top of page
Search

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 10, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


KAPAG NAGALIT NOON SA PRESIDENTE ANG MAMAMAYAN NAGPI-PEOPLE POWER, NGAYON HANGGANG PAMBA-BASH NA LANG -- Noon, kapag nagalit ang mamamayan ay lumalabas ng kanilang mga bahay at nagtutungo sa EDSA, nagsasagawa ng people power para mapatalsik ang presidente, at nangyari na iyan kina former Pres. Ferdinand Edralin Marcos Sr. noong 1986 at former Pres. Joseph Estrada noong 2001.


Pero ngayon, iba na, kapag nagalit ang mamamayan, ayaw nang magtungo sa EDSA, bina-bash na lang sa social media ang presidente, he-he-he!


XXX


HINDI LANG SI PBBM DAPAT I-BASH SA P4.5B CONFI FUND, KUNDI PATI SI EX-P-DUTERTE NA UMUBOS NG P21B CONFI FUND -- Isa sa nilalaman ng article of impeachment laban kay Vice Pres. Sara Duterte-Carpio ay ang maanomalyang pag-ubos daw nito sa kanyang higit P650 milyong confidential funds, at dahil para sa mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ay maliit lang ito (P650M), kung kaya’t bina-bash nila si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na higit P4.5 billion daw ang inubos na confi funds.


Sana, i-bash din ng mga DDS ang “Tatay Digong” nila na si ex-P-Duterte, kasi sa totoo lang, ubod nang laking P21 billion (P2.5B mula 2017-2019 at P4.5B mula 2020-2022) pera ng bayan na confi fund ng ex-president ang inubos sa loob lang ng 6 years na hindi alam ng sambayanan kung saan ito ginasta ng dating pangulo, period!


XXX


DAPAT ANG IAPRUB LANG NG MGA SEN. AT CONG. NA CONFI FUND NG PRESIDENTE P500M LANG, HINDI P4.5B -- In aid of legislation daw ang isinagawang imbestigasyon ng Kamara patungkol sa confi funds.


Sana, kung gagawa ng batas ang Kamara at maging ang Senado ay gawin na lang P500M ang confi funds ng presidente kasi sa totoo lang, ubod nang laki ang yearly P4.5B confidential funds ng pangulo ng ‘Pinas, na hindi naman nalalaman ng mamamayan kung saan ito ginagasta ng presidente.


Noong presidente pa si yumaong Noynoy Aquino ay pinakamalaking naging confi fund niya ay P500M, ibig sabihin puwede naman talagang P500M lang, pero ewan ba kay ex-P-Duterte kung bakit noong year 2020 ay ginawa na niyang P4.5B confi funds niya, at nang maging presidente si PBBM, ginaya na rin, ginawa niyang P4.5B ang kanyang confidential fund.


Wala namang problema kung sariling pera nila ang inilalagay nila sa confi fund, eh pera ng bayan iyan na hindi alam ng mamamayan kung saan ito inuubos yearly ng presidente, boom!


XXX


MARCOS ADMIN, NAGHIGPIT NGA SA POGO, NAGLUWAG NAMAN SA ONLINE SABONG -- Kapuna-puna mula nang ipagbawal na ang mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) ay unti-unti nang nawawala sa social media ang mga online gambling, pero kapuna-puna naman na parami nang parami ang nag-o-operate ng online sabong sa social media.


Ano ‘yan, ang kapalit ng POGO ay online sabong?


Hay naku, naghigpit nga sa POGO ang Marcos admin, pero naging maluwag naman sa online sabong, pwe!



 
 

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Feb. 9, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


IMBES TULUNGAN NG DA MAIBENTA SA MERKADO ANG MGA LOKAL NA SIBUYAS, BINIGYAN PA NG KAKUMPETENSYANG IMPORTED ONIONS -- Panahon ngayon ng tag-araw kaya’t malapit na ang anihan ng sibuyas, pero ang ginawa ng appointee ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa Dept. of Agriculture (DA) na si Sec. Francisco Tiu Laurel ay inaprub ang pag-import ng 4,000 toneladang sibuyas.


