top of page
Search

ni Chit Luna @News | October 11, 2025


Cigarette, nicotine

Photo File: Mga pag-aaral na nagpapahiwatig na ang nikotina ay ligtas para sa kalusugan ng cardiovascular at hindi nauugnay sa mga kondisyon tulad ng paulit-ulit na stroke.



Nagbabala ang mga siyentipiko at doktor na ang maling paniniwala tungkol sa pinsalang dulot ng nikotina ay aktibong humahadlang sa milyun-milyong naninigarilyo sa buong mundo na gumamit ng mas epektibo at hindi gaanong mapaminsalang mga alternatibo.


Sa isang panel discussion sa ikawalong Summit on Tobacco Harm Reduction: Novel Products, Research & Policy sa Athens noong Setyembre 30 at Oktubre 1, 2025, na inorganisa ng SCOHRE o International Association on Smoking Control & Harm Reduction, binigyang-diin ng dalawang daang eksperto mula sa 51 bansa na dapat gabayan ng agham, hindi ng ideolohiya, ang pandaigdigang pagsisikap sa pagkontrol sa tabako at yakapin ang "harm reduction" para matulungan ang mga naninigarilyo na hindi kayang tumigil o ayaw tumigil.


Ang tobacco harm reduction (THR) ay isang estratehiya sa kalusugan ng publiko na naglalayong bawasan ang pinsalang dulot ng tradisyonal na sigarilyo sa pamamagitan ng mga hindi gaanong mapaminsalang alternatibo tulad ng e-cigarettes, heated tobacco at nicotine pouches. Bagama't nananatiling "gold standard" ang tuluyang pagtigil, sinabi ng mga eksperto na ang mga alternatibong ito ay kumakatawan sa isang pragmatiko at nakabatay sa agham na opsyon.


Binanggit ni Dr. Konstantinos Farsalinos, isang doktor at research associate sa Greece, ang mahalagang papel ng komunidad ng siyentipiko sa tamang pagpapaliwanag ng mga epekto ng nikotina para pigilan ang maling paniniwala tungkol dito.


Batay sa pananaliksik, ang nikotina mismo ay hindi ang pangunahing sanhi ng mga sakit na nauugnay sa paninigarilyo.


Binanggit ni Dr. Giovanni Li Volti, isang professor ng Biochemistry sa University of Catania, ang mga pag-aaral na nagpapahiwatig na ang nikotina ay ligtas para sa kalusugan ng cardiovascular at hindi nauugnay sa mga kondisyon tulad ng paulit-ulit na stroke. Sinabi niya na ang mismong pagkakaroon ng "nicotine replacement therapy (NRT)" ay walang saysay kung ang nikotina ay likas na mapanganib.


Sa kabila ng ebidensyang ito, sinabi ni Li Volti na laganap ang umiiral na maling pananaw. Aniya, ito ay resulta ng kabiguan ng mga siyentipiko na magpaliwanag.


Ang kabiguang ito ay inilarawan ni Dr. Rohan Andrade Sequeira, isang consultant cardio-endocrine physician sa Mumbai, India, kung saan ang malawakang paggamit ng oral tobacco ay nag-aambag sa napakataas na antas ng oral cancer.


Dahil ang success rate para sa NRT sa buong mundo ay nasa pitong porsiyento lamang, sinabi ni Sequeira na ang natitirang 93 porsiyento ng mga gumagamit ay kailangang bumalik sa kanilang dating mga gawi.


Para kay Sequeira, ang nicotine pouches ay nagpapakita ng pagkakataon para sa India na umusad mula sa tradisyonal na mga gawi sa paggamit ng lokal na oral tobacco.


Ayon kay Damian Sweeney, chair ng New Nicotine Alliance Ireland, ang Sweden ay isang matibay na "proof of concept." Habang ang pangkalahatang paggamit ng nikotina sa bansa ay nasa average ng EU, ang karamihan sa Sweden ay gumagamit ng snus, isang smoke-free na produkto.


