top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 2, 2023


Bagama’t patuloy ang pagtaas ng bentahan ng electric tricycle at ng (Bajaj) na motorcycle taxi na ginagamitan din ng gasolina na karaniwang gawa sa India ay tila malaking banta ito sa ating mga tricycle na kinagisnan na ng marami nating kababayan.


Bahagi na ng kulturang Pilipino ang tradisyunal na jeepney na ngayon ay nanganganib nang mawala dahil sa modernisasyon at tila malaking banta rin ang mga (Bajaj) na motorcycle taxi sa ating mga tricycle na bahagi ng maraming kuwento at kasaysayan kasabay ng ating mga ninuno.


Aminado ang mga gumagawa ng sidecar na ginagamit sa tricycle na humina at nabawasan nang malaki ang nais magkaroon ng tricycle dahil sa mas pinipili na ng ating mga kababayan ang imported na (Bajaj) na motorcycle taxi na may tatlo ring gulong.


Bukod nga naman sa maraming sakay na pasahero, balanse at hindi nasa gilid ang puwersa ng makina, higit sa lahat ay matulin kumpara sa tricycle at mas malakas humatak kahit sa mga mas matataas na lugar ang (Bajaj) na minsan ay tinatawag ding ‘Toktok’.


Maliban sa problemang ito ng industriya ng tricycle ay wala naman silang ibang kinakaharap na isyu bukod sa masyado na silang marami kaya ang iba ay nag-o-over price na minsan at mas mahal pa sa tunay na taxi.


Ang tricycle ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga national road, highway at mga expressway na kung ikukumpara sa imported na motorcycle taxi, kitang-kita na madalas ay kinukunsinte ito ng mga enforcer sa pagdaan sa mga highway.


Sa datos ng Land Transportation Office (LTO) noong 2022, merong isa’t kalahating milyong tricycle ang narehistro at sa listahan naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay may 930,000 tsuper ng tricycle ang nakatala sa buong bansa.


Alam ba ninyo na nasa 89 milyong Pinoy ang regular na sumasakay ng tricycle at hindi pa kabilang ang mga single motorcycle na ginagamit sa pamamasada ng marami nating kababayan?


Napakadali kasing maging driver ng tricycle, basta may lisensya sa pagmamaneho at may gagamiting tricycle ay puwede nang mamasada kahit kulang na kulang pa sa karanasan.


Hindi alam ng marami nating kababayan na ang operasyon ng tricycle ay hindi sakop ng LTFRB dahil nasa pamamahala sila ng kapangyarihan ng lokal na pamahalaan mula nang magkaroon ng Local Government Unit (LGU) code.


Dahil dito, sa mga LGU na kumukuha ng prangkisa para sa tricycle kaya ang resulta ay kani-kanyang sistema at patakaran kung paano aayusin ang operasyon ng mga tricycle.


Karaniwan ay kailangang maging kasapi muna ng isang Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) kung saan nais mamasada at hindi pinapayagang bumiyahe kung hindi miyembro at kailangang magbayad ng membership habang meron ding regular na butaw o monthly dues sa TODA.


Kadalasan ay nakikita ang pila ng tricycle ng isang TODA sa bukana ng barangay o subdibisyon at kahit gaano kahaba ang pila ay nauubos ang mga ito dahil sa rami ng pasahero tuwing rush hours kaya ang resulta ay walang masakyan ang pasahero.


Dito pumasok ang husay ng isa nating kababayan na nakilalang si Alvin Santiago ng Above & Beyond Success International dahil naisip nitong hindi lamang mga motorcycle taxi ang dapat na may app kundi maging ang mga tricycle.


Para matulungan ang mga tricycle drivers, ginawa ng kumpanya ni Alvin ang ‘LifeRide’ Tricycle Hailing & Delivery App -- kung may Grab para sa kotse at Angkas sa motorsiklo, ang LifeRide ay para sa tricycle lamang.


Sa pamamagitan nito ay puwede nang mag-book ng tricycle ang pasahero upang sunduin sa bahay para ihatid sa kahit saang lugar na sakop ng TODA ng mas mabilis at madaling makakuha ng pasahero ang driver lalo na sa mga patay na oras at sa dis-oras ng gabi.

Nakakuha tayo ng impormasyon na sinusubukan na ang LifeRide sa Palatiw-Pasig, Scout area ng QC at Bagong Silang-Caloocan at positibo ang tugon ng mga pasahero at natuwa rin umano ang mga driver dahil nadagdagan ang kanilang kita araw-araw.


