top of page
Search

ni Fely Ng @Bulgarific | Jan. 31, 2025





Hello, Bulgarians! Ang Pag-IBIG Fund ay kinilala bilang isa sa mga top performing government-owned companies ng Governance Commission of GOCCs (GCG) sa isang awards ceremony na ginanap sa Pasay City kamakailan.


Batay sa sistema ng pagsusuri nito, pinangalanan ng GCG ang Pag-IBIG Fund sa Top 10 Government Owned and Controlled Corporations o GOCCs na may pinakamataas na rating.


“We are truly honored to be one of the top 10 GOCCs recognized by the GCG. This is yet another testament to Pag-IBIG Fund’s consistently outstanding performance that it is known for. This further inspires us to continue doing our best, as we continue to heed the directive of President Ferdinand R. Marcos, Jr. in pursuing excellence in government service so that more of our countrymen can gain better lives through Pag-IBIG Fund's programs and services,” sabi ni Secretary Jose Rizalino L. Acuzar ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), na siya ring chairman ng 11-member Pag-IBIG Fund Board of Trustees.


Ang GCG Awards ay ginanap noong Nobyembre 2024 sa Philippine International Convention Center para kilalanin ang mga GOCC sa kanilang mahusay na pagganap sa Corporate Governance Scorecard at sa Performance Evaluation System o PES para sa taong 2023. Ang awarding ceremony ay pinangunahan nina GCG Chairperson Atty. Marius P. Corpus, Commissioners Atty. Brian Keith F. Hosaka at Atty. Geraldine Marie B. Berberabe-Martinez, at iba pang matataas na opisyal ng nasabing ahensya.


“We would like to thank GCG for the recognition given to Pag-IBIG Fund. GCG’s recognition exemplifies our strong performance in bringing our savings and home loan programs to more members, our robust financial standing, and consistent adherence to best governance practices in 2023. We are committed to serving our members wholeheartedly with our Lingkod Pag-IBIG brand of service -Tapat na Serbisyo, Mula sa Puso,” pahayag ni Pag-IBIG Chief Executive Officer Marilene C. Acosta.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 31, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SA SERBISYONG SEN. BONG GO, LIBRE NA MAGPAOSPITAL, LIBRE LAB TEST AT LIBRE PA ANG PANGANGANAK -- Bukod sa free laboratory, ang isa sa pinakamahalagang serbisyong hatid sa mamamayan ng programang Super Health Center ni Sen. Bong Go ay ang libreng paanakan o libreng panganganak.


Ang mga ipinagagawang Super Health Center Sen. Go ay mayroong birth facility, at ang sinumang nais na rito manganak ay walang babayaran kahit singko.


Sa totoo lang, mabuting nagkaroon ang Pilipinas ng senador na tulad ni Sen. Bong Go, dahil bukod sa Malasakit Center Act niya kaya free hospitalization na ang mga public hospital na may Malasakit Center, ay hindi na mamumroblema sa gastusin sa panganganak ang mga mahihirap na kababayang buntis, dahil sa Super Health Center ng senador, libre na ang panganganak, palakpakan naman diyan!


XXX


AFTER ELECTION, ‘PAG BILANGAN NG BOTO POSIBLENG SI SEN. BONG GO ANG MAGING NO. 1 SENATOR NG ‘PINAS -- Sa latest senatorial survey ng Social Weather Stations (SWS) ay nasa rank 3-4 na naman si Sen. Bong Go sa nakuha niyang rating na 37%, at kung titingnan ang rating ng mga senatorial candidate na nag-rank number 1 at rank number 2 ay maliit lang ang lamang ng mga ito sa kanya.


Balikan natin ang mga nakaraang survey, sa Archlight survey rank number 1 si Sen. Bong Go, sa Tangere survey rank number 2 siya at sa iba pang survey ng SWS, Pulse Asia, OCTA, Publicus at RPMD ay hindi siya bumaba sa rank 4.


Ang nais nating ipunto rito, dahil ramdam ng mamamayan ang serbisyong Bong Go ay posibleng after election at sa bilangan ng boto, siya ang tanghaling number 1 senador ng ‘Pinas, abangan!


XXX


SUMUSOBRA NA ANG PABIDA NI SEN. HONTIVEROS DAHIL GUSTO NIYANG PALABASING SIYA LANG ANG GOOD AT BAD ANG MGA KAPWA SENADOR -- Sumusobra na pabida ni Sen. Risa Hontiveros. Nagbotohan kasi ang mga senador sa pagiging Filipino citizen ng Chinese national businessman na si Li Duan Wang, na noon pa palang year 1991 naninirahan sa ‘Pinas, dito ipinanganak ang kanyang mga anak, dito nagsisipag-aral, miyembro siya ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce at sa data ng mga law enforcement agencies ay wala itong bad record sa Pilipinas at China, wala itong link sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kaya inaprub ng majority senators na maging Pinoy citizen ito, at tanging si Sen. Hontiveros lang ang kumontra at pilit niyang inili-link ito sa POGO kahit na mismong mga otoridad na ang nagsabing hindi ito sangkot sa POGO at iba pang ilegal na gawain sa ‘Pinas.