Naibaba nito ang paglaganap ng paninigarilyo sa Sweden sa 5 porsiyento lamang—na pinakamababa sa European Union—at ito ay isang malinaw na tagumpay para sa tobacco harm reduction, na sinusuportahan ng matibay na real-world data, ayon kay Sweeney.


Iginiit ni Sweeney na ang maling impormasyon tungkol sa nikotina at mababang-panganib na mga alternatibo ay "kasing-nakamamatay ng paninigarilyo mismo."


Mahalaga ang perspektibo ng mamimili, ani Sweeney, habang hinihimok ang mga indibidwal na ibahagi ang kanilang positibong karanasan sa mga bagong produkto sa mga policymaker.


Kinumpirma ni Farsalinos ang epekto ng maling impormasyon, batay sa isang survey noong 2017 na inilathala niya na nagpakita na limang porsiyento lamang ng mga naninigarilyo ang tama ang paniniwala na ang e-cigarettes ay mas mababa ang pinsala kaysa sa paninigarilyo.


Kapag hindi sila wastong nabibigyan ng impormasyon, hindi man lang sila susubok na huminto gamit ang isang produkto ng harm reduction, ayon kay Farsalinos.


Binanggit ni Clive Bates, dating direktor ng Action on Smoking and Health (ASH) UK, ang ebidensya na ang lahat ng non-combustible nicotine sources ay "mas mababa ang panganib kaysa sa paninigarilyo."


Aniya, ang World Health Organization Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC) ay lumihis mula sa pangunahing layunin nitong bawasan ang paninigarilyo at aktibong humaharang sa tobacco harm reduction.


Nanawagan siya para sa isang "coalition of the willing" sa mga partido ng FCTC para hamunin ang secretariat at ang WHO na isama ang harm reduction at baligtarin ang kasalukuyang "fanaticism" laban sa nikotina.


Nagkaisa ang mga dumalo sa summit na dapat ipaalam ng mga siyentipiko ang ebidensya tungkol sa nikotina, habang ang media outlets ay may responsibilidad na itama ang maling impormasyon at magbigay ng balanseng pag-uulat tungkol sa harm reduction.

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | September 29, 2025



Photo File: BP



Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang nurse sa isang pribadong ospital sa aming probinsya. Sa aking propesyon at sa aking pinapasukan ay marami akong nakita na mga pasyente na may sari-saring kidney disease. Marami rin ang mga pasyente na nagpapa-dialysis na dahil hindi na gumagana ang kanilang kidneys.


Madalas akong uminom ng pain reliever dahil sa aking madalas na sakit ng ulo at kirot na nararamdaman sa katawan. Dahil dito at sa maaaring masamang dulot ng madalas na pag-inom ng mga pain reliever, ako ay nag-aalala.


Sa aking pagbabasa ay aking nabasa ang tungkol sa magandang dulot ng Black Seed o Black Seed Oil. Ayon sa aking nabasa, maaaring mapanatili nito ang kalusugan ng kidney at mapigilan ang kidney injury dahil sa iba’t ibang kadahilanan.


Maaari ba ninyo akong matulungan at mapayuhan tungkol sa Black Seed Oil? Makakatulong ba ito sa kalusugan ng aking kidney? May mga research studies na ba na nagpapatunay na maaaring makatulong ang Black Seed Oil na mapanatiling mabuti ang kidney health?

Sana ay matugunan ninyo ang aking mga katanungan. -- Maria Leida



Maraming salamat Maria Leida sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 

 

Maraming dalubhasa, ang katulad mo ay naniniwala na ang mga tao na may kidney disease ay patuloy na tumataas ang dami sa buong mundo. Ito ang ipinahayag ng mga scientist noong 2019 sa International Journal of Toxicology kung saan sabi nila na itinuturing na ang kidney disease bilang global health problem.


Maraming kadahilanan ang kidney disease. Ayon sa mga dalubhasa, maaari itong dahil sa inflammation, tubular injury o vascular damage. Ang mga ito ay posibleng dahil sa ating exposure sa iba’t ibang uri ng drugs, toxins at mga environmental chemicals.


