top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 1, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Sa dinami-dami ng istoryang inilabas natin patungkol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ay hindi na nakatiis si Sen. Grace Poe na magsalita hinggil  dito bilang chairperson ng Senate Committee on Public Services.


Walang kagatul-gatol na sinabi ni Senadora Grace Poe na palpak talaga ang Department of Transportation (DOTr) sa PUVMP dahil sa rami ng mga tsuper na nawalan ng trabaho nang walisin ang mga traditional jeepney kapalit ng modern jeepney na mukhang kahon lamang.


Ayon pa kay Sen. Poe, bagama’t marami ang nagsasabi na may katiwalian umano sa PUV modernization program, ang nakikita niya ay kapalpakan sa implementasyon ng programa.


Ayaw umanong magbitaw ng basta-bastang pahayag ni Sen. Poe hangga’t hindi nito hawak ang dokumento ng katiwalian. Ngunit andami na umano niyang nadidinig, hindi tungkol sa katiwalian kundi incompetence.


Binanggit ng senadora na hindi pulido ang pagkakagawa ng plano at hindi rin umano maganda ang design ng modern jeep dahil para itong kahon at nawala ang iconic na disenyo ng jeepney.


Isa pa sa malaking usapin ngayon ay ang kinukuwestiyon ni Sen. Poe kung saan na napunta ang P200 milyon na inilaan para sa mga tsuper na maaapektuhan ng PUVMP.

Lumalabas kasi na kahit singkong duling ay wala pa silang naipapamahagi mula sa kabuuang P200 milyon na para sa mga naapektuhang tsuper kaya inaalam na ito ngayon ni Sen. Poe.


Nabatid na isa ang DOTr sa mga pinakamababang “utilization rate” sa gobyerno kaya nasasayang lamang ang pondong inilalaan dito dahil hindi naman nagagamit.

Hindi sinisisi ni Sen. Poe ang pamunuan ng DOTr dahil posibleng mayroon namang itong mga tauhan na silang sumablay sa implementasyon ng PUVMP at iba pang trabaho sa kagawaran.


Ayon sa senadora hindi naman niya kinukuwestiyon ang intensyon ng DOTr dahil buo umano ang kanyang paniniwala na magiging maayos ang lahat sa panig man ng tsuper o pasahero.


Sinabi pa ni Sen. Poe na sana ay wala umanong maiwan sa kangkungan sa pagpapatupad ng PUVMP na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin plantsado.

Kaya may karapatan din pala talagang mag-ingay itong mga transport group dahil ilan sa kanila ay alam na may P200 milyong pondo na inilaan para sa kanila — kaso hindi pa naipapamahagi.


Ngayong inanunsyo na ni Sen. Poe ang tungkol sa P200 milyon, tiyak na maraming tsuper ang aalma hinggil dito. Tila kasi na-magic ang pondo na nakalaan para sa mga apektado ng PUVMP.


Andami nga namang tsuper na literal na namamalimos na sa kapwa nila mga driver na hindi pala dapat dahil may nakalaang tulong para sa mga naapektuhan ng pagpapatupad ng hindi mapulidong PUVMP.


Tama lang na maghanap na si Sen. Poe, pero hindi natin sinasabing tiwali na agad ang DOTr baka kasi may malaking dahilan lang kaya naantala ang pamamahagi.


At dahil sa paghahanap ni Sen. Poe sa P200 milyon ay baka agad-agad na ipamahagi na ito ng DOTr kesa nga naman kung saan pa mapunta.


Inuulit ko, huwag agad nating pangunahan ang DOTr — hintayin muna natin ang kanilang paliwanag kung bakit sa hinaba-haba ng panahon ay hindi pa rin nila ipinamamahagi ang naturang pondo.


Ang mahalaga ay buong iniingatan pa rin ang P200 milyong ito at hindi nawaldas sa kung saan — kaya relax lang!


Basta’t ayusin lang ng DOTr ang mga tsuper na wala nang pinagkakakitaan dahil tiyak na mag-iingay ang mga ito lalo pa at marami talaga ang apektado ng PUVMP.

Pasasaan ba at matatapos din ang usapin sa PUVMP. Sana lang ay hindi na ito humantong sa Senado o Kongreso para imbestigahan kung bakit hindi pa nareresolba.


Santambak kasi ang katuwiran ng DOTr kung bakit dapat ipatupad ang PUVMP, pero santambak din ang kontra-katuwiran ng mga transport group kaya hanggang ngayon ay hindi pa matapos.


