top of page
Search

ni Grace Poe - @Poesible | February 23, 2021



Gawa ng panahon, marami ang nakakakuha ng karamdaman na dati-rati ay pinagwawalang-bahala lamang natin. Ngayon, kapag nagka-sipon, ubo, sore throat, o sinat, grabe na ang pag-aalala. Nand’yan na ang agam-agam na baka nakakuha na ng COVID-19 at naiuwi ito sa pamilya o naikalat sa trabaho. Ngayon, ‘pag may bumahing o umubo, ang bilis lumayo ng mga tao. Kaya palagi nating pinaaalalahanan ang ating mga kababayan na palakasin ang immune system para may panlaban sa sakit.


Napakahirap ng sitwasyon ng ating bansa sa kasalukuyan. Gusto nating maging ligtas ang mamamayan kaya nagtakda ng quarantine ang pamahalaan. Gayunman, naghihingalo ang ating ekonomiya, kaya kailangang magluwag kahit pa mayroon pa ring virus. Sa pagitan ng kaligtasan ng tao at ng ekonomiya, tila naiipit ang nagpapatakbo ng ating bansa dahil kapwa mahalaga.


Naniniwala tayong ang pagbubukas ng ekonomiya ay kinakailangang sabayan ng malakas na programa ng pagbabakuna sa ating bansa. Habang hinihintay natin ang pagdating ng mga bakuna, dapat naghahanda na ang mga ahensiya ng pamahalaan na magpapatupad nito. Kabilang ang paghahanda ng mga ospital at piling vaccination sites, pagsasanay sa mga taong tatao rito, at ang pagsusuri sa master list ng mga sektor at ng mga taong dapat bigyang-prayoridad na makatanggap ng unang turok.


Sakaling aprubahan ng Pangulo ang rekomendasyon ng Interagency Task Force on Emerging Infectious Diseases na ilagay na ang Metro Manila sa Modified General Community Quarantine, tingnan na rin dapat ang pagluluwag sa transportasyon. Kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya, naniniwala tayong dapat na ring dagdagan ang mga pampasaherong sasakyan sa ating kalsada at dagdagan ang kapasidad ng mga pasahero, habang malay pa rin sa ipinatutupad na health protocols. Para ito makabawi naman sa kita ang mga tsuper na nagpipilit maghanapbuhay. Pataas ang presyo ng krudo at gasolina, tapos limitado pa ang bilang ng pasahero. Hirap din ang mga pumapasok sa trabaho dahil kaunti lang ang puwede nilang sakyan.


Ang pagliligtas ng buhay at ang paglimita sa pinsala sa ating ekonomiya ay nangangailangan ng maingat na pagbalanse, bagay na patuloy nating babantayan at isusulong habang kinahaharap natin ang pandemyang ito.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | February 15, 2021



Hello, mga bes! Kumusta kayo at ang inyong mga mahal sa buhay? Sana’y naramdaman pa rin ninyo ang ispiritu ng Araw ng mga Puso kahit may pandemya tayo. Wala naman sa garbo ng regalo o bulaklak `yan kung hindi nasa kadalisayan ng pagmamahal. Dagdag-kilig na lamang kung may handog ang ating minamahal.


Nagpahayag kailan lamang ang Malacañang ng atas nito sa Land Transportation Office (LTO) na suspendihin ang inspection fees sa Private Motor Vehicle Inspection System (PMVIS) ng mga sasakyang kailangang magparehistro. Matapos itong magpatawag ng pagdinig ng Committee on Public Services ng Senado, sa pangangalampag na rin ng ating concerned citizens, sa usaping ito. Natutuwa tayong nakuha natin ang atensiyon ng Palasyo para pakinggan ang hinaing ng ating mamamayang maaapektuhan ng karagdagang gastos na ito.


Kaugnay nito, patuloy tayong nananawagan sa pamunuan ng Department of Transportation na suspendihin ang implementasyon ng kanilang issuances hinggil sa privatized MVIS hanggang hindi pa nakapagsasagawa ng maigting na pagsusuri at konsultasyon sa mga apektadong sektor. Dahil magpapataw ito ng singil sa ating mga motorista, kailangang bigyan ito ng buong konsiderasyon. Mismong issuance ng DoTr tungkol rito, nagsasaad na magsasagawa ng pampublikong konsultasyon bago ipatupad ang PMVIS inspection at magpataw ng inspection fees.


