top of page
Search

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 16, 2025



Fr. Robert Reyes


Mabilis, nakakagulat at sadyang bumulabog sa lahat ang mga pangyayari sa mga nagdaang mga araw. Maraming natuwa, marami ring nagalit, maraming nabuhayan ng pag-asa, maraming dinapuan ng galit at pagnanasang maghiganti. 


Dumagsa ang mga reklamo at nauwi pa sa legal na demanda. Nagkaroon din ng sari-saring pagkilos mula mga rally sa maraming bansa at sa iba’t ibang bahagi ng kapuluan. Maraming nagsabi at nagtanong kung ganito na nga ba talaga tayong mga Pinoy, hating-hati at magulung-magulo?


Ang sabi ng isang panig: “Hindi sinunod ang ‘due process, kinidnap nila ang pangulo’; hindi nila ibinigay at iginalang ang kanyang mga karapatang pantao, matanda na at may sakit na siya ngunit hindi nila pinayagang pumunta muna sa ospital; pinabayaan nilang yurakan ng ibang bansa ang ating soberanya, puwede namang dito na litisin ang sinuman dahil maayos at gumagana naman ang ating sistema ng katarungan, gayundin ang ating mga korte.”

 

Ang sabi ng pangalawang panig: “Ngayon kayo ang nagrereklamo na hindi kinikilala ang inyong mga karapatang pantao at hindi sinusunod ang ‘due process’ samantalang noong nasa poder kayo, libu-libo ang inyong ‘napatay’ at nagpasyang ubusin sila hanggang mawala ang salot ng droga; ngayon ninyo ginagamit ang panghihimasok ng ibang bansa sa ating soberanya samantalang noong panahon ng inyong panunungkulan pinayagan ninyong pumasok at magtayo ng mga konkretong istraktura sa ating mga karagatan.”


Dalawang pananaw o opinyon lang ba ang ating naririnig at nababasa mula sa dalawang panig? Nasaan ba ang katotohanan? Ano ba talaga ang tunay na nangyari?

Hindi ba’t talaga namang dumanak ang dugo ng maliliit at mahihina na “binantaang ipis na dapat lipulin” dahil bahagi ang mga ito ng salot ng droga? Hindi ba’t libu-libong biyuda at ulila ang naiwanang wala nang ama, kuya, pati na bunso, kaibigan, kaeskwela, kapitbahay? At maraming testigong nangahas mamahayag na ang ating kapulisan pa ang nangunguna sa pagpaslang umano kasabwat ang kanilang mga ‘assets’ at pare-pareho silang nagkubli sa kani-kanilang mga bonnet at helmet?!


Pumangit, humirap, naging lubhang mapanganib ang ating kapaligiran noon. Delikadong magsalita at magtanggol sa mga biktima ng karahasan at inhustisya na saklaw ng salitang kilala sa tatlong titik na EJK o extra judicial killing. Ang hindi makatarunga’t walang ‘due process’ na pagpatay, hindi ng mga may sala kundi ng kung sinu-sinong nasa listahang pinaghihinalaang ‘ipis,’ na bahagi ng salot ng droga. Kasabay nito ang pagsilang ng mataba’t masibang sektor na kilala sa pagkakalat ng mga nakakasirang kuwentong hindi totoo, na laban sa mga kaaway ng pinuno ng giyera laban sa droga at pabor na pabor naman sa pinuno at sa kanyang mga kampon. Kay pangit ng kapaligirang pisikal at sosyal at maituturing na higit na pangit ang mundo ng social media.


Nang umalis ang eroplanong lulan ang dating pangulo, tila merong kakaibang damdaming lumalaganap. Hindi man lubos na ‘gumagana’ at sing tino ang sistema ng katarungan dito sa atin, meron pa rin sa ibang sulok ng daigdig na maayos, matino at gumaganang batas, ang ‘rule of law’ na hindi kontrolado ng mga makapangyarihan at mayayamang pamilyang dinastiya tulad ng sa Pilipinas. 


Hindi lahat madilim at pangit, meron pa ring sirit, pilantik, munting ilaw ng pag-asang galing hindi lang sa labas kundi sa loob din ng ating bansa. Doon sa kalalim-laliman ng bawat tao at Pilipino nananahan ang kagandahan at kabutihan na umiiral at hindi mamamatay o papayag na mamatay dahil likas na bahagi ito ng ating pagkatao at pagka-Pilipino.


“Napakapangit ng ating bansa (sabay mura ng PI),” ganito ang binitiwang salita ng bise presidenteng anak ng dating pangulo. Ganoon ang kanyang nakasanayan at ganoon din ang kanyang karanasan dahil ganoon siya.


Ngunit merong ibang pananaw at pag-uugaling hindi marahas dahil hindi makasarili. Naniniwala sa iwi at likas na kabutihang nagtatago sa loob ng bawat tao. 