Good news ang mga ganitong ulat at panahon na para gamitan ng digital technology ang ating mga tricycle nang hindi matalo ng mga imported na (Bajaj) na motorcycle taxi na nagiging paborito na ng ating mga kababayan.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 31, 2023


Marami sa ating mga kapwa mababatas sa Kongreso ang isinusulong ang pagkakaroon ng malinaw na klasipikasyon at pagrehistro ng lahat ng uri ng electric motor vehicles sa bansa.


Maganda ang mga panukalang ito kung magiging ganap na batas dahil sa kasalukuyan, ang pagrehistro at operasyon ng mga electric vehicle ay batay lamang sa mga administrative order na inilabas ng Land Transportation Office (LTO).


Bara-bara kasi at wala talagang maayos na sistema ang bentahan at paggamit ng e-vehicle na karaniwan ay ginagamit na rin sa negosyo at pamamasada ngunit kani-kanyang sistema ang bawat lokal na pamahalaan at ang iba ay wala talagang umiiral na sistema.


Kung mababalangkas nang maayos ang naturang panukala at mahihimay ang mabuting layunin ay magkakaroon na ng mga alituntunin at panuntunan ang hindi na maawat na pagdami ng e-vehicle sa bansa lalo na sa panig ng mga manufacturer, assembler, importer at dealer.


Wala rin kasing umiiral na batas na nagtatakda hinggil sa mga penalty o kaparusahan laban sa mga e-vehicle user na lumalabag sa mga batas trapiko at maging ang mga traffic enforcer ay nag-aalangan kung may karapatan ba silang hulihin ang mga abusadong e-vehicle.


May nagsumite rin ng panukala na dapat na umanong limitahan ang operasyon ng mobility scooter sa mga pribadong kalsada samantalang ang mga electric kick scooter ay hanggang sa barangay lamang maaaring gamitin.


May punto ang mga panukalang ito dahil sa ngayon ay sama-sama sa malalaking lansangan ang lahat ng klase ng sasakyan kahit na sa kahabaan pa ng EDSA at talagang napakahirap nang magmaneho dahil sa kakulangan ng kani-kanyang linyang gagamitin.


Marami sa mga gumagamit ng electric motorcycle ay walang helmet dahil ito mismo ang pangunahing istilo na ginagamit ng mga distributor na bukod sa hindi kailangan ng rehistro ay hindi pa kailangan ng helmet.


Ngunit, kung magiging ganap na batas ang mga inihain ng napakaraming kongresista ay magkakaroon na ng multa kahit P1,500 sa mga hindi magsusuot ng angkop na helmet para sa e-motorcycle.


May ilang nagsumite na ang mga electric vehicle na may malalaking makina ay papayagan nang gumamit ng national at provincial road pero meron din namang tutol sa panukalang ito kaya hintayin natin ang mga kaganapan hinggil sa problemang ito.


Wala naman kasing nagbabawal o nagbibigay pahintulot sa paggamit ng electric vehicle sa mga kalsada ngunit, kung magkakaroon na ng paghihigpit ay posibleng patawan ng mga multa ang mga hindi rehistrado o expired ang rehistro.


Ang isa lang sa medyo mabigat na nakapaloob sa santambak na panukalang isinumite patungkol sa electric vehicle ay paggawa ng plaka at sticker na iniaatas na naman sa LTO.


Sabagay, nakahanda na ang LTO kaya nga nag-anunsyo sila na sa loob ng 10 araw ay makukuha na agad ang plate number ng mga bagong kotse at motorsiklo.


Kaya ngayon ay solved na ang suliranin sa milyun-milyong backlog ng plate number dahil kulang-kulang 8,000 bagong kotse at halos 45,000 bagong motorsiklo ang nairerehistro kada linggo at pilit hinahabol ang 16,040,630 plaka ng LTO.


Sana lang ay matapos na ang problema sa plaka para sakaling maging isang ganap na batas na ang registration ng e-motorcycle ay tiyak na santambak na naman ang madadagdag sa trabaho ng LTO.


Isa pa sa naglipana ngayon ang kolorum na hindi matukoy kung tricycle o maliit na jeepney na gawang India at may tatlong gulong na naglipana na hindi lang sa Metro Manila kundi sa maraming bahagi na ng bansa.


Karamihan sa mga ito ay walang sapat na dokumento maliban sa membership sa kanilang mga asosasyon at ang lahat ng ito ay lantarang nagsasakay ng mga pasahero na sumasabay na rin sa malalaking lansangan.


