top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 11, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Inilunsad na kahapon ng Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (MANIBELA) ang pinakamalaking protesta na puwede nilang isagawa na libu-libong jeepney driver ang lumahok na tatagal hanggang bukas.


Hindi naman nasayang ang ginawang tigil-pasada dahil sa pinag-aaralan na ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ikonsidera ang isang taong extension na hindi na muna huhulihin ang mga hindi nagpa-consolidate tulad ng kanilang banta dahil sa panukala ng ilang mambabatas.


Tinatayang 25,000 jeepney driver ang sumali sa tatlong araw na protesta simula nitong Lunes, ayon MANIBELA.


Sinabi mismo ni MANIBELA president Mar Valbuena, ang National Capital Region (NCR) ang pinakakonsentrasyon ng protesta at tigil-pasada, at dito pa lamang umano ay hindi na bababa ng 25K ang lumahok. 


Ipinagtapat ng transport group na dalawang lugar lang umano sa NCR ang hindi masyado naapektuhan ng tigil-pasada at ito ang Makati at Mandaluyong City.


Humingi naman ng pasensya ang grupo sa mga mananakay na naapektuhan ng inilunsad nilang transport strike.


Nabatid na talagang walang balak tumigil sa gagawing protesta ang mga transport group sa bansa dahil sa kabuhayan umano nila ang kanilang ipinaglalaban.


Samantala, may ilang nagsasabi na hindi gaanong nararamdaman ang epekto ng isinasagawang tigil-pasada ngunit hindi umano ito mahalaga dahil ang nais lang ng

MANIBELA ay maiparating sa pamahalaan ang kanilang mensahe.


Dahil sa muling extension na pinag-aaralang ipagkaloob para sa transport group, inaasahan namang hanggang sa susunod na taon ay hindi pa rin matatapos ang usapin hinggil sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).


Mahirap talaga iresolba ang problemang ito dahil maraming gustong tumulong sa transport group lalo pa at mag-eeleksyon, kaya pati mga pulitiko nakikisawsaw.


Sabagay, nakakaawa naman talaga ang kalagayan ng maraming driver na apektado ng PUVMP at hindi rin natin masisi ang LTFRB dahil kailangan nilang ipatupad ang programa sa modernisasyon.Kaya ang resulta, eto pa rin tayo patuloy na nabibingi sa katuwiran ng magkabilang panig na kahit ang tagal-tagal na ay hindi pa rin matapos-tapos.


Sa ngayon ay hindi natin matiyak kung saan hahantong ang usaping ito, pero sa tingin ko ay wala nang mangyayari — lalo na kung aabutin pa ito ng kampanya.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 6, 2024





Noong Hunyo 2019 ay pinayagan ng Kongreso ang Department of Transportation (DOTr) na magsagawa ng motorcycle taxi pilot study upang matiyak kung ang mga ito ay magiging kapaki-pakinabang at ligtas sakaling gagawin itong legal.


Ngunit hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling wala pa ring tiyak na patutunguhan ang isinasagawang pag-aaral kung dapat na bang gawing legal ang motorcycle taxi o hindi na payagan, matapos ang limang taong pilot study. 


Bago umano gawing legal ay kailangang makita ang aktuwal na katotohanan kung paano ang operasyon ng mga motorcycle taxi pero kailangan din na ipatupad ang pinakamataas na safety standards upang makatiyak na ligtas itong alternatibong transportasyon.


Noong Mayo 2019 ay tanging ang serbisyo lamang ng Angkas ang pinayagan na mag-operate sa ilalim ng six-month pilot program para masubukang safe nga ang serbisyong kanilang ibinibigay para sa mga pasahero.


Marami ang naghintay at umasa pero ang programang ito ay pinalawig ng ilang ulit sa loob ng limang taon at maging ang mga panukalang batas upang maging ganap na itong legal ay nananatiling nakabinbin at wala man lamang kahit pahapyaw na report.


Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang Inter-Agency Technical Working Group on Motorcycle Taxi ay nagbigay ng pahayag na tumaas na umano ang demand mula sa mga pasahero ang humihiling na dagdagan na umano ang riding cap allocation sa motorcycle taxi.


Sa gitna ng pilot study, nasa 45,000 riders ang binigyan ng provisional authority na mag-operate bilang motorcycle taxi ngunit dahil sa iba’t ibang kadahilanan ay halos nasa 30 porsyento lamang umano ang sumasabak sa peak hours.


Mas lalong naglagablab ang balita matapos na ang Philippine Competition Commission ay nagpalabas ng pahayag na suportado nila ang pagdaragdag ng rider cap, kasabay ng paghiling na nais nilang payagan ang mas maraming kumpanya na lumahok at makipagsapalaran sa industriya.


