top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 9, 2024





Nakakuha na naman ng kakampi ang mga driver at jeepney operator na biktima ng paspasang implementasyon ng Public Utility Modernization Program (PUVMP) dahil napakalaki umano ng maidudulot nitong epekto sa kabuhayan lalo pa at itinuturing nang kolorum ang mga tradisyunal na jeepney na hindi umabot sa deadline noong nakaraang Abril 30 para sa consolidation ng prangkisa ng mga PUV.


Nagpahayag mismo ng suporta ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Trade Union Congress of the Philippines, Employers Confederation of the Philippines, Federation of Free Workers, Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa, at Philippine Exporters Confederation sa inilabas na joint statement, isang araw bago sumapit ang deadline sa consolidation ng prangkisa ng mga jeepney.


Kinuwestiyon na rin ng mga manggagawa ang hindi umano pagkakaroon ng ‘just transition’ sa “formulation, execution, and oversight ng PUVMP” at hindi rin nakonsulta ang mga operator at driver sa disenyo ng modern jeepney.


Wala umanong inilatag ang Department of Transportation (DOTr) na kompensasyon sa mga igagaraheng jeepney unit at ang sapilitang pagbili ng modern jeepney ay napakamahal sa halagang P2.5 milyon hanggang P3 milyon. Taliwas din umano ang PUVMP sa UN Sustainable Development Goals na “no one should be left behind” sa anumang pagbabago sa ekonomiya at industriya.


Ayon sa mga manggagawa, kailangan umano ng urgent review ng PUVMP upang maliwanagan ang lahat hinggil sa legalidad nito at iba pang aspeto tulad ng deadline para sa consolidation at pagbuo ng mura at mababang presyo na kaya ng mga operator.


Ang walang habas na phaseout ng tradisyunal na jeepney na hindi man lamang naglaan ng alternatibo para sa working-class commuters ay malaking epekto o magdudulot ng domino effect sa domestic business at sa ekonomiya — kailangan umano ng marahan at konsiderableng hakbang tungo sa nasabing modernization.


Noong kasagsagan ng mainit na pagpapatupad ng PUVMP ay naglabasan na rin ang mga pahayag na ito mula sa mga operator at driver na hindi naman nakatulong para magbago ang isip ng pamahalaan at tuluy-tuloy pa rin ang modernisasyon.  


Ngayong naramdaman na rin ang mga grupo ng mga manggagawa, ang nararanasang pighati ng mga operator at driver ay inaasahang makadagdag na naman ito sa usapin hinggil sa malapit na sanang maresolbang PUVMP.


Hintayin na lang natin kung muling mabubuhay ang init ng usapin sa PUVMP, ngayong pati grupo ng mga manggagawa ay nakikisimpatiya na rin sa mga operator at driver na hindi pa rin nawawalan ng pag-asa patungkol sa pagtutol nila sa PUVMP.


May kabigatan kasi kung grupo ng mga manggagawa na ang makikipagbalitaktakan sa pamahalaan dahil malaking sektor ito at hindi basta-basta puwedeng balewalain.

Sa puntong ito ay nabuhayan nang husto ang mga transport group dahil malaking grupo ang nakuha nilang suporta mula sa mga manggagawa na kilala rin natin ang puwersa sa tuwing nagsasagawa ng mga kilos-protesta.


Lalo pa at may pahabol ding pahayag si Sen. Grace Poe na kailangang alamin ang kalagayan ng mga driver at operator hinggil sa pagpapatupad ng PUVMP, at kailangan pa umano ng panibagong imbestigasyon.


Si Sen. Poe na siyang chairperson ng committee on public services ay malaki ang magagawa para mabago ang direksyong tinatahak ng PUVMP.


Kaya kung inaakala nating tapos na ang usapin sa phaseout ng tradisyunal na jeepney ay nagkakamali tayo — dahil nagsisimula pa lang uminit nang seryoso.


Nakadagdag pa sa usapin ang mariing utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. (PBBM) na hulihin na ang lahat ng kolorum na sasakyan sa bansa dahil talamak na ang operasyon – tiyak na apektado rin ang mga tradisyunal na jeepney na itinuturing na kolorum ang mga itong hindi nakilahok sa consolidation ng prangkisa  sa PUV.


