top of page
Search

ni Gerard Arce @Sports News | August 20, 2025



Llover at Ngxeke

Photo: Circulated image / Interview via Bulgar


Hindi  gagawing madali ni Filipino rising star Kenneth "The Lover Boy" Llover ang kanyang misyon na makamit ang inaasam na world title fight matapos ang kumbinsidong eight-round referee stoppage fight kay dating two-division champion Luis “El Nica” Concepcion ng Panama noong Linggo upang maagang makabalik sa ensayo bilang paghahanda sa world title eliminator sa Oktubre 26 sa Kyrgyzstan.


Paghahandaang maigi ng kampo ng undefeated Pinoy boxer ang makakaharap na si South African Landile “Mandown” Ngxeke, na napagwagian ang parehong bakanteng International Boxing Federation (IBF) International at World Boxing Organization (WBO) Inter-Continental Bantamweight belt kontra Eric “Pitbull” Gamboa ng Mexico sa bisa ng 10-round unanimous decision noong Hunyo 29 sa  South Africa. “Paghahandaan ko, mas pagte-trainingin ko pa, kumbaga sa 100% lalampasan ko pa,” pahayag ni Llover sa post-fight interview vs. Concepcion.


Ang kailangan ko pang-iimprove dito is 'yung skills ko pa sa pakikipagsuntukan, then 'yung adjustments, nagawa ko na naman, hindi ako nagmadali, timing then, (pero) ang sure na sure kong tatama sa kanya 'yung straight ko, 'yung kaliwa ko kase talagang ‘di rin siya gumagalaw eh, kaya abangan na lang nila sa October 'yung laban ko,” dagdag ng reigning Orient and Pacific Boxing Federation (OPBF) 118-lbs champion. 


Aminado maging si dating two-division World champion at GerryPens Promotions head Gerry “Fearless” Penalosa na may mga dapat pang hasain sa mga kakayanan ng price-fighter bago muling isalang sa susunod na laban ang 25-anyos na tubong General Trias, Cavite. 


Imperfect, siyempre may mga kulang pa, although needed, pero nu'ng nakita ko nu'ng tumama siya ng mga early rounds, at least dalawa, pero, siguro nag-iingat rin siya, palaban 'yung ano eh at alam niyang beterano kaya’t hindi agad-agad. So, but still, it’s a good experience na ipinakita niya na ready siya sa mga ganung level. So, I’m proud at masaya ako dun,” eksplika ni Penalosa sa harap ng mga manunulat kasama ang Bulgar na nagkober ng laban.

 
 

ni Gerard Arce @Sports News | August 18, 2025



Kenneth Llover kontra El Nica ng Panama - Gerrypens Promotions

Photo: Kenneth Llover kontra El Nica ng Panama - Gerrypens Promotions


Nagpaulan ng sandamakmak na upak si Filipino rising star Kenneth "The Lover" Llover sa iba't ibang kombinasyon upang tuluyang masaktuhan ng banat si Panamanian boxer Luis "El Nica" Concepcion sa eight-round technical knockout, kagabi sa Mano-a-Mano main event bout ng 10-round non-title match sa Winford Hotel Resort and Casino sa Maynila. 


Napilitang pigilan ni referee Carlo Baluyot ang laban sa 2:27 ng eight round matapos masapol ng sangkaterbang kumbinasyon kabilang ang matinding body shots na nagpaluwag lalo sa depensa ni Concepcion.


"Masasabi kong ilang beses na akong bumitaw ng suntok pero napakatibay ng kalaban," pahayag ni Llover matapos ang laban na aminadong hindi nais madaliin ang panalo mula sa payo ni GerryPens Promotions head Gerry Penalosa at ng kanilang coaching staff. "Masasabi ko na 'wag magmamadali na makuha 'yung knockout kase 'di basta-basta makukuha iyon sa first round kaya kalmado lang ako sa laban." 


Dulot ng matagumpay na panalo ay sunod na puntirya nitong makatapat si South African Landi Ngxeke sa Oktubre 26 para sa isang world title eliminator sa International Boxing Federation (IBF) 118-pound division. Nagsilbing acid test ang laban ng 25-anyos na fighting pride ng General Trias, Cavite kontra sa dating two-division world champion na determinadong makaakyat sa world title fight sa ilalim ng pangangalaga ni Penalosa

at Kameda Promotions.  


Maagang nakabitaw ng banat si Llover mula sa kombinasyon sa katawan at ulo para masubukan kaagad ang katatagan ng katawan ng Panamanian boxer sa unang round. Natagpuan naman ni Llover ang magkasunod na knockdown sa second at third round, kasunod ng walang habas na kombinasyon.  


Mula sa panalo ay umangat sa 15 wins at 10 knockouts ang kartada ni Llover, habang bumagsak sa 40-12 (win-loss) rekord kasama ang 29 KOs si Concepcion na nalasap ang ikatlong sunod na pagkatalo.


 
 

ni Gerard Arce @Sports News | August 18, 2025



PLDT vs Cherry Tiggo - PVL On Tour

Photo: PLDT High Speed Hitters vs Chery Tiggo - PVL



Dumayal at kumonekta ng kampeonato ang PLDT High Speed Hitters at naging perpekto ang kanilang laro sa PVL on Tour nang gibain ang Chery Tiggo Crossovers sa winner-take-all Finals kagabi.


Nakuha ng PLDT ang gold medal habang silver sa Crossovers sa bisa ng 5th sets finished, 25-17, 25-17, 19-25, 24-26 at 15-8 sa 3-2. 





Samantala, naihanay ng winningest volleyball club na Creamline Cool Smashers ang ika-apat na bronze medal sa mahabang kasaysayan sa liga matapos walisin ang Cignal HD Spikers sa bisa ng 25-17, 29-27, 25-17 kahapon sa battle-for-bronze sa Premier Volleyball League (PVL) On Tour sa MOA Arena sa Pasay City kahapon. 


Pambihirang scoring ang ipinamalas ng beteranong spiker na si Michele Gumabao ng humataw ito ng game-high 21 puntos mula sa 16-of-39 atake, kasama ang 3 blocks at 2 aces upang manatiling nakasampa sa podium finish kasunod ng dibdibang semifinal bout kontra first-time finalist PLDT High Speed Hitters. 


"Ibibigay na lang talaga lahat, last game for this match and support lang, pero ako 'di ko iniisip talaga 'yun. We wanted to finish the game on a high note na panalo kami, 'yun lang talaga ang focus kanina for today," pahayag ni Gumabao sa post-press conference kasama sina coach Sherwin Meneses at Alyssa Valdez. 


Sumegunda sa scoring si Jema Galanza sa 13 marka mula sa 12-of-37 kills, kaakibat ang 8 excellent digs at 7 excellent receptions, habang bumanat din si Valdez ng 12 puntos kabilang ang impresibong 4 blocks at 7 excellent receptions. 


"We're looking back I think we have so many lapses and thankfully very specific 'yung mga instructions ni coach, hanggang ngayon kaya maganda 'yung mga improvements ng takbo ng bawat isa towards the latter part of the On Tour. More than ever mayroong kaunting gigil din kami para makabawi kasama na 'yung lahat kaya siguro nakakuha kami ng panalo," paliwanag ng 3-time league MVP na si Valdez patungkol sa pambawing panalo ng koponan.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page