top of page
Search

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Abril 13, 2024



Sinuportahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapalawak pa ng operasyon ng mga motorcycle taxi sa labas ng Metro Manila sa kabila ng planong protesta ng grupo ng tradisyunal na jeepney na bawasan na ang bilang nito dahil nakakaapekto umano sa pamamasada ng mga jeepney.


Naganap ang anunsyo ni PBBM noong nakaraang Miyerkules nang magsagawa ng pagpupulong sa Bagong Pilipinas town hall tungkol sa problema ng trapik kung saan kinilala ni PBBM ang bentahe ng mga motorcycle taxi.


Ayon kay PBBM, humigit-kumulang ay nasa 15 milyong rider na ang umiikot sa Pilipinas kaya’t panahon na umano para mas palawakin pa ang serbisyong hatid ng nakamotorsiklo na paaabutin umano hanggang sa labas ng Metro Manila.


Kaya sinisipat na ngayon ni PBBM ang iba pang lugar na may matinding problema sa daloy ng trapiko upang doon umano i-expand ang serbisyo ng motorsiklo — ang kailangan lamang umano ay holistic system.


Wala pang batas sa legalisasyon ng motorcycle taxi bilang alternatibong transportasyon, pero nagsagawa na ng pilot study ang gobyerno noon pang 2019 upang maging batayan sa gagawing batas ng Kongreso. 


Lumalabas kasi na bilyun-bilyong piso ang nawawala sa bansa na nakakaapekto ng labis sa ating ekonomiya dahil lamang sa matinding trapik, kaya naisip ni PBBM ang komprehensibong solusyon sa grabeng sitwasyon ng trapiko sa bansa. 


Nabanggit din sa naturang pagpupulong ang mga proyekto ng pamahalaan na subway, expressway at mga tulay na mag-uugnay sa iba’t ibang lalawigan. 


Binanggit din ni PBBM ang iba pang transport system, kabilang na ang pagpapalakas sa bicycle lanes, motorcycle lanes at feeder road, at pagbabago sa lokasyon ng malalaking establisimyento at hindi maayos na mga residente na sagabal sa kalye.


Kung isasa-isantabi muna ng lahat ang mga pansariling kapakanan ay makikita nating maayos ang tinutumbok na direksyon ng ating pamahalaan. Sana lang ay magtuluy-tuloy upang mapakinabangan na natin ang mga planong ito sa lalong madaling panahon.


Sa ngayon kasi ay patuloy naman ang mga proyektong imprastraktura na magdurugtong sa Metro Manila tungo sa mga malalapit na lalawigan -- kabilang ang North-South Railway na mula Metro Manila patungong Bulacan, Pampanga at Laguna; ang Central Luzon Expressway na mag-uugnay patungong North Luzon Expressway, at Bataan-Cavite Interlink Bridge.


Ayon sa isinagawang pag-aaral noong 2018 ng Japan International Cooperation Agency, tinatayang nawawalan ang bansa ng 3.5 bilyong piso kada araw dahil lamang sa matinding trapik sa Metro Manila.


Naitala rin ang Metro Manila bilang ‘worst traffic congestion in 2023’ ang traffic index ng digital navigation site na Tom Tom. Ayon sa index ang pagmamaneho ng 10 minuto sa 10 kilometro sa Metro Manila ay tumatagal ng 25 minuto at 30 segundo noong nakaraang taon lamang. Mas bumagal pa umano ito ng 50 segundo kumpara noong 2022.


Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) mayroong tatlong malalaking road project na magsisimula ngayong buwan. Ito ang EDSA-Kamuning flyover sa Quezon City na sisimulan sa Abril 25 at tinatayang matatapos sa loob ng 11 buwan.


Kailangan na umanong isaayos ang nabanggit na flyover upang maiwasan na ang posibleng pagkasira sa oras na dumating ang lindol na maaaring magdulot ng mas matinding pagsisikip ng trapiko.