Nakalulungkot isipin na imbes suportahan ng Marcos administration ang mga magsasaka na maibenta sa merkado ang lokal na sibuyas, eh ang ginawa, binigyan pa ng kakumpetensyang tone-toneladang imported onions, tsk!


XXX


25 CONG. NA HUMABOL SA PAGPIRMA PARA MA-IMPEACH SI VP SARA, PINUTAKTI NG BATIKOS NG MGA DDS -- Matapos purihin ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang mga kongresistang hindi pumirma sa impeachment ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio, ay may 25 congressmen pa ang humabol ng kanilang lagda para sa pagpapatalsik sa bise presidente.


Dahil diyan, binawi ng mga DDS ang papuri sa 25 kongresistang ito, kaya’t sa ngayon kabilang na sila sa pinuputakti ng batikos ng mga DDS sa social media, boom!


XXX


MAY TSANSA SI VP SARA NA MAGING PRESIDENTE KAPAG NAIPANALO NI EX-P-DUTERTE LAHAT NG KANDIDATO NIYA SA PAGKA-SENADOR -- Nanawagan si ex-P-Duterte sa mamamayan na suportahan ang lahat ng kanyang mga kandidato sa pagka-senador para raw mabigo ang Marcos administration na mapa-impeach o mapatalsik sa puwesto ang kanyang anak na si VP Sara.


Kaya kapag after election nanalo lahat ang kandidato ni ex-P-Duterte sa pagka-senador, ibig sabihin niyan ay may karisma pa rin sa majority Pinoy ang dating presidente, at dapat nang kabahan ang mga nag-aambisyong kumandidatong pangulo sa 2028 kasi kapag nanawagan uli ang ex-president sa publiko na iboto sa pagka-presidente ang kanyang anak ay malaki talaga ang tsansa na ang next president of the Philippines ay si VP Sara, abangan!


XXX


KALOKOHAN ANG IBINIDA NG PSA NA MARAMI ANG NAGKATRABAHO KASI ANG TOTOO, MARAMI PA RIN TALAGANG JOBLESS -- Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na bumaba na raw ang bilang ng mga jobless sa bansa.


Para namang kalokohan ang inanunsyong iyan ng PSA, kasi ang daming gustong magkatrabaho kaya lang ay walang mapasukan dahil nga wala namang foreign investors na pumapasok sa ‘Pinas para magtayo ng negosyo rito, tapos ibibida ng gobyerno na bumaba na raw ang bilang ng mga jobless sa bansa, period!


 
 

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Feb. 8, 2025



Fr. Robert Reyes

Kamamatay lamang ng isa sa mga bayani ng mga bundok ng Sierra Madre na si Padre Pete Montallana. 


Inialay ni Padre Pete ang kanyang buong buhay para sa proteksyon ng kabundukan ng Sierra Madre. Alam ito ng daan-daan o baka libu-libong mga Dumagat na nakilala ni Padre Pete sa naturang mga bundok. Bakit ba kailangang protektahan ang mga bundok ng Sierra Madre? Bakit ganu’n na lang ang pagmamalasakit ni Padre Pete para sa mga kabundukan at mga Aeta ng Sierra Madre?


Mahalaga sa kasaysayan, sa pananampalataya, sa sining at para sa kalusugan ng kalikasan ang mga bundok ng Sierra Madre. Salamat sa nasabing kabundukan, dumating man ang sobrang lakas na hangin o ulan ng bagyo, nababawasan ng puwersa ang hampas ng hangin at ulan kaya’t hindi ganoon ang pinsalang tinatamo sa mga bahay at buhay ng mga mamamayan. 


Salamat din sa mga Dumagat at iba’t ibang mga katutubo na pinoprotektahan at hindi sinisira ang bundok, patuloy ang pagdaloy ng biyaya ng kalikasan sa ating mga tao. 

Malinis na tubig at hangin, ang mga sari-saring kayamanang gubat at kabundukan na bumubuhay ay ating tinatanggap. Ano naman ang ating pananagutan sa gitna ng lahat ng pagpapalang ito?


Naririyan lang ang Sierra Madre, tahimik siyang nagtatanggol sa atin. 