Ito na rin marahil ang puwersa ng pagbabago na pinagmulan ng mga pangyayari sa nagdaang mga araw. Merong mas maganda, mas maunlad, mas mapayapa’t ligtas na mundo, at ito ang malalim na inaasam-asam ng bawat isa. Ito ang itinanim ng Diyos sa puso ng lahat ng Kanyang nilikha. Ito ang pinagmumulan ng pag-asa!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 15, 2025



Fr. Robert Reyes


“Napakasama ng lahing ito!” Ito ang mga salita ni Hesus sa ebanghelyo (Lukas 11:29-32) noong nakaraang Miyerkules. Ito rin ang ebanghelyong ginamit namin sa misa sa EDSA Shrine bilang, “pagsuporta sa ICC at rule of law, at pakikiisa sa mga pamilya ng mga biktima ng extrajudicial killings.”


Dinaluhan ng ilang mga lider at personalidad ang misang mabilisang inorganisa at inalay makaraang ihain ang ICC warrant of arrest kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang paghatid dito sa mismong araw na iyon sa headquarters ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands. Ang mga sumusunod na pahayag ay hango sa ating omeliya sa naturang misa:                  


“Napakasama ng lahing ito!” Mabibigat na salitang binitiwan ni Kristo tungkol sa mga Israelita. Bakit Niya tinawag silang napakasama? At ano ang ibig Niyang sabihin sa, “Naghahanap sila ng palatandaan mula sa langit, subalit walang ipapakita sa kanila maliban sa palatandaang inilalarawan ng nangyari kay Jonas.”


“Napakasama” dahil sa kabila ng mga sinasabi at ginagawa ni Kristo nahihirapang maniwala sa kanya ang mga tao at hingi nang hingi ng palatandaan mula sa langit.


Hingi nang hingi pa rin sa Kanya ng kung anu-ano. Hingi nang hingi ng kung anu-anong ayuda at pabor para mapaniwala lang sila. Ano ang nangyari sa loob ng 29 na taon pagkaraan ng pitong presidente (Cory-FVR-ERAP-GMA-PNoy-Duterte-BBM)? Anong nangyari sa nakaraang walong taon mula kay Duterte hanggang kay BBM?


Hindi ba’t hingi pa rin tayo nang hingi ng mga palatandaan mula sa langit at ng kung anu-ano? Nasanay na tayo ng kahihingi at tinamad na tayong gumawa, magsikap, magsakripisyo, magtaya, lumaban at manalangin para sa pagbabago. 


Mula EDSA I hanggang ngayon. Mula kay Duterte hanggang kay BBM, nanghina at halos mawala ang pananagutan, ang commitment ng marami. Maraming natuwa sa pulitika at sa mga pabuya at pribilehiyo nito. At napakaraming nagkasya na lang sa mga ilusyon ng walang hanggang pangako ng mga pulitiko at sa panandaliang kaligayahan ng ayuda.


Dumami ang mga trapo, nanganak at lumaganap ang mga dinastiya. Lumakas at tumatag ang paternalism, ang kultura ng ayuda na pinaiiral ng mga makapangyarihan at mayayamang pamilyang dinastiya. Hindi ba’t kung anu-ano ang ipinangako ni Duterte, tulad ng, “mawawala ang trapiko sa EDSA sa loob ng anim na buwan at mawawala sa Pilipinas ang droga na pangunahing salot ng ating lipunan? At mula simula hanggang katapusan ng kanyang anim na taon, sumigaw at naghamon si FPRRD ng, “Kill, Kill, Kill!” At ang nakakapangilabot, nakakatindig balahibo, sumabay ang marami sa kanya sa pagsigaw din ng “Kill, Kill, Kill”. 


Sa loob ng anim na taon at halos tatlong taon rito ay panahon ng pandemya, lumakas at yumaman ang kanyang pamilya at ang pamilya ng mga malalapit niyang kasosya at kaibigan.


Samantalang dumami ang naniwala kay Duterte, tumahimik at natakot ang marami sa paglaganap at paghahari ng takot at karahasan (reign of terror and violence). 


Nakatulong ang pandemya na kinatakutan ng lahat at kasabay nito, nagpatuloy pa rin ang extrajudicial killings. Subalit, sa gitna ng pagsigaw ng kill, kill, kill ng mga kakampi niya at pananahimik ng marami, merong mga grupo at indibidwal na hindi tumigil sa pamamahayag at pagkilos laban sa kultura ng pagpatay. 


Habang isinisigaw ang ‘kill, kill, kill,’ tuloy ang pagkilos para ipagtanggol ang buhay, live, live, live. Inalagaan ng ilan ang mga biyuda at ulila ng EJK. Nagsalita at walang sawa o takot ang ilan laban sa kultura ng pagpatay, laban sa sinasabing presidenteng ‘nagpapapatay’. Hindi nawala, hindi nagsawa, hindi nanghina ang kanilang pananagutan!


