top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | August 17, 2020



HELLO, mga bes! Nagsisimula na ang tag-ulan. Bagama’t nagbibigay ito ng ginhawa mula sa init, parusa ito sa mga kababayan nating kailangang pumasok sa trabaho pero walang masakyan dahil sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Sa panahon ng pandemya, lalong kita ang malawak ng agwat sa pagitan ng mahirap at mayaman dahil ang mga walang sasakyan ay napipilitang maglakad o mamisikleta para makapaghanapbuhay at may maipangtustos sa kanilang pamilya.

Isa sa kalunus-lunos na tanawin sa kalsada ay ang mga namamalimos na jeepney drivers. Nakadudurog ng puso na ang mga dating hari ng daan, ngayon ay pulubing naglalahad ng kanilang palad at lata. Sabi nga ni FPJ noong nabubuhay pa siya, iba ang pagpapakumbabang kailangan para manghingi dahil walang-wala na, na siyang kaso ng ating jeepney drivers sa kasalukuyan.

Imagine, mga bes, mula nang nag-lockdown noong Marso, ang jeepney drivers natin lalo na sa Kamaynilaan ay hindi nakapapasada. Wala silang maipambubuhay sa kanilang pamilya. Isama pa rito ang agam-agam nila sa jeepney phaseout na pambihira namang isinasabay pa sa pandemya.

Noong nakaraang linggo, nagpamahagi tayo ng isang libong relief packs para sa ating jeepney drivers sa pamamagitan ng ilang organisasyon. Kaunti man ito, tulong pa rin sa maaabot nito. Nagsagawa rin tayo ng konsultasyon na dinaluhan ng transport leaders para pakinggan ang kanilang sitwasyon at mag-isip ng solusyon sa kawalan nila ng kabuhayan sa ngayon.

Isa sa mga napag-usapan natin ay ang posibilidad ng pakikipagtulungan ng mga jeepney organization sa mga pribadong kumpanya na nangangailangan ng serbisyo para sa delivery. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng pagkakakitaan ang ating jeepney drivers bukod sa pamamasada. Kung tutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan ang mga nasabing organisasyon, malaking tulong ito sa makapapasok na tsuper.

Bagama’t pinayagan ang operasyon ng modernong jeep, hindi sapat ang bilang ng mga ito para serbisyuhan ang ating mga pasahero. Sa 1,500 na modern jeepneys sa buong bansa, gaano lang ang kapasidad nito dahil sa social distancing measures. Hindi kayang tugunan ng limitadong bilang ng yunit ang pangangailangan ng mga empleyadong nakikipagsapalaran para kumita.

Hindi pa natin tanaw ang dulo ng pandemyang ito. Mahaba pa ang pagdadaanan natin bilang isang bansa. Sa ngayon, kailangan nating maging malikhain sa paghahanap ng solusyon sa problema ng kawalan ng pagkakakitaan ng ating mga kababayan, tulad ng ating jeepney drivers. Mga tao silang marangal na naghahanapbuhay bago binawian ng pandemya ng pagkakakitaan. Tulungan natin sila.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | August 10, 2020


Hello, mga bes! Balik-Modified Enhanced Community Quarantine ang Metro Manila at ang mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal mula Agosto 4 hanggang 18. Ilang araw lamang mula nang ilabas ng Pangulo ang naunang klasipikasyon na General Community Quarantine ang Maynila at ang iba pang lugar, binawi ito at itinakda ang agad-agad na implementasyon ng MECQ sa nasabing mga lugar.


Ang nasabing deklarasyon ay bunsod ng tumataas na bilang ng COVID-19 cases sa nasabing mga lugar at sa panawagan ng ating medical frontliners na hindi napapahinga dahil sa dami ng pasyenteng kanilang dinadaluhan araw-araw. Wala na rin espasyo para sa COVID-19 patients sa pangunahing mga ospital.


Ulit-ulit man, ipinapaalala natin sa ating mga kababayan na magsagawa ng ibayong pag-iingat sa panahong ito. Sumunod tayo sa mga panuntunan ng pamahalaan sa social distancing, kalinisan, at hindi paglabas ng bahay kung hindi naman kailangang-kailangan. Walang higit na makapangangalaga sa ating mga pamilya kung hindi tayo mismo.

Keep safe, mga bes!


***


Sa gitna ng pandemya, lumalabas ang isang napakabigat na suliranin ng ating bansa: Ang malawakang korupsiyon sa PhilHealth.


Nang ilabas ang mga datos, kitang-kita ang pagpapasobra sa presyo na ginawa ng PhilHealth nang itabi ito sa presyo na nirekomenda ng Department of Information and Communications Technology (DICT). Hindi na ito overpricing, kundi over-overpricing.

Mantakin ninyo, ang Adobe Master Software Collection Software na P168,000 lang ang rekomendadong presyo ng DICT, P21-M sa PhilHealth. Ang Application Services and Licenses, P25-M sa DICT, P40-M ang aprubadong budget. Ang Office Productivity Software, P5-M ang sa DICT, P21-M naman ang sa PhilHealth. Aba, garapalan ang pagpapasobra ng halaga!


