top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 2, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MGA KANDIDATONG MAY ‘KAMAG-ANAK INC.’ O POLITICAL DYNASTY ANG NAIS NI PBBM MAGWAGI SA ELEKSYON -- Hangad daw ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang 12-0 sa senatorial election, na ibig sabihin nais daw niya ay manalo sa darating na midterm elections ang lahat ng kanyang 12 kandidato sa pagka-senador.


Hindi naman kataka-taka na gustuhin ni PBBM na manalo lahat ng kanyang kandidato sa pagka-senador kaya ikinakampanya niya ang mga ito kasi tulad ng Presidente na may political dynasty, lahat ng kanyang kandidato sa senatorial election ay may mga political dynasty din, period!


XXX


KAPAG NAGSIPAGWAGI SA SENATORIAL ELECTION MULA SA ‘KAMAG-ANAK INC.’  IBIG SABIHIN DAMING BOBOTANTE SA ‘PINAS -- Kung pagbabasehan ang mga lumalabas na senatorial survey sa anumang survey firms, karamihan sa mga pumapasok sa top 12 ay may political dynasty.


Kaya kapag karamihan sa mga nagwagi sa senatorial election ay mula sa political dynasty o ‘Kamag-anak Inc.’, malamang malagay sa Guinness World Records ang ‘Pinas na ito ang bansang may pinakamaraming bobotante, boom!


XXX


TILA PINANINDIGAN NA NG PHILIPPINE PRESIDENT ANG PAGIGING SINUNGALING -- Iginiit ni PBBM na wala raw blank budget documents sa pinirmahan niyang 2025 General Appropriations Act (GAA).


Kung ganu’n, tila pinaninindigan ng Philippine President ang pagiging sinungaling, kasi mismong ang kaalyado niyang si Marikina City Rep. Stella Quimbo, chairman ng House Committee on Appropriations na ang nagsabi na meron ngang mga blank budget documents sa naisabatas na 2025 GAA, tapos todo-tanggi pa si PBBM, pwe!


XXX


AFTER NG KATITING NA OIL PRICE ROLLBACK, BALIK NA NAMAN SA BIGTIME OIL PRICE HIKE! -- Matapos mag-rollback last week ng katiting na presyo sa kada litro ng mga produktong petrolyo, nag-anunsyo na naman ang mga alagad ni PBBM sa Dept. of Energy (DOE) na asahan na raw next week na may magaganap na namang bigtime oil price hike sa kada litro ng gasolina, diesel at kerosene.

Ganyan kung ungguy-ungguyin ng Marcos admin ang mamamayan, kumbaga sa katiting na oil price rollback ay parang hinimas-himas ng gobyerno ang batok ng mamamayan, at pagkaraan ay saka babatukan ng pagkalakas-lakas sa pagpapatupad ng bigtime oil price hike, tsk!



 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 1, 2025



Fr. Robert Reyes

Tatlong rally ang idinaos noong nakaraang Biyernes, Enero 31, 2025, ang huling araw ng unang buwan ng taong 2025. 


Merong kasabihan sa Banal na Kasulatan na nagsasabing, “ang huli ang mauuna at ang nauuna ay mahuhuli.” Ang araw ding ito ay ang ikalawang araw pagkatapos ng “Chinese New Year” o ang Bagong Taon ng bansang Tsina. At makabuluhan ang hayop na sumasagisag sa taong ito. Ito ang taon ng “ahas na kahoy” o ang Year of the Wooden Snake. Meron kayang kaugnayan ang tatong rally sa taon ng “ahas na kahoy”?


Nabasa natin noong isang araw ang pagninilay ng isang paring Tsino tungkol sa Taon ng Ahas na Kahoy. Ito ang sinabi ng pari: “Nawa’y tulad ng ahas matuto tayong iwanan ang nakaraan, tulad ng pagbabalat ng ahas na nagbabalat at iniiwanan ang mga bagay na hindi na kailangan sa patuloy na pagdaloy ng buhay.” 


