ni Gerard Arce @Sports News | August 4, 2025
Photo: Napasigaw si Jia de Guzman sa harap ni Angel Canino nang magwagi ang Alas Women laban sa Indonesia kahapon. (pilipinaslivefbpix)
Nagpakawala ng matitinding banat si dating UAAP rookie/MVP Angel Anne Canino upang ipamalas ng Alas Pilipinas women’s national team ang dominasyon kontra Indonesia sa bisa ng 25-20, 25-20, 16-25, 25-13, kahapon, upang masiguro ang bronze medal sa first leg ng 2025 Southeast Asia V.League na ginanap sa Terminal 21, Korat sa Nakhon Ratchasima kahapon.
Nakabangon mula sa dalawang sunod na pagkatalo kontra finalist Thailand at Vietnam noong Biyernes ng gabi at Sabado ng hapon upang makuha ng Pilipinas ang ikalimang third place finish sa liga na nagsimula noong 2019. Nakabawi ang Pilipinas sa fourth place finish sa nagdaang 2025 VTV International Cup matapos talunin ng Chinese Taipei sa battle-for-third.
Bumanat ng game-high 23 puntos ang DLSU Lady Spiker outside spiker mula sa 18 atake at 5 blocks kaakibat ang dalawang errors. Naging katambal nito sa iskoring si dating Finals MVP mula NU Lady Bulldogs Alyssa Solomon sa 19 puntos mula sa 14 kills.
Bumira rin si dating UAAP MVP Eya Laure ng 12 puntos mula lahat sa atake at Fifi Sharma sa 11 puntos galing sa 6 na atake at 3 aces habang nag-ambag din sina middle blocker Dell Palomata ng 8 puntos galing sa atake at ace playmaker at team captain Julia De Guzman sa 5 puntos.
Bagaman lamang sa atake ang Indonesia sa first set ay naging mabisa ang net defense ng Alas, kaakibat ang 6 na errors ng Indonesia sa loob ng 28 minuto. Nakatakdang ganapin ang second leg sa Biyernes hanggang Linggo, Agosto 8-10, sa Ninh Binh Gymnasium sa Ninh Binh, Vietnam sa torneong kaakibat ng Asian Volleyball Confederation (AVC).