Ayon sa isang scientific article sa International Journal of Molecular Science na na-publish noong August 2021, ang Nigella sativa o mas kilala sa tawag na Black Cumin ay isang sikat na spicy herb. Ang buto nito na tinatawag na Black Seed ay kilalang gamot sa iba’t ibang uri ng sakit kasama ang mga sakit na apektado ang ating mga kidney. Ang Thymoquinone ay ang main active component ng Black Seed at ng Black Seed Oil na nagpo-promote ng function ng ating iba’t ibang organs kasama na ang ating kidneys. 


Sa isang comprehensive review article noong 2021, ipinahayag ng mga scientist na ‘there is mounting evidence’ na ang Black Seed at ang major active component nito na Thymoquinone ‘can alleviate kidney complications’ dahil sa iba’t ibang uri ng stress factors katulad ng mga chemotherapeutic agents, metabolic deficits at mga environmental toxicants.


Ayon sa maraming mga preclinical studies, ang Black Seed at ang Thymoquinone ay nagpoprotekta laban sa kidney injuries na dulot ng ischemia, cancer drugs, mga analgesics (katulad ng paracetamol at aspirin), heavy metals, pesticide at iba pang mga chemical. May mga ebidensya rin na nagkakaroon ng clinical improvement ang mga pasyente na may chronic kidney disease na ginamot ng Black Seed o Black Seed Oil. Nakatulong din ang Black Seed sa mga pasyenteng may hypertension, sakit sa puso, at diabetes, bukod sa kidney disease.


Ang kidney-protective effects ng Black Cumin o Black Seed ay dahil sa anti-oxidant, anti-inflammatory, immunomodulatory, anti-apoptotic at anti-fibrotic properties nito at ng active component nito na Thymoquinone.


Sa isang systematic review at meta-analysis ng mga randomized-controlled clinical trials na nailathala sa journal na Pharmacological Research noong taong 2020 at isa pang pag-aaral na nailathala sa Saudi Journal of Kidney Diseases and Transplantation, ang Black Cumin o Black Seed ay nakatulong makapagpababa ng mga kidney function parameters katulad ng blood urea nitrogen (BUN), serum creatinine at total urinary protein. 


Sa isa pang randomized clinical trial, marami sa mga pasyenteng may kidney stones na uminom ng black seed capsules (500mg) twice a day sa loob ng 10 linggo ay iniihi o lumiit ang mga kidney stone nila.


Marami pa ang scientific studies na hindi natin nabanggit ngunit maliwanag sa mga pag-aaral na malaki ang maitutulong ng Black Cumin o Black Seed upang mapanatili ang kalusugan ng ating mga kidneys o maiwasan ang kidney disease.


Kung ninanais na uminom ng Black Seed Oil o isama ng regular sa pagkain ang Black Seed sumangguni sa inyong doktor. Tandaan natin na maaaring magkaroon ng allergic reaction sa Black Seed Oil at nararapat na uminom lamang ng tamang dose na recommended ng inyong doktor.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan. 



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | September 1, 2025



Photo File: FP



Dear Doc Erwin, 

 

Ako ay 35 years old, walang asawa at kasalukuyang empleyado sa isang pribadong kumpanya. Limang taon na ang nakakaraan ay na-diagnose ako na may diabetes at obesity. Ayon sa aking doktor makakabuti sa aking kalagayan kung mababawasan ang aking timbang, kaya’t nagsusumikap ako na magpapayat. Subalit nakalipas ang ilang taon ay bigo pa rin ako na pumayat at sa halip ay lalong nadagdagan pa ang aking timbang.


Sumangguni ako sa isang kakilalang nutritionist upang magtanong kung anong mga natural na pagkain o supplement ang makakatulong sa aking pagbabawas ng timbang. Ayon sa kanya, maaaring makatulong ang turmeric o curcumin sa aking pagpapayat. Nais ko sana na malaman kung may mga research studies na sa epekto ng turmeric/curcumin sa pagpapayat ng mga obese na may sakit na diabetes, at kung ito ay epektibo at hindi makakasama sa aking kalusugan. Patuloy sana kayong magbahagi ng mga pinakabagong kaalaman tungkol sa kalusugan sa BULGAR newspaper sa pamamagitan ng inyong Sabi ni Doc column. -- Armando



Maraming salamat Armando sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at BULGAR newspaper. 