Magkagayon man ay hindi umano lubusang isasara ang naturang flyover upang kahit paano ay madaanan ang ibang bahagi at hindi makaapekto nang husto sa trapiko.


Isasailalim din sa repair ang flyover sa kahabaan ng Roxas Blvd. sa loob ng tatlong linggo na nagsimula na noon pang nakaraang Abril 5, at isinara ang ginagawang bahagi upang madaanan din ang bahaging hindi pa kinukumpuni.


Iba pa ang kahabaan ng Roxas Blvd. sa bahagi ng Manila at Pasay City na isinasailalim din sa pagkukumpuni ng drainage system na sinimulan noon ding Abril 5 na inaasahang matatapos naman sa loob ng 150 araw. 


Dahil sa ang Roxas Blvd. ay nakagawiang daanan ng mga truck, kailangan na ring baguhin ang concrete pavements nito na mula sa 23 centimeters ay gagawing 24 centimeters, ayon pa sa DPWH.


Nagsasagawa rin ng road reblocking ang DPWH sa bahagi ng Tandang Sora Avenue, Bonny Serrano Avenue, IBP-San Mateo Road, Luzon Avenue, Mindanao Avenue, Payatas Road at G. Araneta Avenue sa Quezon City, EDSA sa Mandaluyong City, at Roxas Boulevard sa Pasay at Manila mula Abril 5 hanggang 11.


Pinayagan naman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang DPWH na isagawa ang lahat ng nabanggit na proyekto araw at gabi, at inaasahang matatapos ang lahat ng ito bago pa ang ipinangako nilang petsa.


Sana ay huwag maantala ang mga proyektong ito upang makasabay sa plano ng Palasyo at sa huli ay maisaayos na ang problema sa trapik sa Metro Manila.



SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Abril 11, 2024



Kinakalampag natin ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na tutukan ang pagbabantay sa mga lansangan dahil sa nadadalas na naman ang kabi-kabilang drag racing sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Kahit sa mga lalawigan ay madalas na nagkakaroon ng drag racing na ginaganap sa mga malalaking highway na karaniwang nilalahukan ng mga kabataan.


Galing EDSA bago lumiko ng White Plains, Quezon City ay paminsan-minsang nakakalusot pa rin ang grupo ng mga kabataan na nagkakarera ng kotse at grabe ang pustahan.


Napakadaling magsagawa ng aktibidades ng mga mayayamang kabataang ito dahil sa may binuo silang chat group, kung saan magkikita-kita para isagawa ang drag racing.


Kung wala sila sa gawi ng White Plains ay makikita silang nag-iipon-ipon sa kahabaan ng Marcos Highway sa bahagi ng Antipolo at Cainta, Rizal, na kapag nakakuha ng tiyempo ay bigla na lamang makikitang nagkakarera na sa nasabing lugar.


Maraming lugar ang pinagdarausan ng drag racing at naniniwala akong alam naman ‘yan ng PNP, ngunit nakapagtatakang hindi gaanong pinagtutuunan ng pansin.


Ngayon hindi lamang may mga kotse ang nawiwili sa drag racing dahil maging ang mga motorsiklo at mismong tricycle ay sumasali na rin.


Katunayan, dalawang rider na sangkot sa drag racing ang nasawi sa magkahiwalay na aksidente sa Fil-Am Road sa Brgy. Fatima, General Santos City, nitong Biyernes ng madaling-araw.


Hawak na ng pulisya ang kuha ng CCTV, na makikitang isinasagawa ang karera ng mga motorsiklo.


Ilang saglit lang ay biglang sumalpok ang isang motorsiklo sa kasalubong nitong SUV na paliko sana sa highway.


Ayon sa mga imbestigador ng Gensan Traffic Enforcement Unit, sinubukan pang i-revive ang 17-anyos na biktima na isang Grade 12 student subalit binawian din ito ng buhay sa ospital.