Naniniwala tayo sa layuning gawing roadworthy o karapat-dapat na tunakbo sa kalsada ang ating mga sasakyan. Suportado natin ang pagkakaroon ng mga ligtas na sasakyan para sa ating mamamayan. Gayunman, maisasagawa ito sa makatuwirang paraan na hindi naman magiging pabigat sa publiko. Kailangang sundin ang proseso para matiyak na hindi ninenegosyo at pinagkakakitaan lamang ang PMVIS na magpapayaman sa iilan pero magpapahirap sa taumbayan.


Ito ang isa sa mga pagkakataong nagbubunga ang pangangalampag para magkaroon ng pagbabago. Hindi natin dapat tanggapin lang kung mali ang ipinatutupad ng pamahalaan. Kailangan nating makisangkot kapag may hinaing tayo, kung may karapatan tayong natatapakan, kung mayroong nalalamangan. Ito ang esensiya ng demokrasya, ang maging bahagi ang tinig ng taumbayan sa mga polisiya at batas na makaaapekto sa kanila.

 
 

ni Grace Poe - @Poesible | February 8, 2021



Isang taon na nating kinahaharap ang coronavirus at wala pa tayong natatanaw na wakas sa pandemyang ito. Bagama’t nagkakaroon tayo ng pag-asa dahil may nagawa nang bakuna, wala pa rin tayong katiyakan kung kailan ba makararating ito sa ating bansa at kung kailan makatatanggap ang mamamayan. Nariyan rin ang agam-agam dala ng patuloy na mutasyon ng virus. Dahil dito, patuloy na pag-iingat ang inirerekomenda para sa ating kaligtasan.


Isa sa mga natutunan na nating gawin ay ang pagsusuot ng face masks. Nakita sa mga pag-aaral na epektibo ito sa pagpapababa ng transmisyon ng impeksiyon kaya hinihikayat tayong patuloy na gawin ito. Ang tamang pagsusuot ng face mask, na nakatatakip sa bibig at ilong ay inirerekomenda ng mga awtoridad kapag lumalabas ng bahay.


Bagama’t naniniwala tayo sa pagsusuot ng face masks sa labas ng bahay, hiningi natin sa Inter Agency Task Force (IATF) on COVID-19 na bigyan ng rekonsiderasyon ang direktiba nito na kailangang magsuot ng face mask sa loob ng pribadong sasakyan kahit pa mula sa iisang bahay ang mga pasahero. Kung galing sa iisang tirahan ang laman ng sasakyan, ekstensiyon na lamang ng kanilang bahay ang sasakyan. Kalabisan na ang pagsusuot ng face mask dahil sila-sila rin naman ang magkakasama sa bahay.


Kasama ito sa mga usaping tatalakayin sa pagdinig na ating ipinatawag bilang tagapangulo ng Committee on Public Services ng isang pagdinig sa Martes tungkol sa Private Motor Vehicle Inspection Centers at sa child seat law. Katuwang rin natin dito ang Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.


Tatalakayin natin sa nasabing pagdinig ang mga isyung kaugnay ng PMVICs. Bagama’t maganda ang intensiyon ng batas, mahirap sa panahong ito na magdagdag ng gastos para sa mga motorista lalo pa at pandemya.


Ganito rin ang ating sentimiyento sa Child Seat Law. Naniniwala tayong kailangan natin ito para sa kaligtasan ng ating mga bata, pero hindi tamang ngayon natin simulan ang implementasyon nito kung kailan marami sa mga kababayan natin ang nakakaranas ng kagipitang pinansiyal dahil sa pandemya. Isa pa, ni hindi nga pinapayagang makalabas ang mga bata kaya hindi kailangang madaliin ang pagpapatupad nito.


Sa panahong ito, binabalanse natin ang kaligtasan at praktikalidad. Ang mga batas, gaano kaganda man ang intensyon, hindi dapat makadagdag sa paghihirap ng taumbayang nais nating paglingkuran.


Maaari ninyong mapanood ang ating pagdinig sa ating Facebook page (Grace Poe) at sa website ng Senate of the Philippines.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page