Ang mga kababayan nating katutubo na kaibigan at kaisa ng mapagkalingang bundok ang tumiyak na patuloy hindi lang ang pagdaloy ng kayamanang bumubuhay sa tao kundi ang “buhay na palitan, ugnayan ng tao sa bundok, tao sa tubig, hangin, puno, halaman, hayop at lahat ng buhay na bumubuo sa bundok.”


Ito ang dahilan ng pagmamalasakit ni Padre Pete para sa mga Dumagat ng Sierra Madre. Sila ang buhay na paalala na hindi lang tao ang tumatanggap ng pagpapala ng bundok, pananagutan din ng taong ibalik ang pagpapala sa pinanggalingan nito. Minahal tayo ng bundok, mahalin din natin siya.


Ngunit, dumating na ang malungkot at mapanganib na panahon, ang panahon ng mga dambuhalang korporasyon. Naririyan na silang mga pera at kita at wala nang iba pang pagpapahalaga sa bundok. May ginto at sari-saring mahahaling bato at kristal sa bundok. Maraming mamahaling puno at hayop at ibon. Maraming isdang tabang sa mga batis, ilog at lawa. Maraming tubig para sa pangangailangan ng mga siyudad na pumuputok na sa rami ng tao. Malinaw na perang tumataginting ang dating sa mga korporasyon ng bundok, ng Sierra Madre. 


Hindi pangangalaga at proteksyon ang tingin nila sa bundok kundi isang malaking bangko na taglay ang bilyung-bilyong salaping nakatago.


“Tara na’t bungkalin ang bundok, hakutin ang ginto at mahahaling bato, puno at kung anu-anong kayamanan nito. At napakaraming tubig na pawala na sa mga uhaw na bayan at siyudad, ngunit sagana’t tila walang kaubusang taglay nito. Tubig para sa tao, higit sa lahat para sa mga industriya at pabrikang magpapayaman at magpapalaki pa sa mga dambuhalang korporasyon. At huwag kalimutan ang tubig na magpapatakbo sa mga turbina ng kuryente. Oo, tubig para sa kuryente tulad ng planta ng kuryente sa Lucban.”


Nagkasundo na ang mga korporasyong pag-aari ng mga Rason, Araneta at ang mayor ng Pakil na simulan ang pagbubungkal at pag-aangkat ng lahat ng kayamanan ng bundok ng Pakil na sagana sa tubig. Puwedeng pagkunan ng “hydro-power” ang bundok. Tara na bungkalin at pakinabang natin ang mayamang bundok na bahagi ng Sierra Madre.


Noong nakaraang Huwebes, Pebrero 6, 2025, palabas sa isang sinehan sa Megamall ang pelikulang, “Paquil.” Naroroon ang mga artista at ang mga bumuo sa naturang pelikula. Higit sa lahat naroroon ang kagalang-galang na si Mayor Vincent Soriano ng Pakil. Naroroon din ako sa pakiusap ng mga nagmamalasakit na mamamayan ng Pakil. 


Sa tamang pagkakataon, lumapit ako sa harapan ng mayor at itinaas ang placard na ang mensahe sa nagdidilatang titik: “No To Dam in Pakil”. Siyempre, nagulat ang mayor ngunit hindi siya umalis o nagpakita ng galit. Pareho kaming mahinahon. 


At mahinahong sinabi ko rin sa kanya, “Mayor, itigil na po ninyo ang dam sa Pakil!” Tanong ng mayor, “Are you saying that dams are inherently wrong? Sinasabi po ba ninyo na likas na mali o masama ang dam? At dapat bang pasara lahat ng dam?” 


Hindi po, sagot ko. “Sinasabi po ng mga mamamayan ng Pakil na hindi tama at makasasamang magtayo ng dam sa bundok ng Pakil. Masisira ang bundok. Mapapahamak ang tao, ang kultura, ang pananampalataya, at kung anu-ano pang mahahalagang may kaugnayan sa bundok.”


Kinamayan ko ang mayor at pagkaraan ng dalawang minuto ay umalis na rin.


Nakatunganga na lang ang mga naroroon sa ‘rally ng iisa,’ ngunit kinunan ng video ng kasama kong taga-Pakil at ikinalat na sa social media ang video.

Huwag po. Huwag na huwag po ninyong pa-kill ang Pakil!


 
 
RECOMMENDED
bottom of page