top of page
Search
  • BULGAR
  • Mar 21, 2023

ni Jeff Tumbado | March 21, 2023



Naglabas ng bagong board resolution ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na makatutulong sa mabilis na pagresolba ng mga kaso sa sektor ng transportasyon upang mabawasan ang mga ilegal na aktibidad o red tape.

Sa Board Resolution No. 008 Series of 2023, napagpasyahan na pahintulutan pa ang hepe ng Legal Division ng Board na pirmahan at aprubahan ang lahat ng mga utos o resolusyon para sa Inspection Report Summons apprehension cases na tinatanggap at hindi tinututulan ng mga respondent, maliban sa mga walang prangkisa o Certificate of Public Convenience (CPC) o Evidence of Franchise na iprinisenta sa panahon ng panghuhuli.

Sa ilalim ng bagong resolusyon ng Board, kasama na ang mga kaso tulad ng Colorum Violation, at Fraud and Falsities gaya ng pagpapakita ng peke at huwad na CPC, Official Receipt (OR) o Certificate of Registration (CR), plates, stickers at mga tag, sa mga kaso ng pagdakip sa Inspection Report Summons (IRS), na dating exempted o hindi kasali sa ilalim ng Board Resolution No. 190, Series of 2022 na inisyu noong nakaraang Disyembre 27, 2022.

Ayon sa LTFRB, ang desisyon na muling suriin ang Board Resolution No. 190 upang isama ang colorum at peke na mga CPC sa listahan ng mga IRS apprehension case ay bahagi ng pangako ng ahensya na sumunod sa Republic Act 11032 o ang “Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018”.

Kabilang sa mga layunin ng RA 11032 ay gawing simple ang mga pamamaraan upang mabawasan ang red tape sa paghahatid ng serbisyo-publiko.

“We included colorum and fake CPCs in the list of IRS apprehension cases because the commuting public deserves it. By expanding the list of IRS apprehension cases, it also helps the Board reduce the level of case resolution backlogs for speedy delivery of service, which is what RA 11032 is all about,” pahayag ni LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III.


 
 

ni Jeff Tumbado | March 18, 2023



Pinalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang bisa ng special permit ng mga pampublikong sasakyan na papasada sa nalalapit na Holy Week ngayong 2023.

Sa ilalim ng Board Resolution No. 009, napagpasyahan ng LTFRB na sa halip na sa ika-2 hanggang sa ika-11 ng Abril, magiging epektibo na ang special permit para sa Holy Week ngayong taon simula sa ika-31 ng Marso hanggang sa ika-17 ng Abril.

Kasunod iyan ng Proclamation No. 90 ng Malacañang na nagdeklara sa ika-6 (Maundy Thursday) at ika-7 (Good Friday) ng Abril bilang regular holidays.

Sa ilalim din ng proklamasyon, pansamantalang inilipat sa ika-10 ng Abril ang pagdiriwang ng Araw ng Kagitingan matapos tumapat sa araw ng Linggo ang orihinal na paggunita nito tuwing ika-9 ng Abril.

Batay sa resolusyon, ang pag-amyenda ng LTFRB sa bisa ng special permit ay bunsod ng inaasahang pagdagsa ng mga pasahero na uuwi sa kani-kanilang probinsya dahil sa mahabang holiday, pagluwag ng travel restriction, at muling pagbubukas ng ekonomiya sa bansa.

“With the five-day break, it will give more Filipinos the chance to spend more time with their families in the provinces and for spiritual reflection during the Holy Week. That is why the Board decided to change the duration of Special Permits so that the commuting public is assured of sufficient supply of public transportation that would take them to their destination,” pahayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.


 
 

ni Jeff Tumbado | March 17, 2023




Nasa 13 tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) ang sinibak sa puwesto dahil sa hulidap at kotong.


Isasailalim ang mga ito sa imbestigasyon ng PNP-Internal Affair Service (IAS) kaugnay ng alegasyon.


Ayon kay PNP Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, ang mismong director ng CIDG na si Brig. General Romeo Caramat ang nag-atas na sibakin ang kanyang mga tauhan.


Nabatid na 10 sa mga tinanggal ay pawang mga police non-commissioned officers (PNCO) habang ang tatlo ay police commissioned officers (PCO).


Tinanggal din bilang hepe ng CIDG-NCR si Police Col. Hansel Marantan dahil sa command responsibility.


Sinabi ni Fajardo na hiniling mismo ni Marantan na siya ay tanggalin sa puwesto para bigyang-daan ang imbestigasyon sa mga reklamo sa kanyang mga tauhan.


Ayon naman kay PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. General Rhodel Sermonia, nakatanggap sila ng mga reklamo laban sa CIDG-NCR personnel kaugnay sa pagdakip nila sa 13 indibidwal dahil sa pagsusugal ng mahjong sa isang compound sa Parañaque City kamakailan.


Humingi umano ng P10 milyon ang CIDG-NCR personnel mula sa mga dinakip kapalit ng kanilang kalayaan.


“Dinala sila dito sa CIDG-NCR, mga 13 arrested personalities. Then in exchange for their freedom, that is according again to the complainant, ay nagbigay sila ng halaga sa ating operatives,” ani Sermonia.


Bukod sa pangingikil ay nilimas pa umano ng CIDG-NCR personnel ang pera na laman ng vault na nagkakahalaga ng P3 milyon, mga alahas, mamahaling relos, at mga bag mula sa inarestong indibidwal.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page