top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 4, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TODA PARTYLIST, DAPAT SUPORTAHAN NG 1.5M MEMBERS NG TODA AT HINDI PARTYLIST NG MGA TRAPO AT KONTRAKTOR -- Sa data ng Land Transportation Office (LTO) noong year 2022 ay nasa higit 1.2 million ang nakarehistrong tricycle sa buong bansa, pero ang nakalulungkot isipin na ang partylist na nagri-represent sa kanilang sektor, ang TODA partylist ay hindi nagwagi last 2022 election kasi nakakuha lang ito ng botong higit 173K votes.


Ang dahilan kaya higit 173K votes lang ang nakuha ng TODA partylist ay dahil majority ng mga tricycle driver and operators, ang ibinoto ay ‘yung mga partylist na wala namang pakialam sa kanilang sektor, na maaaring ang ibinoto pa ng mga iyan (tricycle drivers and operators) ay partylist ng mga trapo (traditional politicians) at mga kontraktor na wala namang paki sa mga member ng TODA.


Ang nais nating ipunto rito, sa darating na May 12 midterm election, dapat ang pagkaisahang iboto ng mga miyembro ng TODA ay ang totoong nagri-represent sa kanilang sektor at ito ay ang TODA partylist, at ibasura na ang partylist ng mga trapo at kontratista na wala namang paki sa mga miyembro ng TODA sa buong bansa, period!


XXX


ANTI-POLITICAL DYNASTY DAW SI COMELEC CHAIRMAN GARCIA, PERO PINAYAGAN NIYANG KUMANDIDATO ANG MGA ‘KAMAG-ANAK INC.’ POLITICIANS -- Ayon kay Comelec Chairman George Garcia ay kontra raw siya sa political dynasty.

Kung totoong anti-political dynasty si Garcia, eh bakit pinayagan niyang sabayang kumandidato ang mga magkakapamilyang pulitiko, mag-asawa, mag-ama, mag-ina, magkakapatid na pulitiko at mga partylist na ang mga nominado ay may mga kapamilyang senador? 


Nasa 1987 Constitution naman, sa Artikulo II, Seksyon 26 ay may nakasaad dito na ganito... “Dapat siguruhin ng Estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang politikal, ayon sa maaaring ipagkahulugan ng batas,” pero ang ginawa ni Garcia pinayagan niyang kumandidato ang mga “Kamag-anak Inc.” politician at mga partylists na ang mga nominado ay may mga kapamilyang senador, tapos ibibida niyang anti-political dynasty daw siya, pwe!


XXX


PARA MATIGIL ANG ‘TARA SYSTEM’ DAPAT SIBAKIN ANG LAHAT NG MGA MAY TAHID NA OPISYAL SA CUSTOMS -- Sa mga nakaraang pagdinig sa Quad Committee ng Kamara ay nabulgar ang patuloy na “tara system” o payola system sa mga high ranking official ng Bureau of Customs (BOC).


Ang sabi nga ni detenidong former Customs Intelligence Officer Jimmy Guban ay matagal nang kalakaran sa Customs ang "tara system" para wala nang sitahan ang mga epektos o kargamentong ipinupuslit sa Adwana ng mga smugglers, kabilang ang ini-smuggle na mga shipment ng shabu.


Kung nais ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) matigil na ang kalakarang “tara system,” isa lang ang dapat niyang gawin at ito ay sibakin sa puwesto ang lahat ng mga may tahid na Customs officials at palitan sila ng mga “rose from the ranks” na mga BOC official na walang bahid ng “tara system,” period!


XXX


SINUPALPAL NI TV HOST KARMINA CONSTANTINO SI FORMER SENATE PRES. TITO SOTTO -- Supalpal ang inabot ni former Senate President Tito Sotto kay TV host Karmina Constantino ng “Harapan” ng ABS-CBN network.


Tanong kasi ni Karmina kay Tito Sotto kung bakit kakandidato uli siyang senador, na sinagot ng dating senador na kesyo may mga gusto pa raw siyang nais iambag sa Senado, at ang panunupalpal na ginawa sa kanya ng TV host ay kung bakit daw sa loob ng halos 30 taong pagiging senador nito ay hindi pa ginawa ang mga nais niyang iambag.