Ang masakit pa, ang pondong ito ay mula sa pinaghihirapan ng ating mga kababayan.

Kinakaltas ang PhilHealth premium mula sa mga empleyado kabilang ang manggagawang maliliit ang sahod, tapos ay hindi naman sa pagseserbisyo sa kanila napupunta.


Sa pagdinig ng Senado sa usaping ito, inilabas natin ang hinaing ng mga ospital na marami ang hindi pa nakatatanggap ng reimbursement para sa COVID-19 treatments ng mga pasyente. Lumalabas din ang preferential treatment sa ilang ospital na pinapaboran ng PhilHealth.


Hinamon natin si PhilHealth President General Ricardo Morales na ihayag ang kanyang plano para linisin ang kanyang ahensiya at wala siyang mailatag na kongkretong hakbang kaya tayo dismayado. Inilagay siya ng Pangulo sa kanyang posisyon para sugpuin ang korupsiyon doon, pero hindi lang tayo nganga, dahil tumindi pa ang kagarapalan ng mga tao.


Sa panahon ng krisis pangkalusugan, marami sa ating mga kababayan ang nakaasa sa PhilHealth. Marami ngayon ang may agam-agam: Paano na sila gayong wala silang pribadong health insurance? Hindi natin titigilan ang pagtutok sa usaping ito. Hindi lamang pera ng sambayanan ang nakasalalay rito kundi buhay ng napakaraming Pilipinong nakaasa sa PhilHealth para sa kanilang kaligtasan at kalusugan.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | August 3, 2020


Hello, mga bes! Sa inilabas na klasipikasyon ng Malacañang, nananatiling nasa General Community Quarantine ang Metro Manila mula Agosto 1-15, 2020, kasama ang Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna sa Luzon; Lapu-lapu City, Mandaue City, Talisay City, Minglanilla, at Consolacion sa Visayas; at Zamboanga City para sa Mindanao. Samantala, ang buong bansa ay inilagay sa Modified General Community Quarantine.


Hati ang sambayanan sa sentimiyento tungkol sa klasipikasyong ito. Nananawagan ang mga health workers sa Metro Manila na ibalik ang National Capital Region sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ng kahit dalawang linggo dahil pagod na pagod na sila at wala nang espasyo sa ating mga ospital.


Sa kabilang banda, naghihingalo ang ating ekonomiya at maraming mga kababayan natin ang nangangailangan ng kita mula sa trabaho at negosyo. Ang jeepney drivers natin, sinasabing hindi man sila mamatay sa COVID-19, mamamatay naman sila sa gutom.


Nais nating ipaalala sa ating mga kababayan na anuman ang klasipikasyon natin, maging GCQ, MGCQ o ECQ, iisa ang ibig sabihin nito: may mapanganib na virus sa ating kapaligiran at kailangan nating mag-ingat. Sundin natin ang mga panuntunang ibinababa ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 at ng ating mga lokal na pamahalaan alang-alang sa kaligtasan nating lahat.


Mahaba pa ang laban sa COVID-19. Habang wala pang bakuna laban rito, pag-iingat ang panlaban natin sa karamdamang ito.


Be safe, mga bes!


***


Dahil marami sa ating mga kababayan ang work from home at marami sa ating mga estudyante ang mag-aaral online, nakikita natin ang kahalagahan ng mabilis at episyenteng internet service sa ating bansa. Hindi na libangan lang ang internet ngayon kundi isang mahalagang pangangailangan sa panahon ng pandemya.


Para masolusyonan ang problema ng mabagal na internet sa ating bansa, dati na nating iminungkahi ang pagtutuon ng pansin sa imprastruktura ng telekomunikasyon sa ating bansa. Mahalagang tukuyin kung ilan ba talaga ang ating cell sites.


Kaya lang, lumalabas ngayon, hindi tugma ang datos ng National Telecommunications Commission (NTC), Department of Information and Communications Technology (DICT) at ng telecom companies hinggil sa cell sites sa kasalukuyan. Kung hindi natin ito makuha ng tama, ano ang magiging matibay na batayan para pabilisin ang pagtatayo ng cell towers para sa pabutihin ang connectivity natin?


Tinatawag natin ang atensiyon ng NTC at ng DICT rito para alisin ang mga posibleng balakid sa pagtatayo ng cell towers na sinasabi ng ating telcos na kailangan para maiayos nila ang kanilang serbisyo. Kung walang imprastruktura, hindi maihahatid ang mabilis na internet sa bawat bahay sa bawat bayan sa buong bansa.


Ngayong panahon ng pandemya, marami sa atin ang nakaasa sa internet para sa paghahanapbuhay, pag-aaral at komunikasyon. Higit kailanman, ngayon natin kailangan ng mabilis na aksiyon sa usaping ito.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page