Ayon sa pag-aaral na nailathala noong 2022 sa Diabetes Research and Clinical Practice journal, may estimated na mahigit sa 536 million na katao o mahigit na 10 porsyento ng global population noong taong 2021 ang may diabetes (Type 2 diabetes) at ito ay tataas pa hanggang 12 porsyento sa taong 2030. Isa sa mga risk factors na pinaniniwalaan ng mga dalubhasa na nakakaapekto sa pagkakaroon ng diabetes ay ang abdominal obesity. Kaya’t madalas na ang mga obese na indibidwal ay nagkakaroon ng diabetes.


Ang sakit na diabetes ay maaaring magkakomplikasyon at makaapekto sa iba’t ibang organs sa ating katawan. Maaaring maapektuhan ang ating mga mata, nerves at kidney at posible itong maging dahilan ng sakit sa puso, stroke at peripheral vascular disease. Dahil dito walang nag-iisang gamot ang epektibo sa diabetes at sa mga komplikasyon nito. Ito ang dahilan kung bakit patuloy na nag-aaral ang mga dalubhasa ng mga natural na alternatibo sa mga pharmaceutical drugs na kasalukuyang ginagamit ng mga doktor upang gamutin ang diabetes.


Noong 2023, sa isang meta-analysis study na inilathala sa American Journal of Clinical Nutrition, napag-alaman na nasa 80 porsyento ng mga pasyente ay karaniwang isinasama ang mga herbal supplements sa kanilang mga gamot. Ang Turmeric ay isa sa mga pinakapopular sa buong mundo na herbal supplement. Ang Turmeric ay galing sa halamang Curcuma longa L. at karaniwang makikita sa mga bansa sa Southeast Asia. Ang aktibong ingredient ng Turmeric ay tinatawag na Curcumin. 


Ang Turmeric, at Curcumin na active ingredient nito, ay ginagamit sa iba’t ibang uri ng sakit katulad ng arthritis at ulcerative colitis. Ginagamit din ito bilang liver function enhancer, anti-depressant, at anti-inflammatory. Kilala rin ang Turmeric dahil sa lipid-lowering at anti-cytotoxicity effects nito. 


Nito lamang August 2025 ay may lumabas na pinakabagong pag-aaral tungkol sa anti-obesity effect ng Turmeric. Sa isang meta-analysis ng mga randomized controlled trials sa epekto ng Turmeric/Curcumin sa obesity ng mga indibidwal na may Type 2 diabetes at pre-diabetes, napag-alaman ng mga dalubhasa mula sa Diabetes Research Center ng Tehran University of Medical Sciences sa bansang Iran na nakakababa ng timbang ang pag inom ng Turmeric o Curcumin. 


Sa pag-aaral na nabanggit, uminom ng Turmeric/Curcumin ang mga pasyente sa loob ng 8 hanggang 36 na linggo. Ang mga uminom ng Turmeric/Curcumin ng mahigit sa 22 linggo ay nabawasan ng mahigit sa 2 kilograms ang timbang at nabawasan din ng 2 hanggang 3 centimeters ang waistline.


Mababasa ang meta-analysis study na ito sa Nutrition & Diabetes journal, Volume 15, Article Number 34 (2025). Inilathala ang artikulo na ito noong August 14, 2025.

Tatlo sa 20 pag-aaral na kasama sa meta-analysis study na ito ang nag-report ng mga adverse effects katulad ng pagsakit ng tiyan, pangangati, pagkahilo, constipation, hot flashes at nausea. Kaya’t kung ninanais na uminom ng Turmeric o Curcumin ay makakabuti na sumangguni muna sa inyong doktor upang magabayan sa tamang dosage at pag-inom nito upang maiwasan ang masamang epekto (adverse effects) at posibleng drug interactions sa mga gamot na iyong iniinom.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page