top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 16, 2023


Nagbigay ng babala ang Land Transportation Office (LTO) na parusang suspensyon ng driver’s license para sa mga motoristang tatakas sa mga sumisitang traffic enforcer dahil tila habang tumatagal ay nakakasanayan nang hindi irespeto ang mga nagmamando ng trapiko.


Ito ang naging pahayag ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, matapos makatanggap ng mga ulat na maraming motoristang pasaway sa kalsada, kabilang na ang ilang motorcycle riders na tumatakas sa tuwing sinisita para hindi mahuli.


Nagsimula ang banta ni Mendoza nang ipatupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang unang araw ng mataas na multa sa sinumang masasakoteng hindi awtorisadong daraan sa kahabaan ng EDSA busway dahil sa rami ng hindi sumusunod.


Nauna rito ay inanunsyo ng MMDA na itataas na ang multa sa mga hindi awtorisadong babagtas sa naturang busway na mahuhuli simula Nobyembre 13 upang matakot umano ang mga pasaway na motorista na paulit-ulit sa paglabag.


Batay sa resolusyon na pinagkasunduan ng Metro Manila Council (MMC), P5,000 ang ipapataw na multa sa unang paglabag o first offense. Nasa P10,000, isang buwan na suspensyon ng driver’s license, at pagdalo ng road safety seminar ang ipapataw kapag second offense.


Aabot naman sa P20,000 sa ikatlong offense, na may kasamang isang taong suspensyon ng driver’s license, at P30,000 na penalty naman sa fourth offense, kung saan irerekomenda na ng LTO na i-revoke ang lisensya ng driver.


Sa ngayon kasi ay nasa P1,000 lamang ang multa na ipinapataw sa mga lumalabag sa EDSA busway na bumabagsak lamang sa violation na disregarding traffic sign.


Noong nakaraang Lunes ay sinubukan na ng MMDA kung epektibo ang pagtataas ng multa sa mga lumalabag sa pagdaan sa EDSA busway ngunit ang resulta ay mahigit umano sa 300 pasaway na motorista ang nasampolan sa bahagi lang ito ng Megamall sa Mandaluyong City.


Kabilang sa mga nahuli at tinikitan ng MMDA ay limang pulis, isang kawani ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at isang empleyado mismo ng MMDA kaya hindi puwede ang katuwiran na hindi nila alam ang bagong patakaran.


Kumbaga, marami na talagang motorista ang walang respeto sa batas at kahit ang mga pulis na dapat ay tagapagpatupad ng batas ay ilan pa sa nangunguna sa paglabag dahil tiwala silang hindi sila tutuluyan.


Katunayan, dalawang motorcycle rider ang tumakas sa traffic enforcer na sumisita sa kanila sa bahagi ng Ortigas sa Mandaluyong City habang isang itim na Toyota Fortuner ang nakalusot sa Cubao, Quezon City.


Ang hindi alam ng mga nagsitakas na motorista na itinuturing agad na third offense ang kanilang ginawa na may katapat na multang P20,000 at isang taong suspensyon ng driver’s license dahil sa wala na silang takot takasan ang enforcer.


Kasabay nito’y binalaan ni MMDA Special Operations Task Force Ret. Col. Bong Nebrija ang mga pasaway na pulis na ililista nila ang pangalan ng mga ito at isusumbong sa Directorate for Investigation Detective Management ng Philippine National Police (PNP).


Hindi lang dapat isumbong, dapat ay bigyan ng karampatang parusa ang mga pasaway na pulis kundi man kayang sampahan ng asunto, upang hindi pamarisan dahil higit silang dapat manguna sa pagsunod sa umiiral na batas.


Alam naman ng mga motorista na bukod sa mga bus at ambulansya, pinapayagan lang gumamit ng bus lane ang mga sasakyan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP na may opisyal na function.


Ngayon, heto si Mendoza at ipinagdidiinang ang driver’s license ay isang pribilehiyong ibinigay ng gobyerno na may kasamang responsibilidad at obligasyon na kinabibilangan ng paggalang sa mga batas-trapiko at sa mga taong nagpapatupad nito.


Medyo hati kasi ang opinyon ng publiko sa napagkasunduan ng MMC na disiplinahin ang mga motorista sa pamamagitan ng pagtataas ng multa, kaya nga sunud-sunod ang mga protesta ng mga transport group dahil sa tumaas ang toll fee, mas maraming taas kesa baba ang presyo ng gasolina tapos madadagdag pa nga naman ang napakataas na multa.


Hindi rin natin sinasabing mali ang MMC, ang sinasabi lang natin ay medyo negatibo ang dating sa publiko dahil nga malaking dagdag-gastos ang pagtaas ng multa, ngunit maayos naman ang intensyon ng MMC dahil ang mga pasaway lang naman ang pagmumultahin.