Dumami ang mga trolls. Naging hanapbuhay ang pagpapalaganap ng kasinungalingan at fake news. Naging trabaho ang pagpatay hindi lang ng tao kundi ng katotohanan. 


Maraming natuwa at patuloy na natutuwa sa mga upload ng trolls sa TikTok, Instagram, YouTube, messenger at FB. Bumabaw at nawala ang kritikal na pag-iisip. Napalitan ito ng nakaka-entertain, nakakatawa ngunit hindi totoo. Nadagdagan ang kultura ng ‘kill, kill, kill’ at lie, lie, lie.


Humihingi sila ng palatandaan ngunit walang ibibigay sa kanila kundi ang palatandaan ng naranasan ni Jonas. Nilulon at nanatili sa tiyan ng balyena si Jonas. Bakit? Dahil naduwag siya. At hindi niya sinunod ang inuutos sa kanya ng Panginoon. Nanghina, nawalan siya ng pananagutan dahil sa kanyang takot. Ngunit sa loob ng balyena sa loob ng tatlong araw ng kadiliman, gutom at uhaw natauhan siya. Iniluwa siya ng balyena noong handa na siya. Hindi na siya takot. Hindi na siya bulag, pipi at bingi.


Nagtungo siya sa Niniveh at nangaral. Nakinig ang hari at inutusan ng hari ang lahat na mag-ayuno, magsuot ng sako at magbudbod ng abo sa sarili: tao at hayop. Nagbalik-loob sila sa Diyos at tinalikuran ang kanilang mga diyos-diyosan. 


Nasa 39 taon mula EDSA hanggang ngayon, maraming naging bulag, pipi at bingi, nawalan ng pananagutan. Walong taon mula kay Duterte hanggang kay BBM ay gayon din. Ngunit, namunga na ang pagsisikap ng ilan na huwag matakot, magsawa, manghina sa pamamahayag at paglaban para sa tama at totoo. 


Salamat sa mga sumigaw at lumaban para sa buhay, buhay, buhay. Namunga ang kanilang pagsasakripisyo, pagtataya at pag-aalay ng sarili.

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 9, 2025



Fr. Robert Reyes

Maganda’t malungkot tumira sa ibang bansa. Magandang tumira sa abroad dahil sa maraming makukulay at masasayang alaala ng mga lugar, tao, kultura, relihiyon, kasaysayan at iba pang mga bagay na bumubuo ng matatawag nating ibang mundo. 


Tumira tayo sa Roma mula Setyembre 1983 hanggang Hulyo 1987. Tumira naman tayo sa Tsina noong Pebrero hanggang Disyembre ng 2006. Lumipat at nanirahan tayo sa Hong Kong noong Enero 2007 hanggang Agosto 2009. Sa mga taong iyon, nakita at hinangaan natin ang nabuo at patuloy na binubuo pang ekonomiya, kultura, kapaligiran (pagtatanggol sa likas yaman at ang iba’t ibang aspeto ng kalikasan), at iba pa.


Kung Roma ang pag-uusapan, mula pa ito noong panahon ni Kristo at ni Cesar hanggang sa kasalukuyan ang malinaw na tinutukoy. Napakayaman ng mga naiwanang guho (ruins) ng mga mahahalagang gusaling Romano. Ganu’n din ang mga naiwanang mga gusali (nakatayo pa) mula sa panahon ni Mussolini (EUR) hanggang kasalukuyan. 


Hindi na kailangang banggitin ang naiwanang kayamanan, kultura at kasaysayan ng Kristiyanismo (mula sa panahon ni Emperador Constantino hanggang sa ngayon). Hindi ligtas sa kahinaan ang kapwa namumuno sampu ng pinamumunuan. Naroroon pa rin ang kasakiman at karahasan ng mga makapangyarihan ngunit, naroroon din ang kadakilaan at matayog na pangarap at pananaw ng mga artisan, inhinyero, mga matinong pulitiko, mga simbahan. 


Sa kabila ng mga kalabisan ng mga namumuno, naroroon ang walang hanggang paglikha at pag-unlad ng arkitektura, ingheneriya, ang iba’t ibang siyensiya at sining. At bakit buhay at buo pa ang napakaraming mga imprastruktura sa paglipas ng mahabang panahon?


Sa tatlong taong nanirahan tayo sa Hong Kong at dalawa pang taong nagpabalik-balik tayo bilang OFW, ni minsan hindi tayo nakapagmaneho ng anumang sasakyan. Hindi naman kailangan dahil sa mahusay at sapat na sasakyang pampubliko mula sa kanilang MRT o LRT na dumaraan sa lahat ng uri ng riles: sa ibabaw at itaas ng mga daan hanggang sa ilalim ng mga gusali’t daan, pati na sa ilalim ng tubig (Hong Kong-Tsim Shat Tsui). 