Sa totoo lang, sa 30 years na senator ni Tito Sotto ay wala pa namang nagmarka sa isipan ng mamamayan na may nagawa siyang batas na napakinabangan ng mahihirap na mamamayang Pinoy, boom!

 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 3, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


AYON KAY DRILON, ANG 2025 GAA ANG PINAKAKORUP DAW NA NATIONAL BUDGET SA KASAYSAYAN -- Sinabi ni former Senate President Franklin Drilon na sa loob daw ng 24 years niya sa government service, ang pinirmahang 2025 General Appropriations Act (GAA) ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang masasabing pinakakorup na national budget sa kasaysayan.


May punto naman talaga si Drilon na magsabi ng ganyan, kasi nga ang daming blank budget documents sa nilagdaang 2025 GAA ni PBBM, period!


XXX


DAPAT MAGPA-HAIR FOLLICLE DRUG TEST SI PBBM PARA MATIGIL NA ATAKE SA KANYA NINA RODRIGUEZ AT PAMILYA DUTERTE -- Sa programang “Tanong ng Bayan” sa GMA network ay hinamon ni senatorial candidate, former Executive Sec. Vic Rodriguez si PBBM na magpa-hair follicle drug test, pero imbes tugunan ito ay sinabi ng Pangulo na hindi siya mapapa-drug test.


Sana, para matapos na ang isyung ipinupukol kay PBBM tungkol sa droga, dapat ay tanggapin na niya ang hamon kasi hangga’t hindi siya nagpapa-hair follicle drug test ay hindi siya lulubayan ng atake sa kanya nina Rodriguez at ng pamilya Duterte patungkol sa isyung gumagamit umano siya ng illegal drugs, boom!


XXX


AFTER NG ELECTION, DIYAN MALALAMAN KUNG SINO KINA PBBM AT EX-P-DUTERTE ANG MAY KARISMA PA SA PUBLIKO -- Ang nais ni PBBM ay lahat ng 12 kandidato niya sa pagka-senador ay manalo, at sa parte ni ex-P-Duterte ay nais din niyang lahat ng kanyang kandidato sa senatorial election ay magsipagwagi.


Pagkatapos ng halalan ay diyan malalaman ng taumbayan kung kaninong kandidato sa pagka-senador ang maraming mananalo, sino kina PBBM at ex-P-Duterte ang may karisma pa sa publiko, period!


XXX


HUWAG NANG UMAASA ANG MGA MANGGAGAWA SA MGA PRIBADONG KUMPANYA NA MAGKAKAROON SILA NG P200 DAILY DAGDAG-SAHOD -- Sabi ni PBBM ay pag-aaralan daw muna niya ang inaprub ng Kamara na P200 daily dagdag-suweldo sa mga manggagawa sa mga pribadong kumpanya.


Pag-aaralan? Sa totoo lang, sa tema ng salitang ito ni PBBM ay huwag nang umasa ang mga manggagawa sa mga pribadong kumpanya na magkakaroon sila ng daily wage increase na P200 kasi tila tablado ito sa Pangulo, boom!

 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 2, 2025



Fr. Robert Reyes

Batay sa paring Hesuwitang Horacio de la Costa sa kanyang sanaysay, “The (2) Jewels of the Filipino People,” dalawa ang kayamanan ng mga Pilipino, ang kanilang musika at pananampalataya. Binanggit ni De la Costa ang kinagigiliwang kundiman noong mga nakaraang panahon.


Maalala natin si Sylvia La Torre, ang isa sa mga reyna ng kundiman. Nakilala sa Sylvia sa pag-alay ng kanyang buong buhay sa pagpapalaganap ng kundiman. Malungkot nga lang na kakaunti ang nakakakilala sa kundiman ngunit kitang-kita naman ang pagkahumaling ng kasalukuyang henerasyon sa Pinoy Rock at sa OPM (Original Pinoy Music). Nakapagtataka rin ang matinding interes ng mga kabataan sa Korean Pop at sa matagal na ring kinahumalingang American Pop. 


