top of page
Search

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Feb. 5, 2025



BG: Aneta Gu


Dear Doc Erwin, 


Ako ay 25 years old at isang graduating student sa isang pribadong unibersidad sa Maynila. Kasalukuyan ay naghahanap ako ng mga natural remedies upang mabawasan ang aking timbang na 200 pounds. Umiiwas sana ako na uminom ng mga gamot na pampayat na inireseta sa akin noon ngunit nang itigil ko ito ay muli akong tumaba at bumalik uli ang aking gana na kumain.


Ang suggestion ng isang herbolario ay uminom ako regularly ng oregano bilang tsaa at ihalo ito sa aking kinakain. Makakatulong daw ito sa aking pagpapayat. May basehan ba ang suhestiyon na ito? Makakatulong ba ang oregano upang ako ay pumayat? May mga pag-aaral na ba ang mga scientist sa epekto ng oregano sa ating katawan? Sana ay masagot niyo ang aking mga katanungan. Isaiah



Maraming salamat Isaiah sa iyong pagliham, mga katanungan at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Napakaganda ng iyong mga katanungan dahil marami ng mga pag-aaral sa ibang bansa tungkol sa oregano at ang mabisang epekto nito sa pagpapayat, pati na rin ang mga iba pang health benefits nito.


Ang oregano ay isang uri ng herb na tinatawag na mint. Maraming uri nito ngunit ang pinakakilala ay ang Oregano vulgare o kilala rin sa tawag na Spanish thyme.


Sa matagal na panahon ay ginagamit ang oregano upang ihalo sa pagkain at pasarapin ito. Ginagamit din ito sa iba’t ibang bansa upang gamutin ang sugat sa balat, masasakit na kalamnan, sipon at hika. Ginagamit din laban sa pagsakit ng tiyan, indigestion at sa pagtatae.


Ngunit sa mga bagong pag-aaral at pananaliksik ng mga scientist ang Oregano ay marami pang ibang health benefits -- makakatulong na panlaban sa cancer, mataas na blood sugar o diabetes at mataas na blood lipids. Epektibo rin ito laban sa infection at sa inflammation. 


Ayon sa isang pag-aaral na pinangunahan ni Dr. Min Lu ng Massachusetts General Hospital ng Harvard Medical School sa bansang Amerika na inilathala sa Frontiers in Microbiology noong October 5, 2018, epektibo ang Oregano oil laban sa 11 bacteria na resistant o hindi na epektibo ang mga antibiotics.


Ayon sa aklat na Eat to Beat your Diet na isinulat ng tanyag na researcher, scientist at New York Times bestselling author na si Dr. William W. Li, ang oregano ay may mga sangkap o tinawag na mga “bioactives” na napatunayan na epektibo sa pagpapapayat.


Ayon kay Dr. William Li, napag-aralan ng mga laboratory researchers sa Chieti, Italy at ng National Research Council na ang oregano ay may bioactive na tinatawag na Carvacrol. Batay sa kanilang pag-aaral ang mga human stem cells na destined na maging taba o fat cells (white adipose tissue cells) ay maaaring mabawasan ng hanggang 27 porsyento sa pamamagitan ng paggamit ng Carvacrol mula sa Oregano o Spanish thyme. Mababasa ang resulta ng pag-aaral na ito sa PloS One journal, Volume 13, Number 11 na inilathala noong 2018.


Sa isa pang pananaliksik na isinagawa ng mga scientist mula sa University of Iowa sa bansang Amerika ay napag-alaman na may bioactive na Ursolic Acid ang oregano. Ang Ursolic Acid, ayon sa kanila ay nagpaparami ng brown fat (kung matatandaan ay tinawag natin itong “the good fat” sa ating nakaraang artikulo), nakaka-improve ng metabolic efficiency ng ating katawan at nakakapagpapayat. 