Makabubuti sigurong magtayo na ang pamahalaan ng task force na binubuo ng iba’t ibang ahensya na may kaugnayan sa transportasyon upang maipatupad ang PUVMP nang tuluyan.


Masyadong mapuwersa ang transport group sa bansa at halata namang nahihirapan ang DOTr na pasunurin ito – panahon na para magbuo ng may kakayanan sa napakatagal na problemang ito.  

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 23, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Isang pirma na lang ang kailangan at malapit nang matapos ang paghihintay para sa tax breaks sa e-motorcycles na maituturing na isang malaking tagumpay para sa electric vehicle industry.


Inaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang pagpapalawak sa Executive Order No. 12, series of 2023. Nangangahulugan ito na isasama na sa executive order, na nagkakaloob ng tax breaks sa EVs, ang e-motorcycles, kaya maaalis na ang taripa sa imported models.


Sa 16th Board Meeting ng NEDA kamakailan, sinabi ng ahensya na nagkasundo ang Board nito na aprubahan ang rekomendasyon ng Committee on Tariff and Related Matters na palawakin ang saklaw ng EO12 hanggang 2028, na nag-aalis din ng taripa para sa e-motorcycles, e-bicycles, at nickel metal hydride accumulators.


Ang inaprubahang bersyon ng revised EO12 ay nasa mga kamay na ngayon ni NEDA Chairman at President Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM), para sa final approval at publication.


Nakasaad na ang Executive Order No. 12 ay, “designed to stimulate the electric vehicle (EV) market in the country, support the transition to emerging technologies, reduce our transport system’s reliance on fossil fuels, and reduce greenhouse gas emissions attributed to road transport,” tulad din ng naka-post sa website ng ahensya. 


Ang zero emissions ng e-motorcycles ay isa sa “most emphasized traits” dahil ang transportation sector ay responsable sa pagbuga ng 35.42 million tons ng carbon dioxide noong 2022, na nag-ambag sa climate change, ayon sa datos ng Statista.


Sa pamamagitan umano ng pag-engganyo ng consumers na tangkilikin ang EVs ay ipino-promote natin ang malinis na hangin at ligtas na kapaligiran.


Nabatid na magmula nang magkabisa ang EO12 noong February 2023, hiniling na ng EV industry leaders ang pagsasama sa e-motorcycles sa ilalim ng executive issuance, kinuwestiyon ang layunin nito at iginiit ang inclusion nito sa sandaling isagawa ang pagrebyu.


Dalawa sa kanila, ang think tank Stratbase ADR Institute at ang advocacy network CitizenWatch Philippines, ang aktibong nagkakampanya para sa tax breaks sa e-motorcycles magmula noong 2023, kung saan binigyang-diin nila ang mga benepisyo sa bansa, kapaligiran, at ekonomiya sa sandaling maisama sa mga sasakyan sa bansa.


Sinuportahan din ng Electric Kick Scooter (EKS) of the Philippines, Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP), at ng ilang ahensya ng pamahalaan ang pag-aalis sa taripa sa e-motorcycles, na maliwanag sa kani-kanilang posisyon sa Tariff Commission matapos ang public hearing nito noong Marso.


Sa ilalim ng initial version ng EO12, tanging e-motorcycles ang pinapatawan ng 30 percent import tax, habang ang ibang uri ng EVs ay binawasan o inalis sa tariff rates.


Ayon sa Statista Research Department, ang motorcycles ay bumubuo sa humigit-kumulang 7.81 million registered vehicles sa bansa noong 2022, na siyang pinakapopular na vehicle type sa mga motorista.


Nais din ng Department of Energy (DOE) na taasan ang EV fleet ng bansa ng 50%, o karagdagang 2.4 million units, sa pag-asang makatulong ang green transportation sector na mabawasan ang 35.42 million tons ng carbon dioxide emissions ng bansa noong 2022, na nag-ambag sa climate change.


May ganito palang hakbangin ang pamahalaan, bakit may ilang ahensya na sa halip na tulungan ang e-motorcycle sa bansa ay kung anu-anong pahirap ang ipinapataw na imbes na tangkilikin ng mga consumer ay nag-aalala na sa paggamit ng e-bike dahil sa paghihigpit.


Hindi naman masamang maglabas ng panibagong kautusan tungkol sa e-bike ngunit tila malaking balakid para sa ating mga kababayan na gustong bumili ng e-bike ang sobrang paghihigpit sa lansangan.