Sa limang taong nagtrabaho tayo sa Hong Kong ilang tulay din ang natapos at ginagamit na. Malawak at tunay na mahusay ang sistema ng transportasyon ng Hong Kong at tuluy-tuloy din hanggang ngayon ang pagpapalawak at higit na pagpapahusay upang maging episyente at epektibo ang mga ito para sa mga mamamayan. 


Malaki ang nagawa ng sistemang galing sa Inghiltera na pinakikinabangan hanggang ngayon. Isa sa pinakamahalagang sistemang iniwanan ng administrasyong kolonyal ay ang kilalang-kilalang “Anti-Corruption Council” na mahigpit na nagbabantay sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan sa tama at mahusay na paggamit ng pondo ng pamahalaan. 


Marami nang nagbago mula nang umalis tayo ng Hong Kong. Halos kumpleto na ang pagbalik ng dating kolonya ng taga-Britanya sa Tsina. Hindi na pareho ang pamamahala ng bagong administrasyon kumpara sa dati. Ngunit mahalagang bigyang-diin ang matibay na pundasyon sa imprastruktura at pamamahala na hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng lahat.


Noong mga nakaraang araw, umugong ang mga balita tungkol sa pagbagsak ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela. Nagtungo roon ang Presidente upang tingnan ang naging problema. Ang opisyal na pahayag niya, “Problema sa disenyo,” ang sanhi ng pagbagsak ng tulay. 


Ginawa ang tulay para kayanin ang bigat hanggang sa 44 tons ngunit hindi ganoon ang disenyong sinunod. Pero, talaga bang problema sa disenyo o sa sistema ang sanhi ng pagbagsak ng naturang tulay? Ito ang mismong paliwanag ng Presidente: “Ang ending nito, ang puno’t dulo nito design flaw. It is a design flaw, mali ‘yung design. Ang history kasi nito dapat ang funding nito was supposed to be P 1.8 billion. Binawasan to under P1 billion para makamura.”


Disenyo ba o sistema? Bakit binawasan ng P1 bilyon? Talaga bang para makamura? Saan napunta ang P1 bilyon?


Magsisimula na raw ang imbestigasyon. Wala kayang magic na mangyayari sa imbestigasyon? 


Kung sa Hong Kong nangyari ito, agad-agad nang sinimulan ang imbestigasyon at hindi magtatagal mabilis na makikita kung sinu-sino ang “nag-magic” sa P1 bilyon. Hindi magtatagal ay meron nang makakasuhan at makukulong. Hindi magpapatumpik-tumpik ang “Independent Commission Against Corruption” ng Hong Kong.

Tingnan natin kung ano ang mangyayari sa kasong ito ng bumagsak na tulay ng Cabagan-Santa Maria sa Isabela. Tingnan natin kung meron nang lalabas na mga pangalan ng malalaking tao at hindi lang ang mga maliliit na contractor, engineer at mga maliliit na kawani ng pamahalaan.


Pagmamahal ba sa bansa ang dahilan ng pagbabawas ng P1 bilyon? Para makamura, makatipid sa gastos? Walang masama sa pagtitipid basta’t malinaw kung bakit nagtipid at kung saan napunta ang tinipid. 


Sistema na itong naturang pagtitipid, pagpapamura. Sistema na ang pangungumisyon ng mga opisyal sa lahat ng proyektong pang-imprastruktura. 


Pagmamahal sa sarili, sa pamilya, sa korporasyon, sa ka-partido, ka-pulitika at hindi pagmamahal sa bayan ang matagal nang umiiral at ipinaiiral ng karamihang nakapuwesto sa pamahalaan. Bahagi na rin ng sistema ang maglagay sa mga maseselan na institusyon ng mga tauhang poprotektahan ang mga nakaupo. 


Matagal nang alam ng marami kung ano ang pangkalahatang paggalaw ng sistema ng katarungan. Kung magnakaw ng pako si Pedro, kulong agad ito. Kung magnakaw ng bilyones ang pangulo, oo nakukulong din ito sa sariling bahay o hacienda (house arrest) o sa paboritong ospital na titiyaking komportable ang buhay ni ma’am o ni sir.


Hangga’t walang pagmamahal sa bayan at mga kababayan, at walang batas na mahigpit na nagbabantay, humuhuli at nagpaparusa sa mga tiwali at korup, mananatiling buhay at malakas ang sistema (hindi ang disenyo) ng pagmamahal sa sarili at hindi sa bayan o kababayan. At hindi magtatagal, meron pang ibang tulay o anumang proyekto ang babagsak hindi dahil sa maling disenyo kundi dahil sa bulok na sistema.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page