Likas sa ahas ang pagbabalat. Likas sa ahas ang pagbabago sa tuwina. Laging nagpapalit ng balat ang ahas sa kabuuan ng kanyang buhay, na hindi madali at masakit kaya’t hindi ito kumakain at kumikilos sa panahon ng pagbabalat. Sana’y tularan natin ang ahas na buong tapang humaharap at sumusuong sa pagbabago.


Dagdag pa ng pari: “Ang ahas ay hindi takot dumaan sa mga masukal, madilim at mapanganib na lugar. Hindi siya mananatili sa isang lugar kundi magpapalipat-lipat ito sa paghahanap ng mga lugar na merong buhay na pagkain. Bukas at handa siyang tahakin ang daan ng pagsubok at pagdadalisay para makamtan niya ang kaganapan ng buhay.”

Pangatlo at panghuli, ayon sa pari: “Ang ahas ay hindi natutulog na nakapikit. Walang talukap ang kanyang mga mata. Laging dilat ang kanyang mga mata sa paghahanap at pagbabantay, paglalamay para sa katotohanan.”


Para sa akin, hindi masama ang ahas. Napakarami nating matututunan sa kanya. Sa totoo lang, ang ahas din ang naging simbolo ng buhay at kaligtasan sa disyerto nang pagtutuklawin ng mga makamandag na ahas ang mga Israelita. Sinabi ng Diyos kay Moises na itaas niya sa kahoy na hugis krus ang isang uri ng ahas upang tingnan ng mga natuklaw ng makamandag na ahas at sila’y maliligtas. Isa ito sa mga unang simbolo ng mismong krus ni Kristo na siyang liligtas sa lahat ng mananampalataya.

Marahil, hindi aksidente na ahas ang tanda ng Bagong Taong Tsino. Kailangan nating unawain at matutunan ang mga katangiang kakaiba ng tanda ng “Wooden Snake” sa harap ng malulubhang problema ng korupsiyon, marahas, malupit at nakamamatay na gamit ng kapangyarihan at ang kaugnayan ng mga ito sa lumalaganap at kalat na kalat nang mga dinastiya.


Bunga ng isang buwan na tuluy-tuloy na pag-uusap at pagpaplano ng mahigit 70 grupo ang rally sa EDSA Shrine na tinaguriang: “Boses ng Mamamayan, Konsyerto ng Bayan”. Nagsimula ang lahat sa pagsisikap ng kaparian at obispong bumubuo ng Clergy for Good Governance. Nag-usap-usap at nagplano ng malawakang pagkilos ang ilang pari na kasama ang ilang mga kinatawan ng iba’t ibang samahan at kilusan at nabuo ang rally sa hapon ng Enero 31, 2025 sa EDSA Shrine.


Dalawang rally ng mga iba’t ibang grupo ang tututok sa panawagang i-impeach si Vice President Sara Duterte, isa sa Liwasang Bonifacio at ang pangalawa sa People Power Monument. Ang rally sa EDSA Shine ay may mga panawagan:


Boses ng Pilipino

Konsyerto ng Bayan

Marcos-Duterte Managot!

Marcos BADyet Pahirap!

Sara Alis Diyan!

 

Kailangang ma-impeach ang mga opisyal na korup at kurakot.

Kailangang irepaso at palitan ang pinaka-korup (ayon kay Prof Cielo Magno) na badyet.

Kailangan nang pag-usapan, isulong, isabatas ang pagbabawal at pagpapaalis ng mga dinastiya na umaangkin sa pondo ng bayan at mga matataas ng posisyon sa pamahalaan mula lokal hanggang pambansang pamahalaan.


Mahaba ang rally at halos nagtagal ng anim na oras. Merong mga umawit at nagsalita. Merong mga Protestante, Katoliko at Muslim na nag-alay ng panalangin. Nagkaroon bandang hapon ng maikling pagdiriwang ng misa. At sa  pagtatapos inawitan at pinasalamatan ang mahal na Birheng Maria, Ina ng Kapayapaan bago dumagundong ang isang “noise barrage” upang tutulan ang mga problemang dulot ng mga makapangyarihang Pinoy laban sa maliliit at mahihinang kababayan nila.


