ni GA @Sports | September 12, 2023
Nagbalik sa koponan ng Petro Gazz Angels si dating College of Saint Benilde Lady Blazers player Ranya Musa matapos ang ilang season sa ibang koponan sa Premier Volleyball League (PVL) upang tulungan ang koponan na selyuhan ang depensa sa panibagong yugto ng All-Filipino Conference sa Oktubre.
Minsang naglAro ng 2 taon sa Angels simula 2017 hanggang 2019 ang 5-foot-9 defender bago lumipat sa Cignal HD Spikers at sa nagdaang Invitational Conference sa Quezon City Gerflor Defenders ay nagsilbi bilang middle blocker.
Muli niyang makakasama sa Angels ang dating kasangga sa Lady Blazers na si Djanel Cheng, na nakatulong para sa kampeonato ng 1991 National Collegiate Athletic Association (NCAA) women’s volleyball tournament. “Back to refuel with Gazz. We are so glad to have you back,” saad sa Instagram account ng koponan.
Si Musa ang ikalawang tinapik ng Petro Gazz matapos kunin ang serbisyo ng isa namang floor defender na si Babylove Barbon galing ng Foton Tornadoes sa nagdaang komperensiya, habang gagabayan ang koponan ng bagong coach na si Timmy Sto. Tomas na humalili kay coach Oliver Almadro.
“I would like to thank the Petro Gazz management for giving me the chance to lead this team. Being able to the Petro Gazz Angels is both an opportunity and a responsibility," pahayag ni coach Sto. Tomas.
Nakahandang pagsumikapan at pagtrabahuhan ng Angels ang pagbabalik ng All-Filipino format lalo pa’t lumalakas ang bawat koponan, kasunod ng runner-up finish sa nagdaang All-Filipino Conference kontra Creamline Cool Smashers. Tutulong sina Musa at Barbon sa mga beteranong sina Cheng, 3-time NCAA season MVP Gretchel Soltones, Aiza Pontillas, Jonah Sabete at Mary Joy Palma.