top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 4, 2024



Fr. Robert Reyes

Umulan man o umaraw, lagi siyang dumarating bago mag-ika-7 ng umaga. Hindi siya maaaring mahuli para sa misa. Naroroon na siya sa isang sulok ng sakristiya, suot na ang kanyang sutana, handang-handa nang maglingkod sa Eukaristiya ng ating Panginoon. 


Darating akong sinasalubong ng kanyang inosenteng ngiti, itong batang si Renz na tama lang na ang Inocencio ang apelyido. 


“Renz Inocencio, magandang umaga!” malugod na bati natin sa kanya. “Good morning po,” sagot ng bata. “Dasalin na natin ang panalangin bago maglingkod sa misa,” tugon naman sa kanya. 


Kasunod noon, marahan kaming tutungo sa likod ng altar at maghihintay ng hudyat. At kasabay ng pagkanta ng pambungad na awit, tutuloy sa altar, magge-genuflect sa tabernakulo, hahalik sa altar at tutungo sa ambo, samantalang tutungo naman si Renz sa upuan ng mga sakristan sa ibaba.


Aakyat na si Renz sa altar pagkaraan ng unang bahagi ng misa, ng Liturhiya ng Salita para sa Liturhiya ng Eukaristiya. At mula noon hanggang katapusan ng misa, pabiro nating laging ikinukuwento, hindi na sa pari kundi kay Renz na ang tingin ng lahat ng mga nagsisimba. Bakit? Pari man ang namumuno sa misa, kakaiba ang dating ng batang nakangiti at tila tuwang-tuwa sa kanyang ginagawa. Wagas at buong saya ang inosenteng bata. Anong hihigit pa sa kagalakang tila hulog mula sa langit? Hindi ba’t ito ang tinutukoy ni Papa Francisco sa kanyang unang liham, “Evangelium Gaudium”? 


Isang sentrong prinsipyong inilabas ng Pope tungkol sa lugar ng galak sa buhay Kristiyano. “Walang Kristiyanong malungkot. Taliwas ito sa ebanghelyo. Kapag tinanggap ng Kristiyano ang Espiritu ng Diyos sa kanyang puso, pupuspusin siya nito ng Kanyang Kagalakan!”  


Anumang ebanghelyo ang basahin niya, iisa lang ang makikitang mensahe sa mukha ni Renz, “magalak kayo, naririto si Kristo! Walang dapat ikatakot. Walang dapat alalahanin. Meron o walang bagyo. Meron o walang makain. Meron o walang trabaho. Mapayapa o maligalig ang paligid. Basta’t naririto siya, magsasaya ako! Basta’t kasama ko si Kristo!”


Noong nakaraang Lunes, Oktubre 28, inanunsyo ni Pope Francis ang pangalan ng 14 na magiging santo sa darating na taon ng Hubileo 2025. Isa rito ang 15 taong gulang na si Carlo Acutis, na araw-araw nagsisimba’t buong galak tumanggap ng komunyon dahil para sa kanya, “Ang Eukaristiya ang aking ‘highway’ patungong langit.” 


Hindi nagtapos doon, dahil sa mahusay siyang ‘web designer’ pinalaganap ni Carlo ang mga Milagro ng Eukaristiya at mga Pagpapakita ng Mahal na Birheng Maria. Nakilala rin siya sa pagbabahagi ng kanyang allowance na tinitipon niya upang ibahagi sa mga pulubi, nagugutom at mga migrante. Namatay sa leukemia si Carlo noong Oktubre 12, 2006.


Noong Enero 23, 2019 hinukay ang labi ni Carlo at ito ay buo at hindi naaagnas. Inilipat sa Assisi ang kanyang hindi nabulok na labi noong Abril 6, nang taon ding iyon.

Magiging Santo Carlo Acutis na ang munting Carlo.


Salamat sa internet at sa kanyang galing sa “web designing” nakilala si Carlo. Kaya’t sabi ng Papa na maaaring gawing “Patron ng Internet” ang batang santo, pinakaunang “millennial saint.” Ngunit, alam ng lahat na meron o walang internet, araw-araw naroroon si Carlo sa harapan ng Santisimo Sakramento upang tagpuin ang kanyang pinakamamahal na Panginoon.


Dito sa aming Parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa Project 8, meron din kaming munting santo, ang aming mahal na si Renz Inocencio na kinuha ng Panginoon noong ika-25 ng Oktubre sa murang edad na 11. Salamat sa hindi namin malilimutang halimbawa ng iyong walang kupas na galak sa harap ng Panginoon.


