top of page
Search

ni Gerard Peter - @Sports | March 23, 2021



ree

Malinaw sa isipan at damdamin ni International Boxing Federation (IBF) junior bantamweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas ang kahalagahan ng ika-9th title defense niya laban kay No.3 contender Jonathan Javier “Titan” Rodriguez dahil magsisilbi itong daan upang makakuha ng malalaking laban at tsansang mai-unify ang titulo sa mga bigating pangalan sa kanilang dibisyon.


Sa paglipat ni Ancajas (32-1-2, 22KOs) sa bagong promoter na Premier Boxing Champions (PBC) ni Al Haymon, kasunod ng pamamaalam sa Top Rank Promotions ni Bob Arum, paniguradong magiging tuloy-tuloy na ang pag-arangkada ng karera na matagal ding nabantilaw dulot ng COVID-19 pandemic.


Nakatakdang sumabak ang 29-anyos mula Panabo, Davao del Norte kay Rodriguez (22-1, 16KOs) bilang undercard match ng tapatang Jaron Ennis at Sergey Lipinets para sa WBO welterweight title sa Abril 10 na telecast ng Showtime boxing sa Mohegun Sun Arena sa Uncasville, Connecticut, U.S.A. “Kaya po itong laban na ito ay focus ako. Dahil ito yung susi na makalaban ako sa unification na may mga pangalan na kaya pag-iigihan at ibubuhos ko ang lahat ng ginawa namin sa training, lalo na’t matagal na walang laban. Excited na ako sa next fight ko,” pahayag ni Ancajas, Lunes ng umaga sa ginanap na virtual press-conference kasama sina MP Promotions President Sean Gibbons, head trainer Joven Jimenez at undefeated Filipino boxer Mark Magsayo na nakatakda ring lumaban sa naturang event.


Bagamat mahigit isang taon ding naghintay na muling makalaban sa ibabaw ng boxing ring ang dating Palarong Pambansa champion, hindi alintana rito ang matagal na pagiging bakante dahil sana’y na umano ito sa mga ganitong sitwasyon, dahil hindi naman nagpapabaya sa patuloy na pangongondisyon ng katawan at isipan. Ang mahalaga umano ay maipagpatuloy na mapanatili ang kanyang korona ng matagal na panahon.


"Hindi na bago sa akin ang paghihintay sa laban. Pagkuha ko ng belt ganito rin yung nangyari,” wika ni Ancajas hinggil sa matagal na nasundang laban matapos ang panalo kay McJoe Arroyo ng Puerto Rico noong 2016. “Hindi ko iniisip na walang laban. Kaya si Lord talaga ang nagpaplano ng lahat ng ito, basta focus lang kailan maibigay yung laban,” dagdag ni Ancajas, na suportado ng Big Boss Cement ni Eng. Gilbert Cruz at SVP Administration Dr. Ishmael Ordonez.




 
 

ni Gerard Peter - @Sports | March 23, 2021



ree

Sinipa ni dating two-time Southeast Asian Games medalist Orencio James “OJ” De Los Santos ang kanyang ika-10 gintong medalya sa 2021, habang muling nangningning ang teen rising sensation na si Fatima A-Isha Lim Hamsain sa pagbulsa ng dalawang titulo sa 2nd Leg ng E-Karate World Series.


Dinaig ng 31-anyos na dating national team member ang kanyang masugid na katunggaling si Silvo Cerone Biagioni ng Fourways Martial Arts Academy ng South Africa sa Shotokan e-kata Individual Male Seniors championship match, ngunit bago rito ay tinalo niya si Matias Moreno Domont ng Karate-Do Biel-Bienne ng Switzerland sa semifinal round. “I’m very happy winning my 10th gold medal; I really plan to continue the streak and maintain the no. 1 spot. Not only that,” pahayag ni De Los Santos sa panayam ng Bulgar Sports sa online messaging.


Ito na ang ika-46na titulo ng 8-time national games champion kasunod ng panalo sa #2 Katana Intercontinental league Paris, 2nd leg ng Sportsdata e-tournament World series, Adidas US Karate Open E-Tournament noong isang buwan, habang nanalo rin ito ng gintong medalya sa Athlete’s E-Tournament Series #1, at Budva Winner-Aria Cup #1 eTournament, habang nakuha nito ang pinakamataas na puntos sa online-virtual competition sa 1st leg ng Katana International League.


Bumanat din ng kambal na gintong medalya ang 14-anyos mula Senator Renato Cayetano Memorial Science and Technology High School nang magwagi ito ng gold medal sa Shotokan e-kata individual female U-16 laban kay Maria Anna Pappa ng Greece sa iskor na 23.7-23 sa final round.


Sunod na kinubra nito ang panalo sa Shotokan e-kata individual female U-18 laban kay Lea Gomolka ng Germany sa 23.4-23, ngunit bago ito ay ang laban kay Maria Eleni Statelli ng Greece via 23.5-23.2 sa semifinal round.

 
 

ni Gerard Peter - @Sports | March 22, 2021



ree

Magbabalik laban ang dalawa sa miyembro ng Team Lakay sa magkahiwalay na event ng ONE Championship sa susunod na buwan.


Susubukang putulin ni dating two-time ONE Lightweight champion Eduard “Landslide” Folayang (22-10, 6KOs, 2Subs) ang two-fight losing skid laban kay dating 2006 K-1 HERO’s Light Heavyweight Grand Prix champion at 2002 Busan Asian Games men’s under-81kgs judo gold medalist Yoshihiro “Sexyama” Akiyama (15-7-2, 6KOs, 7Subs) ng Japan sa Abril 29 sa ONE on TNT IV.


Matatantya naman ang tibay at tatag ni Filipino rising star Lito “Thunder” Adiwang (12-3, 7KOs, 4Subs) kay dating House of Fame flyweight champion at dating UFC fighter Jarred “The Monkey God” Brooks (16-2-1, 2KOs, 6Subs) ng Estados Unidos sa undercard match ng ONE on TNT II sa Abril 15.


Pursigido ang 36-anyos na dating three-time Southeast Asian Games Sanda, Wushu gold medalist na muling makabalik sa winning form kasunod ng kambal na pagkatalo noong isang taon kina Pieter “The Archangel” Buist ng The Netherlands via 3rd round split decision noong Enero 31 sa ONE: Fire and Fury at kay Antonio “The Spartan” Caruso ng Australia sa pamamagitan ng unanimous decision noong Oktubre 30 sa ONE: Inside The Matrix. Hindi pa nakakaranas ng tatlong sunod na pagkatalo ang dating Universal Reality Combat Champion (URCC) welterweight champion sa kanyang karera sa mixed-martial arts.


Sapol ng makuha ng 2005 Wushu World Championship bronze medalist ang kanyang ikalawang hawak sa lightweight title noong Nobyembre 23, 2018 laban kay Amir Khan sa ONE: Conquest of Champions sa Mall of Asia Arena sa Pilipinas, apat sa limang laban nito ay nagmula sa pagkatalo, kabilang ang pagkawala ng titulo kay Japanese Shinya “Tobikan Judan” Aoki nung Marso 31, 2019 sa pamamagitan ng arm-triangle choke at sinundan ng isa pang submission na rear-naked choke kay dating UFC lightweight titlist Eddie “The Underdog King” Alvarez sa ONE: Dawn of Heroes noong Agosto 2, 2019 sa bansa. Tanging ang panalo lamang nito ay nanggaling kay Amarsanaa Tsogookhuu ng Mongolia dahil sa Technical Decision sa Masters of Fate nung Nobyembre 8, 2019.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page