Mas maraming player ay mas mabuti umano para sa mga pasahero at hayaan na lamang ang merkado ang magdikta kung saan hahantong ang serbisyo at dami ng motorsiklo na nais pumalaot sa paghahanapbuhay sa kalsada.


Ang hindi ko maintindihan ay kung bakit tila may ‘pressure’ na nakapaloob sa isinasagawang pilot study para sa motorcycle taxi na hanggang ngayon ay hindi pa natatapos pero marami na ang kumikita rito.


Nagsisilbing anesthesia lamang ang naturang pilot study para sa ilang riders na nabigyan ng pabor ng sitwasyon upang huwag mahuli at malayang makapaghanapbuhay ng legal kumpara sa napakaraming kolorum.


Kamakailan lamang ay naglabas ng anunsiyo ang LTFRB na wala umano silang inaaprubahang increase para madagdagan ang mga kalahok sa motorcycle taxi pilot study.


Base sa datos ng MC Taxi TWG, noong Pebrero 14, 2020 ay pinal na ang listahan ng mga rider na pinapayagang mag-operate sa Metro Manila sa ilalim ng pilot study at sila ang

Angkas na may 23,164 kasali, Joyride na may 15,000 at Move It na may 6,836.


Masyado nang naiinip ang ating mga kababayan hinggil sa pilot study na ito at marahil ay panahon na para maglabas ng konklusyon kung itutuloy pa ba ito o hindi na. Ikalimang taong anibersaryo na kasi ang nasabing pag-aaral — sana matapos na para maisaayos na ang lahat.  

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | June 4, 2024



Mr. 1-Rider ni Atty. Rodge Gutierrez


Personal tayong dumalo sa anunsiyo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) hinggil sa emergency lay-by areas sa ilalim ng mga flyover sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila.


Nakakatuwa at nabagbag ang damdamin ng pamunuan ng MMDA sa kalagayan ng ating mga ‘kagulong’ kaya nagtalaga ng emergency lay-bys sa mga major thoroughfare na magbibigay ng temporary shelter para sa mga nagmomotorsiklo sa panahong bumubuhos ang malakas na ulan.


Medyo nagdamdam nga tayo kay acting MMDA Chairman Romando Artes noon dahil ipinahuhuli niya ang ating mga ‘kagulong’ na sumisilong sa mga flyover na ang pakay lang naman ay magpatila ng ulan o kaya ay magsuot ng kapote.


Pero ngayon ay wala na ang ating tampo sa kagawaran, lalo pa at plano nilang magtayo ng 14 motorcycle lay-bys sa ilalim ng mga flyover sa kahabaan ng EDSA, C5 at Commonwealth Avenue na posibleng magamit sa pagpasok ng Hulyo kasabay ng panahon ng tag-ulan.


Ang mga lay-by area ay magkakaroon ng sapat na espasyo para sa motorsiklo at bisikleta na may itatalagang entrance at exit signs, at magkakaroon pa umano ng mga kagamitan para sa saglit na pagkukumpuni sakaling masiraan o may problema ang motorcycle o bike.


Kasama ang ilang opisyal ng MMDA at si 1-Rider Party-list Reps. Bonifacio Bosita at ng inyong lingkod ay inikutan namin ang mga planong paglagyan ng motorcycle lay-by area sa ilalim ng EDSA-Quezon Avenue flyover.


Sa pagkakataong ito, nais nating bigyan ng pagsaludo ang pamunuan ng MMDA dahil sa isang kapaki-pakinabang na hakbangin para sa ating mga ‘kagulong’ at bilang isa ako sa tagapagtaguyod ng mga nagmamaneho ng motorsiklo sa bansa ay nais naming magpasalamat sa kagawaran.


Tumatapik tayo sa balikat ni Chairman Artes dahil naging emosyonal tayo noong ipagbawal niya ang pagsilong ng mga nakamotorsiklo sa ilalim ng mga flyover at unang-una tayo sa mga umalma hinggil dito.


Bagama’t naglabas tayo ng mga negatibong artikulo patungkol dito ay hindi naman natin pinepersonal ang MMDA — bagkus ay nagbibigay lamang tayo ng paalala para sa kapakanan ng mga motorcycle rider.


At hindi ko pinagsisihan ang ginawa nating pagpuna sa kagawaran dahil nagbunga ito ng mabuti at naantig natin ang kanilang damdamin, at ngayon nga ay may lay-by area na sa ilalim ng mga flyover.


Ganito dapat sana ang mamuno sa ating mga ahensya, na sa halip na magalit sa mga puna ay ginagawan ng positibong aksyon ang mga suhestiyon ng taumbayan.


Kaya sa ating mga ‘kagulong’ huwag kayong maging pasaway habang huwag ding abusuhin ang mga pagkakataong tulad nito na ipinagkakaloob ng pamahalaan.


Bilang kapanalig ng mga rider sa bansa ay buong puso kaming nagpapasalamat sa MMDA.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page