Noong nakaraang mga buwan tuwang-tuwa ang karamihan ng mga Pinoy nang manalo sa America’s Got Talent ang kauna-unahang taga-Asia at Pinoy na si Sofronio Vasquez. Bagama’t kahanga-hangang nanalo ang isang Asyano na Pinoy sa sikat na paligsahang Amerikano, hindi siya namumukod-tangi. 


Napakarami nang mga indibidwal at grupong Pinoy na nag-uwi ng karangalan sa musika mula sa iba’t ibang bansa. Tunay na magaling ang Pinoy sa musika. Tama si Padre de la Costa.


Pananampalataya. Nakakalat ang mga simbahan, malaki at maliit sa buong bansa. Maski na maliliit na isla ay merong simbahan. Meron ding mga popular na debosyon na sentro ng mga pista ng iba’t ibang mga lugar sa buong bansa. Karamihan sa mga ito ay mga Katoliko-Kristiyanong debosyon  sa iba’t ibang santo. 


Noong nakaraang Enero lang, apat na malalaking debosyon ang natunghayan natin tulad ng Pista ni Hesus Nazareno sa Quiapo, Mayila. Sinundan ito ng pagdiriwang ng Santo Niño de Tondo at Pandacan; Santo Niño ng Iloilo (Dinagyang); Ati-Atihan sa Aklan; Sinulog sa Cebu, at iba pa. 


Ngayong Pebrero ay ang Pagdala kay Hesus sa Templo (Pebrero 1) at ang Candelaria (Pebrero 2). Parating na rin ang kilalang pista ng Mahal na Birhen ng Lourdes (Pebrero 11) at ang popular na People Power Revolution sa Pebrero 25 na Pista ng EDSA Shrine na tinaguriang Shrine of Mary Queen of Peace.


Ganoon na lang ka-relihiyoso ang maraming mga Pinoy. Hindi kumpleto ang buwan kung walang pista o debosyong ipinagdiriwang. At siyempre kasama na rin ang mga kapatid nating Muslim, Lumad, Buddhist at iba pa, na merong kanya-kanyang mga araw ng pangilin.


Natapos noong nakaraang Biyernes ang iba’t ibang pagkilos laban sa problemang nagpapahirap sa ating mga mamamayan tulad ng sinasabing ‘korup’ na budget ng 2025; ang laganap na korupsiyon sa buong bansa na tila bunga ng sistema ng mga dinastiya sa buong bansa. Tila nagsimula ang tatlong mga pagkilos sa Banal na Misa. Hindi na rin tayo magtataka kung bakit ganoon. 


Sa mga nagdaang dekada, mula sa panahon ni Jaime Cardinal Sin hanggang ngayon, naging bahagi na ng sari-saring kilos-protesta ang misa. Lalabanan ang mga problema sa pamamagitan ng mga maiinit at maaanghang na talumpati, ngunit meron at merong panalangin na maisisingit sa simula o katapusan ng pagkilos.


Ito nga ang dahilan kung bakit napili ng mga nagdaos ng pagkilos sa EDSA Shrine. Kailangang manalangin kay Maria, Reyna ng Kapayapaan para sa kanyang mahal na bayan, “Pueblo Amante de Maria”. Mula alas-2 ng hapon hanggang sa katapusan ng anim na oras na pagkilos sa EDSA Shrine naroroon sa likuran ng mga tao ang malaking imahe ni Maria, Reyna ng Kapayapaan (ng EDSA Shrine). Nagsimula sa panalangin ng mga pari at obispong ebangheliko at bago magtapos nagkaroon din ng misa sa loob ng EDSA Shrine na pinamunuan ni Obispo Gerardo Alminaza ng Diyosesis ng San Carlos, Negros Oriental.


Limang banda at mahigit na 20 pahayag mula sa iba’t ibang grupo ang malinaw na pagtatapatan, pagtutugmaan at pagtatalaban ng musika at protesta. Kinumpleto na ng panalangin ang mabisang kombinasyon ng musika at protesta sa EDSA Shrine. 

Simula lang ito at sana unti-unti, sa pamamagitan ng ating sining, pananampalataya at sama-samang pagkilos tunay na magbago ang ating mahal na bansa. Amen.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page