At ganito nagtapos ang makulay at makabuluhang huling araw ng unang buwan ng Bagong Taon. Mabuhay ang mga mamamayang nagmamahal sa katotohanan, katarungan, kapayapaan at kalayaan.


 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 1, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TOTOO ANG IBINULGAR NI EX-P-DUTERTE NA MGA BLANK DOCUMENT SA GAA KAYA’T HINDI ITO DAPAT ITURING NA DESTAB SA MARCOS ADMIN -- Tinawag ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na destabilisasyon daw sa pamahalaan ang pagkuwestiyon ng mga kaalyado ni ex-P-Duterte sa Supreme Court (SC) patungkol sa sinasabing mga blank document sa 2025 General Appropriations Act (GAA).


Destabilisasyon na ba ang pagsasabi ng katotohanan. Destabilisasyon na bang masasabi ang kuwestiyunin sa SC ang isyu sa may katotohanan namang mga blank document sa 2025 GAA?


Ang ibinulgar ni ex-P-Duterte na may mga blank document sa 2025 GAA ay tunay at pinatotohanan iyan ng mga Makabayan bloc congressmen at maging ni Marikina Rep. Stella Quimbo na siyang chairperson ng House Committee on Appropriations, at dahil totoo ang isyung iyan, hindi ‘yan dapat na ituring na destabilisasyon sa pamahalaan, period!


XXX


P200 DAGDAG-SUWELDO NG KAMARA PA-EPAL LANG NG MGA PULITIKO PARA IBOTO NG MGA MANGGAGAWA -- Inaprub ng Kamara ang P200 dagdag-suweldo sa mga manggagawa sa pribadong kumpanya.


Ganyan talaga ang istayl ng mga politician kapag panahon ng halalan, magpabida sa mga manggagawa at publiko pero after ng election, dededmahin na iyan ng mga mambabatas.


Ang nais nating ipunto rito ay ‘yang dagdag-suweldo na iyan, pang-uunggoy lang ‘yan ng mga politician na reeleksyunista sa halalan para makuha nila ang boto ng mga manggagawa, boom!


XXX


CONFI FUNDS NI VP SARA, DAPAT SISIHIN KUNG KAYA’T WALANG UNITY ANG MGA PINOY -- Mahigit isang milyong katao ang lumahok sa “Rally for Peace” ng kapatiran ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Quirino Grandstand sa Maynila noong January 13, 2025 bilang pagsuporta sa panawagan ni PBBM sa Kamara na huwag nang ituloy ang impeachment kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, at kahapon ay may mga nag-rally naman sa EDSA Shrine sa Quezon City para manawagan na i-impeach na ang bise presidente, at bagama’t walang isang milyon ang dumalo sa anti-VP Sara rally, umabot din ito ng higit isang libo.


Ke-isang milyon o ke-isang libo iyan ang hindi magandang nakikita ng mundo sa isyung ito ay hindi nagkakaisa ang mga Pinoy.


Sa totoo lang, wala namang ibang masisisi sa isyung ‘yan kundi mismong si VP Sara, kasi kung hindi sana siya humirit ng confidential funds dahil hindi naman talaga law enforcement agency ang kanyang tanggapan, hindi sana siya naaakusahang in-scam niya ang pera ng bayan, at sana hanggang ngayon ay may unity pa sila ni PBBM, period!


XXX


MGA TAGA-PHILIPPINE EMBASSY SA USA NAGPAKALAT NG FAKE NEWS SA TATE -- Fake news pala ang inanunsyo ng Philippine Embassy na nakabase sa Washington, USA na walang Pinoy na nasawi sa salpukan ng isang private passenger jet at US Army helicopter kasi sa anunsyo naman ng PNP, isang high ranking official ng ahensya, sa katauhan ni P/Col. Pergentino Malabed Jr.


Dapat sibakin ni PBBM lahat ng mga nakatalaga sa Philippine Embassy sa USA, kasi pati sa Tate, nagpapakalat sila ng fake news, boom!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page