top of page
Search

ni Jeff Tumbado | March 16, 2023



Nakilala na ang isa sa mga sangkot sa paglikida kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, noong Marso 4, 2023 sa bahay nito sa bayan ng Pamplona.

Napag-alaman mula sa impormasyon kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Rodolfo Azurin, Jr,. na ang napaslang na suspek matapos manlaban sa pinagsamang operasyon ng pulisya at militar ay si Arnil Labradilla, dating miyembro ng

hit squad ng New People’s Army (NPA).

Sa kabuuan, nasa 4 na sangkot sa krimen ang nasa kostudiya ng mga awtoridad kung saan dating mga sundalo ang mga ito na nag-AWOL o Absense Without Leave.

Samantala, nabatid naman sa Special Investigation Task Group-Degamo, kasong murder at frustrated murder ang kinakaharap ng mga nadakip na mga salarin na sina Joric Garido Labrador, Joven Calibjo Javier, Benjie Rodriguez, Osmundo Rojas Rivero, at 12 iba pang kasabwat sa Tanjay City Regional Trial Court.

Reklamong illegal possession of firearms, ammunition, and explosives ang inihain din laban sa mga suspek sa Bayawan City Regional Trial Court.


 
 

ni Jeff Tumbado | March 15, 2023




Inilunsad ngayong araw ng Land Transportation Office (LTO) ang “Isumbong Mo Kay Chief” QR code, isang serbisyong digital na magagamit ng publiko para sa mas madaling pagpaparating ng mga reklamo at suhestiyon, gamit lang ang cellphone.


Pinangunahan ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade ang pagpapaskil ng “Isumbong Mo Kay Chief” QR code sticker sa Licensing Section ng LTO Central Office, East Avenue, Quezon City, isa sa mga mataong lugar sa ahensya.


Nakapaskil na rin sa LTO district at regional offices sa buong bansa ang nasabing QR code sticker.


Sakaling may reklamo o suhestiyon, kailangan lamang na i-scan ang QR code gamit ang cellphone. Mula rito ay lalabas ang isang survey form kung saan ilalagay ang mga detalye ng reklamo o suhestiyon na direktang mababasa ng mismong LTO Chief at maipaparating din sa mga hepe ng iba’t ibang distrito ng ahensya.


May opsyon din sa survey form hinggil sa kung ano ang pakay ng reklamo tulad ng mabagal na serbisyo, masungit na empleyado, hindi maayos na lugar ng LTO office, o may presensya ng mga fixer.


 
 

ni Jeff Tumbado | March 14, 2023




Tiniyak ng kampo ni Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo “Arnie” Teves, Jr., na babalik pauwi ng bansa ang kongresista upang harapin at sagutin ang pagkakasangkot nito sa pagpaslang kay Governor Roel Degamo.


Pero may mensahe rin na ipinarating si Teves sa mga awtoridad sa pamamagitan ng kanyang lead counsel na si Atty. Ferdinand Topacio, na uuwi lamang siya kung bibigyan ng seguridad ang kanyang pamilya upang matiyak ang kanilang kaligtasan.


Binigyang-diin ni Topacio na ang seguridad ni Teves at kanyang pamilya ay isa nang malaking alalahanin lalo pa’t ang ilang mga sunud-sunod na lumalabas na mga pangyayari kaugnay ng kaso.


“Definitely, he intends to return to clear his name… However, in light of recent developments where the rights, not just of Cong. Teves but of others associated with him were trampled upon, may malaking concern na sa security niya,” pahayag ni Topacio sa isang weekly Pandesal Forum sa Quezon City kahapon.


Sinabi naman ni Atty. Toby Diokno, na nagpakilala bilang kababata ng kongresista, na walang makakapagpigil kay Teves na umuwi sa Pilipinas para sagutin ang lahat ng ipinaparatang sa kanya.


“We just have to secure his safety and the safety of his family before he could really decide when to return. It’s just a matter of when. If he will return, yes, he will return. It’s just a matter of when,” saad ni Diokno.


Samantala, maging si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez ay humihikayat kay Teves na agad bumalik ng bansa para harapin ang mga bintang laban sa kanya.

Iginiit ng leader ng Kamara na ang authority to travel ni Teves sa Estados Unidos ay balido lamang ng may petsang Pebrero 28 hanggang Marso 9, 2023.


Mismong si Romualdez ang nagpatawag ng imbestigasyon in aid of legislation kaugnay sa kahina-hinalang hindi pagsipot ng limang police personnel na security details ni Degamo noong araw nang isagawa ang pagpaslang sa gobernador.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page