Ang pagtaba natin ay may kaakibat na pag-igting ng insulin resistance kung saan kahit na may sapat na insulin ang ating katawan ay tumataas pa rin ang ating blood sugar level. Makakatulong ang oregano na maibalik ang insulin sensitivity ng ating katawan dahil ito ay nagpapataas ng produksyon ng fat hormone na adiponectin. Ito ay ayon sa resulta ng isang bagong pananaliksik ng mga researcher mula sa University of Guadalajara sa bansang Mexico. Inilathala ito sa Journal of Medicinal Food nito lamang taong 2020.


Ayon sa mga nabanggit na mga makabagong research ng mga scientist, makakatulong ang oregano sa iyong pagpapapayat. Magiging mas epektibo ito kung may kasamang regular na exercise, sapat na pagtulog ng 7 hanggang 9 oras, at tamang pagkain.


Maaaring balikan mo ang isinulat natin na artikulo tungkol sa mga pagkain na napatunayan ng mga mananaliksik na nakakapayat.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Jan. 27, 2025





Dear Doc Erwin, 


Ipinayo sa akin ng aking kaibigan na mag-balance exercises ako. Ayon sa kanya ay nakatulong ito sa kanya upang magawa niya ang mga pang-araw-araw na gawain niya.

 

Ako ay 59 years old, at sa paglipas ng panahon ay napansin ko na bumagal na ang aking paglalakad at unti-unting humihina na aking pangangatawan.


Ano ba ang mga balance exercises? Anu-ano ba ang mga uri ng balance exercises? At paano ito makakatulong sa akin upang magawa ang pang-araw-araw na gawain? -- Ramon



Maraming salamat Ramon sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.


Ayon kay Dr. Ayelet Dunsky ng School of Human Movement at Sport Sciences ng Wingate Institute sa bansang Israel, habang ang tao ay tumatanda, humihina ang ating abilidad upang makontrol ang ating balanse habang ginagawa natin ang ating pang-araw-araw na gawain (activities of daily living). Batay sa kanya, ito ay dahil sa unti-unting paghina ng ating sensory systems, cognitive system at musculoskeletal system. Dahil dito sa ating pagtanda mas madali tayong matumba o mahulog sa ating mga activities of daily living (ADL) na maaaring maging sanhi ng physical injuries na makakaapekto sa kalidad ng ating pamumuhay (quality of life). 


Dahil sa mga nabanggit na paghina ng ating pangangatawan at kakayanan sa pagbalanse, sinabi ni Dr. Dunsky na nagkakaroon tayo ng mga physical limitations, anxiety, loss of confidence at pagkatakot na matumba o mahulog.


Mababasa ang artikulo ni Dr. Dunsky sa Frontiers In Aging Neuroscience journal na nailathala noong November 15, 2019. Anu-anong uri ng balance exercises ang maaari nating gawin upang lumakas ang ating abilidad at mapanatili ang ating balanse at maiwasang matumba at mahulog? 


Ayon sa National Health Service (NHS) ng bansang United Kingdom (UK), ang mga exercises na ito ay ang sideways walking, simple grapevine, heel-to-toe walk, at one-leg stand at step-up exercises. Ipinapayo ng NHS na gawin ang mga exercises na ito kasama ng iba’t ubang uri ng exercise, na hindi bababa sa dalawang beses sa isang linggo. Makikita ang mga exercises nito sa website ng NHS sa link na ito: https://www.nhs.uk/live-well/exercise/balance-exercises/.


Makakatulong din ang mga balance exercises na ipinapayo ni Dr. Peter Attia sa kanyang YouTube channel (www.youtube.com/@PeterAttiaMD) kung saan gumagamit ng balance training board at ankle o foot board. Mag-ingat lamang sa exercises na ito dahil mas advance na ang mga exercise na ito at kinakailangan ng training o kaya assistance kung planong gamitin ang mga equipment na ito.


Sa pamamagitan ng pagsagawa ng mga balance exercises na nabanggit, maiiwasan natin ang mga physical injuries na maaaring makaapekto sa ating mobility. Maiiwasan din na mawala o mabawasan ang ating self-confidence sa pagsagawa ng ating ADL, anxiety, o takot na tayo ay mahulog o matumba.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 

ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | Jan. 13, 2025





Dear Doc Erwin, 


Nais ko sanang isangguni sa inyo ang ibinigay na advice sa akin ng aking kaibigan. Twenty five years old na ako at may sakit na epilepsy. Regular na umiinom ako ng gamot para rito na inireseta ng aking doktor.