Ayon pa sa pulisya, walang suot na helmet ang biktima at temporary plate lang din ang plaka nito.


Nagkaaregluhan naman ang driver ng SUV at ang pamilya ng biktima.


Makaraan naman ang wala pang 15 minuto, nasawi rin ang isang 28-anyos na lalaki matapos bumangga ang motorsiklo nito sa kasunod ding motorsiklo sa bahagi rin ng Fil-Am Road.


Pinatotohanan mismo ng PNP na sangkot sa drag racing ang dalawang motorsiklo, na minamaneho ng dalawang nasawi.


Natural na dahil katatapos lamang ng aksidente ay todo-bantay ngayon ang pulisya sa nabanggit na lugar, ngunit sanay na ang mga sumasali sa drag racing at alam nilang kaya lang may bantay dahil mainit pa ang sitwasyon. Pero makaraang lumamig na ay nandiyan na naman ang mga nais manood at sumali sa drag racing.


Napakatagal nang nangyayari ang drag racing sa bansa, ngunit patuloy pa rin itong nagaganap dahil ang numero unong dahilan, walang nagbabantay na otoridad at naglulutangan lamang kapag may reklamo o aksidente.


Hindi ba’t may kasabihang ‘kapag wala ang pusa ay maglalaro ang mga daga’? Marahil, panahon na para sibakin ang hepe ng pulisya na may magaganap na aksidente sa kanilang nasasakupan kung ang dahilan ay drag racing.


Sa YouTube lamang ay napakaraming makikita na nagsasagawa ng drag racing na ang mga kalahok ay mga tricycle. Mula rito ay madaling magkaroon ng ‘lead’ ang pulisya kung paano nila susundan ang aktibidades ng drag racing sa bansa.


Ang nakalulungkot pa sa drag racing, karaniwang nasasawi ay mga kabataan na akala ng kani-kanilang mga magulang ay natutulog na pero nagsitakas pala at buong gabi hanggang madaling-araw na kasali sa drag racing.


Kailangang magpakitang gilas ang PNP hinggil dito dahil hangga’t walang nasampolan na may nasakote at nakasuhan ay hindi naman titigil ang mga ‘yan.


Mga Sir sa PNP, maghihintay kami ng resulta na matigil ito, at sana ay huling aksidente na ang dalawang nasawi dahil sa drag racing.



SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | Abril 9, 2024



Saludo tayo sa ipinamalas na pagkamaginoo ng pamunuan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) makaraang humingi ito ng paumanhin nang masakote ang dalawa nilang bus na dumaan sa EDSA Bus Carousel Lane.


Base sa pahayag ni MMDA acting chairman Atty. Romando Artes, may polisiya ang MMDA na bawal dumaan kahit ang shuttle bus nila sa EDSA Carousel. Gayunman, noong nahuli ito ng mga operatiba ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) sa kahabaan ng EDSA, ipinakita pa ng driver ang memorandum ng ahensya na may petsang February 20, 2024, na nagsasaad na ang “MMDA shuttle buses designated for employee transportation are allowed to access the EDSA Bus Carousel Lane.”


Tiniyak ni Artes na mali ang memo dahil hindi nailagay ang katagang ‘not’ kaya dumaan pa rin ang MMDA shuttle bus kahit ipinagbabawal sila sa EDSA Carousel.


Napag-alaman na aakuin naman umano ni Artes ang multa sa ticket na nagkakahalaga ng P5,000 bawat isa kapag napatunayang hindi nakarating ang updated memo sa kanilang mga driver. 


Kung tutuusin ay komedya ang pangyayaring ito, dahil hindi natin inaasahang mga taga-MMDA pa mismo ang sasabit sa mahigpit na ipinatutupad na pagbabawal sa pagdaan sa EDSA Busway.