Salamat sa iyong tapat at walang palyang paglilingkod na iyong ibinigay na walang inaasahang kapalit. Salamat sa iyong buhay na panalangin ng paghahanap sa Panginoon na tulad ni Carlo na naglalakbay araw-araw tungong langit sa harap ng Eukaristiya. 

Marahil, para sa iyo Renz, isang saranggola ang Eukaristiya na iyong minamasdang tumaas patungong langit hanggang sa ito ay tuluyang umalagwa’t dumapo sa kamay ng Panginoon. Naroroon na nga, Renz, sa Kanya ang saranggola. Umalagwa na, ngunit sa halip na luha ng hapis, tawa at halakhak ng galak ang pabaong hulog nito sa mga nakatingalang naghihintay bumalik pa ang saranggola.


Paalam Renz, kasama mo na si nanay, tatay at si Kuya Carlo. Itinuro mo sa aming laging ngumiti’t magalak dahil tunay ngang hindi Siya lumalayo. Mula sa Eukaristiya hanggang sa mga lansangan, naroroon, laging naroroon Siya!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Nov. 2, 2024



Fr. Robert Reyes

Guo, Garma, Quiboloy at kung sinu-sino pang hindi masyadong kilalang dumaraan sa pagtatanong at imbestigasyon sa Kamara at Senado ay nagdulot ng kakaibang pagkakaabalahan ng marami sa mga nakaraang araw.


Parang nabaliktad ang mga pangyayari at ang mga script. Noong nakaraang administrasyon, iba ang mga sinasalang sa kahawig na pagtatanong at pag-iimbestiga, “political persecution” “trumped up charges”, mga inimbentong kaso.


Iba noon ang nakapuwesto kaysa ngayon. At dahil sa pagguho ng naturang UniTeam ng dalawang higanteng pulitikong pamilya, nabaliktad na ang lahat. Ang dating umuusig, sila ngayon ang inuusig. Talaga naman ang gulong ng palad. Kaya hindi maubos-ubos ng sari-saring kuwento ang mga telenobela dahil parang isang walang katapusang teleserye ang buhay natin sa bansang ito.


Ngunit, hindi telenobela ang mga nangyari noon at ngayon. Hindi teleserye ang maraming pinatay at pinapatay. Hindi rin telenobela ang bilyun-bilyong ninakaw sa kaban ng bayan. Hindi teleserye ang pagbebenta’t pagtataksil sa ating bansa. Hindi telenobela ang kabastusan, kasinungalingan, kawalan ng respeto sa batas, sa maayos na proseso ng pag-uusap at paghahanap ng katotohanan sa Kamara at Senado.


At parang walang nagbago at lumalabas pa rin ang kayabangan at kabastusan ng pananalita ng mga dating nasanay nang balahurahin at pamurahin ang wika at mga salitang dapat ginagamit nang may paggalang at pag-iingat sa kadakilaan at karangalan ng katotohanan at sa pagiging maselan ng dangal ng bawat tao.


Ilang taon nang tuluy-tuloy at unti-unting pinahina, pinawalang-halaga at bisa ang dangal ng tao. Kung ganoon na lang noong araw ang paggalang ng lahat ng mga Pilipino, mayaman man o mahirap sa bawat tao, kabaligtaran na ngayon. Halos bihira nang marinig ang magalang na pagsasalita at pagbabatian. Naging magaspang, maluwag, malaro at pabiro ang pagbubuo’t pagbibigkas ng salita na bumubuo ng wika. 


Kaya ganoon na lang ang naging paalala ni Sen. Risa Hontiveros na hindi dapat ituring na biro ang usapin ng pagpatay sa tao, maliit man, hindi kilala o makapangyarihan, mayaman at sikat. 


Nararapat ding ipagtanggol ng mga Marcos ang pambabastos sa kanilang ama na si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos. Sinumang patay na nakalibing na ay hindi dapat bastusin at insultuhin dahil unang-una, hindi nito kayang ipagtanggol at ipaglaban ang sarili.


At bakit ginawa iyon ng bise presidente na anak ng dating pangulo? Dahil siya ba’y likas nang walang galang o ginagamit niya ang kanyang puwesto at pagiging anak ng dating presidente upang ipakita kung paano maaaring gamitin ang kapangyarihan para sa anumang nais gawin ng mga makapangyarihan? Ganoon pala kahina ang dangal ng tao, ng bawat mamamayan ngayon. Kapangyarihan, puwesto, posisyon, salapi, antas sa lipunan ay higit na mahalaga sa dangal ng tao? 


