top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | July 6, 2020


Hello, mga bes! Nawa’y malusog kayong lahat pati ang inyong pamilya.


Sa kabila ng pagluluwag ng restriksiyon sa quarantine sa iba’t ibang lugar, huwag nating kalilimutan ang ibayong pag-iingat laban sa COVID-19. Patuloy pa rin ang pagtatala ng mga bagong kaso nito sa iba’t ibang bahagi ng ating bansa. Kung maaaring manatili sa bahay, sa bahay na muna tayo lalo na’t wala namang importanteng gagawin sa labas. Kung lalabas naman para magtrabaho o bumili ng esensiyal na gamit, panatilihin natin ang social distancing, ugaliin ang pagsusuot ng mask, pati na ang palagiang paghuhugas ng mga kamay at paggamit ng hand sanitizer o alcohol.


Mahaba-haba pa ang labang ito. Akma ang tawag na “new normal” sa sitwasyong nalikha dahil sa COVID-19. Ang mga simpleng bagay tulad ng pagyakap at paghalik sa pisngi ng mga kaibigan at ang pagmamano sa kamay ng mga nakatatanda ay hindi natin magawa ngayon nang walang pangamba na magkahawaan ng sakit na hindi natin nakikita. Ipagpasalamat natin ang biyaya ng kalusugan natin at ng ating mga mahal sa buhay habang ginagawa ang parte natin para maging ligtas rin ang ating kapwa. Tulung-tulong, maitatawid natin ang pandemikong ito.


◘◘◘


Samantalang nakatuon ang ating atensiyon sa COVID-19 at iba pang isyu, tila hindi napansin ang kalagayan ng 14 sa ating mga kababayang mangingisda na nawawala sa laot ilang araw na ang nakararaan.


Nabangga ang fishing boat na sinasakyan ng ating mga mangingisda ng isang cargo vessel na may watawat ng Hong Kong malapit sa Mindoro. Hanggang ngayon, hindi pa rin natatagpuan ang mga kababayan natin.


Lubhang mahalaga ang bawat segundo sa ganitong sitwasyon. Hindi puwedeng magbagal-bagal dahil bawat sandaling hindi natin sila natatagpuan, lumiliit ang ang tsansa ng kanilang kaligtasan. Habang nagtatagal, bumibigat lalo ang pag-aalala ng pamilya ng 14 mangingisda sa kanilang kapalaran. Nabubuhay sila sa takot sa kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay na hindi nila alam kung buhay pa o patay na o kung makikita pa nila.


Nanawagan tayo sa Philippine Coast Guard na paigtingin ang paghahanap sa ating mga nawawalang mangingisda gawa ng nabanggit na kolisyon. Kung kailangan nating humingi ng tulong sa mga karatig-bansa, gawin natin. Bigay-todo na tayo sa paghahanap dahil buhay ang nakasalalay rito.


Inaasahan natin ang ekstensibo at malawakang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard sa pangyayaring ito upang matukoy partisipasyon ng nagkabanggaang sasakyang-pandagat at matukoy ang posibleng responsibilidad ng bawat partido sa kolisyon. Mahalaga ito para maiwasan ang ganitong pangyayari sa hinaharap at mapanagot ang nararapat.


Isang batas na isinusulong natin ay ang pagtatatag ng National Transportation Safety Board na magtutuon sa imbestigasyon ng mga aksidenteng pandagat, panghimpapawid, maging ang sa highway at railroad. Kasalukuyang nasa ikatlo at huling pagbasa na sa Senado ang panukalang-batas na ito. Sa ganitong paraan, gusto nating gawing mas ligtas ang transportasyon para sa lahat ng Pilipino sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga aksidenteng kumikitil sa maraming buhay taun-taon.


Nasa panalangin natin ang mga mangingisdang lulan ng M/V Liberty Cinco at ang kanilang mga pamilya sa panahong ito ng kanilang alinlangan at pangamba.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | December 23, 2019


Kumusta, mga besh?! Siguradong abala kayo ngayon sa ‘last minute holiday shopping’ at pag-attend sa mga Christmas Party. Pero paalala lang, palagi tayong mag-ingat dahil hindi natin masasabi kung kailan magkakaroon ng aksidente.  

Alam n’yo ba na noong 2018, umabot sa 116,906 ang nangyaring aksidente sa kalsada batay sa listahan ng Metro Manila Accident and Recording Analysis System ng Metropolitan Manila Development Authority?

Aba, hindi biro ito dahil lumalabas na mayroong 320 aksidente ang nangyayari bawat araw o 13 aksidente kada oras sa Kamaynilaan pa lang.

Binansagang “killer highway” ang Commonwealth Ave. sa Quezon City dahil sa dami ng mga namamatay dulot ng vehicular accidents.

Sa pag-aaral ng University of the Philippines noong 2005, maaaring umabot hanggang P3.47 milyon ang halaga ng ari-arian na maaaring masira sa aksidente, kasama ang mawawalang produksiyon.

Sa 2018 World Health Organization Global Status Report on Road Safety, lumalabas na katumbas ng 2.6 percent ng buong gross domestic product ng Pilipinas ang nawawala sa mga aksidente sa trapiko.

Pero para sa akin, hindi kayang tapatan ng anumang presyo ang buhay na mawawala dahil sa aksidente. Ang buhay natin ay walang katapat na halaga.

Sino ba ang hindi maaalarma sa mga report na ito? Nakakatakot dahil kahit sino ay maaaring masangkot, masaktan o malagay sa peligro ang buhay dahil sa mga aksidente.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Public Services, isinusulong natin ang panukalang-batas na magtatag ng tanggapan ng gobyerno na tututok sa imbestigasyon sa lahat ng aksidente at  babalangkas ng mga hakbang upang masiguro ang road safety.

Ang tinutukoy natin ay ang Senate Bill No. 1077 na may titulong “National Transportation Safety Board Act” na tayo mismo ang may-akda.

Kapag naging batas ito, itatatag at magkakaroon tayo ng National Transportation Safety Board o NTSB na ang mandato o trabaho ay mag-imbestiga sa mga aksidente sa kalsada, himpapawid, karagatan, riles at pipelines.

Ang NTSB ay mayroong visitorial power para makapasok sa lugar ng mga aksidente at masiyasat  nang husto ang anumang parte ng mga naaksidenteng sasakyan, barko, eroplano, tren at iba pa.

Sa ganitong paraan, mabibigyan ng katarungan ang biktima ng aksidente dahil sa malalim na pag-iimbestiga — matutukoy ang tunay na dahilan at malalaman sinuman sa mga sangkot ang may kasalanan kung mayroon man.

Kapag maayos ang imbestigasyon, palagay natin, wala nang magiging kaso ng nahulog na bus o lumubog na barko ang itatambak na lang sa cabinet na wala man lang solusyon.

Ang resulta ng mga imbestigasyon ng NTSB ay isusumite rin sa Kongreso para mapag-aralan at makagawa ng mabisa at akmang safety measures o regulasyon para mas masiguro ang kaligtasan ng publiko sa pagbibiyahe.

Ngayon, ang magandang balita, aprubado na sa third reading o ikatlong pagbasa sa Senado ang ating panukala.

Nagpapasalamat tayo sa ating mga kasamahang senador dahil sa kanilang tulong na maitawid ang isinusulong nating ito. Walang duda, naniniwala sila sa kahalagahan ng ating panukala.

Umasa kayo na patuloy nating tututukan ito hanggang sa maging ganap na batas. Sa ngayon, mag-enjoy muna tayo, pero huwag kalimutang mag-ingat anumang oras.

Maligayang Pasko sa inyong lahat, mga besh!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page