Sa totoo lang, sablay ang pabida ni Hontiveros na palabasin sa publiko na siya lang ang matinong senador, dahil hindi naman tanga ang mga kapwa niya senador na aprubahan ang pagiging Pinoy citizen ni Li Duan Wang kung sangkot ito sa POGO, period!


XXX


SA DATA NG MOODY’S ANALYTICS AT WORLD BANK, LAGAPAK EKONOMIYA NG ‘PINAS, TALIWAS SA IBINIDA NG PSA NA LUMAGO -- Ibinida ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lumago raw ang ekonomiya ng Pilipinas sa buong year 2024, taliwas ito sa data ng economic researcher na Moody’s Analytics na humina raw ang economy ng bansa sa ikatlong quarter ng year 2024 at sa data ng World Bank (WB) last December 2024 na lumagapak ang ekonomiya ng ‘Pinas.


Ang nais nating ipunto sa isyung ito, mas kapani-paniwala ang data ng Moody’s Analytics at World Bank na humina, lumagapak ang ekonomiya ng ‘Pinas kaysa sa ibinibida ng mga appointee ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na lumago ang ekonomiya ng bansa, boom!


 
 

ni Fely Ng @Bulgarific | Jan. 30, 2025




Hello, Bulgarians! Alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na patuloy na palawakin ang mga benepisyo sa kalusugan kahit walang subsidiya mula sa gobyerno, itinaas kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Z Benefit Package nito para sa Peritoneal Dialysis simula Enero 1, 2025.


Ang benepisyo ay mayroon nang hiwalay na mga package para sa mga matatanda at mga bata. 


Ayon sa National Kidney and Transplant Institute, ang peritoneal dialysis (PD) ay isang uri ng dialysis kung saan ang sariling peritoneal membrane ng pasyente o lining ng mga abdominal organs at body surfaces sa loob ng abdominal cavity ay ginagamit bilang artipisyal na mga bato o kidney.


Ang pinahusay na PD package ay sumasakop sa iba’t ibang modalities ng RRT batay sa edad. Para sa mga adults o matatanda, sagot ng PhilHealth ang Continuous Ambulatory Peritoneal Dialysis (CAPD), at CAPD at Automated Peritoneal Dialysis (APD) para naman sa mga mas batang pasyente.


Nais naming hikayatin ang paggamit ng peritoneal dialysis para sa pasyente na may Chronic Kidney Disease Stage 5,” sabi ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr. 


“Ang PD ay isang mabisang opsyon bukod sa hemodialysis, hindi lamang upang bigyan ng awtonomiya at kakayahang pumili ang aming mga miyembro sa modality ng paggamot, kundi upang tiyakin ang kalidad ng buhay at malayang paggalaw ng mga pasyente,” dagdag niya.


Para sa mga matatandang pasyente, ang coverage ay P389,640 o P510,140, depende sa mga PD solutions na kailangan ng pasyente bawat araw. Ang package ay dating nasa P270K bawat taon.


Samantala, ang mga benepisyo para sa mga batang pasyente sa ilalim ng CAPD ay mula P510K hanggang P765,210, habang ang coverage para sa APD ay mula P763K hanggang P1.2 milyon. Sinasagot din ng PhilHealth ang exit site infection at peritonitis prevention care gayundin, ang ancillary services gaya ng catheter insertion, outpatient treatment ng PD-related peritonitis at laboratory, diagnostic tests, at mga gamot para sa parehong adult at pediatric cases.


Batay sa PhilHealth Circular No. 2024-0036, ang mga pasyente na may Chronic Kidney Disease Stage 5 na gagamit ng ganitong uri ng RRT ay kailangang magparehistro muna sa PhilHealth Dialysis Database at sumunod sa umiiral na mga patnubay sa pagiging miyembro. Ang mga pasyente ay dapat ding sumunod sa treatment plan, kabilang ang mga follow-up visits. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta o pamamahagi ng mga PD solutions na ibinigay sa kanila.


Bukod dito, ang mga contracted providers o health facilities ay ipinagbabawal na maningil ng dagdag na charge para sa mga essential health services. Gayunpaman, maaari silang maningil para sa mga serbisyo at amenities na hindi kasama sa listahan ng essential health services na saklaw ng package. Dapat nilang ipaliwanag sa mga pasyente ang anumang co-payment na sisingilin pa sa kanila.


Ang pinahusay na PD Z Benefits ay makukuha sa alinman sa 51 contracted PD providers sa buong bansa, ang listahan nito ay makikita sa www.philhealth.gov.ph. Ang mga miyembro ay maaari ring humingi ng karagdagang impormasyon at tulong sa pamamagitan ng pagtawag sa mga sumusunod na 24/7 touch points: (02) 866-225-88 o sa mga mobile numbers 0998-857-2957, 0968-865-4670, 0917-1275987 o 0917-1109812.


Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page