Maraming pinatay at walang galang ang mga paraan ng pagpatay sa kanila. Palalabasin pang “nanlaban” ang libu-libong pinatay, na salamat sa pagsusuri ni Doc. Raquel Fortun, kitang-kita sa mga tama ng bala sa ulo at iba’t ibang bahagi ng katawan na imposibleng nanlaban ang maraming biktima. 


Kapirasong karton na merong katagang “nanlaban” ang ipinapatong sa mga dibdib ng pinaslang ng mga naka-hood o naka-helmet na galing ang mga report sa mga presinto o mga asset ng mga pulis. Ganito na rin kababa ang narating ng ating mga institusyon na merong pananagutang ipagtanggol ang dangal, karapatan at buhay ng bawat mamamayan.


Kung titingnan natin ang antas at uri ng pulitika sa ating bansa, hindi kaaya-aya ang larawang magpapakita. Mga pamilyang may hawak at tila nagmamay-ari ng mga lalawigan, siyudad at bayan. Hindi paglilingkod kundi hanapbuhay, malaking “business” ang pulitika. 


Pabalat-bunga lamang ang pagmamalasakit at paglilingkod sa kapwa. Sarili at pamilya ang pinakamahalaga at ilalaban ng patayan ang pananatili sa puwesto at paghawak sa mga lugar na nasasakupan. Hindi na natin kailangang pangalanan ang mga pamilyang ito. Sapat nang sabihin na halos lahat ng lugar ay katumbas na ng kilalang apelyido.


Kung ganito, paano magkakaroon ng paggalang, pagkilala at pagtatanggol ng dangal ng kapwa sa katauhan ng mga karaniwang mamamayan?


Malaking pagkukulang, pagkakasala ang pagpapabaya ng marami, ng hindi paghadlang sa mga kung sinu-sinong walang kakayahan at tila walang pagkilala sa dangal ng bawat isa na tumakbo sa iba’t ibang posisyon. Kaya ganu’n na lang maliitin, gawing biro at katatawanan ang mga naganap at patuloy na ginaganap na imbestigasyon sa Kamara at Senado. 


Salamat sa iilang nagbabantay at ipinagtatanggol ang nalalabing integridad ng Senado. Salamat Sen. Risa sa katapangan, katalinuhan at ang hawak mong mga prinsipyo at paninindigan na hinding-hindi isinusuko sa harap ng mga bumastos, sumira, bumabalewala sa dangal ng bawat tao, ng bawat mamamayang Pilipino.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Oct. 28, 2024



Fr. Robert Reyes

May sikat na kasabihan na ganito: “Kung ayaw laging may dahilan, kung gusto laging may paraan!” Ito ang nakita’t naranasan ng mga dumalo sa ika-95 Alumni Homecoming ng Seminaryo ng San Jose noong nakaraang Oktubre 24 hanggang 25. 


Binayo ng Bagyong Kristine ang bubong ng covered courts sampu ng mga sanga ng mga puno sa paligid nito noong hapunan at programa ng homecoming ng mga obispo’t paring nagtapos sa Seminaryo ng San Jose. Hindi lang angge ang nangwasiwas sa mga handang pagkain gayundin ng mga paring nakapila’t naglalagay nito sa kani-kanilang plato. Naroroon din ang malakas na hangin na may dala-dala pang mga dahon, siit at kung anu-anong pinalilipad nito sa paligid.


Nakatutuwang tingnan ang mga pari at ilang obispo na nakapayong o nakakapoteng may hood na kumukubli sa mga ulong iniiwasang mabasa. At habang kumakain at nagkukuwentuhan, panay ang parinig na, “walang bagyong kaylakas na kayang takutin o siraan ng loob ang sinuman sa pagdalo ng Alumni Homecoming ng San Jose.”


Mabuti na lang at napakinggan namin ang maganda’t mapaghamon na pagbabahagi ni Bishop Raul Dael ng Diyosesis ng Tandag. Ibinahagi ng butihing obispo ang kanyang pag-uunawa sa kabanalan ni San Jose. 


Ayon kay Obispo Dael, kakaibang magmahal si San Jose. Marunong siyang magmahal na hindi umaangkin o sinasarili ang minamahal. Minahal ni Jose si Maria ngunit hindi nito inangkin, hindi sinarili ang ina ni Hesus. Gayundin si Hesus na hindi tinuon sa pagtatagumpay ang kanyang buhay. Hindi niya hinanap ang kapalit ng kanyang mga ginagawa. Gagawa siyang walang bayad, walang stipend maliban sa pagkakataong makapaglingkod. Ang mismong pagkakataong maglingkod ay ang itinuturing niyang kapalit o kabayaran sa kanyang paglilingkod.  