Pero ganyan talaga, dahil wala namang perpekto sa mundo at hindi naman sinasadya ang pagkakamali na tila may bahagya lamang hindi pagkakaintindihan sa mismong driver at nag-isyu ng memo.


Ang mahalaga ay hindi pinagtakpan ang pangyayari at buong giting pa itong hinarap ng pamunuan ng MMDA. Sana lang maging ‘wake -up call’ ang naganap na ito sa MMDA na hindi lahat ng nakakagawa ng paglabag ay sinasadya.


Sana tulad ng pagtanggap ng publiko sa pagkakamaling ito ng kagawaran ay matuto rin ang MMDA na umunawa sa ilan nating mga ‘kagulong’ na nakagagawa ng mga hindi sinasadyang pagkakamali.


Lalo na ngayong may bagong pauso ang mga traffic enforcer ng MMDA na pagsapit ng gabi ay gumagamit ng flashlight na siyang ginagawang pangsenyas sa mga motorista kung liliko o hihinto at dahil wala namang inilabas na guidelines hinggil dito ay marami ang hindi nagkakaintindihan gabi-gabi na nauuwi sa pagtatalo sa pagitan ng driver at enforcer dahil kapag hindi nasunod ng driver ang senyas ng enforcer gamit ang flashlight ay hinuhuli.


Bawat enforcer na may dalang flashlight ay may iba’t ibang istilo sa paggamit nito para pasunurin ang driver na ang hirap naman talagang maintindihan lalo na ‘yung flashlight na nagbi-blink.


Ngayon puwede namang gumamit ng flashlight ang mga MMDA enforcer, pero sana huwag kayong manghuli kung hindi kayo naiintindihan dahil wala namang inilabas na guidelines kung paano ito susundin.


Nakakaawa nga ‘yung isang motorista na nahuli sa Makati City kamakailan dahil tinawag pang ‘kamote’ ng MMDA traffic enforcer dahil hindi sila nagkaintindihan gamit ang flashlight.


Pero sa pangyayaring iyon ay tila mas ‘kamote’ ang enforcer dahil gumagawa siya ng sarili niyang traffic rules at kapag hindi siya naintindihan ay hihiyain pa niya ang nalitong driver.


Sana ay mabigyang pansin ito ng pamunuan ng MMDA dahil maraming motorista ang nagrereklamo laban sa bagong pakulong ito ng mga traffic enforcer tuwing gabi.


Wala namang problema kung gusto talagang pairalin ang ganitong sistema basta magbigay lang ng anunsyo at panahon para mapag-aralan ng mga motorista ang kakaibang istilo ng paggamit ng flashlight sa gabi.


Nand’yan naman ang Land Transportation Office (LTO), puwedeng gumawa ng koordinasyon ang MMDA para maglabas ng bagong guidelines — hindi ‘yung basta na lamang ipatutupad tapos huli nang huli.


Ito ‘yung sinasabi ko na dapat matuto ring umunawa ang mga enforcer ng MMDA lalo pa at imbento lang nila ang paggamit ng flashlight para pasunurin ang motorista sa gabi.


Sana, give and take naman, naiintindihan namin ang pagkakamali ninyo, tulad ng pagdaan ng MMDA shuttle sa EDSA Busway dahil hindi naman ito sinasadya. Pero sana unawain din ng mga enforcer na kapag hindi naintindihan ang senyas na ginawa sa gabi gamit ang flashlight ay huwag agad huli nang huli dahil hindi talaga maunawaan.


Ilang buwan na ring inirereklamo ng mga motorista ang problemang ito — lalo na ’yung mga nahuli na at naisyuhan ng violation ticket dahil sa hindi pagsunod sa senyas ng enfocer gamit ang flashlight.


Hindi naman natin sinisisi ang pamunuan ng MMDA hinggil dito dahil posibleng hindi pa nakararating sa kanilang tanggapan ang problemang ito, sana lang maayos na rin ito.



SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page