Nagbigay ng suhestiyon ang aking kaibigan na uminom ako ng MCT Oil bilang supplement.

Ayon sa kanya mula ng regular na umiinom ang kanyang anak nito ay mas dumalang ang

atake ng epilepsy nito.


Ano ba ang MCT Oil? Safe ba na uminom nito? Makakatulong ba ang MCT Oil sa aking epilepsy? — Eduardo



Maraming salamat Eduardo sa iyong pagliham at pagiging tagasubaybay ng Sabi ni Doc at BULGAR newspaper.

 

Ang MCT Oil ay isang dietary supplement na galing sa coconut oil. Ang ibig sabihin ng MCT ay “Medium Chain Triglyceride”. Ang paggamit ng MCT Oil ay nagmula noong 1920's kung saan ginamit ng doktor ang ketogenic diet sa panggagamot sa mga kabataan na may epilepsy.


Ayon sa Cleveland Clinic sa bansang Amerika, popular ang MCT Oil sa pagpapapayat. Ang pag-inom nito, ayon sa isang pag-aaral na nailathala sa European Journal of Clinical Nutrition noong July 2014, ay nakakapagpababa ng dami ng kinakain. Dahil dito nakakatulong ito sa pagpapapayat ng mga indibidwal na gustong magbawas ng timbang.


Popular din na ginagamit ang MCT Oil ng mga atleta at ng mga may edad na katulad ng mga senior citizen, dahil sa kakayanan nito na magbigay ng enerhiya. Dahil madali itong ma-absorb at ma-digest mas mabilis itong nagagamit ng katawan natin bilang enerhiya.


Makakatulong din daw ito upang maiwasan ang diabetes at Alzheimer's disease. Naniniwala rin ang ibang dalubhasa na makakatulong ito sa mga indibidwal na may autism, mapababa ang blood sugar level at makapagpababa ng inflammation sa ating katawan.


Bukod sa mga nabanggit na health benefits ng MCT Oil, may health benefit din ito sa sakit na epilepsy. 


Mahigit nang isandaang taon ang nakakalipas ay ginamit ng mga doktor ang ketogenic diet sa panggagamot ng epilepsy. Base ito sa mga pag-aaral na ang ketogenic diet ay nagpapataas ng level ng ketones sa ating katawan at ang ketones ay napatunayan nang nakakatulong upang mabawasan ang atake ng epilepsy. Ganito rin ang epekto ng pag-inom ng MCT Oil -- tumataas ang level ng ketones sa ating katawan. 


Sa isang pag-aaral na nailathala noong June 2013 sa scientific journal na Neuropharmacology, ang Medium Chain Triglyceride (MCT) ay nakitang mas epektibo pa sa isang gamot na ginagamit sa epilepsy bukod sa mas mababa ang potential side effects nito kumpara sa nasabing gamot.


Sa clinical trial na pinangunahan ni Dr. Emmaline Rasmussen ng Northshore Neurological Institute sa Illinois sa bansang Amerika, ang MCT Oil supplementation ay nakapagpababa ng 42% porsyento sa dami ng atake (seizures) ng epilepsy. Mababasa ang pag-aaral na ito sa journal na Nutritional Neuroscience na nailathala noong June 2023.


Tandaan lamang na ang MCT ay nasa ilang pagkain din, katulad ng cheese, yogurt, gatas at coconut oil. Ngunit, kung nanaisin na uminom ng MCT Oil supplement maaaring makaranas ng ilang side effects katulad ng pagsakit ng tiyan, bloating, pagtatae at pagsusuka. Kaya't mas makakabuti na mag-umpisa sa mababang dose. Makakabuti rin na kumonsulta sa inyong doktor o sa nutritionist upang malaman ang tamang dami ng iinumin na MCT Oil.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

 
 
RECOMMENDED
bottom of page