipitan o krisis na mangangailangan ng agarang pagtugon. ‘Di rin maitatatwa na dahil wala na ang dating mga balakid sa pagpalaganap ng datos at kabatiran ay lalong naging demokratiko ang pagpapasagana sa kaalaman ng ordinaryong mamamayan at hindi na ito limitado sa mga may kapangyarihan o mayayaman lamang. 


Ngunit marami ring kahina-hinayang kapalit ang mga pribilehiyong iyan. Kabilang diyan ang pag-aaksaya ng wala sa lugar na libangan ng ating oras at lakas para sa mga gawain at asikasuhin, at umaabot pa ng tinatayang 23 minuto bago manumbalik ang ating atensyon sa dapat pagkaabalahan. 


Mas masahol ang pananamantala ng masasamang-loob na nagpapakalat ng kasinungalingan o nakapanlilinlang na fake news, sa ilang tao man, sa lipunan o bansa at mundo. 


Ang nakalulungkot pa ay ang epekto sa kalusugang pangkaisipan, lalo na sa mga indibidwal na maramdamin o nalulumbay na ang pagkasilaw o pagkainggit sa mga nakikita sa Instagram, halimbawa, ay nagiging nakababahala’t mapanganib na piring sa disposisyon at damdamin. 


Nakapapagal nga naman ang anumang kalabisan, pati na sa larangan ng paggamit ng teknolohiyang nakakapagpagumon sa musmos man o nakatatanda.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 5, 2025



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Mahirap maisip sa kasalukuyan ang sinaunang panahong hindi pa makaboto ang mga Pilipina. Kung hindi dahil sa pagsusumikap ng matiyagang kababaihan gaya nina Pura Kalaw, Clemencia Lopez at Concepcion Felix Roque ay hindi makakamit ang karapatang ito. Inabot pa ng may tatlong dekada ang pagkumbinse nu’ng umpisa ng ika-20 siglo na mapasama ang mga Pilipina sa nakaboboto.


Dumaan pa nga muna iyon sa plebisitong may kondisyon: Kailangang hindi bababa sa 300,000 ang makakalap na mga pirma ng kababaihan bilang pagpapatunay ng kanilang pagnanais na maging botante. Ang kinatapusan noong ika-30 ng Abril 1937: 447,725 na mga Pilipina ang bumoto ng pagsang-ayon sa karapatang makaboto.


Sa kabila ng karaniwan nang pribilehiyong iyan at iba pa, matimbang na usapin pa rin ang pagkakapantay ng mga kababaihan sa kalalakihan pagdating sa mga karapatan.


Kung kaya’t patuloy na mahalaga ang taunang pagtanaw sa ika-8 ng Marso o ang darating na Sabado, bilang Pambansang Araw ng Kababaihan o National Women’s Day, na nag-uugat sa nataguriang Pandaigdigang Araw ng Kababaihan o International Women’s Day. Ang buong Marso mismo ay National Women’s Month sa Pilipinas at International Women’s Month sa maraming lupalop sa daigdig. 


Sa isang banda at ayon sa Philippine Commission on Women, may mga espesyal na palatandaan ang pagdiriwang ng naturang araw sa taong ito. Bukod sa ika-30 anibersaryo ng nabanggit na komisyon, ngayong 2025 din ang ika-45 na taon ng pagpirma ng Pilipinas sa Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women, pati ang pagtatapos ng 30-taong Philippine Plan for Gender-Responsive Development. At tatlong dekada na ang nakalipas mula nang maipakilala ang polisiya na pang-Gender and Development budget sa bisa ng Republic Act (RA) 7845. 