Kamakailan lamang ay sala-salabat sa lansangan ang mga gumagamit ng e-bike ngunit dahil sa ipinalabas na kautusan ng isang ahensya na huhulihin na sila sa major thoroughfare kaya marami ang natakot.


Maging ang mga nagpaplanong bumili ng e-bike ay hindi na tumuloy dahil sa ayaw nilang maranasan ang pahirap sa lansangan ng mga nagmamaneho ng motorsiklo na maya’t maya ay sinisita ng mga enforcer.


Hindi ba’t makabubuti kung paraanin muna natin ang hakbangin ng Palasyo hinggil sa e-bike dahil ang layunin nito ay napakabuti sa ating kalikasan.


Kaya nga binibigyan ito ng pamahalaan ng tax breaks para pagaanin ang kanilang sitwasyon at tuloy ay tangkilikin ng marami para nga maibsan ang mabilis na paglala ng climate change.


Tapos ngayong malapit na malapit nang magtagumpay ang industriya ng electric vehicle ay saka pa mag-uusbungan ang iba’t ibang problema hinggil dito.


Sana lang ay magkaintindihan ang ahensya ng pamahalaan na nais higpitan ang e-bike at ang pamunuan ng Palasyo upang magkaroon ng maayos na direksyon ang adhikaing ito.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | May 21, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Simula noong nakaraang Mayo 16 ay sinimulan nang hulihin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga jeepney na hindi nag-consolidate ng kanilang unit sa kooperatiba o korporasyon.


Sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III na ang mga PUV operator na hindi nag-apply para sa consolidation bilang bahagi ng PUV Modernization Program (PUVMP) matapos ang deadline noong Abril 30, 2024 ay maituturing nang ilegal at ang kanilang jeepney ay kolorum na rin.


Tapos na ang ibinigay na palugit kaya sinimulan na umano ng LTFRB ang manghuli ng driver ng sasakyan na hindi na pinapayagang magbiyahe dahil sa hindi nag-consolidate. 


Ang mga driver na mahuhuli na namamasada ng kolorum na sasakyan ay masasampahan ng one-year suspension at ang kanilang PUV ay papatawan ng P50,000 penalty at 30-araw mai-impound.


Pinalagan naman ng transport group na Manibela ang paghuli sa mga bumibiyaheng jeepney na hindi nagpa-consolidate para sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.


Sinabi ni Manibela president Mar Valbuena na labag sa batas at hindi tamang ideklarang kolorum ang mga hindi nagpa-consolidate na jeepney.


Ayon kay Valbuena, bukod sa may prangkisa sila ay wala silang nilalabag na batas at hindi tamang ideklara silang kolorum dahil sa hindi pagpapa-consolidate.

Inihayag pa ni Valbuena na nasa 40 ruta sa National Capital Region (NCR) ang hindi na-consolidate.


Dagdag pa niya, hindi bababa sa 25,000 units ang jeepney na hindi nagpa-consolidate, mas marami kaysa sa mga nagpa-consolidate sa Metro Manila.


Ayon din kay Valbuena, ito ang dahilan kaya maraming pasahero ang stranded at napilitang sumakay ng tricycle kahit triple ang singil nito kumpara sa tradisyunal na jeepney.


Samantala, ibinahagi ni Valbuena na nakapagpiyansa siya sa kasong cyberlibel case na inihain laban sa kanya ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, na inakusahan ng una na sangkot umano sa korupsiyon.


Sinabi pa niya, may plano rin silang kontrahin ito at maghain ng kaso.

Samantala, aminado ang DOTr na nag-iisip pa sila ng paraan upang maayos na matukoy kung ang isang pampasaherong jeepney na bumibiyahe ay consolidated o hindi para sa PUV modernization program.


Ayon kay DOTr Undersecretary Andy Ortega, sa ngayon ay magbabase lamang sila sa sticker ng mga marerehistrong PUV para malaman kung ang mga ito ay legal, consolidated o rehistrado.


Sinabi ng opisyal na batid naman ng LTFRB ang mga lugar na mababa ang consolidation kaya ito ang tututukan ng ahensya kasama ang Land Transportation Office (LTO) para mabantayan ang mga kolorum na sasakyang magpipilit pa ring bumiyahe. 


At least, kahit paano ay umuusad na ang problemang ito — nagpapakilala na kung sino ang higit na mas matigas at kung sino ang dapat masunod. Sana lang ay huwag humantong sa sakitan at umaasa kaming magiging maayos din ang lahat

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page