Kaya habang pinag-aaralan natin ang kasalukuyang sitwasyon kung paano tayo makakatulong at makapagbibigay ng maayos na suhestiyon ay makabubuting sumunod sa batas at huwag tatakas sakaling mahuling lumabag sa batas-trapiko.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 14, 2023


Noong kasagsagan ng dalawang araw na tigil-pasada na pinangunahan ng MANIBELA dahil sa reklamo nila hinggil sa korupsiyon umano sa loob ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay nagbanta ang naturang ahensya na magpapalabas ng show cause order laban sa mga lumahok sa protesta.


Agad namang sumaklolo ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa mga jeepney driver at operator na namumurong tanggalan ng prangkisa dahil sa paglahok sa dalawang araw na tigil-pasada.


Ayon sa Piston, may karapatan ang mga jeepney driver na magdaos ng strike para mailabas ang hinaing nila sa gobyerno, partikular sa LTFRB na noong panahong iyon ay hindi pa umaatras ang nagbunyag ng mga anomalya na si Jeff Tumbado.


Umalma ang PISTON laban sa LTFRB dahil sa imbes na pakinggan at tugunan umano ang mga panawagan ng mga tsuper at operator ay mukhang mas gusto pa umano ng naturang ahensya na atakehin ang kabuhayan at mga karapatan ng mga manggagawa base sa paliwanag ng PISTON.


Ipinaliwanag ng PISTON na ang Pilipinas ay signatory sa International Labour Organization Convention 87, kung saan nakasaad ang karapatan sa pagsagawa ng strike ay malilimitahan lamang sa ‘extremely limited circumstances.’


Nitong mga huling protesta ay wala namang bagong inirereklamo ang mga jeepney driver at operator kundi ang paparating na phaseout ng jeepney sa darating na Disyembre 31 ng taong kasalukuyan at ang talamak umanong korupsiyon sa LTFRB.


Ngunit sa halip na totohanin ng pamahalaan ang kanilang banta na maglalabas umano ng show cause order laban sa mga lumahok sa tigil-pasada ay naglabas sila ng maayos na solusyon na hindi lang natin matiyak kung positibo ba ang tingin ng transport group hinggil dito.


Plano kasing itaas ng pamahalaan sa P210,000 mula sa P180,000 ang subsidy para sa mga operator upang makabili ng modern jeepney alinsunod sa Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.


Ayon kasi kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista na kanilang hihilingin sa Kongreso na kargahan ng pondo ang PUV modernization subsidy sa ilalim ng panukalang budget para sa susunod na taon upang mas maraming operator ang makabili ng bagong sasakyan.


Umaabot kasi ng P1.5 milyon hanggang P2.5 milyon ang modern jeepney samantalang ang e-vehicle ay umaabot sa P3 milyon ang halaga na idinadaing ng mga operator at tsuper.


Ipinaliwanag ni Bautista na nais ng pamahalaan na matulungan ang mga jeepney operator na makabili ng modernong sasakyan kung kaya’t dadagdagan ang tulong pinansiyal sa mga ito.


Kung titingnan natin ang ibang anggulo ng usaping ito ay tila seryoso naman talaga ang pamahalaan na ayusin ang ating transport system at marahil ay panahon na talaga para pursigihin itong modernization program kaya lamang ay napakaselan ng usaping ito dahil sa kabuhayan ng mga tsuper ang pinag-uusapan.


Sana lang ay magustuhan ng transport group ang dagdag-subsidiya na alok ng pamahalaan upang bago matapos ang taon ay magkaroon na ng maayos na kasunduan at hindi tayo puro protesta sa pagpasok ng bagong taon.


Ngayon, heto nga at pinag-aaralan naman ng mga provincial bus operator ang pagsasampa ng petisyon para sa dagdag-pasahe dahil sa sunud-sunod na pagtaas ng singil sa toll gate at sa presyo ng langis.


Matatandaang inaprubahan ng LTFRB ang dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan noong Setyembre 2022 dahil sa pagsirit ng presyo ng petrolyo sa bansa.


Kabilang sa mga pinayagang magpataw ng dagdag-pasahe ay ang mga traditional at modern jeepney, city at provincial bus gayundin ang mga taxi at mga Transportation Network Vehicle Service (TNVS) kaya malaking problema na naman ang usaping ito.


Dahil kung pagbibigyan ang hiling ng provincial buses ay tiyak na hindi papayag ang ibang transport group na hindi sila kasama sa dagdag-singil dahil apektado rin sila sa pagtaas ng presyo ng petrolyo sa bansa.


Mabigat ang kinakaharap na sitwasyon ng DOTr at LTFRB dahil nakikita naman natin ang kanilang pagsisikap kung paano aayusin ang kalagayan ng mga tsuper at operator sa bansa ngunit mas madalas ay sila pa ang lumalabas na kontrabida.


SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | November 11, 2023


Ilang ulit nang nagpalit ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) ngunit paulit-ulit ang pahayag hinggil sa milyun-milyon umanong motorsiklo na walang kaukulang dokumento sa buong bansa at hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nareresolba.


Nabatid na nasa 8.5 milyon umano ang registered motorcycle sa bansa ngunit higit na mas marami umano ang bilang ng mga motorsiklong hindi nakarehistro, ayon sa inilabas na datos ng Land Transportation Office (LTO).


Ayon mismo kay LTO chief Asec. Vigor Mendoza, napakaraming delinquent motorcycle owners umano ang nakakaligtaang i-renew ang kanilang rehistro o bigong mai-transfer ang ownership makaraang bilhin ang sasakyan.


Magandang sa LTO mismo nanggaling ang datos ng problema dahil indikasyon ito na handa itong linisin ng pamunuan ng naturang ahensya na tila sa pagkakataong ito ay seryoso dahil sa tukoy na ang mga lugar na mataas ang bilang ng hindi rehistrado.


Lumalabas kasi na nasa 16 hanggang 17 milyong motorsiklo ang tinutugis ng LTO na naglipana umano sa mga lugar ng National Capital Region, Region 3 at Region 4.


Kung pagbabasehan natin ang datos mismo ng LTO, noong pang 2003 ay may 38 milyong 4-wheeled vehicles at motorcycle ang umaandar sa mga lansangan ngunit nasa 13.9 milyon lamang umano ang nakarehistro, ngunit makaraan ang dalawampung taon ay tila mas lumala pa ang problema.


Karaniwan kasi sa mga may-ari ng motorsiklo ay nakakaligtaang irehistro ang kanilang sasakyan lalo na ‘yung nakailalim sa 3 hanggang 5 taong payment plan — o may mga kaso rin na hindi na talaga nagpaparehistro lalo na ‘yung mga mumurahing motorsiklo.


Delikado kung hindi masusugpo ang sistemang ito dahil ang kabiguang mai-transfer ang ownership ng sasakyan ay maaaring magdulot ng malaking problema sakaling masangkot sa aksidente ang sasakyang hindi rehistrado at ang registered owner ang mananagot.


Kaya medyo nakakabilib din ang ginawang pakikipag-ugnayan ng LTO sa Philippine National Police (PNP) para tulungan silang mas mapaigting pa ang agresibo nilang kampanya hindi lang sa mga hindi rehistradong motorsiklo kundi maging ang pagsugpo sa naglipanang kolorum na public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa.


Sa paliwanag mismo ni Mendoza, tiniyak nitong ang Highway Patrol Group (HPG) at ang territorial units ng PNP ay magiging isang essential manpower umano upang higit pang mapalakas ang anti-colorum drive partikular sa mga lalawigan.


Maganda ang pagkilos na ito ng LTO dahil napakatagal ng idinadaing ng mga transport groups na nawawalan sila ng 30 porsyento sa kanilang pang-araw-araw na kita dahil sa ilegal na operasyon ng mga kolorum na PUVs.


Katunayan, una nang ipinag-utos ni Mendoza sa lahat ng regional director na paigtingin ang kampanya laban sa mga kolorum na PUV sa kani-kanilang lugar na nagresulta sa pagkahuli ng maraming kolorum na sasakyan.


Sana lang ay hindi matulad sa mga naunang operasyon ng PNP laban sa mga kolorum na sasakyan ang isinagawa at isasagawa pa ng LTO na puro press release lang pero makaraan ang ilang araw ay balik na naman sa kalye ang mga nahuli.


Maganda ang simulain ni Mendoza na nakikipagdayalogo sa mga transport group dahil personal niyang naririnig ang hinaing ng mga tsuper at operator na hindi na humahantong pa sa mga tigil-pasada at iba pang kilos-protesta.


Katunayan ay nagtalaga ng mga mystery driver itong si Mendoza na magmamaneho ng mga kolorum na PUVs upang matiyak na ang crackdown ay hindi magreresulta sa extortion activities.


Kumbaga, hindi lang mga kolorum ang huhulihin dahil maging ang mga operatiba na tumatanggap ng lagay para makapamasada pa rin ang mga kolorum ay masakote na at masampahan ng kaukulang kaso.


Kahanga-hanga at seryoso ang hakbanging ito dahil sa hindi bababa sa anim na LTO enforcer ang agad na sinibak sa kanilang mga puwesto at ngayon ay iniimbestigahan dahil sa extortion activities.


Kung malilinis ng LTO ang lansangan laban sa mga sasakyang walang rehistro at mga kolorum na PUVs ay magandang simula ito ng pagbabago para sa darating na bagong taon at sana ay mapagtagumpayan ito ng LTO.

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page