top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | July 27, 2020


Hello, mga bes! Binago at patuloy na binabago ng COVID-19 ang ating mga nakasanayan. “New normal” ang tawag natin sa mga bagong ginagawa natin para sa pag-iingat tulad ng social distancing, pagsusuot ng face masks, madalas na paggamit ng alcohol at ang paggamit ng Personal Protective Equipment (PPE).


Maging ang tradisyon, kailangang isunod natin sa bagong hulma ng panahon. Ngayong araw, magaganap ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo ng Republika ng Pilipinas. Itutuloy pa rin ito sa kabila ng virus, pero marami ang mababago. Limitado na ngayon ang mga taong makadadalo. Karamihan sa mga dating imbitado, tulad ng mga asawa ng mga mambabatas at miyembro ng diplomatic corps, sa live stream na lamang maaaring manood dahil hindi sila puwede sa mismong bulwagan. Magkakaroon ng kaukulang distansiya at required ang pagsusuot ng face masks para sa lahat ng dadalo.


Inaasahan nating marinig mula sa Pangulo ang mga plano ng pamahalaan sa pagtugon sa hamong kinakaharap natin dahil sa COVID-19 at kung ano ang mga hakbang na isasagawa para limitahan ang pinsala ng pandemyang ito sa ating mamamayan. Sama-sama tayong makinig sa pahayag tungkol sa estado ng ating bayan.


*** *** ***


May COVID-19 man o wala, esensiyal sa pangangalaga ng ating kalusugan ang ating mga dedikadong doktor. Higit na kahanga-hanga ang mga mangagamot na nagbibigay ng kanilang serbisyo nang libre para sa mga kababayan nating naghihikahos na nangangailangan ng atensiyong medikal.


Para bigyan ng insentibo ang pagseserbisyo nang libre, inihain natin ang Senate Bill No. 1715 o ang Physician Pro Bono Care Act para magkaroon ng tax credit na ibabawas sa kanilang gross income ang mga doktor na nagbibigay ng pro bono services sa mahihirap na pasyente. Sa pagkakaroon ng bawas sa kanilang babayarang buwis, mapapasalamatan at makikilala natin ang kagandahang-loob at pagsisilbi ng mga nanggagamot nang walang kapalit.


Sa ilalim ng panukalang-batas, aatasan ang Department of Health at ang Philippine Medical Association na magsagawa ng ebaluwasyon ng pro bono services na isinasagawa ng mga doktor. Kabilang dito ang bilang ng oras at ang uri ng gamutang isinasagawa.


Nakalulungkot na sa ating bansa, may isang doktor lamang para sa bawat 33,000 Pilipino. Napakalayo natin sa global average na isa sa bawat 6,600 na tao. Lalo ngayong may pandemya, kitang-kita natin ang kakulangan ng mga doktor sa ating mga ospital at pagamutan.


Naniniwala tayong makakahimok ang pagkakaroon ng insentibo sa buwis para magbigay ng libreng serbisyo ang ating mga doktor sa mga nangangailangan. Kahit na sa unang tingin, mukhang nababawasan ang pondo ng bayan dahil sa mas mababang buwis, mababawi naman ito sa matitipid sa health services.


Ito ang ating munting pasasalamat sa mga doktor na nangagamot nang walang bayad sa mga nangangailangan. Nawa’y dumami pa ang katulad ninyo sa ating bansa.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | July 20, 2020


Patuloy na tumataas ang bilang ng COVID-19 cases sa ating bansa. Maraming ospital, lalo na sa Metro Manila, ang nagdeklarang sagad na ang kanilang kapasidad sa pagtanggap ng mga pasyenteng may COVID-19. Samantala, nagbubukas ang mga tanggapan, industriya, at negosyo para buhayin ang ating ekonomiya. Kahit alam ng lahat ang panganib na kinakaharap sa paglabas ng tahanan, walang pagpipilian ang marami sa atin na nakaasa sa suweldo para sa kakainin araw-araw. Kahit maglakad pa ng kung ilang oras, ginagawa ng maraming manggagawa at empleyado, makarating lamang sa trabaho.


Kahit sa mga tanggapan ng gobyerno, may nadadale ang COVID-19. Naka-lockdown ang ilang kagawaran at opisina dahil sa mga nagpositibo. Kaya ang mga kababayan natin, nae-expose sa panganib sa pagpunta nang personal sa government offices.


Dahil dito, napapanahong gawin nating institusyonal ang e-governance. Ibig sabihin, magkakaroon ang ating pamahalaan ng magkakaugnay na online government system. Sa ganitong paraan, hindi na kailangang pumunta nang personal ang isang mamamayan sa opisina ng pamahalaan para makatanggap ng serbisyo nito. Lahat, online na, sa isinusulong nating Senate Bill No. 1683 o ang panukalang E-Government Act of 2020.


Sa ilalim ng ating panukalang-batas, madaling magagawa ng isang mamamayan ang paglalagak at pagtanggap ng personal claims at loans, pati na ang mga rekisito sa pagnenegosyo, sa pamamagitan ng isang epektibong at interkonektadong online system. Hindi na kailangang maglipat-lipat pa ng ahensiya para sa beripikasyon ng mga dokumento dahil agad na makikita ito online. Aminin, mga bes, hindi ba, malaking oras at pagod ang nasasayang kapag pinagpapasa-pasa pa sa ahensiya ng gobyerno ang papeles na puwede naman sanang makita na sa computer ng pamahalaan? Kung nagagawa sa ibang bansa, tiyak tayong kaya rin natin dito.