Mas madali kasing matukoy ang mga tradisyunal na jeepney kaya mas mabilis silang mahuli ng mga enforcer. Tiyak na magrereklamo na naman ang mga driver ng lumang jeepney na sila lang ang hinuhuli samantalang santambak nga ang kolorum.


Hayyy, standby na lang muna tayo kung hanggang kailan pa aabot ang problemang ito ng tradisyunal na jeepney.      

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 7, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Mariing pinabulaanan ng pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na madaragdagan ng P25 ang pamasahe sa modern jeepney — na umano’y pakana lamang ng mga tutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Tiniyak ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III na mananatili ang pamasahe sa mga consolidated jeepney at mga modern jeepney.


Ginawa ni Guadiz ang pahayag dahil sa sinabi ng isang lider ng Piston na isusulong nila ang P25 dagdag sa pamasahe upang mabawi ang pinuhunan sa pagbili ng modern jeepney alinsunod sa PUVMP.


Napag-alaman mula LTFRB na wala umanong basehan ang implementasyon ng fare hikes para sa public utility vehicles (PUVs). Napakarami umano na dapat ikonsidera sa pagtataas ng pasahe tulad ng hindi na mapigilang pagtaas ng gasolina, bago aprubahan ng ahensya ang fare increase. 


Ang mga traditional jeepney na nakapag-consolidate na ng prangkisa ay bibigyan ng 27 buwan para makabili ng modern jeepney. Ang hindi naman nakapag-consolidate pagkatapos ng deadline noong Abril 30 ay ituturing nang kolorum.


Samantala, nakatakda namang imbestigahan ng Senado ang epekto ng PUVMP sa mga tsuper at operator. Sa pangunguna ni Sen. Grace Poe ay nais nitong matiyak kung ginagamit na ang P200 milyong pondo para sa livelihood assistance ng mga tsuper na nawalan ng pinapasadang jeepney.


Ayon pa sa senadora, matagal na nitong hinihingi sa Department of Transportation (DOTr) ang detalyadong impormasyon sa status at revised timeline ng PUVMP pati na ang updated data sa consolidated jeepneys; impormasyon sa sineserbisyuhang ruta at apektadong ruta at sa mga contingency plans.


Sabagay, simula nang magpatawag ng pagdinig sa Senado, ay wala na tayong ibang nabalitaan kung ano na ang kinahinatnan ng pagdinig -- maging ‘yung iniatas sa DOTr na dapat isumite nila bago nila iimplementa ang mga bagay-bagay hinggil sa programa, ay hindi umano nila inasikaso na hinahanap na ni Sen. Poe.


Nabatid na hanggang ngayon, ipinaglalaban pa rin ni Sen. Poe na sana ay mas tumaas pa ang subsidiya ng gobyerno para sa kanila. Hindi pa rin binibitawan ni Sen. Poe  ‘yung mga sasakyan na sana ay mabili ng mura at gawa rito sa Pilipinas. Maging ang mabigyan ng maayos na pondo para naman doon sa hindi makakapag-consolidate ay naghahanda ng alternatibong  programa.


Dahil sa panibagong pahayag na ito ni Sen. Poe ay inaasahang magkakaroon ito ng epekto sa umaandar ng PUVMP ngunit hindi natin batid kung magiging positibo o negatibo ang epekto nito.


Ngunit maraming transport group na hindi pa rin sumusunod sa nais ng LTFRB, na tumutugma ang kanilang kahilingan sa mga pahayag ni Sen. Poe, ang tiyak ay mabubuhayan ng dugo dahil nakakita na naman sila ng panibagong kakampi.

Ibig sabihin ba nito ay karagdagang usapin na naman ito sa pagitan ng LTFRB at mga kumukontrang tradisyunal na jeepney, na hanggang ngayon ay problema pa rin ng LTFRB.


Tutal hindi naman matapus-tapos ang usaping ito sa modernization program ay makabubuti sigurong magharap-harap na sa Senado upang isapinal kung ano talaga ang direksyong tinatahak ng PUVMP sa bansa.