Matindi at matapang ang mga salita at tono ng pananalita ng obispo. Malinaw, masakit at maganda ang kanyang mensahe. Ang lahat ng ito ay bunga rin ng kanyang pinagdaanang pakikipaglaban sa kanser. Dumaan sa sakit, sa malalim na pagdurusa si Obispo Dael hanggang sa kanyang naunawaan na kailangan niyang danasan ang sakit para maintindihan niya ang pinagdaraanang pagdurusa ng iba (mga pari).


Kasunod ng mabigat ngunit malalim na pagbabahagi ni Obispo Dael, salamat kay Bagyong Kristine, may masarap, malinamnam at basang-basang hapunan.


Pawang kinukutya pa ang Bagyong Kristine ng malakas at pinalalakas pang kuwentuhan ng mga alumni ng aming seminaryo. Kulang-kulang isang oras ang balitaan namin habang kumakain. Sa kabila ng basang damit, mukha at ulo, tuloy lang ang tawanan at kuwentuhan. Hindi namamalayang handa na ang entablado para sa munting palabas na handog ng mga seminarista sa alumni. Simple at maikli ang palabas na may halong sayaw, kanta at maiikling diyalogo tungkol sa buhay ng mga pari at sa mga iba’t ibang hamon nito. 


Nagulat na lamang kami nang malaman naming lalabing-lima lamang ang lahat ng mga seminarista. Karamihan sa 15 ay kasama sa nasa entablado. Ilan lang ang nasa backstage para sa props, ilaw, sounds at iba pa. Kaunti, sobrang konti ito kaya naalala tuloy ng marami ang malaking bilang ng mga seminarista noong araw na halos umaabot ng 100 mula kolehiyo hanggang teolohiya. Ang 15 ay bilang lamang ng mga nag-aaral ng teolohiya. Wala nang mga taga-kolehiyo dahil hindi na ganoon karami ang mga nasa kolehiyo ang interesadong pumasok sa seminaryo.


Karamihan sa mga nagpapari ngayon ay medyo may edad na’t nakaranas na ng buhay sa labas, nakapagtrabaho na’t dumaan na sa iba’t ibang pagsubok at paghihirap sa buhay. Kaya malaking bahagi ng 15 seminarista ay may edad na at mas malinaw na sa kanilang gusto sa buhay. 


Mag-iika-9 pa lamang ng gabi nang matapos ang lahat ng aktibidad para sa gabing iyon. Maraming nagmamadaling makauwi sa kani-kanilang tulugan para makaligo at makapagpalit ng kanilang binagyo’t basang-basang mga damit.


Kinabukasan pagkaraan ng agahan, nagkaroon ng business meeting para ihalal ang mga opisyal para sa ika-96 na Alumni Homecoming. Sinundan ito ng isang maikling panayam tungkol sa isang ekspertong nagtrabaho sa larangan ng green energy.


Nagtrabaho ang speaker para sa mga korporasyon patungkol sa mga lupa. Sa bawat hakbang sa paghahanap ng mga lugar sa kabundukan na maaaring pagtayuan ng “wind farm,” napakaraming mga puno ang dapat putulin na nakasasama sa wild life ng mga lugar na iyon. Malala rin ang epekto nito sa mga katutubong namimitas at nanghuhuli lang ng kung anu-ano para mabuhay.


Kapwa sira ang kapaligiran at ang lupang katutubo na minana nila sa kanilang mga ninuno. Ngunit tila walang pakialam ang may-ari ng korporasyon basta’t maitayo niya ang mga turbina, hindi na niya kasalanan ang anumang mangyari sa tao, hayop at likas na kapaligiran ng mga ito.


Sa dulo ng kanyang panayam, naging malinaw sa amin kung bakit nag-resign, umalis at hinding-hindi na siya babalik sa kanyang trabaho. Para sa kanya ay tinutulungan mo ang pagtatayo ng planta ng luntiang enerhiya ngunit bago dumating sa puntong iyon, napakarami mong niloloko at binabawian ng kanilang buhay at kabuhayan (ang malayang pagpitas ng prutas at anumang makakain, maging ang paghuli’t pagpatay ng hayop).


Sinundan ang panayam ng misang napakaganda at napakalalim sa makabuluhang hamon na patuloy na maging higit na misyonero ang Diyosesis ng Cubao, pari, relihiyoso at layko. 


Sa dulo ng misa, sa pagkanta namin ng mga awiting malapit sa puso ng bawat hinubog at naging pari mula San Jose, damang-dama namin ang yaman at lalim ng paghuhubog na tinanggap namin sa aming mahal na Seminaryo ng San Jose. Hail, San Jose!



 
 
RECOMMENDED
bottom of page