Ang maganda sa ganitong sistema, matatanggal natin ang red tape sa ating pamahalaan. Dahil online lahat, magiging bukas ang proseso sa lahat, isang mainam na panlaban sa korupsiyon. Maganda rin ito para sa ating senior citizens, persons with disabilities at maging mga buntis para hindi na nila kailangang umalis sa kaligtasan ng kanilang pamamahay para sa serbisyo ng gobyerno.


Ipatutupad ang interoperability o ang kakayahan ng pamahalaan at ng mga sangay nito na kumilos sa isang istandardisadong paraan sa ilalim ng panukalang batas natin. Masasagot ng gobyerno ang marami sa mga tanong ng mamamayan sa tulong ng mahusay na online support staff sa likod ng ekstensibo at laging napapanahong lista ng Frequently Asked Questions (FAQs).


Para sa mga permit at lisensiya, magsasagawa ng integrasyon ng lahat ng transaksiyong may kinalaman sa business registration. Ang resulta, bibilis ang proseso at matatanggal pa ang mga posibleng pagmulan ng korupsiyon. Lahat rin ng ahensiya ng pamahalaan, kailangang ang isang payment system lang para sa lahat.


Para maisagawa natin ito, kailangang magsimula tayo sa pagkakaroon ng mabilis at maaasahang internet connection sa ating bansa. Kailangan natin ang pagbutihin ang imprastruktura ng koneksiyon para maging posible ito.


Walang mas mainam na panahon na gawin ang digital transformation ng serbisyo ng gobyerno kundi ngayong may pandemya. Krusyal na makarating sa ating mamamayan ang serbisyo ng pamahalaan sa kaligtasan ng kanilang mga bahay at posible ito kung maisasabatas ang ating panukala.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | July 13, 2020


Kasabay na lumuha ng langit ang marami sa ating mga kababayan sa kinahantungan ng ABS-CBN. Sa botohan sa Committee on Legislative Franchises ng Kamara, 70 sa 85 kongresistang dumalo ang bumoto para hindi i-renew ang prangkisa ng nasabing television network. Dahil rito, hindi na muli makakaere ang nasabing channel.


Ikinalulungkot natin ang nasabing pangyayari sa maraming dahilan. Una, napakaraming kababayan natin ang umaasa sa nasabing network para sa kanilang kabuhayan.

Itinatayang mahigit sa 11,000 ang empleyado ng ABS-CBN. Sa panahong ito ng pandemya, nasabay pa ang trahedyang mawalan ng trabaho dahil sa pagsasara ng nasabing istasyon.


Milyun-milyon ring kababayan natin ang mawawalan ng kanilang inaasahan para sa impormasyon at libangan. Nasanay na ang marami nating kababayan na manood ng balita ng nasabing channel, lalo pa kung ito lang ang signal na abot sa kanila. Huwag nating kalimutan ang marami nating kababayan na inaabangan ang kanilang mga sinusubaybayang palabas para maaliw at makalimot sa kanilang problema sa buhay. Ang mga lolo at lola, mga ina, mga nagtatrabaho na ang pinaka-premyo na sa sarili ay manood ng teleserye sa pagtatapos ng Hindi perpektong organisasyon ang ABS-CBN at aminado sila sa kanilang mga pagkukulang. Ngunit, sa mga pagdinig ay isa-isa nilang sinagot ang mga isyu laban sa kanila. Pero mga bes, kung susumahin ang mga nagawa ng nasabing istasyon, maliwanag na mas matimbang ang kabutihang naihatid nila sa taumbayan. Malaki ang naiambag nila sa ating sambayanan.


Ang tama, at konstitusyunal, na tugon sana sa mga sinasabing dahilan para hindi ma-renew ang kanilang prangkisa ay bigyan ng pagkakataong ayusin ang sinasabing mga paglabag at pagkukulang nito. Tsansa itong ibinibigay naman talaga sa libo-libong aplikante, at hindi lamang sa nasabing network. Tsansa ito na bukod-tanging sa ABS-CBN lang hindi ibinigay.


Naniniwala tayong mas mainam na may media tayo na hindi perpekto kaysa sa isa na may busal sa bibig. Mas makabubuti sa sambayanan na may pagpipilian ng panggagalingan ng balita, lalo pa sa panahong ito na tila may banta sa malayang pamamahayag.


Bilang tagapangulo ng komiteng humahawak sa legislative franchises sa Senado, nababahala tayo sa napakataas ng pamantayan na itinatakda ng Kamara sa pag-apruba ng mga prangkisa. Maaaring makaapekto ito sa mga aktibong prangkisa. Kung ang mga paglabag o pagkukulang ay hindi puwedeng remedyuhan, tatanggalan na lang ba natin ng lisensiya ang lahat? Kung may masaling bang damdamin ng nanunungkulan, hindi na sila mabibigyan ng prangkisa? Ano ang epekto nito sa kalayaan sa pamamahayag kung ganu’n?


Sa panahong ito, binabalot ng takot ang mga nagtatrabaho sa nasabing network, kasama ang mga nakaasang pamilya sa kanila. Habang pinalalakas nila ang kanilang presensiya sa internet, sana’y magkaroon pa rin ng puwang ang mga empleyado nila. Hindi lang COVID-19 ang kinatatakutan ngayon, kundi ang magutom, mawalan ng bahay, hindi makapagpaaral ng mga anak, dahil sa kawalan ng trabaho. Sana’y mabigyan ng kaukulang suporta ang mga mawawalan ng kabuhayan dahil sa hindi pagbibigay ng panibagong prangkisa sa nasabing network.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page