May iba pa tayong mga batas na pumapabor sa kapakanan ng kababaihan. Kabilang dito ang RA 11210 o ang 105-day expanded maternity leave law, na nagpalawig ng dati’y 60 na araw lamang na nasasaklawan ng benepisyong ito; ang RA 6725 o ang Prohibition on Discrimination Against Women, na may kinalaman sa pinapasukan bilang empleyado; ang RA 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act of 2004; ang RA 7882 na ukol sa Provision of Assistance to Women Engaging in Micro and Cottage Business Enterprises; ang RA 7877 o ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995; ang RA 8353 o Anti-Rape Law of 1997; at ang RA 9710 o ang Magna Carta of Women, na komprehensibong batas ukol sa karapatang pantao ng mga Pilipina, lalo na sa mga kabilang sa marginalisadong sektor ng ating lipunan. 


Sa kabila ng mga alituntuning nakatutulong sa mga Pinay, kailangan pa ring maging maingat at mapagmatyag ukol sa pagpapatupad ng karapatan nating kababaihan lalo na sa panaong antas, sa loob o labas man ng bahay. Sa madaling salita, ang pagpapabuhay ng karapatang pang-Pilipina ay nakasalalay sa bawat isa sa atin.


Nasa ating mga kamay, halimbawa, ang paglalayon at pagpupursigeng ang apektadong mga babae ay maiahon sa kahirapan, maisalba mula sa kasakiman o kagahamanan at mapigilang mag-asawa o mabuntis nang napakaaga. Lalo pang ilayo ang kababaihan, paslit man o may edad, sa mga pagkakataon na maging biktima ng kahirapan, karahasan o pang-aabuso.


Kumpara sa kalalakihan, mas delikado ang buhay para sa kababaihan ng anumang edad, kaya dapat matiyak na sila’y armado ng karunungan at kakayanang maitaguyod at maipaglaban ang kanilang sarili. 


Pagdating sa ating tahanan, ang kalalakihan ay ating hinihikayat na tumulong sa gawaing bahay at pag-aalaga ng mga anak. Pagdating sa pinagtatrabahuhan, respetuhin ang mga pinuno at katrabaho na babae at ipagdiwang ang kanilang hindi matatawarang ambag. 


Sa mga namumuno ng mga kumpanya na hindi pa patas ang trato sa kakayanan ng kababaihan at kalalakihan, buksan ang diwa’t isipan at palakasin ang mga babaeng may binatbat pagdating sa pamamahala.


Irespeto ang kababaihan sa bawat pananaw at gawain. Itigil ang mapambusabos at walang saysay na paglalarawan sa kanila sa mga serye o pelikula at iwasang tangkilikin ang anumang palabas o lathalaing nakababastos sa kanila. Huwag ring tularan ang mga tao, gawain o institusyong itinataguyod ang pang-aapi, pang-aalipusta o pangmamaltrato sa kababaihan. 


Dahil may napipinto tayong halalan, suriin din natin ang mga tumatakbo at tingnan ang kanilang mga nagawa o inihahaing plataporma at ipinapamalas na katapatan upang isulong ang kapakanan ng kababaihan.


Hindi layaw ang hangaring magkapantay-pantay ang kababaihan sa kalalakihan pagdating sa mga karapatan, kalayaan, kamalayan at kabuhayan. Kailangan lamang ng malawakang pagpukaw at pagpapaunawa sa lahat, sa bawat bahagi ng lipunan. May saysay na pausbungin ang karapatan ng kababaihan, lalo na’t makatutulong ito sa pagkakamit ng solusyon sa napakaraming suliranin sa iba’t ibang aspeto ng pamumuhay, sa ekonomiya man o sa mga nagbabadyang krisis ukol sa klima at kalikasan.


Kung patuloy na maitataguyod ang karapatang pang-kababaihan, mas marami pang maiisip at magagawang kabutihan ang mga Pilipina para sa kaunlaran, kasaganaan at kapayapaan ng sambayanan.


Kung tatanawin, palaging abot-kamay ang pagsasakatuparan ng mga karapatang pang- kababaihan, hindi lang mga Pilipina ang ganap at ultimong magwawagi kundi ang mismong sangkatauhan.


Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page