ni Fely Ng @Bulgarific | June 27, 2025

Hello, Bulgarians! Ang sakit sa bato o Chronic Kidney Disease (CKD) ay isa ngayon sa mga pangunahing sakit sa bansa — isa sa bawat tatlong Pilipino ay posibleng magkaroon nito. Dahil sa mahabang gamutang kaakibat nito, naaapektuhan ng sakit sa bato ang iba’t ibang aspeto ng buhay ng mga pasyente: ang kanilang mga trabaho, kalidad ng pamumuhay, at lalo na ang kanilang mga naipundar.
Kaya naman sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., patuloy na pinalalawig ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang mga benepisyo nito lalo na para sa pagpapa-dialysis, kidney transplantation, at ngayon, ang tuluy-tuloy na gamutan at pagpapasuri ng pasyente upang mapanatiling tagumpay ang operasyon.
Nais ng ahensya na maging dito ay wala nang alalahanin ang ating mga kababayan nang sa gayo’y pagpapalakas na lamang ang kanilang tututukan. Kaya naman, ibinabahagi ang dalawang bagong benepisyo ng PhilHealth: Z Benefits Package para sa Post-Kidney Transplantation Services, isang para sa mga bata at isa sa mga mas nakatatandang nakatanggap ng bagong bato (kidney) mula sa mga donor.
Sa ilalim ng bagong benepisyo para sa mga bata, ilan sa mga babayaran ng PhilHealth ay:
1. Php73,065 sa kada buwan na immunosuppressive medications para sa unang taon at Php41, 150 kada buwan sa mga susunod na taon;
2. Hanggang Php45, 570 na kada buwan na drug prophylaxis o antibiotic para makaiwas sa impeksyon;
3. Php37,585 sa bawat tatlong buwan na pagpapalaboratoryo para sa unang taon at Php14,078 naman sa kada tatlong buwan para sa mga susunod na taon; at maraming pang ibang serbisyong nakadetalye sa polisiyang ilalabas ng PhilHealth.
Para naman sa mga mas nakatatanda, edad 19 o higit pa, ilan sa mga babayaran ng PhilHealth ay:
1. Php40, 725 sa kada buwan na immunosuppressive medications;
2. Php18, 932 para sa anim na buwan na gamutan;
3. Php 11,242 para sa bawat tatlong buwan na pagpapalaboratoryo para sa unang taon at Php8,125 naman sa kada tatlong buwan para sa susunod na taon; at iba pang mga serbisyong nakadetalye sa polisiyang ilalabas ng PhilHealth.
Sa ilalim ng parehong post-Kidney Transplant Services benefits ay makatatanggap na rin ng suporta ang mga nagmagandang loob na mag-donate ng kanilang bato. Ang mga living donors para sa mga bata at mga mas nakatatanda ay parehong makatatanggap ng Php1,900 para sa kada anim na buwan na pagpapalaboratoryo at monitoring mula sa PhilHealth. Ang kalinga at suportang hatid para sa donors ay bunga na rin ng pagkaunawa ng kahalagahan ng komunidad sa pagseseguro ng kalusugan ng lahat.
Kaya naman patuloy na pinaiigting ng PhilHealth ang paglilingkod upang makapaghatid ng isang mabilis, patas, at mapagkakatiwalaang agabay sa bawat Pilipino.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.