Sabagay mukhang umaandar na ang PUVMP at tiyak na karagdagang tulong lang ang nais ng butihin nating senadora.


Ang mahalaga ay hindi na aabutin ng panibagong taon ang usapin sa pagpapatupad ng PUVMP at magiging maayos na ang lahat.


At ‘yung karagdagang P25 fare hike, hindi totoo at malaki ang posibilidad na nagmula ang balitang ito sa hanay ng mga transport group na tutol sa PUVMP upang maging negatibo na naman sa publiko ang naturang usapin.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 2, 2024




Mariing ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. (PBBM) sa pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hulihin hanggang sa maubos na ang lahat ng mga sasakyan na bumibiyaheng kolorum sa buong bansa.


Dahil dito ay agad na nagsanib-puwersa ang Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Philippine National Police (PNP) upang ipatupad ang naturang kautusan.


Isang kasunduan ang nilagdaan ng MMDA, DOTr, at DILG para bumuo ng isang joint task force para palakasin ang puwersa ng mga nanghuhuli sa kalsada.


Ang nasabing hakbang ay kasunod ng kautusan ni PBBM sa DILG na tutukan ang operasyon ng mga colorum vehicle.


Hindi lang natin makumpirma kung ano ang magiging epekto nito sa ating mga tradisyunal na jeepney dahil itinuturing na ng DOTr na kolorum ang mga jeepney na hindi nakapag-consolidate sa natapos na deadline nitong nagdaang Abril 30.


Gayunman,sinabi ni DOTr Undersecretary Ferdinand Ortega na bibigyan nila ng hanggang dalawang linggong palugit ang mga unconsolidated jeepney bago sila tanggalan ng prangkisa.


Bibigyan pa umano ng show cause, sasagot pa ang mga tradisyunal na jeepney kaya kailangan ng mga ilang araw para sila ay masabihan o mabigyan ng sapat na impormasyon na sila ay wala nang prangkisa at sila ay hindi na puwedeng pumasada.

Technically, kolorum na umano sila dahil sa hindi pagsunod ngunit kailangan pa rin umanong pagpaliwanagin muna sila, at makaraan ang ilang araw ay magpapalabas na umano ng kautusan ‘yung mga hindi nakapagpaliwanag o hindi katanggap-tanggap ang paliwanag ay puwede na umanong hulihin.


Ang multa sa mahuhuling kolorum ay aabot sa P50,000, isang taon na suspensyon sa lisensya ng driver at pag-impound sa sasakyan.


Sa huling tala noong Linggo, iniulat ng Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na umaabot sa 78.33% o 150,179 units ang consolidated na habang 73.71% ng ruta ang consolidated na hanggang nitong Abril 23.


Maganda kung maisasakatuparan ang utos na ito ni PBBM dahil sa tiyak na luluwag ang trapiko, partikular sa EDSA na santambak ang kolorum na bus na protektado pa umano ng ilang tiwalang traffic enforcer na siyang nagtitimbre kapag may operasyon laban sa kolorum.


Sana, unahin ang paglilinis sa hanay ng mga traffic enforcer sa EDSA dahil hangga’t nandiyan sila ay hindi matitigil ang operasyon ng kolorum.


Kahit sa mga probinsya, dapat una ring linisin ang hanay ng mga operatiba ng iba’t ibang ahensya na may kaugnayan sa transportasyon dahil ginagawa nilang ‘gatasan’ ang mga kolorum na van na talamak pa rin ang operasyon.


Kung matitigil ang operasyon ng kolorum sa mga lalawigan ay malaki ang magiging epekto nito sa pagluluwag ng trapiko sa Metro Manila dahil sa matitigil na rin ang pagdagsa ng mga kolorum na sasakyan mula sa iba’t ibang lalawigan sa bansa.


Higit sa lahat ay nakakaawa ang mga pasahero na sakay ng kolorum na van sa oras na masangkot sila sa grabeng aksidente dahil sa walang mananagot sa kanilang kalagayan.


Kaya sa ating mga kababayan na maaapektuhan ng isasagawang operasyon ng ating pamahalaan ay huwag kayong magagalit dahil para sa kapakanan ng lahat ang paghuli sa talamak na operasyon ng kolorum sa bansa.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page