Nakalulungkot na baka kung kailan santambak na sila sa kalsada ay saka pa kikilos ang pamahalaan at hindi na nila kakayanin ang mga ito dahil magbabanta na rin ng tigil-pasada.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 28, 2023


Tila nahihirapan ang Malacañang kung paano sisinupin ang mga transport group na ngayon ay nagkakahati-hati sa istilo ng pakikipaglaban ngunit iisa naman ang layunin -- ang tutulan ang phaseout ng tradisyunal na jeepney.


Ang problema, hindi maiiwasan ang selosan sa isinasagawang pagtrato ng pamahalaan sa mga transport group dahil lumalabas na may mga nakumbinsing transport group ang pamahalaan na umayon sa kanilang panig at may ilan naman na seryosong itinutuloy ang ibang pamamaraan ng pakikipaglaban.


Tulad na lamang ng nangyari noong nakaraang Martes nang makipagkita ang ilang lider ng ‘Magnificent 7’ at ‘Mighty One’ sa sektor ng transportasyon upang iparating ang mga isyu mula sa kanilang hanay.


Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), nagkaroon ng working lunch ang mga opisyal at transport leaders kung saan inilatag nila sa Palasyo ang kanilang mga hinaing at problema sa kanilang sektor.


Kabilang dito ang problema ng mga tsuper hindi lamang sa mataas na presyo ng langis at modernisasyon, kundi pati na rin ang talamak na kotongan sa bawat local government unit sa kanilang mga ruta.


Tiniyak naman ni Executive Secretary Lucas Bersamin na titingnan at tutugunan nila ang mga ipinarating na concerns sa Palasyo at aatasan ang mga kaukulang departamento ng gobyerno para lutasin ang problema ng mga tsuper.


Sa gitna ng pagpupulong ay nagpahayag ang mga nagsidalong lider ng kanilang suporta sa isinusulong na modernisasyon ng administrasyon at nagpasalamat sa patuloy na pagtulong sa operators at drivers ng mga pampublikong sasakyan.


Ngunit, kasabay ng isinasagawang pagpupulong ay nagsasagawa naman ng protesta ang grupong PISTON na mariin namang idinadaing ang panibagong oil price hike na suportado rin ng grupong MANIBELA na nag-post pa sa kanilang Facebook account na, “Habang masaya umanong kumakain ng masarap na tanghalian ang piling transport group ay may ilang grupo naman na naghihirap para sa kanilang karaingan”.


Sa pangyayaring ito ay ramdam na may mga nananaghili sa ginagawang pagtrato ng pamahalaan sa mga transport group at hindi pa natin mabatid kung ano ang magiging epekto nito sa mga darating na araw, lalo pa at malapit na ang taning sa phaseout sa Disyembre 31, 2023.


Sa gitna naman ng mga usapin ay inatasan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (P-BBM) ang Department of Energy (DOE) na pabilisin ang pamamahagi ng fuel subsidy sa transport sector simula sa susunod na taon.


Nais umano ng Pangulo na mula sa dating tatlong buwang proseso ay maging isang buwan na lamang ang proseso upang hindi maghintay nang matagal ang mga benepisyaryo ng fuel subsidy.


Iniutos ni P-BBM na simplehan ang mga requirements sa fuel subsidy upang mabilis na mapakinabangan ito ng mga benepisyaryong apektado ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.


Inaabot kasi ng hanggang tatlong buwan ang pamamahagi ng fuel subsidy dahil kinakailangan pang pagsama-samahin ng Department of Transportation (DOTr) ang listahan mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Trade and Industry (DTI).


Ang hakbang na ito ng pamahalaan ay hindi lamang para sa ilang paboritong transport group, kundi para sa lahat ng benepisyaryo ng fuel subsidy na marami pa ring hindi inaabot.


Maselan, masalimuot pa rin ang usapin hinggil sa kalagayan ng mga transport group na alam nating mas iigting pa dahil sa nalalapit na taning sa phaseout at ipagkatiwala natin sa pamahalaan ang lahat ng diskarte kung paano ito ireresolba.


Dalangin lang natin na sana ay hindi na magkanya-kanya ang mga transport group dahil kung tutuusin ay iisa lang naman ang kanilang ipinaglalaban ngunit hindi rin maiaalis na may ilang transport group ang nabibigyan ng pabor kaya umiiral ang selosan.


Sana, sa pagpasok ng bagong taon ay naresolba ang problema sa transport group na pabor sa lahat dahil ang higit na apektado kung hindi ito maisasaayos ay ang publiko na araw-araw bumibiyahe.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page